Seminary
Pagpapatibay ng Inyong Espirituwal na Saligan: Pambungad sa Doctrinal Mastery


“Pagpapatibay ng Inyong Espirituwal na Saligan: Pambungad sa Doctrinal Mastery,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagpapatibay ng Inyong Espirituwal na Saligan: Pambungad sa Doctrinal Mastery,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Doctrinal Mastery: Paghahanap ng mga Sagot sa Aking mga Tanong: Lesson 161

Pagpapatibay ng Inyong Espirituwal na Saligan

Pambungad sa Doctrinal Mastery

Jesus is standing on a hill. You can see the sun in the background

Ang paraan natin sa pagharap sa mga hamon, tanong, at alalahanin sa ating buhay ay maaaring mas magpalapit o mas magpalayo sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nagbibigay ng patnubay ang doctrinal mastery na makatutulong sa atin na tumugon sa gayong mga sitwasyon nang may pananampalataya kay Jesucristo at inspirasyon mula sa Espiritu Santo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano mapagpapala ng doctrinal mastery ang kanilang buhay at kung paano sila matutulungan nito na maitayo ang kanilang espirituwal na saligan kay Jesucristo.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Helaman 5:12 bago pumasok sa klase. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga pagpapalang ipinangako para sa pagtatayo ng kanilang saligan kay Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagtugon sa mahirap na impormasyon

Para simulan ang klase, maaari kang magdrowing ng dalawang stick figure sa pisara at lagyan ng label ang mga ito ng Anna at Veronica. Kung gusto nila, maaaring magbigay ang mga estudyante ng mga detalye tungkol sa bawat babae tulad ng kung ano ang gusto nilang gawin, kung saan sila nagtatrabaho, at iba pa. Ingatang hindi mag-ukol ng masyadong maraming oras sa bahaging ito ng lesson o masapawan ang sitwasyon.

Ipakita ang sumusunod na sitwasyon. (Paalala: Magpapatuloy ang sitwasyon hanggang sa iba pang bahagi ng lesson.)

Sina Anna at Veronica ay matalik na magkaibigan, at pareho silang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Simula high school, marami na silang narinig na impormasyon at opinyon tungkol sa Simbahan mula sa iba’t ibang sources. Habang nag-uusap isang gabi, ibinahagi ni Anna kay Veronica ang ilang impormasyong nabasa niya sa online tungkol sa Simbahan. Sinabi ni Anna na natinag ang kanyang pananampalataya dahil sa nalaman niya. Nagulat siya nang marinig na sinabi ni Veronica na alam niya ang mga bagay na iyon at hindi siya nabahala sa mga iyon. Interesado si Anna kung bakit ganoon ang nadama ni Veronica.

  • Ano ang ilang positibong bagay na nangyayari sa sitwasyong ito sa kabila ng mga alalahanin ni Anna?

Maaaring mapansin ng mga estudyante na isang positibong bagay na komportable si Anna na magtanong ng isang tapat na tanong. Positibo rin na nasa posisyon si Veronica para matulungan si Anna.

Anyayahan ang mga estudyante na isipin kung minsan na ba nilang naramdaman ang nadama ni Anna. Maaari mo ring hilingin sa kanila na isipin kung minsan na ba nilang naramdaman ang nadama ni Veronica at kung mayroon silang kaibigan na lumapit sa kanila para magtanong.

Habang natututo kayo tungkol sa doctrinal mastery ngayon, maging bukas sa kung ano ang maaaring ituro sa inyo ng Espiritu Santo. Hangaring malaman kung paano kayo matutulungan ng doctrinal mastery na tumugon sa hindi inaasahang impormasyon nang may pananampalataya kay Jesucristo at tulungan ang iba na gawin din ito.

Pagtatayo ng ating saligan kay Jesucristo

Basahin ang unang dalawang talata sa ilalim ng “Pambungad sa Doctrinal Mastery” sa Doctrinal Mastery Core Document (2022). Alamin kung ano ang layunin ng doctrinal mastery sa pagtulong sa atin.

  • Paano ninyo ibubuod ang layunin ng doctrinal mastery?

    Bukod sa iba pang mga sagot, tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Tinutulungan tayo ng doctrinal mastery na itayo ang ating espirituwal na saligan kay Jesucristo.

    Kung kapaki-pakinabang, maaari mong itanong ang sumusunod.

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng itayo ang inyong saligan kay Jesucristo?

Bago basahin ng mga estudyante ang sumusunod na talata, maaari mong isulat sa pisara ang bato = Jesucristo.

Basahin ang Isaias 28:16, at alamin kung paano tayo mapagpapala ng pagtatayo ng ating saligan kay Jesucristo.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang pariralang “magmamadali,” at ipaliwanag na ang pariralang ito ay maaaring mangahulugan na “matitinag” o “mangangamba.”

  • Sa inyong palagay, bakit hindi tayo matitinag kung isesentro natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

    Anyayahan ang mga estudyante na isipin muli ang sitwasyon.

  • Ano ang ilang bagay na maaaring ginawa ni Veronica para patatagin ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo at hindi “matinag” ng mga mapanghamong isyu?

Kung sa palagay mo ay magiging kapaki-pakinabang ito, maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Jacob 4:6–10, at alamin ang ginawa ni Jacob upang hindi matinag ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong ilista ang malalaman ng mga estudyante sa pisara malapit sa larawan ni Veronica. Anyayahan ang mga estudyante na ilarawan kung ano ang maaaring idulot ng bawat aksiyon sa buhay ni Veronica.

Mga resulta ng doctrinal mastery

Para maihanda ang mga estudyante na maunawaan ang mga resulta ng doctrinal mastery, ibahagi ang susunod na bahagi ng sitwasyon sa sarili mong mga salita.

Tumigil sandali si Veronica, iniisip kung paano ibabahagi kay Anna ang nakatulong sa kanya na manatiling tapat. Nais niyang iparating ang kahalagahan ng kanyang mga regular na pagsisikap para patatagin ang kanyang ugnayan kay Jesucristo. Sa pagninilay sa kanyang nakagawiang araw-araw na pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pakikibahagi sa simbahan at seminary, napagtanto niyang may isang aspeto na namukod-tangi.

“Ito ay ang doctrinal mastery,“sinabi ni Veronica nang may kumpiyansa.

Mukhang nagtaka si Anna. “Doctrinal ano?”

“Doctrinal mastery. Ito ‘yung isang bagay na ginagawa namin sa seminary. Malaki ang naitulong nito sa akin para maharap ang mahihirap na tanong at sitwasyon habang pinananatiling sentro ng buhay ko ang pananampalataya ko kay Jesucristo.” Paliwanag ni Veronica.

Hindi maikakailang interesado si Anna. “Ano nga ba talaga ang doctrinal mastery?”

  • Ano ang alam ninyo na tungkol sa doctrinal mastery?

    Kung ang ilan sa iyong mga estudyante ay may karanasan na sa seminary tungkol sa doctrinal mastery, anyayahan ang ilan na ibahagi ang alam na nila.

    Kung kailangan ng mga estudyante ng karagdagang tulong para maunawaan ang doctrinal mastery, maaari mong ipanood ang video na “Ano ang Doctrinal Mastery?” (3:56).

    3:56

    Bilang alternatibo, maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at atasan silang basahin ang tungkol sa dalawang resulta ng doctrinal mastery sa bahaging “Pambungad sa Doctrinal Mastery” ng Doctrinal Mastery Core Document.

  • Sa inyong palagay, paano makatutulong kay Anna ang doctrinal mastery para maitayo niya ang kanyang saligan kay Jesucristo?

Maaari mong ilista sa pisara malapit kay Anna ang mga sagot ng mga estudyante.

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maging pamilyar sa mga doctrinal mastery scripture passage, anyayahan silang basahin ang mga passage sa Lumang Tipan sa ilalim ng “Mga Doctrinal Mastery Scripture Passage at Mahahalagang Parirala sa Banal na Kasulatan ayon sa Kurso” sa Doctrinal Mastery Core Document.

Basahin ang ilang mahalagang parirala sa banal na kasulatan, at maghanap ng isang passage na makatutulong kay Anna na hindi matinag ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo.

Maaaring isulat ng mga estudyante ang kanilang mga napiling scripture reference sa pisara sa paligid ng stick figure ni Anna. Maaari mong ituro ang ilang reference at hilingin sa mga estudyanteng nagsulat ng mga ito na ibahagi kung paano ito makatutulong kay Anna.

Pangwakas

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsanay sa paglalarawan ng doctrinal mastery sa pamamagitan ng pagtugon sa sumusunod na prompt.

Isipin na kunwari ay sinasagot mo ang tanong ni Anna: “Ano ang doctrinal mastery?” Itala sa iyong journal kung paano mo ipapaliwanag kung ano ang doctrinal mastery at kung paano nito mapagpapala ang iyong buhay.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi ang isinulat nila sa isang taong nakaupo malapit sa kanila o ibahagi ito sa klase.

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kung paano mapagpapala ng doctrinal mastery ang buhay ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na itayo ang kanilang espirituwal na saligan kay Jesucristo.