“Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Susundin ang mga Batas ng Pagsunod at Sakripisyo: Ang Tipan na Sumunod sa Diyos at Magsakripisyo para sa Kanya,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Susundin ang mga Batas ng Pagsunod at Sakripisyo: Ang Tipan na Sumunod sa Diyos at Magsakripisyo para sa Kanya,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda para sa Templo: Ang mga Batas ng Pagsunod at Sakripisyo: Lesson 202
Sa Templo, Nakikipagtipan Tayo na Susundin ang mga Batas ng Pagsunod at Sakripisyo
Ang Tipan na Sumunod sa Diyos at Magsakripisyo para sa Kanya
Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak. Ang isa sa mga paraan kung paano ipinapakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal ay sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa Kanyang mga anak na makipagtipan sa Kanya sa templo. Kasama sa mga tipang ito ang ating pangakong sundin ang batas ng pagsunod at ang batas ng sakripisyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga batas ng pagsunod at sakripisyo na ipinagkatipan natin na susundin sa endowment.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang tanong na ito bago pumasok sa klase: Paano ako pagpapalain ng paggawa ng mga karagdagang tipan sa Ama sa Langit?
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang layunin ng mga templo
Simulan ang lesson na ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit nila gugustuhing makipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang sumusunod ay isang paraan upang magawa ito. Maaari kang magsimula sa pagtukoy ng ilang mahihirap na sitwasyon na maaaring kaharapin ng mga tao sa buhay na maaaring humantong sa paglayo nila sa Diyos. Ang ilang ideya ay maaaring diborsiyo, sakit, o pagkawala ng trabaho.
-
Bakit nagiging dahilan ng mga tao ang ilang mahihirap na sitwasyong kinakaharap nila para ilayo nila ang kanilang sarili sa Diyos?
-
Bakit napakahalaga sa mga ganitong uri ng sitwasyon na manatili tayong malapit sa Diyos sa halip na ilayo ang ating sarili sa Kanya?
Pagnilayan kung paano tayo makapaghahanda sa mga hamon ng buhay upang manatili tayong malapit sa Diyos at matanggap natin ang Kanyang tulong at kapangyarihan.
Magdala sa klase ng tatlong elastic band na pang-ehersisyo. Anyayahan ang tatlong estudyante na pumunta sa harap ng klase o ipakita ang mga kasamang larawan at ilarawan kung ano ang nangyayari. I-loop ang unang exercise band sa mga kamay ng unang estudyante. I-loop ang pangalawang exercise band nang dalawang beses sa mga kamay ng pangalawang estudyante. Pagkatapos ay i-loop ang pangatlong exercise band nang tatlong beses sa mga kamay ng pangatlong estudyante.
Sabihin sa bawat isa sa tatlong estudyante na paglayuin ang kanilang mga kamay para makita kung sino ang pinakamadaling makagagawa nito. Maaari mo ring itanong sa klase kung sino sa tingin nila sa tatlong estudyante ang pinakamadaling maaalis ang mga kamay sa exercise band.
Bilang alternatibo, maaari mong ibahagi ang video na “Stronger and Closer Connection to God Through Multiple Covenants,” mula sa time code na 4:13 hanggang 5:44 kung saan ipinakita ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang object lesson na ito sa pamamagitan ng tatlong young adult.
-
Ano ang maituturo sa atin ng object lesson na ito tungkol sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos?
Ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo mapagpapala ng pakikipagtipan sa Diyos:
Bawat tipan ay nagdaragdag ng isang bigkis, na mas naglalapit sa atin at nagpapatibay ng ating kaugnayan sa Diyos.
… Kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa buhay, nababawasan ang posibilidad na lumayo tayo sa Diyos. (“Stronger and Closer Connection to God Through Multiple Covenants,” [debosyonal sa Brigham Young University, Marso 5, 2024], 2, 3, speeches.byu.edu)
Maaari mong hilingin sa mga estudyante na tukuyin ang ilan sa mga tipan na ginawa natin sa Diyos.
Nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit sa templo bilang bahagi ng endowment sa templo. Bilang bahagi ng endowment, nakikipagtipan tayo na susundin ang mga batas ng pagsunod, sakripisyo, ebanghelyo ni Jesucristo, kalinisang-puri, at paglalaan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2). Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga batas ng pagsunod at sakripisyo.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat ang sumusunod sa kanilang journal: Bilang bahagi ng endowment sa templo, nakipagtipan tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na ipamumuhay ang batas ng pagsunod at batas ng sakripisyo.
Ang mga batas ng pagsunod at sakripisyo
Ang kasamang handout na “Ang mga Batas ng Pagsunod at Sakripisyo,” ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pag-unawa sa mga batas na ito. Ang mga sumusunod ay ilang paraan kung paano makukumpleto ng mga estudyante ang handout:
1. Maaaring gumawa ang mga estudyante nang may kapartner, kung saan kukumpletuhin ng bawat kapartner ang isang bahagi. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang kanilang natutuhan.
2. Maaaring gumawa nang mag-isa ang mga estudyante at pumili ng isang bahaging gusto nilang kumpletuhin. Pagkatapos kumpletuhin ang bahagi, maaari silang maghanap ng isang taong nag-aral ng ibang bahagi at ibahagi ang kanilang natutuhan.
3. Maaaring hatiin ang mga estudyante sa mga grupong may tigtatatlong miyembro. Pagkatapos ay maaaring italaga sa bawat estudyante ang isa sa tatlong tanong na sasagutin tungkol sa pagsunod. Pagkatapos talakayin ang natutuhan nila tungkol sa pagsunod, maaari din nilang gawin iyon para sa sakripisyo.
Ang natutuhan ko
Maaaring pagtibayin ng Espiritu Santo ang mga katotohanang natutuhan ng mga estudyante habang nagbabahagi sila ng mga karanasan at patotoo. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng personal na karanasan o mag-isip ng isang tao na halimbawa ng pagsunod o ng kahandaang magsakripisyo para sa gawain ng Panginoon. Maaaring makatulong na magbahagi ng personal na karanasan o halimbawa. Maaaring gamitin ang mga sumusunod na tanong habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga karanasan, bilang bahagi ng talakayan sa klase, o para sagutin ng mga estudyante sa kanilang study journal.
-
Paano tayo matutulungan ng pagsunod sa mga batas ng pagsunod at sakripisyo na maging higit na katulad ni Jesucristo?
-
Paano tayo matutulungan ng pakikipagtipan na susundin ang dalawang batas na ito sa templo na mas mapalapit sa Diyos at mapalakas ang ating koneksyon sa Kanya?