“Si Jesucristo ang Sentro ng Lahat ng Pagsamba sa Templo: ‘Upang Ako’y Makapanirahan sa Gitna Nila,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Si Jesucristo ang Sentro ng Lahat ng Pagsamba sa Templo: ‘Upang Ako’y Makapanirahan sa Gitna Nila,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda para sa Templo: Lesson 201
Si Jesucristo ang Sentro ng Lahat ng Pagsamba sa Templo
“Upang Ako’y Makapanirahan sa Gitna Nila”
Ang templo ay isang banal na lugar na inilaan at natatangi sa mundo para tulungan tayong mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang sentro ng ating pagsamba ay matatagpuan sa nakasulat sa bawat templo: “Ang Bahay ng Panginoon.” Ang lahat ng bagay sa templo ay nakasentro sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magkaroon ng mas matinding hangarin na mas mapalapit kay Jesucristo sa Kanyang bahay.
Paghahanda ng estudyante: Upang tulungan ang mga estudyante na maghanda para sa lesson na ito, anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga pagpapalang natanggap nila, o ng iba pang kakilala nila, sa pagdalo sa templo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang sentro ng pagsamba sa templo
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng gulong ng bisikleta o anupamang bagay na may natatanging sentro. Maaari mong iakma ang mga tanong batay sa bagay na pipiliin mong ipakita.
-
Bakit mahalaga ang sentro ng gulong ng bisikleta?
-
Paano maaapektuhan ang gamit ng gulong kapag tinanggal ang sentro?
Sa pagtalakay tungkol sa templo, itinuro ni Elder Allen D. Haynie ng Pitumpu:
[Si Jesucristo] ang dahilan kaya tayo nagpupunta sa templo. Siya na ating Ama sa Langit ang nagnanais na magkita tayo sa templo. Siya ang sentro ng bawat simbolo, bawat ordenansa, bawat tipan, at bawat inaasam na pagpapala sa templo. Ang paghahanap kay Jesus sa templo ay nagbibigay-daan para maunawaan natin kung bakit tayo nasa templo at kung bakit dapat tayong bumalik doon. (“Pakikipagkita kay Jesucristo sa Bahay ng Panginoon,” Liahona [Artikulong Digital Lamang], Mar. 2025)
-
Paano nakakaapekto ang pag-alaala na nakasentro sa Tagapagligtas ang lahat ng ginagawa natin sa templo sa mararanasan mo roon?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t magagandang gusali ang mga templo, mas napapalapit tayo kay Jesucristo dahil sa nangyayari sa loob ng templo.
Upang higit pang ilarawan ang puntong ito, maaari mong ipanood ang video na “A Symbol of Jesus Christ” (1:11).
Para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga nadarama tungkol sa templo, maaari mong ipakita ang sumusunod na scale at mga tagubilin.
Gamit ang ibinigay na scale, pag-isipan kung paano mo iraranggo kung gaano katindi ang pagsang-ayon mo sa bawat isa sa mga sumusunod na pahayag:
-
Ang templo ay isang lugar kung saan ako pumupunta upang madama ko na malapit ako kay Jesucristo.
-
Nais kong patatagin ang aking ugnayan sa Tagapagligtas sa Kanyang banal na bahay.
Sa buong lesson ngayon, isulat ang mga impresyon na maaari mong matanggap mula sa Espiritu na magpapaigting ng iyong hangaring magpunta sa templo.
Mga Templo sa Lumang Tipan
Upang matulungan ang iyong mga estudyante na maunawaan ang layunin ng mga templo gamit ang Lumang Tipan, maaari mong isulat sa pisara ang “Ang tabernakulo” at “templo ni Solomon.” Maaari mong ipakita ang mga kasamang larawan ng mga gusaling ito at anyayahan ang mga estudyante na subukang itugma ang larawan sa pangalan at ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa bawat isa.
Kung makatutulong, maaari mong ibahagi ang sumusunod:
Ang tabernakulo ay ang unang bahay ng Panginoon, o templo, na binanggit sa Lumang Tipan (noong mga 1300 BC). Ito ay isang portable o nadadalang istruktura para sa mga Israelita habang naglalakbay sila sa ilang. Ang templo ni Solomon ay isang permanenteng bahay ng Panginoon na itinayo sa Jerusalem (noong mga 1000 BC). Ang templo ay nawasak kalaunan at muling itinayo (noong mga 500 BC). Sa tuwing inuutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na magtayo ng bahay para sa Kanya sa Lumang Tipan, nagbabahagi Siya ng mga katulad na pangako.
Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro at sabihin sa bawat estudyante sa grupo na magbasa ng at mag-ulat tungkol sa isa mga sumusunod na passage. Para matulungan ang mga estudyante na maalala ang layunin ng Panginoon para sa mga templo, maaari mo rin silang anyayahang iugnay ang mga talatang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.
Basahin ang mga sumusunod na scripture reference, at alamin kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao kung magtatayo sila ng bahay para sa Kanya.
-
Exodo 25:8 (tabernakulo)
-
1 Mga Hari 6:12–13
-
Hagai 2:7
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring ibuod ng bawat grupo ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa tatlong passage na ito na maiaangkop sa mga templo ngayon.
Maaaring natukoy ng mga estudyante ang isang bagay na tulad ng iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo upang Siya ay makapanirahan kasama nila.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “makapanirahan” ang Panginoon na kasama natin?
Maaaring ang ibig sabihin ng “makapanirahan” ang Panginoon na kasama natin ay madama ang Kanyang presensya at kapangyarihan, higit na makilala Siya, at mapapatibay ang ating ugnayan sa Kanya.
Mga pagpapala mula sa pagsamba sa Panginoon sa Kanyang bahay
Ang isang paraan kung paano natin nakikita ang katibayan na naninirahan ang Panginoon kasama natin sa Kanyang bahay ay sa pamamagitan ng mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin kapag pumupunta tayo sa templo.
-
Anong mga pagpapala ang nakita ninyo, o sa palagay ninyo ay maaaring dumating, mula sa pagsamba sa Panginoon sa Kanyang bahay?
Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.
Ang pag-aaral ng sumusunod na pahayag ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga karagdagang pagpapala na nagmumula sa pagsamba sa Panginoon sa Kanyang bahay. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa kanila ang pahayag nang magkasama at ipasagot sa kanila ang mga kasamang tanong.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
[Ang] mga taong naglilingkod at sumasamba sa bahay ng Panginoon … [ay makakaasa] na makatanggap ng mga sagot sa panalangin, personal na paghahayag, higit na pananampalataya, lakas, kapanatagan, higit na kaalaman, at higit na kapangyarihan.
Ang paggugol ng oras sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal at maunawaan kung sino talaga kayo, ano ang maaari ninyong kahinatnan, at ano ang uri ng magiging buhay ninyo magpakailanman. Ang palagiang pagsamba sa templo ay magpapahusay sa paraan kung paano ninyo nakikita ang inyong sarili at kung paano kayo naaakma sa dakilang plano ng Diyos. Pangako ko iyon sa inyo.
… Mahal kong mga kapatid, ito ang aking pangako. Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo hanggang sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos. Wala nang higit na magbibigay sa inyo ng espirituwal na kapanatagan sa mga panahon ng pasakit. Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala! (“Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 121, 122)
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ni Pangulong Nelson ang maaaring tumugon sa mga tunay na pangangailangan ng mga tinedyer?
-
Alin, kung mayroon, sa mga pagpapalang ito mula sa Panginoon ang naranasan ninyo o ng kakilala ninyo?
Pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na talakayin nang may kapartner ang mga tanong, maaari mong anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang natalakay nila kasama ang anumang tanong nila tungkol sa mga pagpapala.
Gawin itong personal
Para matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga pagpapalang ito, maaari mo silang bigyan ng pagkakataong isulat ang kanilang mga sagot sa isa o lahat ng sumusunod na tanong sa kanilang journal. Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi ang isinulat nila.
-
Paano mo nadamang mas malapit ka sa Panginoon sa templo?
-
Paano mo naranasan ang alinman sa mga pagpapalang nakalista bilang resulta ng pagdalo sa templo?
Pumili ng isa sa mga pagpapalang nakalista na gusto mong matanggap.
-
Sa palagay mo, bakit mo magagamit ang pagpapalang ito sa iyong buhay ngayon?
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng patotoo o personal na karanasan tungkol sa mga paraan na madarama nating malapit tayo sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay.