“Paghahanda na Pumasok nang Karapat-dapat sa Templo: Ang Temple Recommend,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paghahanda na Pumasok nang Karapat-dapat sa Templo: Ang Temple Recommend,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda para sa Templo: Lesson 203
Paghahanda na Pumasok nang Karapat-dapat sa Templo
Ang Temple Recommend
Pinabilis ng Panginoon nitong mga nakaraang taon ang pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngayon higit kailan pa man, may mas magagandang pagkakataon ang mga miyembro ng Kanyang Simbahan na makapasok sa Kanyang banal na bahay kapag sila ay handa na at karapat-dapat para gawin ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pagkamarapat na pumasok sa banal na templo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Upang tulungan ang mga estudyante na maghanda na mas matuto pa tungkol sa mga pamantayang itinakda ng Panginoon para makapasok sa templo, anyayahan silang basahin ang mga tanong sa temple recommend na matatagpuan sa apendiks ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022]. Anyayahan silang pumasok sa klase na may anumang tanong na maaaring mayroon sila tungkol sa mga pamantayang ito.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Rekomendado sa Panginoon
Para matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang mga pamantayan ng Panginoon sa pagpasok sa Kanyang bahay, maaari mo silang anyayahan na pag-isipan ang kanilang sagot sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Sino ang irerekomenda mong:
-
Gumawa ng mahalagang soccer kick? Bakit?
-
Tumulong sa iyong mag-aral para sa isang paparating na pagsusulit? Bakit?
-
Kumanta nang mag-isa? Bakit?
-
Magbigay ng mga direksyon sa iyo? Bakit?
-
Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol ang karanasan niya noong binisita niya ang kanyang biyenan sa nalalapit na pagwawakas ng buhay nito. Nang bumisita si Elder Rasband, paalis na ang bishop ng kanyang biyenan. Ikinuwento niya ang sumunod na nangyari:
Binanggit ko kay Blaine [kanyang biyenan], “Ang bait ng bishop dahil bumisita siya.”
Tumingin sa akin si Blaine at sumagot, “Higit pa ito sa pagdalaw. Hiniling ko sa kanya na pumunta dahil gusto kong magpainterbyu para sa aking temple recommend. Gusto kong pumanaw na rekomendado sa Panginoon.” At gayon nga ang ginawa niya! (“Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 23)
-
Ano sa tingin ninyo ang ibig sabihin ng pagiging “rekomendado sa Panginoon”?
Kung hindi ito binanggit ng mga estudyante, maaari mong sabihin na bilang bahagi ng mapagmahal na plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, Siya at ang Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagtatag ng mga pamantayan para makapasok sa templo. Ang pagsunod sa mga pamantayang ito ay nagrerekomenda sa atin na pumasok nang marapat sa Kanilang bahay.
Habang nag-aaral tayo ngayon, bigyang-pansin nang mabuti ang mga madarama ninyo at ang mga ideya na maaaring pumasok sa inyong isipan at puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3). Sa ganitong paraan kayo matutulungan ng Espiritu Santo na matanto kung ano ang nagagawa ninyo nang mabuti, at ang mga paraan kung paano ninyo mapagbubuti ang inyong mga pagsisikap na sundin ang Kanilang mga pamantayan upang makapasok nang karapat-dapat sa Kanilang bahay.
Pagpasok sa templo upang sambahin ang Panginoon
Makatutulong sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag at mga scripture reference na maunawaan na nagtatag ang Panginoon ng mga pamantayan para makapasok sa Kanyang banal na bahay. Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro at ipabasa sa bawat miyembro ng grupo ang isa sa mga scripture reference.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol at ang mga banal na kasulatan na nakalista sa ibaba, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa pagpasok sa bahay ng Panginoon:
Ang templo ay ang bahay ng Panginoon at isang banal na kanlungan mula sa mundo. Binabalot ng Kanyang Espiritu ang mga sumasamba sa loob ng mga banal na pader na iyon. Itinatakda Niya ang mga pamantayan sa pagpasok natin bilang Kanyang mga panauhin. (“Rekomendado sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2020, 23)
Mga Awit 24:3–4 (ang “bundok ng Panginoon” ay maaaring kumatawan sa templo)
Jeremias 7:1–3 (si Jeremias ang propeta noong panahon ng kasamaan sa Juda.)
Ezekiel 44:4–5, 9 (ang maaaring ibig sabihin ng “tandaan mong mabuti” sa talata 5 ay “bigyang-pansin”; ang maaaring ibig sabihin ng “hindi tuli sa puso” sa talata 9 ay hindi paghiwalay ng kanilang sarili mula sa kasalanan at sa sanlibutan)
-
Anong mga katotohanan tungkol sa pagpasok sa bahay ng Panginoon ang maaari nating matutuhan sa pahayag ni Elder Rasband at sa mga scripture passage na ito?
Maaaring matukoy ng mga estudyante ang iba’t ibang katotohanan tulad ng:
Itinakda ng Panginoon ang mga pamantayan ng pagkamarapat upang makapasok sa Kanyang bahay.
Inatasan ng Panginoon ang mga priesthood leader na tiyaking papasok tayo sa Kanyang bahay nang karapat-dapat.
Maaari mong ipaliwanag na habang inaanyayahan ang lahat na maghandang pumunta sa templo, dapat nating maabot ang pamantayan ng pagkamarapat ng Panginoon para makapasok sa Kanyang bahay.
-
Paano naging katibayan ng Kanyang pagmamahal at mga hangarin para sa atin ang mga pamantayan ng Panginoon sa pagpasok sa Kanyang templo?
Habang sinasagot ng mga estudyante ang naunang tanong, tulungan silang maunawaan na ang pagsunod sa mga pamantayan ng Panginoon ay tumutulong sa atin na maging katulad Niya, nagbibigay sa atin ng kakayahan na makita kung ano ang ginagawa natin nang mabuti sa ating mga pagsisikap na lumapit sa Kanya, at pinagpapala tayo ng Kanyang Espiritu at kapayapaan.
Mga tanong para sa temple recommend
Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang nalalaman nila tungkol sa mga kinakailangan ng Panginoon para makapasok sa Kanyang bahay, anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga tanong para sa temple recommend sa appendix ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022] sa Gospel Library. Bilang alternatibo, maaari mong ipamahagi ang mga pisikal na kopya ng gabay na aklat, pahina 36–37 mula sa gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan o isulat ang mga tanong nang direkta sa pisara.
Basahin ang mga tanong para sa temple recommend na matatagpuan sa appendix ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022] at gawin ang sumusunod:
-
Basahin ang mga tanong para sa temple recommend at pag-isipan (1) kung nauunawaan mo ang itinatanong at (2) kung paano tayo maihahanda ng pagsunod sa mga pamantayang ito na pumasok sa banal na bahay ng Panginoon.
-
Pumili ng isa sa mga tanong na gusto mong pag-aralan pa ang tungkol dito.
Ipamahagi sa bawat estudyante ang kopya ng handout na pinamagatang “Ang mga Tanong para sa Temple Recommend.” Anyayahan silang isulat ang tanong na natukoy nila sa kahon sa itaas ng handout. Pagkatapos ay maaaring kumpletuhin ng mga estudyante ang natitirang bahagi ng handout. Ang karagdagang tulong sa pag-unawa sa ilan sa mga tanong ay matatagpuan sa bahaging Karagdagang Resources ng lesson na ito sa Gospel Library.
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbahagi ng mga kabatirang natanggap nila mula sa Espiritu Santo sa kanilang pag-aaral. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa maliliit na grupo at pag-anyaya sa bawat tao na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila sa kanilang pag-aaral. Maaari nilang ipaliwanag kung paano nakatulong sa kanila ang nahanap nila na maunawaan ang mga pamantayan ng Panginoon para makapasok sa Kanyang bahay. Hikayatin ang mga estudyante na itala ang mga kabatirang natutuhan nila mula sa kanilang mga kaklase sa likod ng kanilang handout.
-
Paano tayo matutulungan ng pagsunod sa mga pamantayan ng Panginoon para makapasok sa Kanyang bahay na maging higit na katulad Niya?
-
Paano naging katibayan ng Kanyang pagmamahal ang mga pamantayang ito?
Personal na pagninilay
Habang pinagninilayan ng mga estudyante ang kanilang pagiging karapat-dapat na pumasok ng templo, pag-isipan kung ano ang maaaring nararamdaman ng iyong mga estudyante. Ano kaya ang ilan sa kanilang mga alalahanin? Paano ka makapaghahanda para matulungan sila na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang pagtiyak ng Tagapagligtas na sa pamamagitan Niya ay maaari silang maging karapat-dapat? Ang pagbabasa sa sumusunod na pahayag ay isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na makadama ng pag-asa na makakapasok sila nang karapat-dapat sa bahay ng Panginoon sa tulong ng Tagapagligtas.
Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ninanais ng ating Ama sa Langit na makapasok ang Kanyang mga anak sa Kanyang kaharian. Pag-isipan kung paano maaaring maiangkop din ang kanyang ibinahagi sa Kanyang pagnanais na makapasok ang Kanyang mga anak sa Kanyang banal na bahay.
Mga kaibigan ko, mga kapwa ko disipulo sa landas ng mortal na buhay, ang magandang plano ng ating Ama, maging ang Kanyang “kamangha-manghang” plano, ay nilayon upang iuwi kayo, hindi upang hindi kayo papasukin sa kahariang selestiyal. Walang sinumang naglagay ng harang sa daan at nagtalaga ng isang tao roon para pabalikin at paalisin kayo. Sa katunayan, kabaligtaran ito. Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo. “Nais [Niya] na ang lahat ng Kanyang mga anak ay piliing bumalik sa Kanya,” at ginagawa Niya ang lahat para matulungan tayong makauwi sa Kanya. (“Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 87) (time code na 2:16 hanggang 3:01)
Tiyaking may sapat na oras ang mga estudyante para gawin ang sumusunod na pagninilay.
Pagnilayan ang iyong personal na pagiging karapat-dapat na makapasok sa bahay ng Panginoon. Ang isang paraan kung paano mo ito magagawa ay basahing muli ang mga tanong para sa temple recommend at tahimik na sagutin ang bawat isa para sa iyong sarili. Sa iyong study journal, o sa likod ng iyong handout, sagutin ang sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay mo ang nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malaman, maramdaman, o gawin mo?
Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na maging karapat-dapat o manatiling karapat-dapat na pumasok sa templo at sa kahandaan ng Tagapagligtas na tulungan tayong maghandang pumasok sa Kanyang bahay.