Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media
Ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo ay Naghahatid ng Pag-asa
Tingnan kung ano ang itinuro ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa pagkabuhay na muli.
The Resurrected Christ [Ang Nabuhay na Muling si Cristo], ni Walter Rane
Ang Pasko ng Pagkabuhay ay nagsisilbing paalala na ang buhay na ito, bagama’t may katapusan, ay hindi ang katapusan. Dahil kay Jesucristo, muling mapapasaatin ang ating pisikal na katawan at makakasama nating muli ang ating mga mahal sa buhay. Ang Kanyang walang-hanggang sakripisyo ang pinakamalaking pag-asa na mayroon tayo sa ating mortal na paglalakbay.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Nagpapasalamat ako na nasa bahay ako noong Sabadong iyon ng 2005. Natapos namin ng asawa kong si Dantzel ang aming mga gawaing-bahay at nagpasiya kaming magpahinga nang ilang minuto. Naupo kami sa sopa, naghawak-kamay, at nagsimulang manood ng isang programa sa telebisyon.
“Sa loob ng ilang sandali, bigla at di-inaasahang pumanaw nang payapa si Dantzel. Walang ibinunga ang mga pagsisikap kong buhayin siya. Nabigla ako at nalungkot. Ang pinakamatalik kong kaibigan sa loob ng halos 60 taon ay wala na.
“Sampung taon bago iyon, namatay sa kanser ang anak kong babae. Si Emily ay 37 taong gulang lamang noon. Noong 2019, namatay ang pangalawang mahal kong anak na babae sa malubhang sakit na iyon. Si Wendy ay 67 taong gulang pa lang noon.
“Sa mga panahong iyon ng kawalan, lubos akong nagpapasalamat sa aking patotoo sa Panginoong Jesucristo. Sa Kanyang tagumpay laban sa kamatayan, nakikita natin ang pangako ng sarili nating pagkabuhay na muli.
“‘Lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin’ (Mateo 28:18), pahayag ng Tagapagligtas kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Muli. Kabilang sa kapangyarihang iyan ang mga susi ng Pagkabuhay na Muli. Alam ko na gagamitin Niya ang mga susing iyon para ibangon sina Dantzel, Emily, at Wendy, tulad ng gagamitin Niya ang mga susing iyon para ibangon ang iba pang mga pamilya ng tao.
“Para sa mga anak ng Diyos, ang pagkabuhay na muli ay nangangahulugan na mawawala na ang pagtanda, panghihina, at pagkabulok. ‘Ang may kamatayang ito ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan’ (Mosias 16:10), at ‘ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo’ (Alma 11:43).
“Ginagawa ring posible ng Pagkabuhay na Muli ang isa pang muling pagsasama-sama—ang muling pagsasama-sama ng mga pamilya. Sama-sama tayong namumuhay nang may pagmamahal, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:45). Pero tulad ni Maria Magdalena, maaaring mapalitan ng mga luha ng kagalakan ang ating mga luha ng kalungkutan habang inaasam natin ang hinaharap mula sa pananaw ng isang walang-hanggang pamilya.”
Nagsalita ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:
Ang Literal na Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo
[Video]: “Sa Pasko ng Pagkabuhay, nakikiisa kami sa lahat ng mga Kristiyano sa pagdiriwang ng literal na Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo. Sa pagpapakita sa Kanyang mga Apostol pagkatapos ng Kanyang kamatayan, tiniyak Niya sa kanila na hindi Siya isang espiritu. Sa mga salita ni Lucas, na isang doktor noong panahong iyon, sinabi ni Jesus, ‘Hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin’ (Lucas 24:39).
“Ngunit ang bawat mortal ba ay mabubuhay na muli na may katawan? Ang mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ay nagbibigay ng kalinawan na nagbubuklod sa atin sa matibay na paniniwala at pagpapahayag na lahat ay mabubuhay na muli sa isang perpektong katawan. Itinuturo ng Aklat ni Mormon na ang espiritu at katawan ay muling magsasama. Inilalarawan ng makabagong paghahayag ang mga anghel bilang mga taong nabuhay na muli na may katawang laman at buto. Ang pinakatiyak ay ang sumusunod mula sa Aklat ni Mormon.
“Itinuro ng propetang si Alma, ‘Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo’ [Alma 40:23].
“Lahat tayo ay may natatanging dahilan para asamin ang pagkabuhay na muli ng isang perpektong katawan.”
Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Facebook, Abr. 6, 2023, facebook.com/dallin.h.oaks.
Ang Pagkabuhay na Muli ay Pinagmumulan ng Pag-asa at Determinasyon
“Ang patotoo na tunay na naganap ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo ay pinagmumulan kapwa ng pag-asa at determinasyon. Siya ay buhay, at dahil sa Kanyang sakripisyo, tayo ay mabubuhay na muli at mapapabanal. Si Jesus ang nagbangon na Cristo, ang ating Tagapagligtas, at ating perpektong halimbawa at gabay tungo sa buhay na walang-hanggan. Dalangin ko na sana, buong puso nating alalahanin ang Kanyang sakripisyo at ang Kanyang pagmamahal sa atin.”
Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Facebook, Abril 4, 2023, facebook.com/henry.b.eyring.
Ang Kanyang Pag-asa, ang Kanyang Kapayapaan, at ang Kanyang Pagmamahal
“Pinatototohanan ko ang kumpleto at buong katotohanan tungkol sa walang kapantay na nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Muli. Kapag itinutuon natin ang ating buhay sa kaisipang ito, ipinapangako ko na madarama natin ang Kanyang pag-asa, kapayapaan, at pagmamahal.
“Kapag hindi natin inaasahan na mawawala ang isang taong mahal natin, ang lungkot at pighati ay maaaring maging napakalaki.
“Sa huling bahagi ng nakaraang taon, biglang natapos ang buhay ng masiglang freshman ng Brigham Young University na si Anna Peterson matapos ang isang malagim na aksidente sa pagse-sled. Si Ana ay mapagpakumbaba, mapagmahal, at mabait na disipulo ni Jesucristo. Naghanap siya ng mga paraan para madama ng iba ang pagmamahal ng Diyos. Sa katunayan, katatapos lang niya ng kanyang aplikasyon para maging full-time missionary.
“Bagamat marami ang nawalan ng kaibigan nang pumanaw si Anna, ang kanyang mga magulang na sina John at Julie ay nawalan ng magandang liwanag, na inalagaan nila, ipinagdasal, at minahal nila sa loob ng 18 taon. Ang pagkamatay ng isang anak na babae ay magdudulot ng labis na hinagpis sa sinuman. Gayunpaman, sa kabila ng matinding kalungkutan na nadarama nila, pinili nina John at Julie na umasa sa Panginoong Jesucristo.
“Hiniling ko kay John—na kasama kong naglingkod bilang missionary nang pamunuan ko ang France Bordeaux Mission—at si Julie na ibahagi sa akin ang kanilang mga saloobin habang patuloy silang sumasampalataya kay Jesucristo sa harap ng trahedyang ito. Ito ang ibinahagi nila sa akin:
“John: ‘Ang biglaan at trahedyang pagkamatay ni Anna ay tila lumikha ng napakalaking sugat sa aking dibdib. Pero may balsamo sa Gilead, at nang magpasalamat kami kapwa sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa kahanga-hanga at kamangha-manghang 18 taon na nakasama namin si Anna, napuno kami ng magiliw na awa. May lakas kami para patuloy na mabuhay.’
“Julie: ‘Hindi nagtagal matapos maaksidente si Anna, napukaw ako na gawing tema ng aming mga pagsisikap ang ‘Bumaling sa Liwanag, ang Ating Tagapagligtas.’ Habang magkasama kami sa mga pagkakataong ito na piliin ang liwanag sa halip na piliin ang kadiliman para makayanan ang lahat, pinatitibay namin ang isa’t isa, at tinutulungan kami ng Panginoon sa aming pagdadalamhati. Pinili ko/namin na magtiwala sa Panginoon.’
“Taos-puso kong hinahangaan ang pananampalataya nina John at Julie kay Jesucristo. Napakagandang halimbawa nila sa akin. Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, pinatototohanan ko na kinalag ni Jesucristo ang mga gapos ng kamatayan, upang mabuhay ang lahat matapos ang kamatayan, at, higit sa lahat, ipinangako Niya sa bawat isa sa atin na kapag naniniwala tayo at sumusunod sa Kanya, makakasama natin Siya magpakailanman—oo, magpakailanman!”
Elder Neil L. Andersen, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Abr. 7, 2023, facebook.com/neill.andersen.
Maaari Kang Magtiwala kay Cristo
“Habang papalapit ang Pasko ng Pagkabuhay, pinagnilayan ko ang isang karanasan namin ng aking asawa sa aming mga pagbiyahe kamakailan sa Central America. Sa huling araw namin sa Guatemala City, dumalo kami sa isang debosyonal kung saan apat na stake Primary choir ang nagbahagi ng mga musikal at verbal na patotoo tungkol kay Jesucristo.
“Isang napakaganda at nakakaantig na araw iyon. Hindi ko malilimutan ang taimtim at simpleng patotoo ni Brother Ángel Zúñiga. Nang magbigay siya ng simpleng patotoo tungkol kay Jesucristo, nadama ko ang malakas na patotoo sa puso ko na talagang alam ni Ángel na si Jesucristo ang kanyang Tagapagligtas. Isang sandali iyon na hindi ko malilimutan.
“Kalaunan, pagkatapos ng debosyonal, nakipagkamay kami sa bawat bata. Tinanong ako ng isang batang lalaki, ‘Kumusta po si Jesus?’ Sumagot ako, ‘Mahal ka ni Jesus, at may tiwala Siya sa iyo, at maaari kang magtiwala sa Kanya.’ Ang batang ito ay tumugon sa isang malaki, at may kabatirang ngiti na pumuspos ng kagalakan sa aking kaluluwa.
“Habang iniisip natin ang ginawa ng ating Tagapagligtas para sa atin sa linggong iyon bago ang Pasko ng Pagkabuhay, inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na punuin ang inyong kaluluwa ng kaalaman na mahal kayo ni Jesus, nagtitiwala Siya sa inyo, at maaari kayong magtiwala sa Kanya.”
Elder Dale G. Renlund, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Abr. 5, 2023, facebook.com/DaleGRenlund.
Dahil sa Kanya, Laging May Pag-asa
“Sana ay magkaroon kayong lahat ng napakagandang weekend ngayong Pasko ng Pagkabuhay, na laging inaalala na ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay ay ang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Muli ng ating mahal na Tagapagligtas. Kung wala iyan, kung wala Siya, walang dahilan para magdiwang dahil wala tayong pag-asa sa mundong ito o sa mundong darating. Dapat natin Siyang laging alalahanin; dahil sa Kanya, laging may pag-asa.
“Gusto ko talaga itong sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: ‘Isa sa mga napakalaking kasiyahan sa panahong ito ng Paskua ay dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon. … Dahil sa nangyari sa Calvario alam natin ang katotohanan na hindi tayo iiwang mag-isa o ng walang tulong, kahit ganoon minsan ang pakiramdam natin. Tunay na ang Manunubos nating lahat ay nagsabi: ‘Hindi ko kayo iiwang magisa.’ …
“‘… Habang palapit ang semana santa … nawa ay maipahayag natin ang ating sarili na mas ganap na disipulo ng Panginoong Jesucristo, hindi lamang sa salita at hindi lamang sa oras na komportable tayo kundi sa gawa at sa pananampalataya, maging kapag ang landas ay malungkot at kapag mahirap pasanin ang krus. Nitong linggo ng Paskua at sa tuwina, maging tapat sana tayo kay Jesucristo “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan,” dahil tiyak na ganoon Siya naging tapat nang Siya ay namatay para sa atin at nang kailangan Niyang lubusang mapag-isa’ (pangkalahatang kumperensya, Abril 2009).
“Idinaragdag ko ang aking patotoo sa kanya na dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, walang sinuman sa atin ang maglalakad nang mag-isa. Tulad ng napakagandang sinabi ni Pangulong Camille N. Johnson sa kanyang mensahe sa kumperensya, ‘Si Jesucristo ay [nagbibigay ng] ginhawa!’ Nawa’y makamtan natin ang kaginhawahang iyan sa pamamagitan Niya, at nawa’y magkaroon tayo ng sariling tiyak na patotoo na hindi tayo mag-iisa ngayon at kailanman. Maligayang Pasko ng Pagkabuhay!”
Sister J. Anette Dennis, Facebook, Apr. 9, 2023, 2023, facebook.com/RS1stCounselor.