2025
Pagpili na Muling Magtiwala sa Diyos Matapos Makaranas ng mga Hamon sa Aking Misyon
Abril 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pagpili na Muling Magtiwala sa Diyos Matapos Makaranas ng mga Hamon sa Aking Misyon

Ang awtor ay naninirahan sa Spain.

Hindi nangyari sa misyon ko ang pinangarap ko, at dahil doon ay nalito ako at pakiramdam ko ay nag-iisa ako—hanggang sa matuto akong magtiwala sa Diyos.

isang binata na nakaupo at nakadungaw sa bintana

Nang magsimula ako sa misyon, mataas ang mga inaasahan ko. Maglilingkod ako nang tapat, magbibinyag ng maraming tao, at uuwi nang may kumpiyansa at nakasisiglang mga kuwento. Ipagmamalaki ako ng pamilya ko.

Gayunpaman, sa buong training ko, hindi inaasahang napuno ako ng pagkabalisa. Mahal ko ang ebanghelyo—hindi ko maintindihan kung bakit napakahirap para sa akin na ibahagi ito. Dahil nahirapan akong magkaroon ng tiwala sa sarili ko habang nagtuturo, nagduda ako sa sarili ko at sa aking pananampalataya.

Habang tumatagal, lalo akong na-depress (hindi rin nakatulong ang COVID 19). Hindi masyadong pamilyar ang mission president ko sa mga problema sa kalusugan ng isipan, at hindi kami laging nagkakaunawaan sa aming mga pag-uusap. Nagsimula akong magpatingin sa isang counselor, na nakatulong nang malaki, pero hindi nawala ang mga paghihirap ko sa ebanghelyo. Natakot akong kausaping muli ang mission president ko tungkol sa nararamdaman ko dahil natakot ako na baka pauwiin niya ako, at gusto kong tapusin ang aking misyon.

Mali ang paniniwala ko na hindi dapat mahirapan ang mga tao sa misyon o kapag sinisikap nilang gawin ang tama, kaya nalito ako sa sitwasyon ko. Hindi ba dapat ay kagalakan ang nararanasan ko habang ginagawa ko ang gawain ng Panginoon?

Pananampalataya sa Gitna ng Kahirapan

Matapos ang aking misyon, nahirapan akong makahanap ng mga sagot at suporta tungkol sa masalimuot kong damdamin. Hindi ako nakipag-ugnayan sa mga kompanyon ko o sa mission president ko, at nakadama ako ng labis na kahihiyan. Natakot akong ibahagi ang mga ito dahil tila walang ibang nahirapan sa kanilang mga misyon—o hindi man lang nila pinag-uusapan ang tungkol dito.

Isang araw sa simbahan, nagsalita ang Sunday School teacher ko tungkol sa kung paanong patuloy na nahaharap sa mga hamon sa buhay ang kanyang anak na lalaki, na tapat na ipinamuhay ang ebanghelyo at nagmisyon, at nadama niyang hindi ito makatarungan. Inilarawan niya ang sitwasyong iyon na naranasan ko!

Pinatotohanan niya na ang pagkakaroon ng kaalaman sa ebanghelyo ay hindi nagpoprotekta sa atin laban sa mga paghihirap at hamon, pero ang pananampalataya at pagtupad sa ating mga tipan ay makakatulong sa atin na makatanggap ng lakas mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ng kapanatagan ng Espiritu Santo.

Ang buhay ay tungkol sa pagpili na magtiwala sa Ama sa Langit sa mga sandaling iyon at magkaroon ng kapayapaan, pag-unlad, at mas malaking pananampalataya sa gitna ng paghihirap at kawalang-katarungan.

Minsan ay itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Nais kong hikayatin yaong mga may mabibigat na pagsubok, na nakadarama na naglalaho na ang kanilang pananampalataya dahil sa pagdagsa ng problema. Ang problema mismo ay maaaring magpalakas [sa inyo] at sa huli ay magkaroon [kayo] ng di-natitinag na pananampalataya.”

Natanto ko na ang mga misyon, at anumang ipagawa sa atin ng Panginoon, ay hindi laging madali. At sa lahat ng panahon, ang mga pagsubok na inakala kong nagpapahina sa aking pananampalataya ay ang mga karanasan na makapagpapalakas nito. Kailangan kong baguhin ang pananaw ko sa buhay. Sa pamamagitan ng aking Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, maaari kong hayaang mapalakas ang aking pananampalataya ng mga paghihirap na dinanas ko sa misyon at pagkatapos nito.

Muling Pagtitiwala

Itinuro kamakailan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kinakaya ng pananampalataya ang mga pagsubok at kawalang-katiyakan ng buhay dahil matibay na nakaugat ito kay Cristo at sa Kanyang doktrina. Si Jesucristo, at ang ating Ama sa Langit na nagsugo sa Kanya, ay magkasamang hindi lumilihis, ganap na maaasahang mga nilalang na mapag-uukulan ng ating tiwala.”

Kapag iba ang takbo ng buhay kaysa inaasahan natin, sa halip na maniwala na pinabayaan tayo ng Ama sa Langit o na hindi totoo ang ebanghelyo, maaari nating piliing magtiwala sa Kanya.

Nalaman ko rin kung gaano kahalaga ang makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan natin at huwag magdusa sa katahimikan. Hindi lahat ay makauunawa nang lubusan sa ating mga karanasan, pero ang makabuluhang koneksyon sa iba ay napakahalaga sa ating mental at espirituwal na kagalingan.

Lubos tayong mahal ng ating Ama sa Langit, at may Tagapagligtas tayo na nakauunawa sa atin. Nais Nilang tandaan natin na maaari tayong magtiwala sa Kanila—sa tuwina.