“Paghahangad ng Personal na Paghahayag para sa Aking mga Tanong: Pag-unawa sa Kung Paano Nangungusap sa Iyo ang Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paghahangad ng Personal na Paghahayag para sa Aking mga Tanong: Pag-unawa sa Kung Paano Nangungusap sa Iyo ang Panginoon,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Doctrinal Mastery: Paghahanap ng mga Sagot sa Aking mga Tanong: Lesson 162
Paghahangad ng Personal na Paghahayag para sa Aking mga Tanong
Pag-unawa sa Kung Paano Nangungusap sa Iyo ang Panginoon
Nais ng Ama sa Langit na ihayag ang Kanyang isip at kalooban sa Kanyang mga anak. Makatutulong ang kaalamang ito habang naghahanap tayo ng mga sagot sa ating mga tanong, gumagawa ng mahahalagang desisyon, at nagsisikap na maging mas mahuhusay na disipulo ni Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano sila makatatanggap ng patnubay at paghahayag mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkilala sa mga tinig
Sa pagpasok ng mga estudyante sa klase, magtalaga sa ilan sa kanila ng magkakaibang numero at sabihin ang mga sumusunod na tagubilin: “Kapag tinawag ko ang numero ninyo, pakisabi, ‘Nangungusap ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’” Ipaliwanag na kapag tinawag ang kanilang numero, maaari nilang piliing bigkasin ang pahayag nang pabulong o sa regular na boses.
Para simulan ang klase, anyayahan ang mga estudyante na ipikit ang kanilang mga mata. Ipaliwanag na susubukan nilang tukuyin ang kanilang mga kaklase sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga tinig. Tumawag ng iba’t ibang numero nang paisa-isa. Pagkatapos sabihin ng estudyanteng nakatalaga sa bawat numerong tatawagin mo ang pahayag, anyayahan ang natitirang bahagi ng klase na itaas ang kanilang mga kamay kung kilala nila kung sino ang nagsalita.
Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:
-
Madali ba o mahirap kilalanin kung sino ang nagsasalita? Bakit?
-
Bakit maaaring mahirap para sa isang bisita sa ating klase na tukuyin kung sino ang nagsalita?
Ipakita ang sumusunod na self-assessment at anyayahan ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang mga sagot.
Pag-isipan ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong itala ang ilan sa mga naisip mo sa iyong study journal.
-
Gaano kalaki ang kumpiyansa ko na makikilala ko ang tinig ng Panginoon sa aking buhay?
-
Ano ang mga tanong ko tungkol sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Ama sa Langit?
Maaari mong patotohanan na nais ng Ama sa Langit na mangusap sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Ipaliwanag na kapag naghahangad tayo ng paghahayag, tutulungan Niya tayong madagdagan ang ating kumpiyansa sa pagkilala sa Kanyang tinig at pagtanggap ng mga sagot at patnubay mula sa Kanya.
Isang marahan at banayad na tinig
Habang tinatakasan ang mga taong gustong kitlin ang kanyang buhay, nagtago ang propetang si Elijah sa isang kuweba (tingnan sa 1 Mga Hari 19:1–10). Habang naroon, nangusap sa kanya ang Panginoon.
Basahin ang 1 Mga Hari 19:9–12, at alamin kung ano ang nalaman ni Elijah tungkol sa kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Panginoon.
-
Ano ang nalaman ninyo tungkol sa Panginoon mula sa karanasan ni Elijah?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy na ang isa sa mga paraan ng Panginoon sa pakikipag-ugnayan sa atin ay sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo.
Maaaring mapaisip ang ilang estudyante kung talagang mangungusap ang Diyos sa kanila at maaaring hindi nila alam kung paano makikilala kapag ginawa Niya ito. Ang sumusunod na pahayag at aktibidad sa pag-aaral para sa 3 Nephi 11 ay nakatutulong na matugunan ang mga alalahaning ito.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Maaari tayong manalangin sa ating Ama sa Langit at tumanggap ng patnubay at direksyon…. Kung talagang tatanggapin natin ang Espiritu Santo at matututuhang makilala at maunawaan ang Kanyang mga pahiwatig, magagabayan tayo sa malalaki at maliliit na bagay.
…Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo! (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 94–95)
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante para basahin ang mga sumusunod na talata. Para matulungan ang mga estudyante na mag-aral, anyayahan silang huminto sandali pagkatapos basahin ang bawat talata at talakayin sa kapartner nila sa pagbabasa kung ano ang nalaman nila na makatutulong sa atin na marinig at makilala ang paghahayag mula sa Diyos.
Basahin ang 3 Nephi 11:1–7, at alamin ang maaari nating matutuhan tungkol sa pakikinig at pagkilala sa paghahayag mula sa Diyos.
-
Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagtanggap ng paghahayag mula sa salaysay na ito?
Pagkilala sa paghahayag mula sa Diyos
Ipaliwanag na ang isa sa mga paraan kung paano natin matututuhang makilala ang tinig ng Panginoon sa ating buhay ay ang pag-unawa sa iba’t ibang paraan kung paano Siya maaaring makipag-ugnayan sa atin. Para matulungan ang mga estudyante na matutuhan kung paano maaaring makipag-ugnayan sa atin ang Panginoon, maaari kang magpakita sa kanila ng isang smartphone o magpakita ng larawan nito at isulat ang sumusunod na tanong sa pisara.
-
Ano ang ilang paraan kung paano kayo makatatanggap ng mga mensahe sa pamamagitan ng isang smartphone?
Kabilang sa mga posibleng sagot ang tawag sa telepono, text messaging, in-app messaging, at maging ang mga larawang pinipili nating ipakita sa ating mga telepono. Pagkatapos ng maikling talakayan tungkol sa tanong sa itaas, burahin ang pariralang “isang smartphone” at palitan ito ng “Espiritu Santo.”
-
Ano ang ilang paraan kung paano kayo makatatanggap ng mga mensahe sa pamamagitan ng Espiritu Santo?
-
Ano ang ilang paraan kung saan ang pagtanggap ng mga mensahe mula sa Espiritu Santo ay naiiba sa pagtanggap ng mga mensahe sa isang smartphone?
Kung sa palagay mo ay maaaring mahirap para sa iyong mga estudyante ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ng banal na kasulatan, maaari mong basahin ang unang talata at itanong sa klase kung ano ang itinuturo ng talata tungkol sa mga paraan kung paano natin makikilala kapag nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung babasahin mo ang talata, matutulungan mo ang mga estudyante na makita mula sa talatang ito na malalaman natin na nakikipag-ugnayan Siya sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag nadarama natin ang paglago ng ating karunungan, pang-unawa, o kaalaman. Pagkatapos ay maaaring pag-aralan ng mga estudyante ang ilan sa iba pang mga sumusunod na banal na kasulatan nang magkakapartner o sa maliliit na grupo. Hindi kailangang pag-aralan ng mga estudyante ang lahat ng banal na kasulatang ito.
Pag-aralan ang ilan sa mga sumusunod na scripture reference. Para sa bawat reference na pag-aaralan ninyo, tukuyin ang mga paraan kung paano natin makikilala kapag nangungusap sa atin ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isulat ang mga reference na pinag-aralan ninyo at kung ano ang inyong natutuhan sa inyong study journal.
Exodo 31:3
Juan 14:26–27
Juan 16:13
Galacia 5:22–23
Doktrina at mga Tipan 11:12–13
Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12
Ang isang paraan kung paano mo magagawa ang unang aktibidad ay sa pamamagitan ng pag-print ng ilang kopya ng kalakip na handout at paggupit ng mga indibiduwal na larawan ng mga smartphone. Sumulat ng ibang scripture reference sa bawat smartphone at ilagay ang mga ito sa buong silid. Anyayahan ang mga estudyante na maglibot sa silid at pag-aralan ang ilan sa mga ito.
Maaari mo ring pag-isipang maglagay ng maiikling pahayag sa ilan sa mga smartphone tungkol sa kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Ama sa Langit. Ang mga posibleng pahayag ay matatagpuan sa Karagdagang Resources ng lesson na ito sa Gospel Library.
Ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang ibahagi kung ano ang pinakamahalaga para sa kanila mula sa mga scripture reference na kanilang pinag-aralan. Maaari din nilang ibahagi ang anumang karanasan nila nang marinig nila ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaaring kabilang dito ang mga sagot sa kanilang mga tanong, o iba pang mensahe tungkol sa kapanatagan o direksyon. Paalalahanan sila na huwag magbahagi ng mga detalye ng mga sagrado at masyadong personal na karanasan.
Kung kapaki-pakinabang, maaari ninyong panoorin ang “Receiving Revelation” (4:17), mula sa time code na 0:00–2:18 na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Sa video na ito, sinasagot ng ilang tao ang tanong na “Paano nagpapadala sa iyo ng paghahayag ang Espiritu?”
-
Paano makatutulong sa inyo ang pag-unawa sa iba’t ibang paraan kung paano nakikipag-ugnayan sa atin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para makilala ang paghahayag mula sa Kanya?
Nangungusap sa iyo ang Diyos
Para matulungan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang tugon sa sumusunod na sitwasyon, maaari nilang sagutin ang tanong sa ibaba kasama ang isang kapartner. Magbibigay ito sa bawat estudyante ng pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila.
Bilang alternatibo, maaari mong anyayahan ang dalawang estudyante sa harapan ng klase para isadula ang sitwasyon. Maaaring ibahagi ng isang estudyante ang kanyang sagot. Maaaring pumili ang dalawang estudyante ng dalawang iba pang estudyante upang isadula ang sitwasyon. Maaari mo itong ulitin nang ilang beses.
Isipin na kunwari ay magaganap ang sumusunod na sitwasyon ngayong Linggo:
Sa sacrament meeting, sinipi ng isang tagapagsalita si Pangulong Russell M. Nelson nang sabihin niyang, “Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95). Sa pag-alis mo sa chapel pagkatapos ng pulong, sinabi ng iyong kaibigan: “Sana makilala ko ang patnubay at paghahayag mula sa Diyos sa buhay ko, ngunit hindi ako sigurado kung paano.”
-
Batay sa natutuhan mo sa at tungkol sa Espiritu Santo ngayon, ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa hangarin ng Panginoon na mangusap sa atin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo.