Temple City

Iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na magtipon sa Nauvoo at magtayo ng templo sa lungsod. Nagsakripisyo sila para itayo ang bahay ng Panginoon at ang lungsod, at gumawa sila ng mga tipan sa loob ng templo na magpapalakas ng kanilang ugnayan sa isa’t isa at sa Diyos.
Grassy landscape with brick buildings, trees, and pathways.
Sa paghahayag ding iyon kung saan tinawag ng Panginoon ang Nauvoo na isang “batong panulok ng Sion,” iniutos din Niya sa mga Banal sa mga Huling Araw na magtayo ng templo upang maipanumbalik Niya “ang kaganapan ng pagkasaserdote” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:2, 26–28). Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Diyos ang mga ordenansa sa templo sa Nauvoo, kabilang na ang mga binyag para sa mga patay, ang seremonya ng endowment, at mga pagbubuklod ng kasal. Ang mga ordenansang ito ay kalaunang isinagawa sa loob ng Nauvoo Temple, ang sentro ng espirituwalidad ng lungsod.
Ang Temple City ng Historic Nauvoo ay isang grupo ng mga gusali at tanawin na nagbibigay ng pangkalahatang ideya tungkol sa mga paghahayag, disenyo, konstruksiyon, at mga gawaing pangrelihiyon ng orihinal na Nauvoo Temple. Nagtatampok ito ng mga kagamitan na dating pag-aari ng isang arkitekto, isang manlililok ng bato, isang bishop, at isang magsasaka na matatagpuan sa hilagang kanlurang bahagi ng Nauvoo Illinois Temple, isang muling itinayo (natapos noong 2002) na templo ng 1840s na dating nakatayo sa parehong lugar. Ang mga ipinanumbalik na lugar na ito ay tumutulong sa pagsasalaysay ng kuwento tungkol sa bahay ng Panginoon—ang pinakamalaking tagumpay ng mga Banal sa mga Huling Araw mula noong 1840s.

William and Caroline Weeks Home

Two green chairs in front of a desk with architectural drawings spread out on it.
Weeks Home, Mesa ng Opisina. Ang opisina ay ginamit tulad ng sa isang studio para sa paggawa ng mga disenyo at pakikipag-usap sa mga potensyal na kliyente.
Sina William at Caroline Weeks ay kabilang sa libu-libong Banal na nagtipon upang itayo ang Nauvoo bilang lungsod na may templo. Natuklasan ni William Weeks, isang medyo batang tagapagdisenyo at tagapagtayo mula sa Massachusetts, ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong estudyante pa siya at lumipat sa Nauvoo noong 1839, kung saan nakilala niya at pinakasalan si Caroline Allen. Itinayo nila ang kanilang bahay sa Nauvoo noong 1841, na may opisina na katabi ng sala.

Kasunod ng paghahayag noong Enero 19, 1841 (Doktrina at mga Tipan 124) na isang panawagan para sa pagtatayo ng bahay ng Panginoon sa Nauvoo, hiniling ni Joseph Smith na magsumite ng mga disenyo para sa Nauvoo Temple. Nang repasuhin ni Joseph ang mga panukala ni William, sinabi niya, “Ikaw ang taong kailangan ko.”1 Dito sa home studio ng mga Weeks, sina William at Joseph ang gumawa ng mga disenyo para sa templo. Inabot ng halos dalawang taon ang proseso at maraming rebisyon bago lubos na umangkop sa pangitain ni Joseph Smith para sa templo ang iminungkahing disenyo ni William.
Two drawings of the Nauvoo Temple’s front elevation demonstrating slight revisions to the building’s design over time.
Isang naunang bersiyon ng disenyo para sa Nauvoo Temple (kaliwa) at isang mas bagong bersiyon (kanan). Pansinin kung paanong ang tatsulok na pediment ay ginawang hugis parihaba upang magkaroon ng mas maluwag na espayo sa attic at ang disenyo ng tore ay nilagyan ng angel weathervane.
Habang idinidisenyo ang templo sa tahanang ito, pumanaw ang dalawang maliliit na anak ni Caroline Weeks dahil sa mga karamdaman, kabilang na si Laura, na namatay tatlong buwan bago ang kanyang unang kaarawan. Sa kanyang 10 anak, 3 lamang ang hindi namatay nang sanggol pa lamang. Ang pighati na dulot ng mga trahedyang ito sa buhay ay naibsan dahil sa inihayag na doktrina ng mga pagbubuklod sa templo at mga walang-hanggang pamilya.
Bedroom setting with cradle, bed, rocking chair, and other furnishings.
Weeks Home, Silid-tulugan sa Likuran.
Isa sa mga kapitbahay ni Caroline ang sumulat tungkol sa nakapapanatag na mga doktrinang ito tungkol sa kabilang-buhay kahit namatayan din ito ng mga miyembro ng pamilya. Noong 1844, lumipat si Eliza R. Snow kasama sina Stephen at Hannah Markham sa kanlurang bahagi lamang ng tahanan ng mga Weeks. Noong Oktubre ng taon ding iyon, sumulat si Eliza ng isang tula na pinamagatang “To My Heavenly Father [Sa Aking Ama sa Langit]” bilang pagdadalamhati sa pagpanaw ng kanyang ama. Ang tulang ito na naging paboritong himno kalaunan ay pinamagatang “Aking Ama” na patungkol sa mga walang-hanggang pamilya at nagbibigay ng katiyakan na hindi sa kamatayan nagtatapos ang ating buhay.

Temple Stones Pavilion

Bago pa man matapos ang mga plano nina William Weeks at Joseph Smith, sinimulan na ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pagtatayo ng templo. Isang modernong Temple Stones Pavilion ang nakatayo ngayon sa dating lupain nina William at Elizabeth Jones. Ipinapakita ng teksto at mga kagamitan ang matinding proseso ng paghuhukay, paglilok, at paglalagay ng bato para maitayo ang Nauvoo Temple. Bilang isang bihasang tagaputol ng bato, si William Jones ang lumilok sa unang moonstone para sa Nauvoo Temple. Ang kanyang asawang si Elizabeth Jones ay isa sa mga nagtatag ng Nauvoo Female Relief Society. Naglakbay siya sa malalayong lungsod para makalikom ng pondo para sa pagtatayo ng templo.
A group of people in a field cutting and moving large white stones.
Nauvoo 1842, Consecrated Labor [Nauvoo 1842, Inilaang Paggawa], ni Walter Rane, oil on canvas, 2020.
Ang sumusunod na mga illustrated slide ay nagpapaliwanag ng detalyadong proseso ng pagpapakinis ng bato bago ilagay sa mga pader ng templo. Ipinaliwanag ang paghuhukay, paghahakot, paghahati, pagputol, pag-ukit, pagpapakinis at paglalagay dahil may kinalaman ang mga ito sa pagtatayo ng templo, kabilang na ang mga paglalarawan sa mga kagamitang ginamit.

Edward and Ann Hunter Home

A fence in front of a two-story brick home with a single-story white clapboard addition. A white stone temple is atop the hill.
Hunter Home, matatagpuan sa ibaba ng dalisdis at kanlurang bahagi ng templo.
Sina Edward at Ann Hunter ay mga convert mula sa Chester County, Pennsylvania, sa labas lamang ng Philadelphia. Pagkatapos nilang sumapi sa Simbahan, ibinenta nila ang kanilang maunlad na bukirin at tinulungan ang karamihan sa mga miyembro ng kanilang branch sa Simbahan—kabilang na ang pamilya Gheen, na makikilala natin kalaunan—na lumipat sa Nauvoo. Ang mga Hunter ay nagpagawa ng isang maganda at malaking bahay bago inilipat ang kanilang pamilya sa Illinois.

Noong tag-init ng 1842, nagtago si Joseph Smith sa Hunter Home para iwasan ang mga marshal na pumasok sa Nauvoo na may layuning dakpin siya at ibalik sa Missouri.2 Habang si Joseph ay pansamantalang nakatira dito, isinulat niya ang ilang karagdagang tagubilin tungkol sa doktrina at pagsasagawa ng mga binyag para sa mga patay. Ang mga tagubilin na iyon ay isinulat sa dalawang liham para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga ito ay makikita ngayon sa Doktrina at mga Tipan bilang mga bahagi 127 at 128.
Home office setting with two chairs in front of a secretary desk.
Ang opisina ni Edward Hunter, kung saan maaaring tumayo o umupo si Joseph kasama ang kanyang tagasulat at idinikta ang mga salita sa mga paghahayag na makikita na ngayon bilang mga bahagi 127 at 128 ng Doktrina at mga Tipan.
Noong 1844, si Edward Hunter ay tinawag na maglingkod bilang bishop ng Nauvoo 5th Ward.3 Bilang bishop, si Edward ay may mga responsibilidad na tumanggap ng mga donasyon ng ikapu at pangalagaan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagtipon at muling pamamahagi ng mga handog-ayuno. Ang ilan sa mga donasyong ito ay para sa templo. Habang hinihintay ng mga tao ang paglalaan ng templo, marami ang nagsipagdala ng kanilang magagandang karpet, ceramic, mesa, at upuan para makadagdag sa mga muwebles sa templo.
Narrow room with many furnishings and artifacts packed along the walls.
Hunter Home, Summer Kitchen. Ang isang aklat na nakadispley sa mistulang bishop’s storehouse ng kusina sa labas ng mga Hunter ay kakikitaan ng mga pangalan ng mga taong nagbigay ng labor tithing sa itinatayong templo. 
Tumulong din si Bishop Hunter sa pag-organisa ng labor tithing. Ang labor tithing ay pagbibigay ng mga manggagawa ng isang araw na pagtatrabaho sa bawat sampung araw para sa pagtatayo ng templo. Itinuro ni Joseph Smith sa mga tao na ang mga nagbigay ng kanilang oras at kabuhayan ay irerekomenda na maunang pumasok sa templo. Sa Simbahan ngayon, tumutulong pa rin ang mga bishop sa pag-certify ng mga recommend para makapasok ang mga indibiduwal sa templo. Noong 1846, ang talaan ng ikapu ay isang paraan para makakuha ng recommend ang mga tao upang makapasok sa Nauvoo Temple.

William and Esther Gheen Home

Split rail fence surrounding a half lot with trees and a brick home in the background.
Gheen Home, kalahating ektarya na ibinigay bilang donasyon sa pagtatayo ng templo na may bakod sa harapan.
Tulad ng marami pang iba sa Nauvoo, agad na itinuon nina William at Esther Gheen ang kanilang pansin sa templo nang dumating sila sa Nauvoo. Nang dumating sila noong 1842, naisaayos na ang mga plano at pagtatayo ng templo. Bumili sila ng isang ektaryang lupain mula kay Joseph Smith sa ibaba lamang ng burol mula sa pagtatayuan ng templo at itinayo ang kanilang bahay na nakaharap sa lugar kung saan itinatayo ang templo. Tumulong si William Gheen sa pagtatayo ng templo sa pamamagitan ng paggawa at pagbibigay ng malaking donasyon. Sa katunayan, makikita sa mga talaan ng ikapu na noong Disyembre 1844, binayaran ni William Gheen ang kanyang ikapu sa pamamagitan ng paghati ng kanyang isang ektaryang lupain at pagbibigay sa Simbahan ng kalahati nito na nasa kanlurang bahagi.

Habang itinatayo pa ang templo, isang bautismuhan ang inilaan para sa pagbibinyag para sa mga patay. Noong 1843, dalawang beses nagpunta sina William at Esther Gheen sa bautismuhang ito at nabinyagan para sa mga kapamilya na pumanaw na bago nila natanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Three chairs facing a coffin in front of a window.
Gheen Home, Sala.
Dumating si William Gheen mula sa isang misyon noong tagsibol ng 1845 at nagkasakit pagkaraan nito. Noong Hulyo 15, 1845, namatay si William Gheen sa kanyang sariling tahanan. Sa kanyang libing, si William ay inalala bilang isang tao na “nanatiling tapat na banal hanggang kamatayan.”4 Si Esther Gheen ay nanatiling tapat. Noong Pebrero 2, 1846, mga anim na buwan matapos pumanaw ang kanyang asawang si William, si Esther ay ibinuklod kay William sa pamamagitan ng proxy sa Nauvoo Temple. Sa pagbubuklod na ito, nagkaroon siya ng pananaw na higit sa temporal na kamatayan at nakita ang hinaharap na kasama ang kanyang asawa sa kawalang-hanggan. Tinupad nito at ng iba pang katulad na mga ordenansa ang layunin ng pagtatayo ng templo—ang mga Gheen ay naging pamilyang ibinuklod magsasama-sama magpakailanman.

Katapusan

Ang mga pamilyang Weeks, Jones, Hunter, at Gheen ay kumakatawan sa maraming matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nag-ambag upang ang Nauvoo ay maging lungsod na may templo at bilang “batong panulok ng Sion.” Ang mga pagpapala ng templo na inihayag bilang bahagi ng batong panulok na ito ng Sion ay patuloy na nagbubuklod sa mga pamilya sa kasalukuyang panahon at sa iba’t ibang panig ng mundo.
1. Earl Arrington, “William Weeks, Architect of the Nauvoo Temple,” BYU Studies, tomo 19, blg. 3 (1979), 340.

2. Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Tangkang Pagpapabalik sa Missouri,” ChurchofJesusChrist.org/study/history/topics.

3. May 10 ward sa Nauvoo noong panahong iyon. Idinagdag ang ika-11 ward noong 1845.

4. Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Hulyo 16, 1845, Church History Library, Salt Lake City.