Digital Lamang
Tularan si Propetang Joseph Smith: Humingi ng Personal na Paghahayag
Nangako ang Diyos na kung maghahanap tayo, matatagpuan natin.
Nadarama mo ba na hindi ka nakakatanggap ng mga sagot sa mga tanong na bumabalisa sa iyo?
Hindi ka nag-iisa.
Ilang taon na akong nahihirapan sa mga tanong at alalahanin at bumaling ako sa Diyos para sa mga sagot. Pero minsan parang sarado ang langit sa akin. Habang patuloy akong nababagabag sa mga tanong sa buhay, hindi ako palaging nakakatanggap ng malinaw na sagot. Pero bumabaling pa rin ako sa Diyos.
Simple lang ang dahilan: iyan ang ginawa ni Propetang Joseph Smith.
Noong binatilyo pa si Joseph Smith, nabasa niya sa Biblia na kung nagkukulang ka sa karunungan, dapat kang humingi ng mga sagot sa Diyos (tingnan sa Santiago 1:5). Kalaunan ay nagpunta siya sa kakahuyan, nanalangin, at tumanggap ng sagot sa pamamagitan ng makalangit na pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20). Maaaring ipinapahiwatig nito na nakatanggap siya agad ng paghahayag, pero narito ang mahalagang bahagi ng kuwentong ito: Nag-alala at nag-isip nang husto si Joseph tungkol sa pananampalataya at relihiyon bago humingi ng mga sagot.
Sa isang salaysay ng Unang Pangitain noong 1832, mga 12 anyos si Joseph nang matuon ang kanyang isipan sa “mahahalagang alalahanin tungkol sa kapakanan ng [kanyang] imortal na kaluluwa.”
Pinag-isipan niya nang mabuti ang mga nadama niyang ito sa kanyang puso at isipan sa loob ng dalawa o mahigit pang mga taon, naghanap ng mga sagot, dumalo sa iba’t ibang simbahan, at nagbasa ng Biblia (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–10). Pagkatapos ay nagpasiya siyang maghanap ng sagot sa pamamagitan ng panalangin.
Nang gawin niya ito, sa edad na 14, nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo, at itinanong ito ni Joseph: “Alin sa lahat ng [simbahan] ang tama”? (Joseph Smith—Kasaysayan 1:18.) Ang sagot sa kanya ng Panginoon ay huwag sumapi sa alinmang simbahan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19).
Ang paghahanap na ito ay hindi kakaibang karanasan. Matapos sagutin ng Diyos ang kanyang panalangin, ginugol ni Joseph ang kanyang buong buhay sa paghahanap ng mga sagot sa Panginoon, at natanggap niya ang mga ito. Marami ang nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan bilang banal na kasulatan ng Simbahan.
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isa sa mga bagay na paulit-ulit na ikinikintal ng Espiritu sa aking isipan … ay ang kahandaan ng Panginoon na ihayag ang Kanyang isipan at kalooban. Ang pribilehiyong makatanggap ng paghahayag ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak.”
Isinapuso ko ang mensaheng iyan, at ang halimbawa ni Joseph. Magagawa mo rin ito. Huwag mawalan ng pag-asa kung sa pakiramdam mo ay hindi mo natatanggap ang mga sagot na kailangan mo. Nangako ang Diyos na kung maghahanap tayo, matatagpuan natin (tingnan sa Mateo 7:7). Patuloy lamang na maghanap at, tulad ni Joseph Smith, ihahayag ng Diyos ang mga sagot sa iyo.