2025
Paano Ko Mapaglilingkuran ang Panginoon Kung Kailangan Ako ng Pamilya Ko?
Enero 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ko Mapaglilingkuran ang Panginoon Kung Kailangan Ako ng Pamilya Ko?

Kailangan kong matutuhang magtiwala sa Panginoon, hindi sa mundo.

isang dalaga na may bulaklak sa buhok na tila nag-iisip

Sa American Samoa, isang bahagi ng aming kultura ang pagsuporta ng mga anak sa kanilang mga magulang kapag matanda na ang mga ito. Dahil panganay ako, gusto kong maglingkod sa aking mga magulang hangga’t kaya ko.

Kaya nang makadama ako ng pahiwatig na magmisyon ako, naisip ko agad na hindi ito posible.

Paano ako maglilingkod sa Panginoon kung gusto kong sundin ang aking kultura at pinansiyal na suportahan ang pamilya ko?

Napagitnaan ng Dalawang Magagandang Pagpipilian

Nadama ko na hinihikayat ako ng Espiritu na magmisyon, pero hindi ko maunawaan. Nagdasal ako sa Ama sa Langit kung paano Niya inaasahan na maglilingkod ako gayong kailangan kong iwan ang aking pamilya at hindi magbigay ng aking pinansiyal na suporta.

Pero wala akong natanggap na anumang direksyon at sobrang nadismaya ako.

Pagkatapos ay naalala ko ang isang turo ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabi niya: “Kung hindi ninyo narinig ang tinig [ng Espiritu] nitong mga nakaraang araw, muling basahin at pakinggan nang may bagong pananaw ang mga banal na kasulatan. Ito ang nangangalaga sa ating espirituwalidad.”

Natanto ko na pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan at nagdarasal nang may pag-aalinlangan, takot, at kawalang-katiyakan sa aking isipan. Kung gusto ko ng sagot, kailangan kong manalangin at mag-aral nang may pananampalataya sa Ama sa Langit.

Paghahayag para sa Akin

Sa bagong pananaw na ito na manampalataya sa halip na matakot, binuksan ko ang Doktrina at mga Tipan 31, na naglalaman ng paghahayag na natanggap ni Thomas B. Marsh nang tawagin siya sa misyon. Pinanatag siya ng Panginoon, tiniyak sa kanya na magiging maayos ang kanyang pamilya habang wala siya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 31:5).

Natigilan ako sa pagkakahawig ng sitwasyon niya sa sitwasyon ko. At napanatag ako nang mabasa ko ang magiliw na mga pangako ng Panginoon kay Thomas:

  • “Pagpapalain kita at ang iyong mag-anak” (talata 2).

  • “Ipahahayag sa iyo ng Mang-aaliw kung ano ang iyong gagawin at kung saan ka magtutungo” (talata 11).

  • “Maging matapat hanggang sa katapusan, at masdan, ako ay kasama mo. Ang mga salitang ito ay hindi sa tao ni sa mga tao, kundi sa akin, maging si Jesucristo, ang iyong Manunubos, sa kalooban ng Ama” (talata 13).

Pakiramdam ko ay ako mismo ang kinakausap ng Panginoon.

Alam ko na kung magtitiwala ako sa Kanya, kami ng pamilya ko ay pagpapalain din. Kaya, taglay ang suporta ng aking pamilya, isinumite ko ang aking mga papeles sa misyon at tinawag akong magmisyon sa California, USA.

Ang Pagpili na Magtiwala sa Diyos

Ang pagtitiwala sa Ama sa Langit at hindi sa mga ideya ng mundo ay pagpiling ginagawa natin araw-araw.

Itinuro kamakailan ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu: “Kapag kulang ang ating sariling kaalaman at pang-unawa, natural na maghanap tayo ng tutulong sa atin. Sa mundong puno ng impormasyon, hindi tayo mauubusan ng mga source na hihikayat sa atin na sila ang mga solusyon sa ating mga hamon. Gayunman, … [ang] Mga Kawikaan ay nagbibigay ng pinakamagandang payo: ‘Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala’ [Mga Kawikaan 3:5]. Ipinapakita natin ang ating tiwala sa Diyos sa pagbaling muna sa Kanya kapag naharap tayo sa mga hamon.”

Napakadaling matakot sa mundong ito na puno ng napakaraming hamon. Nagkamali ako na hinayaan ko na lamunin ng mga takot ko ang aking pananampalataya at hinayaan ko na pahinain ako ng mga alalahanin ko sa mga makamundong bagay. Pero pagkatapos ng karanasang ito, alam ko na lagi nating mapagkakatiwalaan ang mga pangako ng Ama sa Langit.

Naging maunlad ang pamilya ko mula nang magsimula akong maglingkod, at labis akong nagpapasalamat para doon. Nahigitan ng mga pagpapalang natanggap ko ang mga alalahanin ko.

Kung patuloy tayong mananalangin, magsasaliksik ng mga banal na kasulatan, tutupad sa ating mga tipan, at susunod sa Tagapagligtas nang may pananampalataya sa halip na mag-alinlangan, makikita natin na may dahilan tayo para magtiwala sa Kanya at sa Ama sa Langit at hindi sa mundo.

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Liahona, Nob. 2006, 27.

  2. Paul B. Pieper, “Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Mayo 2024, 85.