“I-assess ang Iyong Pagkatuto 10: Amos–Malakias,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“I-assess ang Iyong Pagkatuto 10: Amos–Malakias,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Malakias: Lesson 160
I-assess ang Iyong Pagkatuto 10
Amos–Malakias
Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang mga mithiing itinakda nila at ang pag-unlad na naranasan nila sa kanilang pag-aaral kamakailan ng Lumang Tipan.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pumunta sa klase na handang magbahagi ng isang larawan na kumakatawan sa mga talento o kasanayan na nalinang nila, mga paraan kung paano sila umunlad, o mga karanasan nila noong nakaraang taon o mahigit pa. Kung hindi sila makahanap ng larawan, maaari silang pumasok na lang sa klase nang may halimbawang ibabahagi.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Maaaring tumuon ang iyong klase sa mga resulta sa Amos hanggang Malakias na naiiba sa mga resultang ina-assess sa lesson na ito. Kung gayon, iakma ang mga aktibidad para ma-assess ang pag-unlad na naranasan ng mga estudyante mula sa mga resultang pinili mo. Hindi rin inaasahang gagawin ninyo ang lahat ng aktibidad. Maaari mong piliin ang mga aktibidad na sa tingin mo ay partikular na nauugnay o kapaki-pakinabang para sa iyong mga estudyante.
Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong i-assess ang kanilang progreso sa mga sumusunod na aspeto:
-
Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta. (Tandaan: Ang aktibidad na ito ay nakabatay sa mga turo mula sa Lesson 138: Ezekiel 3 at Lesson 149: “Amos 3; 7.”)
-
Ipaliwanag ang mga titulo, tungkulin, katangian, at mga simbolo ni Jesucristo. (Tandaan: Ang aktibidad na ito ay hango sa kabuuang pag-aaral ng mga estudyante sa Lumang Tipan.)
-
Gawin ang utos na sundin ang Word of Wisdom. (Tandaan: Ang aktibidad na ito ay batay sa mga turo mula sa Lesson 142: “Daniel 1.”)
Maaari mong palitan ang alinman sa mga aktibidad na ito ng isang aktibidad sa assessment para sa mga lesson sa Paghahanda para sa Buhay. Ang mga assessment para sa mga lesson sa Paghahanda para sa Buhay ay matatagpuan sa appendix.
Ang naging pag-unlad mo
Para simulan ang lesson, anyayahan ang mga estudyante na magpakita ng mga larawang kumakatawan sa mga talento o kasanayan na nalinang nila, mga paraan kung paano sila umunlad, o mga karanasan noong nakaraang taon o mahigit pa. Kung walang larawan ang mga estudyante, maaari silang magbahagi na lang ng halimbawa. Maaari kang magpakita ng isang larawan na nagpapakita kung paano ka umunlad sa iyong buhay.
-
Bakit magandang paminsan-minsan ay tumigil at alalahanin kung ano ang natutuhan natin o kung paano tayo umunlad?
Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang mga paraan kung paano sila umunlad sa espirituwal na paraan at mas napalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa nakalipas na taon. Anyayahan ang mga estudyante na magdrowing ng dalawang kahon sa kanilang study journal na tulad ng sumusunod:
Sa loob ng bawat kahon, magdrowing o sumulat ng isang paraan na sa tingin mo ay umunlad o napalapit ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa buong taon na ito. Ito ay maaaring maging “larawan” ng iyong mga karanasan. Maaaring kabilang dito ang:
-
Mga paraan kung paano mo sinisikap na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaaring kabilang dito ang mga layunin at plano na ginawa mo sa buong taon. Kung gumawa ka ng plano habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, pag-isipang isama ang mga banal na kasulatang iyon.
-
Mga banal na kasulatan o turo na nakatulong o nagpalakas sa iyo. Maaari mong isama ang mga talata o kabanata para ibahagi sa iba.
-
Mga karanasan mo sa pag-unlad, tulad ng pagtanggap ng mga sagot sa mga panalangin, paglilingkod sa iba, pagdama sa tulong ng Panginoon sa isang pagsubok, o pagkakaroon ng inspirasyon mula sa isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o isang kaklase.
Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang dinrowing o isinulat. Dahil ito na ang katapusan ng kursong ito ng pag-aaral, makatutulong kung maraming estudyante ang magbabahagi.
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga paraan para matulungan silang malaman na pinahahalagahan mo ang kanilang mga sagot. Bago magbahagi ang mga estudyante, maaari mong sabihin ang mga bagay na tulad ng “Gusto nating marinig na magbahagi si Olivia” o “Gustung-gusto ko ang mga naisip at karanasan ni Joseph.” Nakatutulong na humarap sa mga estudyante at tumingin sa kanilang mga mata habang sila ay nagbabahagi. Pagkatapos nilang magbahagi, ang isang taos-pusong pagsasabi ng “salamat” o “Gusto kong marinig ang mga ideya mo” ay makatutulong din. Para sa karagdagang training tungkol dito, tingnan ang “Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang partisipasyon at mga ibinabahagi” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
Kung sa palagay mo ay magandang paglaanan ng oras ang aktibidad na ito para sa malaking bahagi ng lesson, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng pagkakataon na magbahagi ng isang bagay na dinrowing o isinulat nila. Halimbawa, maaari mong ayusin ang mga mesa nang pabilog at hilingin sa isang boluntaryo na maunang magbahagi. Pagkatapos ay lumibot at anyayahan ang ibang estudyante na magbahagi. Hayaan ang mga estudyante na tumanggi kung ayaw nilang magbahagi. Habang nagbabahagi sila, maghanap ng mga paraan kung paano kikilalanin ang pagsisikap ng estudyante, magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas, at bigyang-diin ang kapangyarihan ng banal na kasulatan.
Ipaliwanag ang tungkulin ng mga propeta ng Panginoon
Maaaring natutuhan ng mga estudyante ang tungkol sa tungkuling ginagampanan ng mga propeta ng Panginoon sa Lesson 138: “Ezekiel 1–3; 33” at Lesson 149: “Amos 3; 7.” Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang mga estudyante upang balikan ang natutuhan nila sa mga lesson na ito. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa Ezekiel 3:10–11, 16–17; Amos 3:7, kasama ang anumang tala na isinulat nila sa kanilang mga banal na kasulatan o journal tungkol sa tungkulin ng mga propeta.
Para ipabatid ang sumusunod na aktibidad, maaari mong ipaliwanag na ang Simbahan ay naglalagay ng resources online para sa mga taong gustong matuto tungkol sa ilang paksa. Ang isang resource ay ang Mga Paksa at Mga Tanong sa Gospel Library.
Gamitin ang mga sumusunod na tagubilin para makasulat ng entry na may tatlong pangungusap tungkol sa mga propeta na maaaring gamitin sa Gospel Library:
-
Isulat ang iyong unang pangungusap gamit ang natutuhan mo tungkol sa tungkuling ginagampanan ng mga propeta mula sa Ezekiel 3:10–11, 16–17.
-
Magsulat ng pangalawang pangungusap batay sa natutuhan mo tungkol sa tungkulin ng mga propeta mula sa Amos 3:7.
-
Magsulat ng pangatlong pangungusap batay sa iba mo pang natutuhan sa iyong pag-aaral ng Lumang Tipan tungkol sa tungkulin ng mga propeta.
Matapos isulat ng mga estudyante ang kanilang entry, maaari mong ipakita ang sumusunod na bahagi ng entry tungkol sa mga propeta mula sa Mga Paksa at Mga Tanong. Anyayahan ang mga estudyante na basahin ito at tingnan kung may nais silang idagdag sa kanilang entry.
Tulad ng mga propeta noon, ang mga propeta ngayon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo. Ipinaaalam nila ang kalooban at tunay na katangian ng Diyos. Hayagan at malinaw silang nagsasalita, kinukundena ang kasalanan at nagbababala tungkol sa mga kahihinatnan nito. Kung minsan, maaari silang mabigyang-inspirasyon na magpropesiya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap para sa ating kapakinabangan. (Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library)
Maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo para ibahagi ang isinulat nila. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na handang magbahagi sa klase ng isa o mahigit pa sa kanilang mga pangungusap.
Mga titulo, tungkulin, at mga simbolo ni Jesucristo
Magpakita ng ilang larawan ng mga pangyayari sa banal na kasulatan sa Lumang Tipan na nagpapakita sa Tagapagligtas o sa Kanyang kapangyarihan. Ang sumusunod na larawan ay ilang halimbawa:
-
Ano ang itinuturo sa atin ng bawat isa sa mga larawang ito tungkol sa kay Jesucristo?
Ipinapakita ng mga larawang ito kung paano nilikha ng Tagapagligtas ang mundo; pinagaling ang mga taong tumingin sa ahas na tanso na nakalagay sa isang tikin; sinuportahan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa hurnong nagniningas; at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Kung kapaki-pakinabang, ipaalala sa mga estudyante na ang ahas na tanso na nakalagay sa isang tikin ay simbolo ng Tagapagligtas na nakapako sa krus (tingnan sa Juan 3:14).
Sa iyong study journal, magsulat ng isa o dalawang bagay na natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas sa taong ito na naging mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na ito ay maaaring mula sa isang kuwento sa Lumang Tipan, o maaaring isa sa mga titulo ng Tagapagligtas, simbolo Niya, o isa sa Kanyang mga tungkulin. Kung maaari, magsama ng scripture reference sa iyong natutuhan. Ipaliwanag kung bakit makabuluhan sa iyo ang natutuhan mong ito.
Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi. Maghanap ng mga paraan kung paano matutulungan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa maraming tungkuling ginagampanan Niya sa ating buhay.
Pagsunod sa Word of Wisdom ng Panginoon
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila mula sa salaysay na matatagpuan sa Daniel 1. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na balikan ang mga poster tungkol sa Word of Wisdom na ginawa nila sa Lesson 142: “Daniel 1” o subukang alalahanin ang isinama nila sa mga ito.
-
Ano ang naaalala ninyo sa kuwentong ito?
Sa Lesson 142: “Daniel 1,” natutuhan ng mga estudyante na ang pagsunod sa Word of Wisdom ng Panginoon ay nagdudulot ng mga pisikal at espirituwal na pagpapala. Bilang bahagi ng lesson na iyon, maaaring inanyayahan mo ang mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa kanilang study journal: ”Ang isang bagay na magagawa ko na makatutulong sa akin na sundin ang Word of Wisdom ay …”
Para matulungan ang mga estudyante na suriin ang kanilang mga pagsisikap, maaari mo silang anyayahan na balikan kung paano nila kinumpleto ang pahayag na iyon. Pagkatapos ay ipakita ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong.
Sagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Anong mga pagsisikap ang ginawa mo upang sundin ang Word of Wisdom?
-
Ano ang mga naging karanasan mo habang sinusubukan mong sundin ang Word of Wisdom?
-
Nakita mo ba na pinagpala ka ng Diyos o ang iba sa pisikal o espirituwal sa pamamagitan ng pagsunod sa Word of Wisdom?
Maaari mong anyayahan ang mga boluntaryo na ibahagi ang kanilang mga saloobin. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na iakma ang kanilang mga pagsisikap o muling mangakong sundin ang Word of Wisdom kung kinakailangan.