Digital Lamang: Mga Young Adult
4 na Paraan para Makahanap ng Kapayapaan Kapag Nahaharap Ka sa Di-Matuwid na Paghusga sa Simbahan
Kapag nakatuon tayo kay Jesucristo, madarama natin ang kagalakan at kapayapaan ng ebanghelyo sa ating buhay.
Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay isang lugar ng kagalakan, pag-asa, at pagiging kabilang. Ito ay isang komunidad kung saan maaari tayong magtipon bilang mga disipulo ni Cristo para ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya at sa isa’t isa, at ito ay isang lugar kung saan maraming tao ang may magagandang karanasan. Pero bilang mga di-perpektong tao sa di-perpektong mundo, kung minsan ay inihahambing natin ang ating sarili sa ating mga kapwa disipulo o hindi tayo nagiging makatarungan sa paghatol natin sa isa’t isa.
Siguro naranasan mo na ang mahusgahan sa pagkakaroon ng ibang opinyon. Siguro naranasan mo na ang matanggihan dahil sa maling nagawa. O baka naman nasangkot ka sa drama o tsismis kahit wala ka namang kasalanan. Bagama’t maaaring masakit ang mapintasan ng iba, lalo na kung mga miyembro pa ng Simbahan ang mga ito, si Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at paggaling. Kung nahihirapan kang madama na tanggap ka sa simbahan, narito ang apat na bagay na makatutulong sa iyo na magkaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ni Cristo.
1. Tandaan Kung Paano Ka Tinitingnan ng Panginoon
Normal lang na naising maging mataas ang tingin ng iba sa atin. Kung nahihirapan ka sa bigat ng opinyon ng iba, mahalagang tandaan na nakikita ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at minamahal ka nang lubos.
Mababasa sa Mga Taga Roma 8:39 na, “[Walang] makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” Kapag naaalala natin na mahal tayo ng pinakamakapangyarihang Nilalang sa sansinukob at nais Niya ang pinakamainam para sa atin, ang mga opinyon ng ibang tao ay hindi na gaanong mahalaga. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at kaibigan, at kilala Niya tayo nang lubos. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan at ibinubuklod ang ating sarili sa Kanila sa pamamagitan ng mga tipan, tatanggap tayo ng lakas na harapin ang mga hamon sa buhay. At kasama riyan ang lakas na makayanan ang panghuhusga at hindi pagpapakita ng kabaitan ng iba.
Sa pangitain ni Lehi, ang mga nakinig sa mga tao sa malaki at maluwang na gusali ay lumayo sa gabay na bakal at sa huli ay lumayo sa punungkahoy ng buhay (tingnan sa 1 Nephi 8:31–34). Pero tulad ng mga taong hindi nakinig sa mga nasa malaki at maluwang na gusali at mahigpit na kumapit sa gabay na bakal, kapag nakatuon ang ating puso sa salita ng Diyos at sa Kanyang walang hanggang pagmamahal, hindi natin mapapansin ang masasakit na sinasabi ng iba.
2. Magkaroon ng Kapayapaan sa Pagsisisi
Kung ikaw ay pinupuna dahil sa isang kasalanan o pagkakamali na iyong ginawa, ipaalala sa iyong sarili na tanging ang Panginoon ang lubos na nakakaalam ng iyong puso at mga intensyon. Kung kailangan, maaari kang humingi ng payo sa iyong bishop o branch president habang hinahangad mong magsisi. Kapag taos-puso mong pinagsisihan ang iyong mga kasalanan at sinikap na daigin ang iyong mga kahinaan, madarama mo ang personal na kapayapaan at tiwala na tanging ang Panginoon ang makapagbibigay.
Minsan ay ibinahagi ni Elder K. Brett Nattress ng Pitumpu ang kuwento tungkol sa isang binatang nakilala niya na nalampasan ang matinding pagkalulong sa droga. Kahit matapos makapagsisi at makapagmisyon, nag-alala pa rin ang binatang ito na baka hindi pa siya pinatawad sa mga nagawa niyang pagkakamali.
Sinabi sa kanya ni Elder Nattress, “Siyempre [pinatawad] ka na! Kahanga-hanga ka! Ngayon ang kailangan mong gawin ay ipagpatuloy ang buhay mo. Huwag mo nang balikan ang nakaraan! Asamin ang susunod na ordenansa nang may pananampalataya.”
Kung ang mga tao sa paligid mo ay nakatuon sa iyong mga nakaraang kasalanan, tingnan ang mga salita ni Isaias:
“Pumarito kayo ngayon, at tayo’y mangatuwiran sa isa’t isa, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito’y mapulang-mapula, ang mga ito’y magiging parang balahibo ng tupa.
“Kung kayo’y sasang-ayon at magiging masunurin, kayo’y kakain ng mabubuting bagay ng lupain” (Isaias 1:18–19).
Manampalataya sa katotohanan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo. Namatay Siya para sa iyo dahil nais Niyang magsisi ka at bumalik sa Kanya. Kapag sinisikap mong baguhin at iayon ang iyong buhay sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, madarama mo ang kapayapaan ng malinis na budhi.
3. Dapat Mong Malaman na Posible ang Kapatawaran o Pagpapatawad
Kung hindi matuwid ang paghusga sa iyo ng mga tao, maaaring madaling magkaroon ng sama-ng-loob. Pero ang pagtatago ng sama-ng-loob o masamang damdamin ay lalong nagdudulot ng kalungkutan.
Sa Doktrina at mga Tipan 64, itinuro ni Jesucristo:
“Nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa …
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (mga talata 9–10).
Kung nahihirapan kang magpatawad, hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang sundin ang payo ng Tagapagligtas na nasa Bagong Tipan: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, [pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, at ipagdasal] ninyo ang mga umuusig sa inyo” (Mateo 5:44).
Maaari mong madama na mas mabuting huwag kang maging malapit sa isang kaibigan o sa miyembro ng ward na humuhusga sa iyo—at OK lang iyon. Kahit na magpasiya ka na kailangan mo ng kaunting espasyo sa taong ito, matutulungan ka ng Diyos na gumaling at magpatawad.
4. Magkaroon ng mga Positibong Pakikipagkaibigan
Itinuturo sa Lumang Tipan ang kahalagahan ng mabubuting pagkakaibigan: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; … sapagkat kung sila’y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama” (Eclesiastes 4:9–10). Ang mabubuting kaibigan ay makahihikayat sa atin kapag nalulungkot tayo at mapapalakas ang ating determinasyon na umunlad.
Kung nalulungkot ka o ang pakiramdam mo ay nag-iisa ka, maaari kang maghanap ng mga pagkakataon na makipagkaibigan sa mga tao na hangad ang pinakamainam para sa iyo. Sa paghahanap mo ng mga kaibigan, ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay makapagbibigay ng ilang kapaki-pakinabang na patnubay. Maghanap ng mga taong nagsisikap na maging “matapat, totoo, malinis, mapagkawanggawa, marangal, at … [gumagawa] ng mabuti sa lahat ng tao.”
Hindi Ka Kailanman Pababayaan ni Jesucristo
Maraming beses nang sinabi noon, pero ito ay isang mahalagang katotohanang dapat tandaan—ang Simbahan ay binubuo ng mga taong di-perpekto. At kahit ginagawa natin ang lahat para matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, lahat tayo ay magkakamali. Pero kapag lumapit tayo kay Jesucristo, mararanasan natin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa at tunay na paggaling kapag nasasaktan tayo at mabibigyang-inspirasyon na humingi ng tawad sa mga taong nasaktan natin.
Kapag tila ang iba ay laban sa iyo, Siya na perpekto ay hindi ka kailanman pababayaan.