2025
Pinanghihinaan ng Loob? OK Lang na Maghinay-hinay
Enero 2025


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pinanghihinaan ng Loob? OK Lang na Maghinay-hinay

OK lang na maghinay-hinay. Alam ng Diyos ang tungkol sa iyo at sa iyong kalagayan.

isang paglalarawan ng isang lalaking tumatakbo

Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na hindi kinakailangang tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa sa lakas natin (tingnan sa Mosias 4:27). Kaya bakit madalas pa rin tayong sobrang nagmamadali sa bawat sandali ng buhay natin?

Ang pakiramdam na tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa lakas mo, na kailangang kumpletuhin ang isang milyong bagay, at iniisip na kailangan mong maging perpekto ngayon ay maaaring magpadama sa iyo ng panghihina at kapaguran.

Kung ikaw ay isang tao na nakadarama na tila nasa isang umiikot na buhawi ka ng walang katapusang mga gawain, responsibilidad, at obligasyon, ang matutuhan kung paano maghinay-hinay at baguhin muli ang iyong mga prayoridad ay maaaring maging susi mo para makadama ng panibagong kapahingahan at kapayapaan.

Limang Tip para sa Paghihinay-hinay

  1. Tuwing umaga, manalangin na tulungan ka ng Espiritu na manatiling nakapokus, masigla, at magamit ang oras nang matalino at epektibo. Sa buong maghapon, mapapansin mo ang mga sandali kung saan nasasagot ang iyong panalangin!

  2. Gumawa ng listahan ng lahat ng kailangan mong gawin araw-araw, at pagkatapos ay unahin ang mga bagay na pinakamahalaga. Kumpletuhin muna ang mga pinakamahalagang bagay.

  3. Magbigay ng oras sa Panginoon araw-araw. Kapag ginawa mo ito, ang lahat ng iba pa ay kusa na lang malulutas. Saan ka man naroroon sa iyong espirituwal na paglalakbay, sikaping patuloy na sumulong sa bawat araw.

  4. Pangalagaan ang iyong katawan at pag-iisip. Kapag inuuna mo ang kalusugan ng iyong katawan at pag-iisip, magkakaroon ka ng mas maraming enerhiya na gawin ang iba pang mga bagay. Makinig sa iyong katawan at sa iyong mga pangangailangan.

  5. Gawin nang paisa-isa ang mga bagay-bagay. Sa susunod na makaramdam ka ng panghihina, sabihin sa iyong sarili, “Ang tanging bagay na kailangan kong gawin sa sandaling ito ay X.” Pagkatapos mong makumpleto ang gawaing iyon, subukan itong muli sa susunod na gagawin mo.

Habang ginagawa mo ang mga tip na ito, maaari mong makita ang iyong sarili na nagtatatag ng malinaw na mga prayoridad sa iyong buhay, gumugugol ng mas maraming oras na hindi nakakonekta sa teknolohiya, o tinutulutan ang iyong sarili na magpahinga at makabawi.

Alisin ang Pressure, Tuklasin ang Kagalakan

Hindi masama ang mamuhay nang produktibo. Masaya sa pakiramdam na nagtagumpay ka at natapos mo ang mga bagay-bagay! Gayunpaman, hindi mo kailangang masyadong i-pressure ang iyong sarili o gamitin ang iyong pagiging produktibo bilang sukatan ng kahalagahan ng iyong sarili.

Ipinaliwanag ito nang napakahusay ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mas madaling maging abala. Lahat tayo ay makakaisip ng mga gagawin na pupuno sa ating iskedyul. Maaaring iniisip ng iba na nakasalalay ang kahalagahan ng kanilang sarili sa haba ng listahan ng kanilang mga gagawin. … Dahil ginagawa nilang komplikado ang kanilang buhay, kadalasan nabibigo sila, hindi nagiging masaya, at nawawalan ng saysay ang kanilang buhay.”

Hinikayat tayo ni Elder Uchtdorf na “maghinay-hinay, iakma ang ating bilis sa ating kalagayan, magtuon sa mahahalagang bagay, imulat ang mga mata at tingnan ang mga bagay na pinakamahalaga.”

Para sa akin, ang pagsasabuhay nito ay pagpiling iwanan ang phone ko sa bahay sa susunod na mamamasyal ako. Sa gayon ay talagang masisiyahan ako sa aking kapaligiran at mapag-iisipan ang aking araw!

Ang paghihinay-hinay sa buhay ay makatutulong sa atin na maalis ang hindi kinakailangang pressure at makadama ng higit na kagalakan.

Magagawa ng Tagapagligtas na Gawing Perpekto ang Ating Pinakamainam na Pagsisikap

Itinuro ni Elder Vern P. Stanfill ng Pitumpu: “Dapat nating tandaan na anuman ang ating pinakamainam ngunit hindi perpektong handog, magagawa itong perpekto ng Tagapagligtas. Gaano man kaliit ang ating mga pagsisikap, hindi natin dapat maliitin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas.”

Kapag natataranta ako sa dami ng mga gawain, nababalisa tungkol sa aking kinabukasan, o nag-aalala na hindi ko naaabot ang aking potensyal, nagtitiwala ako sa katotohanan na kayang gawing perpekto ng Tagapagligtas ang aking maliit—pero taimtim—na mga pagsisikap.

Nagtitiwala ako sa Diyos ding iyon na nagdala ng kapayapaan at kapanatagan sa Kanyang mga anak sa loob ng libu-libong taon. Tinulungan Niya ako, at alam kong tutulungan ka rin Niya.

OK lang na maghinay-hinay. Alam ng Diyos ang tungkol sa iyo at sa iyong kalagayan.

Mahal ka Niya!