Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Ano ang mga Espirituwal na Kaloob, at Paano Gumagana ang mga Ito?
Narito ang walong pangunahing alituntunin na makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga espirituwal na kaloob.
Hango sa mensaheng ibinigay sa mission leadership seminar noong Huwebes, Hunyo 24, 2021.
Gusto kong magtuon sa walong pangunahing alituntunin na batayan sa paggamit ng mga espirituwal na kaloob at mga huwaran kung paano tayo magiging higit na katulad ng Tagapagligtas.
1. Napakahalaga ng mga Espirituwal na Kaloob
Upang mas maunawaan ang kaugnayan ng mga espirituwal na kaloob sa mga katangian ng Tagapagligtas, ang pagsusuri sa mga pangunahing katotohanang inilahad sa huling pamamaalam ni Moroni ay makapagtuturo nang husto sa atin (tingnan sa Moroni 10). Binigyang-diin ni Moroni ang limang pangunahing punto:
-
Ang patotoo sa Aklat ni Mormon ay nakakamtan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
-
Ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinibigay sa matatapat.
-
Ang mga espirituwal na kaloob ay laging may kaakibat na pananampalataya.
-
Ang kanyang mga salita [ni Moroni] ay nagsasalita mula sa alabok.
-
Tayo ay dapat lumapit kay Cristo, maging ganap sa Kanya, at sa gayong paraan ay pabanalin ang ating mga kaluluwa.
Pansinin lamang na ang mga espirituwal na kaloob ay mga kinakailangan at mahalaga sa ating paglapit sa Tagapagligtas, upang mapagpala ng Kanyang mga katangian, at upang maging katulad Niya.
2. Ang mga Espirituwal na Kaloob ay Ibinibigay sa Pamamagitan ng Espiritu Santo
Ang mga espirituwal na kaloob ay mga pagpapala o kakayahan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Lahat ng tao na tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng wastong awtoridad ng priesthood at pagpapatong ng mga kamay ay karapat-dapat na tumanggap ng mga espirituwal na kaloob. Ang gayong mga kaloob ay ibinigay upang “pagpalain at tulungan ang mga nagmamahal sa Panginoon at nagsisikap na sundin ang Kanyang mga kautusan.”
3. Ang mga Espirituwal na Kaloob ay mga Regalo
Ang mismong pangalang “espirituwal na mga kaloob” ay nagtuturo sa atin ng isang mahalagang aral. Ang lahat ng gayong mga kaloob ay ibinibigay ng Diyos ayon sa Kanyang kalooban at tiyempo.
Ang Panginoon ang nagpapasiya kung matatangap natin ang lahat ng espirituwal na kaloob at mga katangiang tulad ng kay Cristo at kung kailan ito. Gayunman, dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin para hangarin at maging karapat-dapat sa gayong mga kaloob. Hindi natin nakukuha o nalilinang ang mga kaloob at katangiang ito gamit ang ating sariling lakas.
Lagi nating dapat tandaan na ang gawain ng pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo ay isang espirituwal na gawain. Ang hangarin natin ay espirituwal na pagbabago—hindi lamang pagpapabuti ng pag-uugali. Lahat ng mahalagang pakinabang ng personal na disiplina at paggawa ng mga mithiin, kung ang mga ito lamang ang pag-uusapan, ay hindi sapat upang matulungan tayong matanggap ang mga kaloob ng Diyos at ang mga katangian ng Panginoong Jesucristo.
Tumatanggap tayo ng mga espirituwal na kaloob kapag mapagkakatiwalaan tayo ng Diyos na tayo ay magiging kung ano ang kailangan nating maging, na gagawin natin ang kailangan nating gawin, at na magagabayan tayo ng Espiritu sa tamang lugar sa tamang panahon upang kung ang isang kaloob o mga kaloob ay ibinigay, mapapakinabangan ang mga ito sa pamamagitan natin upang pagpalain ang ibang tao.
4. Dapat ay Huwag Tayong Humadlang
Tiyak na tayo bilang mga indibiduwal ay nakikinabang sa pagbibigay ng mga espirituwal na kaloob at mga katangiang tulad ng kay Cristo. Gayunman, ang ating mga pangunahing hangarin ay dapat nakatuon sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak at hindi sa ating sariling paglago at pag-unlad.
Ang angkop na paghahangad at pagiging pinagpala na makatanggap ng mga espirituwal na kaloob at mga katangiang tulad ng kay Cristo ay nagtutulak sa atin na “huwag tayong humadlang” at tumingin nang higit pa sa ating mga hangarin, alalahanin, at personal na kagustuhan.
Inutusan tayong umasa sa Tagapagligtas sa bawat pag-iisip—at huwag mag-alinlangan at matakot. Dahil dito, ang pokus ng ating gawain ay dapat nasa Kanya at hindi sa atin. Dapat nating pahalagahan ang Kanyang mahahalagang kaloob nang higit pa kaysa sa ating kakayahan. Dapat nating kilalanin nang may pagpapakumbaba ang Kanyang magiliw na awa at mga pagpapala nang higit pa kaysa sa pag-asa natin sa ating mga talento. Dapat nating pagsikapan nang husto na iwasan ang pagkabulag na dumarating sa pamamagitan ng “pagtingin nang lampas sa tanda,” maging ang Panginoong Jesucristo. Sinabi ni Jesus, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”
5. Dapat Tayong Magkaroon ng Tunay na Layunin
Nang matapos ni Nephi ang kanyang pagtuturo at pagpapatotoo tungkol sa doktrina ni Cristo, binigyang-diin niya ang mahahalagang alituntunin sa pagtanggap ng mga pagpapala at kaloob ng Espiritu Santo:
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, alam ko na kung inyong susundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag— … masdan, pagkatapos ay inyong tatanggapin ang Espiritu Santo.”
Sa talatang ito, ang buong layunin ng puso ay nagpapahiwatig sa akin ng pagtuon lamang sa Manunubos at kahandaang “ialay ang [ating] buong kaluluwa,” maging ang ating buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas,” habang nag-iibayo ang ating pagiging disipulo at nagpapatuloy tayo sa landas ng tipan.
Ang tunay na layunin ay nagpapahiwatig ng integridad at katapatan sa ating mga motibo, hangarin, at kilos.
6. Kailangan Nating Magsimula at Magpatuloy
Si Oliver Cowdery, na nagsilbing pangunahing eskriba ni Propetang Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ay natuto ng isang mahalagang aral tungkol sa kahalagahan ng kapwa pagsisimula at pagpapatuloy. Nais ni Oliver na magkaroon ng kaloob na pagsasalin.
Malinaw na pinatagal o ipinagpaliban ni Oliver ang paggamit ng espirituwal na kaloob na natanggap niya. Kaya pinayuhan si Oliver hinggil sa kanyang papel sa gawain ng pagsasalin.
“Ito ay dahil sa hindi ka nagpatuloy tulad ng iyong pinasimulan, nang ikaw ay magsimulang magsalin, kaya aking kinuha ang pribilehiyong ito sa iyo.”
Upang magamit sa matuwid na paraan ang moral na kalayaan sa pagtanggap ng mga espirituwal na responsibilidad at ipinangakong pagpapala, kailangan na ang bawat isa sa atin ay kapwa magsimula at magpatuloy. Ang pagsisimula ay kinakailangan pero hindi sapat. Matapos magsimula, kailangan din na patuloy tayong kumilos nang ayon sa doktrina at tapat na sumulong.
Sa pagtanggap ng mga espirituwal na kaloob at mga katangiang tulad ng kay Cristo, kapwa kailangan na magsimula at magpatuloy.
7. Maaari Tayong Mabigyan ng mga Katangian ni Jesucristo
Ang ating espirituwal na muling pagsilang at pag-unlad sa landas ng tipan ay nagbibigay-daan sa atin na maging banal bilang mga bagong nilalang kay Cristo. Sa huli, kung gayon, tayo ang pangunahing pokus ng gawain ng Diyos.
Maaari tayong maging mapalad at makatanggap ng mahahalagang katangian na katulad ng kay Cristo sa buhay na ito. Tunay ngang posible para sa atin bilang mga mortal na magsikap na maging matuwid upang matanggap ang mga espirituwal na kaloob at katangiang nagbibigay-kakayahan sa atin na magmahal, maglingkod, at magpala sa iba.
8. Ang Pagiging Karapat-dapat Natin ang Susi
Ang pagiging karapat-dapat natin ang walang-alinlangan at napakahalagang susi na nagbibigay-kakayahan sa atin na palaging makasama ang Espiritu Santo at matanggap ang lahat ng espirituwal na kaloob at mga katangiang tulad ng kay Cristo.
Tandaan lamang na ginamit ko ang salitang karapat-dapat at hindi pagiging perpekto. Sa mortalidad, tayo ngayon at kailanman ay magiging di-perpekto. Hindi posibleng makamit ang pagiging perpekto sa pagkamatuwid sa mortalidad. Pero kaya natin at dapat tayong maging karapat-dapat, nagpapabuti, nagsisisi, at nagiging kung ano ang inaasahan sa atin na maging.
Masaya kong pinatototohanan na si Jesucristo ang Buhay na Anak ng Buhay na Diyos. Siya ang nagbibigay ng lahat ng mabubuting kaloob. At alam ko na Siya ay nabuhay na mag-uli at Siya ay buhay.