“Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History: ‘Ang mga Tagapagligtas ay Aahon sa Bundok ng Sion,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History: ‘Ang mga Tagapagligtas ay Aahon sa Bundok ng Sion,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda para sa Templo: Lesson 204
Pakikibahagi sa Gawain sa Templo at Family History
“Ang mga Tagapagligtas ay Aahon sa Bundok ng Zion.”
Ang Tagapagligtas, Manunubos, at Tagasagip ay mga titulo na tumutukoy kay Jesucristo bilang Siyang hinirang ng Ama sa Langit upang iligtas tayo mula sa ating nahulog na kalagayan (tingnan sa Isaias 61:1–3). Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na samahan Siya sa Kanyang gawain bilang “mga tagapagligtas” (tingnan sa Obadias 1:21) habang nakikibahagi tayo sa pagsagip sa ating mga yumaong ninuno. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na maging mas katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain sa templo at family history.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng isang bagay na may kaugnayan sa gawain sa templo at family history, tulad ng isa sa sumusunod:
Gumawa ng account sa FamilySearch.org.
Maglaan ng ilang minuto sa pagtuklas ng impormasyon tungkol sa inyong pamilya sa FamilySearch.org.
Maghanap ng pangalan ng isa sa inyong mga ninuno na may mga ordenansa pang kailangang tapusin sa templo.
Hilingin sa isang magulang o lolo’t lola na magbahagi ng isang bagay tungkol sa kanilang buhay o tungkol sa isang ninuno.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Hahayo para sumagip
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng salitang Pagsagip.
Pagkatapos ay ipakita ang larawan ng mga pioneer sa Martin at Willie handcart at anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga detalye mula sa larawan na nagsasaad ng pangangailangang masagip. O maaari mong tanungin ang mga estudyante kung ano ang alam nila tungkol sa pangyayaring inilalarawan sa larawang ito. Maaaring makatulong ang sumusunod na buod.
Mula 1856 hanggang 1860, libu-libong pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw ang naglakbay sa Lambak ng Salt Lake gamit ang mga kariton. Noong Oktubre 1856, nagpadala si Brigham Young ng mga tagasagip para tulungan ang mga Martin at Willie handcart company na daan-daang milya pa ang layo habang mabilis na paparating ang taglamig.
Ibinahagi ni Bishop W. Christopher Waddell ng Presiding Bishopric ang sumusunod:
Inilarawan ng isang miyembro ng Willie company ang desperadong sitwasyon bago dumating ang pangunahing pangkat ng tagasagip. Sabi niya: “Nang tila mawawala na ang lahat, … at tila kakaunti lang ang natitirang dahilan para mabuhay pa, tulad ng isang kulog mula sa maaliwalas na kalangitan, sinagot ng Diyos ang aming mga dasal. Isang grupo ng mga tagasagip, na may dalang pagkain at mga supply … , ang natanaw. … Laking pasalamat namin sa Diyos sa pagsagip sa amin.”
Ang mga tagasagip na ito ay mga bayani sa mga pioneer, inilagay ang sariling buhay sa panganib na dulot ng matinding sama ng panahon upang maiuwi nang ligtas ang lahat hangga’t maaari. (“Higit Pa sa Isang Bayani,” Liahona, Nob. 2023, 89)
-
Kung isa kayo sa mga stranded na pioneer na ito, bakit ninyo ituturing na bayani ang mga tagasagip na ito?
Maaari kang magpakita ng larawan ng isa sa iyong mga ninuno. Maaari kang magbahagi sa mga estudyante ng kaunting impormasyon tungkol sa ninunong ito.
Gayundin, hinihikayat tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na sagipin ang ating mga yumaong ninuno. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain sa templo at family history.
-
Paano maaaring kailanganin ng ating mga yumaong ninuno na masagip tulad ng mga handcart pioneer?
Kung kinakailangan, maaari mong ipaliwanag na kailangan nating lahat ang mahahalagang ordenansa upang makabalik sa Ama sa Langit, kabilang ang pagbibinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at endowment sa templo. Hindi matatanggap ng ating mga yumaong ninuno ang mga ordenansang ito nang sa sarili lang nila. Naghanda ang Panginoon ng paraan para matanggap nila ang mga ordenansang ito sa pamamagitan ng gawain sa templo para sa mga patay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:15).
Pag-isipan ang mga sumusunod:
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history? Bakit?
Sa buong lesson na ito, itala ang anumang espirituwal na pahiwatig na tutulong sa iyo na matukoy ang mga paraan na maaari kang maging isa sa mga tagasagip ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyong mga ninuno.
Mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion
Maaari kang magdrowing ng isang simpleng larawan ng bundok at templo at anyayahan ang mga estudyante na gawin din ito sa kanilang mga study journal. Lagyan ang drowing ng label na Bundok ng Sion. Pagkatapos ay ibuod o basahin ang sumusunod para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Obadias.
Pagkatapos mabihag ang Jerusalem, ipinropesiya ng propetang si Obadias na marami sa inapo ni Esau (ang kambal na kapatid ng propetang si Jacob) ang malilipol dahil sa kasamaan. Ipinropesiya rin ni Obadias ang tungkol sa pagsagip na gagawin para sa mga inapo na ito at sa marami pang iba. Maaaring makatulong na malaman na sa talatang ito, maaaring tumukoy ang “Bundok ng Sion” sa lungsod ng Jerusalem at sa templo nito.
Basahin ang Obadias 1:17, 21, at alamin ang mga salitang nagpapaalala sa inyo sa templo.
Maaaring tukuyin ng mga estudyante ang mga salitang tulad ng kaligtasan, kabanalan, o mga tagapagligtas. Anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “ang mga tagapagligtas ay aahon sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21).
-
Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng maging isang “tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21)?
Ipinaliwanag ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Binibigyan tayo ng Panginoon ng banal na pagkakataon na maging lalong katulad Niya sa paggawa natin ng nagliligtas na proxy na mga ordenansa sa templo na kailangan ng iba pero hindi nila magawa para sa sarili nila. Tayo ay nagiging mas buo at ganap sa ating pagiging “mga tagapagligtas … sa Bundok ng Zion.” (“Maligaya Magpakailanman”, Liahona, Nob. 2022, 85)
Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang kahulugan ng proxy ay kumatawan sa ibang tao.
Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong sa ilalim ng kanilang drowing na templo.
-
Ano ang natutuhan mo mula kina Obadias at Elder Gong tungkol sa pagiging “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21)?
Bagama’t maaaring gumamit ng iba’t ibang salita ang mga estudyante, maaari nilang ibahagi ang sumusunod na katotohanan: Magiging mas katulad tayo ng Tagapagligtas kapag natagpuan natin ang ating mga ninuno at isinagawa ang mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanila sa templo.
-
Paano maikukumpara sa maliit na paraan ang gawain sa templo para sa inyong mga yumaong ninuno sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin?
Maaari mong ipaliwanag na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, masasagip tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan—isang bagay na hindi natin magagawa para sa ating sarili (tingnan sa Alma 34:8–12). Gayundin, maaari tayong tumulong na sagipin ang ating mga ninuno habang isinasagawa natin ang mga nakapagliligtas na ordenansa para sa kanila—isang bagay na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.
-
Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang maaari nating malinang habang hinahanap natin ang ating mga ninuno at isinasagawa ang mga ordenansa para sa kanila sa templo?
Pagsisimula
Ayusin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang pumili ng numero sa pagitan ng 1 at 4. Pagkatapos ay ipamahagi ang handout na “Apat na Paraan para Makibahagi sa Gawain sa Templo at Family History.” Anyayahan ang bawat grupo na basahin ang talata na tumutugma sa bilang na pinili nila at pagkatapos ay talakayin ang mga tanong sa ibaba sa kanilang grupo. O maaari nilang basahin ang lahat ng apat na paraan at pumili ng isang gusto nilang pagtuunan ng pansin.
Ipakita ang mga sumusunod na tanong. Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa palibot ng kanilang drowing na templo.
-
Ano ang mga praktikal na paraan na magagawa ng isang tinedyer ang iminungkahi ni Elder Gong?
-
Ano ang iba pang mga paraan na maaari tayong makibahagi sa gawain sa templo at family history? (Maaari kang magsama ng mga karanasan mo o ng iba.)
Mag-anyaya ng ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa klase. Maaari mong isulat ang kanilang mga sagot sa palibot ng drowing na templo sa pisara. Maaari kang makakita ng mga karagdagang ideya sa artikulong “Family History Is for Everyone: 9 Fun Ways to Participate,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
Kung may oras pa, gamitin ang feature na Ordinances Ready sa FamilySearch.org para ipakita sa mga estudyante kung paano magreserba ng mga pangalan para sa templo.
-
Ano ang mga pagpapala o karanasan ninyo nang makibahagi kayo sa gawain sa templo at family history?
Ang iyong mithiin
Humingi ng tulong sa Espiritu Santo habang gumagawa ka ng mithiin sa iyong journal na gawin ang isa sa mga mungkahing nakalista sa pisara. Maaaring makatulong sa iyo ang mga sumusunod na ideya:
-
Paano at kailan mo magagawa ang gawain sa family history
-
Sino ang makatutulong sa iyo
-
Paano ka matutulungan ng mithiing ito na maging higit na katulad ni Jesucristo
Maaari mong banggitin na maraming ward at branch ang may mga temple and family history consultant na makatutulong sa mga estudyante na makapagsimula sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history.
Tapusin sa pamamagitan ng pagpapahayag ng tiwala sa kakayahan ng iyong mga estudyante na maging mga tagasagip at “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21).