2025
Umalis na Ako sa Simbahan. Bakit Gusto Pa ng Asawa Ko na Sumapi Rito?
Abril 2025


Mga Young Adult

Umalis na Ako sa Simbahan. Bakit Gusto Pa ng Asawa Ko na Sumapi Rito?

Kapag sumapi ang asawa ko sa Simbahan, ano ang ibig sabihin nito para sa akin?

dalawang paa na nakatayo sa harap ng simbolo ng U-turn na ipininta sa isang daan na yari sa kahoy

Nang sabihin sa akin ng asawa kong si Joe na gusto niyang magpabinyag, hindi ako natuwa. Lumaki ako sa Simbahan, pero sa paglipas ng mga taon hindi ko natanggap ang ilang ideya at patakaran. Noong young adult ako, tuluyan na akong hindi dumalo sa mga miting ng Simbahan at nagsimulang pag-aralan ang iba pang mga relihiyon at namuhay nang hindi naaayon sa anumang relihiyon.

Sa panahong ito ng pagsasaliksik, nakilala ko si Joe, at nagsimula kaming magsama nang hindi kasal. Nag-alala ang pamilya ko tungkol sa akin, pero nanatiling maganda ang relasyon namin. Madalas kaming magpunta ni Joe sa mga kaganapang pampamilya at pangrelihiyon para suportahan sila. Apat na taon kaming namuhay sa ganitong paraan, at masaya naman ako.

Kalaunan ay ikinasal kami ni Joe, at di-nagtagal ay nagdalantao ako. Sa panahong ito, nagpunta kami sa isang family reunion sa partido ng pamilya ko. Araw-araw sa reunion, nagdaraos ng debosyonal ang pamilya ko. Bawat pamilya ay nagbigay ng aral o nagpatotoo. Ang isang debosyonal ay tungkol sa kung gaano kaganda ang buhay ng aking lolo’t lola at kung gaano kalaki ang papel na ginampanan ng Simbahan sa bagay na iyon. Marami rin ang nagsalita tungkol sa kung paano nagdulot ng lakas at kaligayahan ang ebanghelyo sa kanilang sariling buhay.

Kailangang Malaman Para sa Kanyang Sarili

Pag-uwi namin, determinado si Joe na makipagkita sa mga missionary. Nang tanungin ko kung bakit, sinabi niya, “Kailangan kong malaman para sa aking sarili kung ano ang mga sinasabi ng mga miyembro ng iyong pamilya.” Hinayaan ko lang siya. Naisip ko na aaralin lang naman niya ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo at sapat na iyon. Pero pagkatapos ng tatlong lesson, gusto na ni Joe na magpabinyag!

“Napakabilis naman,” sabi ko. “Sigurado ka bang alam mo ang ibig sabihin ng maging miyembro ng Simbahan?”

“Ibig sabihin, magsisimba na tayo at aalamin iyon,” nakangiting sabi niya.

Hindi ako natuwa talaga, pero napagkasunduan namin na patuloy siyang magpapaturo, pero hindi siya tatango na magpapabinyag hangga’t hindi ako OK dito.

Pagkaraan ng ilang linggo, hindi nagbago ang damdamin ko tungkol sa Simbahan. Pero iba ang nadama ni Joe. Nalaman niya ang tungkol sa pananampalataya at panalangin. May nadama siyang kapanatagan at tiwala na hindi niya naramdaman noon. At napakagandang makita iyon. Nagpasiya ako na kahit anong nararamdaman ko, hindi ko ito maipagkakait sa kanya. Napagpasiyahan namin na kung tatahakin niya ang paglalakbay na ito, gagawin namin ito nang magkasama. Kaya nagpabinyag si Joe.

Alam ng maraming taong dumalo sa binyag na lumaki ako sa Simbahan at inakala nilang tuwang-tuwa ako. Ipinagmamalaki ko si Joe sa pagiging determinado, pero kasabay niyon, natatakot din ako sa magiging kahulugan nito sa buhay naming mag-asawa.

Ang Plano Naming Pag-isipan ang mga Bagay-Bagay

Nagsimula akong magsimba kasama si Joe, at gumawa kami ng plano kung paano haharapin ang mga alalahanin ko. Ang unang hakbang ay matukoy kung ano talaga ang bumabagabag sa akin tungkol sa ebanghelyo. Bumili kami ng maliit na journal na dala-dala ko tuwing Linggo. Tuwing may nagkokomento na ikinaiinis ko, nakakakita ng isang talata sa banal na kasulatan na sa tingin ko ay tila kakaiba, o nagsasalita tungkol sa isang patakaran na salungat sa gusto ko, isinusulat ko ang aking nararamdaman.

Ilang buwan akong nagsulat ng kung anu-ano sa journal na iyon. Magsasabi ako ng mga bagay na tulad ng, “Nagagalit ako kapag sinasabi ng mga tao … ,” “Wala bang sinuman sa inyo na inalam muna kung ano ang totoo?” at “Walang katuturan iyan sa akin.” Dahil naipapahayag ko ang nararamdaman, naging mas madali na sa akin na makaunawa at magproseso. Dati, kapag may gumugulo sa isip ko, buong araw ko itong kinikimkim, at naaapektuhan nito nang hindi maganda ang karanasan ko sa simbahan. Pero sa pagsusulat ko sa aking journal, mas nasiyahan na ako sa simbahan, kahit may mga sandaling nahihirapan pa rin ako. Mas napapahalagahan ko na ito ngayon kaysa noon.

Ngayong natukoy ko na kung ano ang bumabagabag sa akin, ang susunod na hakbang ay ang pagtukoy kung bakit nakakabagabag sa akin ang mga bagay na ito. Habang kumakain kami ng hapunan tuwing Linggo, pinag-uusapan namin ni Joe ang isinulat ko sa journal ko. Minsan ang sasabihin ko lang, “Ganito ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit.” Ang paglutas ng mga bagay-bagay ay kinailangan ng maraming pag-uusap, personal na pag-iisip, at panalangin. Isang bagay na lagi kong pinaniniwalaan ay na panalangin ang pinakamahalaga at tumpak na mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa halos lahat ng bagay.

Sa pagtutulungan, natanto namin ni Joe na kapag alam mo kung sino ka at kung ano ang pinaniniwalaan mo, nagbibigay ito ng proteksyon at kapanatagan sa iyong kalooban. Kaya, sa matagal-tagal ko ring pagsusulat sa aking journal at pagtalakay nito kay Joe at sa Ama sa Langit, naubusan na ako ng maipipintas sa Simbahan.

pamilya na nakangiti

Sina Angelina at Joe Hui kasama ang kanilang mga anak

Paano naman ang tungkol sa templo?

Nang malapit na ang isang taong anibersaryo ng binyag ni Joe, nagsimula siyang magtanong tungkol sa pagpunta sa templo. Muli, ang reaksyon ko ay, “Ha! Hinay-hinay lang! Hindi pa ako handa para diyan.”

Kaya naghintay ang matiyaga kong asawa. Paminsan-minsan, may naisisingit siya sa pag-uusap namin tulad ng, “Honey, may nabasa akong magandang artikulo tungkol sa templo. Gusto mo bang basahin?” o “Babe, may napanood akong napakagandang video tungkol sa templo. Gusto mo bang panoorin natin?” Nakatutuwa ang kanyang sigasig, pero hindi pa rin ito naging dahilan para maging handa akong pumunta sa templo. Hanggang isang araw, tinanong niya ako nang tuwiran kung bakit hindi ko maramdamang handa na ako.

“Alam mong may mga isyu ako sa Simbahan habang lumalaki ako,” sabi ko. “Pero gustung-gusto kong magpunta sa templo. Paborito ko ang pagpunta-punta sa templo para sa binyag. Gustung-gusto ko ang nararamdaman ko sa templo, napakatahimik at mapayapa. Pero hindi ko alam ang iba pa tungkol sa templo. Paano kung may masabi o magawa ang isang tao na nakababagabag sa akin? Paano kung makahadlang iyon sa pagpunta ko sa templo? Ano ang saysay ng pagiging miyembro ng Simbahan kung hindi ka makapupunta sa templo? Kaya ayokong pumunta hangga’t hindi ako nakasisigurong matatag na ako.”

Maraming Pagkatanto

Nakahanap ako ng mga solusyon sa karamihan sa aking mga isyu, pero nahihirapan pa rin ako sa isa: paano ako magiging bahagi ng isang simbahan na hindi ko palaging sinasang-ayunan? Ito ang gumabay sa akin sa huling hakbang ng pagkatuto mula sa aking journal. Napagtanto ko na kailangan kong subukang maunawaan kung bakit naniniwala ang ibang tao sa kanilang pinaniniwalaan at sinasabi ang kanilang sinasabi. Kailangan kong malaman kung bakit ginabayan ng Diyos ang Simbahan na maging ganito ngayon.

Nahanap ko ang sagot sa pamamagitan ng aking asawa. Nang una niyang simulan ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon, isang linya mula sa pahina ng pamagat ang tumimo sa kanya: “At ngayon, kung may mga pagkakamali ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito, huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos.” Paulit-ulit itong binanggit ni Joe, pero ngayon ay mas makahulugan na ito sa akin.

Natanto ko na ang Simbahan ay umiiral sa di-perpektong mundo na tinitirhan ng mga di-perpektong tao. At kasama ako riyan. May mga pagkakataon na lahat tayo ay nagagawa nang mali ang mga bagay-bagay bago natin magawa ang mga ito nang tama. Natanto ko na kailangan kong tumigil sa paghusga sa iba, tulad ng ayaw kong husgahan nila ako. Lahat tayo ay kasalukuyan pang natututo at umuunlad.

Napagtanto ko rin na ang Simbahan ay sa Panginoon. Ito ay nasa Kanyang pamamahala. Oo, gumagawa Siya sa pamamagitan ng mga taong hindi perpekto, pero pinamamahalaan Niya ang Kanyang gawain. Alam Niya kung ano ang kailangan, at kailan.

Pagkatapos nito, nadama kong handa na akong magpunta sa templo. Natuwa akong malaman na napakasaya ng pakiramdam ko sa araw na iyon tulad ng nadama ko ilang taon na ang nakararaan nang magsagawa ako ng mga binyag. Sa ikatlong anibersaryo ng aming kasal, nagpunta kaming muli ng asawa ko sa templo para mabuklod sa isa’t isa at sa aming anak. Napakasarap sa pakiramdam at napakasaya ng araw na iyon. Patuloy kong iniisip na ang layunin ng lahat ng pamilya ay maging—walang hanggan. At may isa pa akong napagtanto: bagama’t maaaring may mga patakaran o doktrina na maaaring matagal pa bago ko maunawaan, mayroon ding natatangi at magagandang katotohanan sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Isa rito ang katotohanang bawat isa sa atin ay talagang maaaring kausapin ang Ama sa Langit at makatanggap ng mga sagot. Ang isa pa ay sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, nagbibigay Siya ng patnubay para sa ating panahon.

Sa pamamagitan ng aking mga karanasan, alam kong totoo na ang paghahayag para sa Simbahan (na ibinibigay sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan) at ang personal na paghahayag para sa bawat isa sa atin ay nagbibigay-daan sa Ama sa Langit na gabayan tayo na maituwid ang ating mga pagkakamali at magtagumpay. Kapag sinunod natin ang Kanyang mapa para sa ating buhay, lubos tayong magagalak na makilala Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Juan 17:3). Ipinagmamalaki ko na miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang awtor ay naninirahan sa Indiana, USA.