Pagsasabuhay ng Doktrina at mga Tipan
Itinuro sa Akin ng Isang Lesson mula sa Kasaysayan ng Simbahan na ang Ating mga Pagkakamali ay Hindi Batayan ng Ating Pagkatao
Itinuro sa akin ng kuwento ni William W. Phelps na mapapatawad ako sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng pagmamahal at sakripisyo ni Jesucristo.
Nakagawa ka na ba ng pagkakamali at naisip mo na sana ay mabawi mo ito? O nagsabi ka ng isang bagay at naisip mo na sana ay mabura mo ito? O nagdasal ka para humingi ng tawad pero parang hindi pa iyon sapat?
Naranasan na nating lahat iyan.
Para sa akin, madalas kong makita ang sarili ko na sumasamo sa Ama sa Langit na patawarin ako. May mga pagkakataong hiyang-hiya ako na hindi ko maunawaan na kaya akong patawarin ng sinuman, maging ng Tagapagligtas.
Nang pag-aralan ko ang mga karanasan sa kasaysayan ng Simbahan, natanto ko na baka hindi lang ako ang nakadama ng ganito. Nakakita ako ng pag-asa sa kuwento ni William W. Phelps, na isang awtor, missionary, at lider nang magsimula ang Pagpapanumbalik. Isa siyang mabuting tao. Ipinangaral niya ang ebanghelyo saanman siya maglakbay at naging mapagkakatiwalaang miyembro ng Missouri High Council. Si William ay malapit ding kaibigan ni Joseph Smith.
Ito ang dahilan kung bakit ang kanyang pagtataksil kay Joseph ay talagang napakasakit.
Pinatawad Tulad ng Alibughang Anak
Noong 1838, sinalakay at pinagnakawan ng mga mandurumog at milisya ang mga Banal sa Missouri, at sinira ang mga tahanan at binugbog ang mga nanlaban. Sa mga sumunod na pangyayari, inaresto si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan dahil sa mga krimeng wala namang batayan. Sa takot na maakasuhang kasama nila, nakipagkasundo si William W. Phelps at ang ilang iba pa sa prosecutor: tumestigo laban kay Joseph Smith at maging malaya.
Sa ilalim ng panunumpa, nakiisa si William sa iba pang mga tao sa pagbibigay ng maling patotoo laban sa Propeta. Matapos ang paglilitis, si Joseph at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay ikinulong sa Liberty Jail. Habang si William ay paalis sa korte o hukuman na isang malayang tao, naramdaman niya ang bigat ng kanyang mga ginawa. Makalipas ang ilang taon, nakatanggap si Joseph Smith ng liham mula kay William na humihingi ng tawad kay Joseph.
“Ako ay tulad ng alibughang anak,” isinulat ni William. “Lubhang bumaba ang aking pagkatao at nakadama ako ng pagpapakumbaba.”
Sumagot ang Propeta, “Sa paniniwalang totoo ang iyong ipinagtapat, at tunay ang iyong pagsisisi, masaya akong makasama kang muli, at nagagalak ako sa pagbalik ng alibughang nagsisi.”
Napuspos ng habag si Joseph Smith kay William. Tulad ng pagdiriwang ng ama sa pagbabalik ng alibughang anak sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Lucas 15:11–32), gayon din ang pagtanggap ng mga Banal kay William Phelps sa pagbabalik sa kawan.
Ang pagsisisi at pagpapatawad kay William—na malamang na tila imposible sa kanya—ay totoo na ngayon. At maaari rin itong magkatotoo sa atin!
Nagtanong sa atin si Elder Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sino sa atin ang hindi lumisan sa landas ng kabanalan, na hangal na nag-aakalang mas liligaya tayo sa sarili nating makasariling paraan?
“Sino sa atin ang hindi nakadama ng pagpapakumbaba, nabagbag ang puso, at naging desperado na mapatawad at kaawaan?”
Marahil ay masyado tayong nahihiya sa ating mga pagkakamali para maniwala na maaari tayong mapatawad. Tinitiyak sa atin ni Elder Uchtdorf, “Patakbo tayong sasalubungin ng ating Ama sa Langit, na puspos ng pagmamahal at habag ang Kanyang puso.”
Ang Pag-ibig ni Cristo ay Nakahihigit
Inamin ni Joseph Smith ang sakit na idinulot ni William: “Totoo na lubha kaming nagdusa dahil sa ginawa mo—ang saro ng kapaitan, na sapat na ang pagkapuno para lagukin ng mga mortal, ay tunay ngang umapaw nang talikuran mo kami.”
Ngunit nagpatuloy si Joseph, “Gayunman, ang [laman ng] saro ay ininom, ang kalooban ng ating Ama ay natupad.”
Kinilala ni Joseph na nabayaran na ang mga kasalanan ni William at hindi na kailangang magdusa pa si William. Ang pagsisisi ni William sa Ama sa Langit ay makapagpapalaya sa kanya mula sa pagkakonsensiya.
Sinabi ni Cristo, “Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan” (3 Nephi 11:11).
Mapagmahal na hinarap ng Tagapagligtas ang lahat ng pagdurusang kailangan para mabayaran ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Kaya kapag nagsisisi tayo at kumikilos para baguhin ang ating buhay, nais Niyang sumulong tayo nang may kagalakang tiniyak Niya para sa atin. Ayaw Niyang manatili tayong nasasaktan. Ininom niya ang “mapait na saro” upang maging sapat ang ating taos-pusong pagsisisi!
Sa Getsemani, nadama ni Jesucristo ang lahat ng pagkakanulo, kahihiyan, at sakit na mararamdaman ng sinuman. Nang walang mga kaibigan sa Kanyang tabi, ipinadala Siya upang ipako sa krus. Alam Niya na kailangan ang Kanyang sakripisyo, kaya kusang-loob Siyang namatay para sa inyo at sa akin. Pero sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay, matagumpay Siyang bumangong muli.
Si Pangulong Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang nagsabi, “Isa sa mga napakalaking kasiyahan sa panahong ito ng Paskua na dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon.”
Anuman ang mga kasalanan o pagkakamali na nagawa natin, higit pa roon ang pagmamahal ni Cristo. Hindi lamang Niya tayo tutulungang sumulong kapag taos-puso tayong nagsisisi, tulad ng natutuhan natin mula kay William W. Phelps, kundi matutulungan din Niya tayong patawarin ang iba na nagkasala sa atin, tulad ng ginawa ni Joseph Smith.
Walang mas dakilang pag-ibig na isinagawa sa kasaysayan ng mundo kaysa sa Pagbabayad-sala ni Cristo. Tulad ng alibughang anak, tatanggapin tayo ng ating Tagapagligtas at Ama sa Langit sa tuwing magbabalik tayo sa kanila.
Kaya, kung sa tingin mo ay hindi mo na kayang magpatawad, humingi ka ng tulong sa Kanila. Naghihintay Sila sa iyo.