Digital Lamang
3 Aral Mula sa Aking Misyon Tungkol sa Pagtatakda ng mga Mithiin
Ang pagtutuon ng pansin sa pagsisikap, kakayahang makibagay, at kagalakan sa paglalakbay—hindi sa mga istatistika o numero—ay maaaring magdulot ng tunay na kaligayahan at tagumpay sa iyo at sa mga pinaglilingkuran mo.
Nahirapan talaga ako sa pagtatakda ng mga mithiin habang lumalaki ako. Hindi ko talaga maintindihan ang layunin nito. Pero natutuhan kong magtakda ng makatotohanan at tapat na mga mithiin habang nasa misyon ako sa Dallas, Texas, USA. Mula nang umuwi ako noong 2018, tatlong mahahalagang aral ang sinunod ko tungkol sa pagtatakda ng mithiin.
Aral 1: Magpokus sa Pagsisikap at Paglilingkod
Bilang missionary, nagtatakda ako ng mga mithiin araw-araw at linggu-linggo kasama ang kompanyon ko na nakapokus sa aming mga layunin bilang missionary. Ang mga mithiing ito ay nagsimula bilang mga istatistika o numero, pero habang natututo ako at mas naunawaan kung bakit namin itinakda ang mga mithiing ito, ang mga numero ay napalitan ng mga pangalang ipinagdasal namin nang isa-isa.
Pinahahalagahan ng Panginoon ang aming mga pagsisikap at nais Niyang paglingkuran namin ang iba. Magtuon sa pagsisikap at paglilingkod sa kapwa, at ipaubaya ang mga resulta sa Panginoon. Tulad ng ipinayo ni Haring Limhi sa kanyang mga tao, “Itaas ang inyong mga ulo, at magsaya, at ibigay ang inyong tiwala sa Diyos” (Mosias 7:19). Sa halip na magtakda ng mithiing basahin ang 50 talata sa isang linggo, maaaring mas epektibo na magtakda ng mithiin na masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, na naghahangad na ibahagi ang mga natutuhan sa iba.
Aral 2: Maging Flexible at Tanggapin ang mga Pahiwatig ng Espiritu
Maraming beses sa misyon ko, nagtakda kami ng mga mithiin na nakasalalay hindi lamang sa aming mga pagsisikap kundi pati na rin sa handang gawin ng iba. Ang Kabanata 8 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo ay nagtuturo tungkol sa pagtatakda ng mga ganitong uri ng mithiin: “Ang pagkakamit ninyo sa [isang partikular na] mithiing ito ay nakadepende sa kalayaang pumili ng ibang tao. Pero gawin ang mga bagay na maaari at kaya mong gawin para makamit ito.”
Natutuhan kong umangkop o maging flexible at sundin ang Espiritu nang may mga mithiin at karanasan sa araw-araw. Maraming araw na inaasahan naming matutupad ang ilang mithiin—pero hindi nangyari ang mga ito. Sa tuwina, ginagabayan kami ng Espiritu sa mga bagong pagkakataong matupad ang aming layunin bilang missionary at tulungan ang iba. May mga hindi inaasahang sitwasyon na dumarating, at magagabayan ka ng Espiritu na baguhin ang iyong tinatahak sa halos anumang sitwasyon.
Aral 3: Magkaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay, Hindi Lamang sa Patutunguhan
Sa simula ng aking misyon, alam ko na ang mga misyon ay tungkol sa pag-unlad at paglilingkod, hindi tungkol sa bilang ng mga nabinyagan. Pero naisapuso ko lamang ito pagkatapos kong matutong maging masaya habang gumagawa ako para maisakatuparan ang isang mithiin, sa halip na kapag nakamit ko lamang ang mithiing iyon. Ang mga mithiin ay hindi lamang dapat magdulot ng kasiyahan kapag nakamit na ito; ang pagsasagawa upang makamit ang mga mithiin ay dapat ding magdulot ng kagalakan at layunin.
Ang halimbawa ng ganitong uri ng mithiin ay paghahangad na magkaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo sa pamamagitan ng araw-araw na paglilingkod. Maaari kang makadama ng kasiyahan sa pagtulong sa iba, hindi lamang sa pagtapos ng iyong “mga oras sa paglilingkod.” Natutuhan ko ito habang naglilingkod sa mga taga-Texas sa aking misyon.
Nais ng Panginoon na tayo ay “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kalooban” (Doktrina at mga Tipan 58:27; tingnan din sa mga talata 26–29). Ang mga aral na ito ay nakatulong sa akin na maunawaan kung paano maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay” sa pamamagitan ng pagtatakda at pagkakamit ng mga mithiin.