2025
Pag-alaala Kung Bakit Ko Ipinamumuhay ang Ebanghelyo
Enero 2025


“Pag-alaala Kung Bakit Ko Ipinamumuhay ang Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2025.

Mga Young Adult

Pag-alaala Kung Bakit Ko Ipinamumuhay ang Ebanghelyo

Ang pagpapaalala sa aking sarili “kung bakit” ay naghihikayat sa akin na mas mapalapit sa Tagapagligtas at sundin ang aking espirituwal na mga mithiin.

dalagitang nagdarasal

Parang magulo ang buhay ko kung minsan, pero gustung-gusto ko ang ginhawang nadarama ko habang pumapasok ako sa chapel. Isa ito sa mga dahilan kung bakit gustung-gusto kong magsimba!

At kapag naaalala ko kung ano ang gustung-gusto ko tungkol sa ebanghelyo—tulad ng pagdama sa Espiritu Santo, halimbawa—mas nahihikayat akong sundin ang aking mga espirituwal na gawi, tulad ng pagpunta sa templo, pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, at pagdarasal sa Ama sa Langit.

Dahil maaaring maging lubhang abala ang buhay, maaaring madaling malimutan ang mga simpleng bagay na ito na gustung-gusto natin. Ngunit ang regular na pagpapaalala sa aking sarili ng mga dahilan kung bakit ko ipinamumuhay at minamahal ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tumutulong sa aking panibaguhin ang aking mga espirituwal na mithiin na mas maglalapit sa akin sa Kanya at sa Ama sa Langit.

Pagtatakda ng mga Bagong Espirituwal na Mithiin

Sa simula ng bawat taon, gusto kong suriing muli ang aking mga espirituwal na mithiin sa pamamagitan ng pagsulat ng mga New Year’s resolution. Kung medyo nagmumuni-muni ka rin sa sarili at iniisip mo kung paano mo gustong mapabuti ang kaugnayan mo kay Cristo sa bagong taon na ito, itanong ito sa iyong sarili:

“Bakit ko ba minamahal ang ebanghelyo ni Jesucristo?”

Ipinaliwanag ni Sister Ann M. Dibb, dating Pangalawang Tagapayo sa Young Women General Presidency, na “nag-iibayo ang pagmamahal natin sa ebanghelyo kapag nadarama natin ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ang kapayapaang ipinangako ng Tagapagligtas kapag ipinakita natin sa Kanya na handa tayong sundin Siya.”

Ang malaman kung bakit minamahal mo ang ebanghelyo ay makakatulong sa iyo na madama at mapansin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo. Ang mindset na ito ay makakatulong din sa iyo na di-gaanong mabigatan kapag sinisikap mong itakda at abutin ang iyong mga espirituwal na mithiin.

Kabilang sa “kung bakit” ko ipinamumuhay at minamahal ang ebanghelyo ni Jesucristo ang kaalaman na ang mga pamilya ay maaaring magkasama-sama magpakailanman at ang kapayapaang nadarama ko matapos ang isang abang panalangin sa Ama sa Langit.

Anuman ang “kung bakit” mo, manangan dito—ibibigay nito sa iyo ang espirituwal na momentum na kailangan mo para maging mas mabuting disipulo ni Jesucristo.

Pamumuhay Ayon sa “Kung Bakit”

Nang kilalanin ko kung bakit ko ipinamumuhay ang ebanghelyo, nagbago ang paraan ng pagtatakda ko ng aking mga espirituwal na mithiin. Hindi ko na inisip kung ano ang hindi ko nagagawa at mas nakatuon ako sa kaya kong gawin. Naalala ko na ipinamumuhay ko ang ebanghelyo dahil mahal ko ang aking Tagapagligtas.

Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan nating tanggapin na ang mga utos ng Diyos ay hindi lamang mahabang listahan ng magagandang ideya. … Ito ay mga banal na payo, batay sa walang-hanggang mga katotohanan, na ibinigay upang maghatid ng ‘kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating’ [Doktrina at mga Tipan 59:23].”

Ang pagtupad sa aking mga espirituwal na mithiin ay nagpapaalala sa akin kung sino ako: isang banal na anak ng mga magulang sa langit. Ang alituntuning iyon ay nagbibigay sa akin ng lakas-ng-loob na harapin ang aking mga alalahanin at kahinaan sa pamamagitan ni Jesucristo (tingnan sa Eter 12:27).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo sa bahaging ito ng ating walang-hanggang pag-unlad. Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo.” Kaya sinisikap ko ang lahat sa araw-araw na manatiling malapit kay Jesucristo at alalahanin kung bakit pinili kong sundin Siya.