2025
Hindi Mabibili ng Pera ang Kaligayahan, Ngunit si Cristo ay Malayang Nag-aalok ng Kagalakan
Enero 2025


“Hindi Mabibili ng Pera ang Kaligayahan, Ngunit si Cristo ay Malayang Nag-aalok ng Kagalakan,” Liahona, Ene. 2025.

Mga Young Adult

Hindi Mabibili ng Pera ang Kaligayahan, Ngunit si Cristo ay Malayang Nag-aalok ng Kagalakan

Nang unahin ko ang pagkahumaling ko sa pera, natanto ko na pinipili ko ang mga makamundong bagay kaysa sa Ama sa Langit.

dalagitang nakatingin sa pamamagitan ng isang shop window

Mga larawan ng awtor na kuha ni Stephen Neilsen

Habang lumalaki ako, ang dami kong ambisyon. Nakita ko ang mga kaedad ko na kumikita na ng pera at nagtatagumpay sa social media. Gusto kong maging katulad nila.

Noong nag-aaral pa ako sa unibersidad at natututong magsarili, pera ang naging unang prayoridad ko. Ang tanging inasikaso ko ay ang maging kwalipikado para sa mga scholarship, makaipon, at maghanda para sa propesyon ko sa pagiging illustrator sa hinaharap.

Kahit na ang mga social media feed ko ay puno ng mga mensahe tungkol sa pagiging produktibo, pamumuhunan, at mga sideline para matulungan akong kumita pa nang kaunti. Nag-alala ako na kung hindi ko sasamantalahin ang lahat ng pagkakataong maging matalino sa perang hawak ko, hindi ako magkakaroon ng sapat na pera.

Tinanggap ko ang kulturang ito, na inaakala na liligaya ako at magtatagumpay rito. Pinangatwiranan ko palagi ang pagtutuon ko ng pansin sa pera sa pagsasabi sa sarili ko na balang-araw, kapag mas marami na akong pera, maaari akong magbigay ng mas malaking donasyon sa mga kawanggawa at maging mas mabuting tao sa gayong paraan.

Hindi ko ito napansin noon, pero nang unahin ko ang pagkahumaling ko sa pera, unti-unting naglaho ang kagalakan ko sa buhay. Mas nainggit pa ako, lalo na sa mga taong tila sobra-sobra ang pera.

Ginusto kong mas magtagumpay sa social media, sa aking propesyon, at maging sa pagtingin sa akin ng ibang mga tao. Pero tila habang lalo kong hinahabol ang tagumpay, pakiramdam ko ay lalo akong hindi nagtatagumpay—at lalo akong napapalayo sa Ama sa Langit.

Pagkilala sa Materyalismo

Pagkaraan ng halos isang taon na ganito ang pakiramdam ko, nakinig ako sa isang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. Nawalan ako ng pag-asa nang marinig ko siyang ilarawan kung anong klaseng tao talaga ang kinahihinatnan ko:

“Kahit ngayon ang ilang nagsasabi na sila ay Kristiyano ay mas naaakit sa mga bagay ng mundo—na nagbibigay-buhay sa lupa ngunit walang kabusugan tungo sa buhay na walang hanggan.”

Inakala ko na puwede kong unahin pareho ang Diyos at ang pera nang sabay, pero ang mga salita ni Pangulong Oaks at ang kabatirang ito sa Mateo 6:24 ay napatunayang totoo: “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.”

Nang matuon ang isipan ko sa mga materyal na bagay, mas nahirapan akong maakit sa ebanghelyo. Hindi ko maintindihan kung paano makakatulong ang pagsisimba at pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa aking mga ambisyon.

Bagama’t ang patuloy na pag-aaral at pagkakaroon ng matatag na kita ay nararapat na hangarin, masyado kong inuna ang mga iyon. Nahumaling ako. Natanto ko na magiging miserable ako hanggang sa matutuhan kong baguhin ang pag-iisip ko.

Pagtutuon sa Pinakamahalaga

Nanalangin ako sa Ama sa Langit at tinanong ko Siya kung puwede Niya akong tulungan na magsimulang magtuon sa pinakamahalaga. Nagsimula ako sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Habang pinag-aaralan ko ang mga talata na inakala kong nabasa ko na dati nang maraming beses, napansin ko ang mga pamilyar na kuwentong ito. Nadama ko na nakikipag-ugnayan sa akin ang Espiritu Santo!

Ang isang kuwentong may kaugnayan sa akin ay ang tungkol sa mayamang binata. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung ibig mong maging [sakdal], humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin” (Mateo 19:21).

Nang mabasa ko ang kuwentong ito sa banal na kasulatan, nahiwatigan kong tumigil at mag-isip kung paano ito angkop sa akin. Noong una, parang wala akong pagkakatulad sa mayamang binatang pinuno—mayroon na siyang kayamanan at ayaw niyang mahiwalay roon. Ako naman, sa kabilang dako, ay hindi pa mayaman, at inakala ko na matwid ang mga pagsisikap kong kumita ng mas maraming pera.

Pero hindi nagtagal ay natanto ko na mahihirapan akong ipamigay ang pera ko, tulad ng mayamang binatang pinuno. Lalo na kung iisipin na nahihirapan na akong bitawan ang paghahangad ko sa mas maraming pera.

Gusto kong muling unahin ang Ama sa Langit sa buhay ko. Nagpasiya akong buksan ang aking journal, isulat kung ano ang nadarama ko, at balikan ang mga dati kong isinulat para mas maunawaan kung ano ang nag-udyok sa pagkahumaling ko.

Nang gawin ko iyon, nagkaroon ako ng higit na kamalayan kung gaano kabaligtad ang mga prayoridad ko. Tulad ng napansin ko sa isang entry, “Patuloy kong iniisip kung paano ako makikinabang sa lahat sa halip na isipin kung paano ako magiging mas mabuti o mas makakatulong sa iba.”

Kalaunan, sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pakikinig sa Espiritu, at pagsulat sa journal, nagsimula akong magbago.

Pagtitiwala sa Diyos Patungkol sa Pera

Nakamamanghang madama na matupad ang pangako sa Mga Kawikaan 3:5–6 sa buhay ko:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

Nagsisikap pa rin akong linangin ang aking mga talento at magsikap sa aking pag aaral at propesyon sa sining. Ang paghahanap ng pinansyal na seguridad para matustusan ang ating sarili at ating pamilya ay matwid na hangarin. Gayunman, kailangang maging maingat tayo na huwag hayaang maging mas mahalaga ang paghahangad natin sa tagumpay at pera kaysa sa iba pang bagay.

Sa mga panahong ito, wala akong pakialam kung maging sikat ako o kumita ng maraming pera sa aking propesyon. Napagtanto ko na sapat na para sa akin ang mamuhay kung saan ako magmamahal sa—at makadarama ng pagmamahal mula sa—Ama sa Langit at kay Jesucristo, aking pamilya, at sining. Hindi na ako madaling magalit sa mga di-inaasahang gastusin o sa mga tagumpay ng ibang tao. Sa halip, mas tapat ako sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil patuloy akong inililigtas nito mula sa isang buhay ng kasakiman, pagkukumpara, at patuloy na kawalang-kasiyahan. At kapag nagsisimula akong makalimot, laging ipinapaalala sa akin ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta kung ano ang pinakamahalaga sa buhay.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon!

“Ang katotohanan ay mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman! Gayunpaman, kapag inilalapit ninyo ang sarili kay Jesucristo at ginagawa ninyo ang espirituwal na gawaing kailangan upang madaig ang mundo, Siya, at Siya lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.”

Pagdaig sa Sanlibutan

Ang mga pagbabago na natulungan ako ng Tagapagligtas na gawin sa aking kaluluwa ay mahimala. Alam ko na ngayon na ang tagumpay ay hindi tungkol sa pagpapatunay kung gaano ako kamangha-mangha o pag-uugnay sa aking halaga sa laki ng perang kinikita ko; ito ay tungkol sa pagpapasalamat sa oportunidad na maranasan ang mortalidad at makita ang kamangha-manghang mga pagpapalang laging ibinibigay sa akin ng Ama sa Langit. Alam ko na kung uunahin ko Siya, lahat ng iba pa ay malalagay sa tamang lugar.

Hinihikayat ko kayo na isaalang-alang ang inyong mga prayoridad sa buhay. Nakatuon ba kayo sa materyalismo at sa kung ano ang wala kayo? O nakatuon kayo sa pinakamahalaga? Maging matapat sa inyong sarili. Tingnan kung kailangan ninyong baguhin ang inyong landas pabalik sa Tagapagligtas.

Kapag pinili ninyo iyan, mas magagalak kayo kaysa inaakala ninyong posible.