Digital Lamang
Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Pagkabuhay na Muli?
Tinitiyak ng Pagkabuhay na Muli ni Cristo na lahat tayo ay muling babangon na may panibagong katawan.
Sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay madalas nating pag-usapan ang huling linggo ni Cristo, ang Kanyang kamatayan, at ang Kanyang Pagkabuhay na Muli. Habang ginugunita ang mga pangyayaring ito, makabubuting itanong, “Ano ang ibig sabihin nito para sa akin?”
Ang Pagkabuhay na Muli ay Bahagi ng Plano ng Diyos
Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Upang matubos tayo mula sa kamatayan at kasalanan, kasama sa plano ng ating Ama sa Langit ang maglaan ng Tagapagligtas. Ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay magliligtas sa ating lahat mula sa kamatayan.”
Sa mortalidad tayo ay pisikal at espirituwal na nakahiwalay sa piling ng Diyos (tingnan sa Alma 42:6–9). Si Cristo ay isinugo upang mamuhay sa lupa bilang bahagi ng plano ng kaligtasan, upang magbigay ng paraan para makabalik ang bawat isa sa atin sa piling ng Ama sa Langit. “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22). Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Itinatama ng Tagapagligtas ang lahat ng bagay. Ang kawalang-katarungan sa mortalidad ay pansamantala lamang, maging ang kamatayan, dahil muli Niyang ipinanunumbalik ang buhay. Walang pinsala, kapansanan, pagkakanulo, o pag-abusong hindi pinagbabayaran sa huli dahil sa Kanyang lubos na katarungan at awa.”
Paano nakatutulong sa iyo na lumapit kay Cristo ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa papel ng Tagapagligtas sa plano ng Diyos?
Mga Mungkahi sa Pag-aaral:
-
Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93–96
-
Apocalipsis 20:6, 12–14
Nag-aalok si Cristo ng Kapangyarihang Magdalisay
Kapag nagkakasala tayo, maaaring makaramdam tayo ng pagkakonsensiya o ng kahihiyan, ngunit “tayo’y lilinisin [ni Cristo] sa lahat ng kalikuan” (I Ni Juan 1:9) kapag nagsisisi tayo. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli, si Cristo ay may kapangyarihan bilang “nagpapakintab at nagpapadalisay” (Malakias 3:3).
Itinanong ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Patuloy ba tayong nagpapasalamat sa walang kapantay na Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Nadarama ba natin ang nagpapadalisay na kapangyarihan nito, ngayon mismo?”
Paano ninyo nadama ang nagpapadalisay na kapangyarihan ni Jesucristo sa inyong buhay?
Mga Mungkahi sa Pag-aaral:
-
Henry B. Eyring, “Lagi Siyang Alalahanin,” Liahona, Mayo 1995, 25–26
-
Boyd K. Packer, “Washed Clean,” Liahona, Mayo 1997, 9–11
-
Santiago 4:8
Ang Pagkabuhay na Muli ay Bukal ng Pag-asa
Dahil nalupig ni Jesucristo ang kamatayan, “hindi nagtagumpay ang libingan” (Mosias 16:8).
Sabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kasama sa pagkabuhay na muli ang pisikal na pagpapanumbalik ng ating ‘wasto at sakdal na anyo’; ‘bawat biyas at kasu-kasuan,’ ‘maging isang buhok sa ulo ay hindi malalagas’ [Alma 40:23]. Ang pangakong ito ay nagbibigay ng pag-asa sa mga nawalan ng biyas; o sa mga nawalan ng paningin, pandinig, o hindi makalakad; o mga taong nawalan ng katinuan dahil sa malubhang sakit, karamdamam sa pag-iisip, o iba pang kapansanan. Nakikita Niya tayo. Pinagagaling Niya tayo.”
Paano ka mas makikinabang sa pag-asa ng Pagkabuhay na Muli sa iyong buhay?
Mga Mungkahi sa Pag-aaral:
-
M. Russell Ballard, “Umasa Kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 53–56
-
Mga Awit 33:22; 42:11