“Pagdaig sa mga Balakid sa Patuloy na Pag-aaral: Paggamit ng Lahat ng Available na Resources,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagdaig sa mga Balakid sa Patuloy na Pag-aaral: Paggamit ng Lahat ng Available na Resources,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap: Lesson 190
Pagdaig sa mga Balakid sa Patuloy na Pag-aaral
Paggamit ng Lahat ng Available na Resources
Itinuro ng Panginoon na “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan” (Doktrina at mga Tipan 93:36). Bukod pa rito, paulit-ulit na itinuturo ng mga lider ng Simbahan ang tungkol sa kahalagahan ng edukasyon. Gayunpaman, kung minsan ay nagpapahirap sa ating pag-aaral ang mga balakid. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang resources na mayroon upang madaig ang mga balakid sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtukoy sa mga balakid
Tandaan: Ang mga balakid sa patuloy na pag-aaral ay magkakaiba sa buong mundo. Maaaring kailanganin mong iangkop ang mga sitwasyon o mga posibleng balakid batay sa inyong lugar at sa pangangailangan ng iyong mga estudyante.
Maaaring simulan ang klase sa pamamagitan ng pagdrowing o pagpapakita ng larawan ng isang tinedyer na nakatanaw sa kabilang dako ng ilog sa isang representasyon ng edukasyon sa hinaharap tulad ng nasa ibaba. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na sitwasyon.
Sa isang lesson kamakailan sa seminary, ibinahagi ng titser ni Liam ang ilang pahayag mula sa mga lider ng Simbahan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon pagkatapos ng high school. Naniniwala si Liam sa payong ito at gusto niyang sundin ito. Ngunit habang iniisip niya ang hinaharap, napupuno ang kanyang isipan ng lahat ng balakid na maaaring humadlang sa kanya sa pagkamit ng kanyang mithiin.
Pagkatapos ibahagi ang karanasan ni Liam, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ilista ang mga posibleng balakid sa o malapit sa larawan ng ilog na maaaring humadlang kay Liam o sa iba pang tinedyer na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Kung ginawa ng mga estudyante ang paghahanda ng estudyante, maaari mo silang anyayahan na magbahagi ng ilang balakid mula sa kanilang listahan.
Hikayatin ang mga estudyante na parehong pag-isipan ang mga panlabas at panloob na balakid. Maaaring kabilang sa mga panlabas na balakid ang mga restriksyon sa pananalapi, mabababang grado, o kakulangan sa mapapasukan. Maaaring kabilang sa mga panloob na balakid ang mababang kumpiyansa o kawalan ng pag-asa o hangarin.
Para tulungan ang mga estudyante na maisip ang mga posibleng balakid sa kanilang patuloy na pag-aaral, maaari mo silang anyayahan na gawin ang sumusunod.
Sa inyong study journal, sagutin ang mga tanong na ito:
-
Aling mga balakid (mula sa pisara o iba pa) ang ikinababahala ninyo na maaaring maging hadlang sa pagpapatuloy ng inyong pag-aaral?
-
Gaano kayo kakumpiyansang malalampasan ninyo ang mga balakid na ito?
-
Paano kayo matutulungan ng Tagapagligtas na malampasan ang mga balakid na ito?
Sa lesson ngayon, maghangad ng mga impresyon mula sa Espiritu para matulungan kayong matukoy ang mga partikular na paraan upang malampasan ang inyong mga balakid sa pag-aaral.
Pagtawid sa Ilog Jordan
Para tulungan ang mga estudyante na gamitin ang mga banal na kasulatan para malaman kung paano malampasan ang mga balakid sa kanilang pag-aaral, maaari mong talakayin ang salaysay tungkol kay Josue at sa mga anak ni Israel na tumawid sa Ilog Jordan (tingnan sa Lesson 62: “Josue 2–4” para sa karagdagang detalye). Maaari mong basahin o ibuod ang sumusunod na talata, kung kinakailangan.
Nang dumating si Josue at ang mga anak ni Israel sa Canaan, ipinangako sa kanila ng Panginoon ang buong lupain sa kabilang panig ng Ilog Jordan (tingnan sa Josue 1:1–7). Gayunpaman, humarap sila sa balakid ng pagtawid sa umaapaw na ilog upang makamit ang kanilang mithiin (tingnan sa Josue 3:15).
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante para basahin at talakayin ang mga sumusunod na talata. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang mga katagang “tatayo na isang bunton” (talata 13) at “naging isang bunton” (talata 16) ay tumutukoy sa paghinto ng daloy ng tubig ng Ilog Jordan.
Basahin ang Josue 3:6–8, 13–17, at alamin ang sumusunod:
-
Ang matatapat na pagkilos na ginawa ng mga saserdote upang makatawid ang mga anak ni Israel sa Ilog Jordan
-
Ang tulong ng Diyos para makatawid ang mga anak ni Israel sa Ilog Jordan
Maaaring ibahagi ng mga estudyante sa mga kapartner ang natuklasan nila. Maaari nilang talakayin kung paano nalampasan ng mga anak ni Israel ang balakid dahil sa matatapat na pagkilos ng mga saserdote at sa tulong ng Panginoon.
Pagkatapos ay maaari mong itanong sa klase ang sumusunod:
-
Paano makatutulong ang salaysay na ito sa isang tinedyer na humaharap sa mga balakid sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral?
Sa inyong study journal, magsulat ng pahayag ng katotohanan na batay sa inyong natutuhan na maaaring iangkop sa pagharap sa mga balakid sa pagpapatuloy ng inyong pag-aaral.
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang sarili nilang mga salita para ibahagi ang isang katotohanang tulad ng: Kapag sumusulong tayo nang may pananampalataya kay Jesucristo, tutulungan Niya tayong malampasan ang mga balakid na kinakaharap natin.
-
Bakit maaaring kinakailangan ang pagsulong nang may pananampalataya kay Jesucristo (paggawa ng lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya) para malampasan ang mga balakid sa pag-aaral?
-
Bakit maaaring kailanganin ang paghahangad ng tulong ng Diyos upang malampasan ang mga balakid sa pag-aaral?
Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na kabilang sa pagsulong nang may pananampalataya kay Jesucristo ang anumang pagsisikap na maaari nilang gawin. Halimbawa, ang pakikipag-usap sa isang tagapayo, pagkita ng pera, at tapat na pagbabayad ng mga ikapu ay paraan ng pagsulong nang may pananampalataya kay Jesucristo upang malampasan ang mga balakid sa pag-aaral.
Sitwasyong sasanayin
Ang sumusunod na aktibidad ay tumutulong sa mga estudyante na magsanay sa mapanuring pag-iisip. Maaari mong ituro sa mga estudyante na makatutulong sa atin ang mapanuring pag-iisip na gumawa ng mabubuting desisyon. Kabilang dito ang (1) pag-oobserba at pangangalap ng impormasyon tungkol sa desisyon, (2) pagtatanong tungkol sa inyong inoobserbahan, (3) pagtalakay ng inyong mga obserbasyon sa iba, at (4) paglutas ng mga problema batay sa inyong natututuhan. Maaari mong ipagawa sa mga estudyante ang bawat isa sa mga hakbang na ito bilang bahagi ng aktibidad na ito.
Anyayahan ang mga estudyante na gumawa sa isang piraso ng papel ng isang sitwasyon na may balakid na nauugnay sa isang tinedyer. Kung kailangan nila ng tulong, maaari nilang punan ang mga patlang sa sumusunod na pangungusap.
Alam ni (pangalan ng tinedyer) na mahalaga ang edukasyon pagkatapos ng high school. Ngunit ang isang balakid sa pagpapatuloy ng kanyang pag-aaral ay (maglarawan ng balakid).
Pagkatapos ay maaari mong kolektahin ang mga nakumpletong sitwasyon, paghalu-haluin ang mga ito, at muling ipamahagi ang mga ito sa klase.
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang handout na “Pangangalap ng Impormasyon sa Pagdaig sa mga Balakid sa Pag-aaral” at mga aral na natutuhan nila sa Josue 3 upang tulungan silang sagutin ang mga tanong sa ibaba tungkol sa sitwasyong natanggap nila. Maaari nilang isulat ang kanilang mga sagot sa likod ng papel ng sitwasyon.
-
Ano ang maaaring itanong ng taong ito habang pinag-iisipan niya ang available na resources? Kanino nila maaaring talakayin ang ilan sa kanilang mga tanong?
-
Anong mga pagkilos ang maaaring gawin ng taong ito sa pagsulong nang may pananampalataya kay Jesucristo upang malampasan ang kanyang balakid?
-
Paano matutulungan ng Diyos ang taong ito na malampasan ang kanyang balakid?
Maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga sitwasyon at payo. Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan kung saan nakatulong ang Diyos sa kanila o sa isang kakilala nila na malampasan ang isang balakid sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. O maaari kang magbahagi ng halimbawa mula sa “Elder and Sister Gilbert’s Comments,” mula sa time code na 3:25 hanggang 5:48 sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult noong Mayo 2024.
Pangwakas
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang listahan ng mga personal na balakid na natukoy nila sa simula ng klase. Hikayatin silang humingi ng patnubay mula sa Espiritu habang sinasagot nila ang sumusunod na tanong sa kanilang mga journal.
-
Anong resources ang maaari ninyong gamitin mula sa talakayan ngayon upang matulungan kayong malampasan ang mga balakid at maghanda para sa edukasyon sa hinaharap?
-
Anong matatapat na pagkilos ang maaari ninyong gawin upang matulungan kayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malampasan ang inyong mga balakid?
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagpapatotoo na kapag masaya nating ginagawa ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya, tutulungan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na malampasan ang ating mga balakid sa pagpapatuloy ng ating pag-aaral.