2025
Talaga Bang Gusto ng Diyos ang Aking Tulong?
Enero 2025


Digital Lamang

Talaga Bang Gusto ng Diyos ang Aking Tulong?

Kapag nadarama mo na wala kang kakayahan, palalakasin ka ng Tagapagligtas at pag-iibayuhin ang iyong mga pagsisikap.

Isang grupo ng mga tao na nagpupulong at nagsasanggunian

Nadama mo ba na wala kang kakayahan? Marahil ay nakatanggap ka ng isang calling na akala mo ay hindi mo kayang gampanan, o baka nadama mo na hindi mo nagawa ang iyong mga responsibilidad. Naramdaman na nating lahat iyan. Narito ang tatlong bagay na natutuhan ko para magkaroon ako ng tiwala sa sarili.

Tinatawag ng Diyos ang Mahihina at Pangkaraniwan

Sa misyon ko, nadama kong wala akong kakayahan sa pagtuturo ng ebanghelyo sa ibang tao.

Dama ko na napakabata ko pa, walang karanasan, at hindi perpekto para makagawa ng tunay na kaibhan sa buhay ng sinuman. Gusto kong ituro ang mga kaibigan ko kay Jesucristo, pero paano?

Isang araw, pinag-aaralan ko ang Doktrina at mga Tipan at nabasa ko ang talatang ito: “Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala,” (Doktrina at mga Tipan 1:23).

Ang talatang ito ay pumuspos sa aking kaluluwa ng pag-asa at kagalakan. Hindi sinabi ng Panginoon na nais Niyang gawin ng mga perpektong tao ang Kanyang gawain. Sa halip, tinatawag Niya ang mga di-perpektong tao na may walang-hanggang potensyal—mga taong tulad natin.

Palalakasin ka ng Diyos

Nagustuhan ko ang kuwento tungkol sa kapatid ni Jared. Binigyan ng Panginoon ng pagkakataon ang kapatid ni Jared na gamitin ang kalayaan at pagkamalikhain sa pagtatanong sa kanya kung paano dapat magkaroon ng ilaw ang mga Jaredita sa loob ng kanilang madilim na gabara habang naglalakbay sila papunta sa lupang pangako. Ang kapatid ni Jared ay gumawa ng makikinis na bato na tinibag mula sa malaking bato at hiniling sa Panginoon na pailawin ang mga bato. Hinipo ng Tagapagligtas ang bawat bato at pinaningning ang mga ito (Eter 2:25; 3:1–6).

Tulad nito, kapag dinala natin sa Diyos ang lahat sa abot ng makakaya natin, mapapalaki Niya ang mga ito at magagawa natin ang mas kamangha-manghang mga bagay kaysa inaakala natin. Ang Diyos ang gumagawa ng himala, hindi tayo.

Sinabi ni Elder Vern P. Stanfill ng Pitumpu, “Dapat nating tandaan na anuman ang ating pinakamainam pero hindi perpektong handog, magagawa itong perpekto ng Tagapagligtas. Gaano man kaliit ang ating mga pagsisikap, hindi natin dapat maliitin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas.”

Mas Mahusay ang Nagagawa Mo Kaysa Inaakala Mo

May sasabihin akong sikreto sa iyo: malamang na marami kang nagagawang mas mahusay kaysa inaakala mo. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kailangang tandaan nating lahat: ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan—hindi ng pagkabagabag ng budhi! [tingnan sa 2 Nephi 2:25].”

Ang isang paraan upang hindi mabagabag ang ating budhi ay sikaping maging ganap o perpekto sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo (tingnan sa Moroni 10:32) sa halip na sa ating mga ginagawa.

“Ang pagiging [perpekto] kay Cristo,” sabi ni Elder Stanfill, ay “[pumapawi ng] bigat ng kasalanan at kakulangan, na laging binibigyang-diin kung sino tayo sa paningin ng Diyos.”

Bagama’t nahihirapan pa rin ako dahil sa nadaramang kakulangan, natututuhan kong isali ang Panginoon sa pagpapahusay ng aking sarili. Habang nagpapakumbaba ako, ginagawa Niyang kalakasan ang mga kahinaan ko (tingnan sa Eter 12:27).