“Malakias 3: Ang Pagbabayad ng Ikapu ay Nagbubukas ng mga Bintana ng Langit,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Malakias 3: Ang Pagbabayad ng Ikapu ay Nagbubukas ng mga Bintana ng Langit,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Malakias: Lesson 158
Malakias 3
Ang Pagbabayad ng Ikapu ay Nagbubukas ng mga Bintana ng Langit
Mula noong unang panahon, pinagpala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa kanilang kahandaang sundin ang Kanyang batas ng ikapu. Ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propetang Malakias ay tumutulong sa atin na malaman kung paano Niya tayo pagpapalain dahil sa ating pagsunod sa Kanyang batas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng hangaring sundin ang batas ng ikapu ng Panginoon.
Paghahanda ng mga estudyante: Sabihin sa mga estudyante na maghandang magbahagi ng kuwento kung saan pinagpala ang isang tao sa pagsunod sa kautusan ng Panginoon na magbayad ng ikapu. Kung makatutulong, maaaring magtanong ang mga estudyante sa kanilang mga magulang o mga lider ng Simbahan o maghanap ng mga kuwento sa Gospel Library.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagbabayad ng ikapu
Upang simulan ang lesson, maaari kang magbahagi ng isang bahagi ng kuwento na naglalarawan sa mga sitwasyon kung kailan maaaring mahirap magbayad ng ikapu. Maaari mong ibahagi ang karanasan ni Elder Cordón o isa sa sarili mong karanasan.
Kung kinakailangan, ipaliwanag na ang ikapu ay pagbibigay “natin sa Simbahan [ng] ikasampung bahagi ng ating kita” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo [2023], 98; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 119:3–4).
Basahin ang sumusunod na karanasan mula kay Elder Valeri V. Cordón ng Pitumpu, at alamin kung bakit naging mahirap para sa kanyang mga magulang na sundin ang batas ng ikapu ng Panginoon.
Dahil sa ilang pangyayaring idinulot ng digmaang sibil sa Central America, nalugi ang negosyo ni Itay. Mula sa 200 empleyado, halos lima na lang ang operator niya ng makina na nagtatrabaho kapag kailangan lang sa garahe ng bahay namin. Isang araw, sa panahong iyon ng taghirap, narinig kong pinag-uusapan ng aking mga magulang kung magbabayad ba sila ng ikapu o bibili ng pagkain para sa kanilang mga anak. (“Ang Wika ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2017, 56)
-
Ano ang iba pang mga sitwasyon na maaari nating harapin kung saan maaaring maging mahirap ang pagbabayad ng ikapu?
Ang sumusunod na graphic ay makatutulong sa mga estudyante na isaayos ang mga naiisip o mga ideya nila sa lesson na ito. Anyayahan ang mga estudyante na idrowing ang graphic, o ang katulad nito, sa isang blangkong pahina sa kanilang study journal. Maaari ka ring magdrowing ng katulad nito sa pisara.
Ituro ang bilog na “Aking Damdamin.” Ipaalam sa mga estudyante na sa pagtatapos ng lesson, magkakaroon sila ng pagkakataong isulat ang nadarama nila tungkol sa ikapu. Maaaring gusto nilang pag-isipan ngayon ang anumang alalahanin o hamong kinakaharap nila sa pagbabayad ng ikapu. Maaari din nilang pag-isipan kung paano sila makikinabang sa pagtukoy ng mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga taong nagbabayad ng ikapu.
Habang pinag-aaralan ninyo ang batas ng ikapu ng Panginoon, matutulungan kayo ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga pagpapalang matatanggap ninyo at mapalakas ang inyong hangaring sundin ang batas na ito.
Pagbuhos ng mga pagpapala
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Malakias 3, ibahagi sa sarili mong mga salita ang sumusunod na buod ng Malakias 1–2.
Bagama’t patuloy na nag-aalay ng hain sa Panginoon ang mga tao noong panahon ni Malakias, Siya ay nilapastangan nila sa pamamagitan ng pag-aalay ng “maruming pagkain” at mga bulag, pilay, at may sakit na hayop (tingnan sa Malakias 1:7–8, 13) bilang mga hain na dapat sumasagisag kay Jesucristo. Pinagsabihan ng Panginoon ang mga saserdote, na “lumihis sa daan [ng Panginoon]” at “naging dahilan kayo upang matisod ang marami” (Malakias 2:8) dahil sa kanilang masasamang halimbawa. Sa Malakias 3, itinuro ng Panginoon ang isang paraan kung paano tayo makapagsasakripisyo nang kusang-loob sa Kanya.
Ang Malakias 3:8–10 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Malakias 3:7–12, at alamin ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon para sa mga taong nagbibigay sa Kanya ng kanilang ikapu. Isulat ang mga pagpapalang makikita ninyo sa paligid ng “Ang mga Pagpapala ng Panginoon” sa iyong graphic.
-
Anong mga katotohanan ang nalaman ninyo tungkol sa ikapu mula sa mga salita ng Panginoon sa Malakias 3:7–12?
Hayaan ang mga estudyante na ibahagi ang mga katotohanang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang katotohanang tulad ng Kapag sinunod natin ang batas ng ikapu ng Panginoon, bukas-palad Niya tayong pagpapalain bilang tala sa kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng mga talatang ito.
Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, maaari kang magdala ng kawali, baso, at pitsel ng tubig sa klase. Ilagay ang baso sa kawali. Ipaliwanag na kumakatawan ang tubig sa mga pagpapalang ibibigay sa atin ng Panginoon kapag nagbabayad tayo ng ikapu. Anyayahan ang isang estudyante na ibuhos sa baso ang tubig mula sa pitsel hanggang sa umapaw ang tubig sa kawali. Iugnay ito sa ipinangako ng Panginoon sa Malakias 3:10.
Ang batas ng ikapu ng Panginoon
Ang kalakip na handout na “Ang Batas ng Ikapu ng Panginoon,” ay makapagpapalalim sa pag-unawa ng mga estudyante sa mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng Panginoon kapag sinusunod natin ang Kanyang batas. Maaari mong hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at bigyan ang bawat grupo ng kopya ng handout. Maaaring magsalitan ang mga estudyante sa pagbabasa ng mga sipi. Pagkatapos basahin ang bawat sipi, maaaring magdagdag ang mga estudyante ng iba pang mga pagpapala sa graphics sa kanilang study journal.
Pagkatapos magdagdag ang mga grupo ng mga pagpapala sa kanilang graphics, maaaring pagnilayan ng mga estudyante kung paano nila nakitang pinagpala sila ng Panginoon o ang iba sa pagsunod sa Kanyang batas ng ikapu. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante ang ilang pagpapalang natanggap nila o ng iba sa pagsunod sa batas na ito.
Maaari ninyong panoorin ang “Ang Wika ng Ebanghelyo,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 6:42 hanggang 7:40. Sa video na ito, maririnig ng mga estudyante ang natitirang bahagi ng karanasan ni Elder Cordón mula sa simula ng klase.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit habang pinagpapala Niya tayo sa pagbabayad ng ikapu?
Pagkatapos talakayin ang mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu, maaari mong ituro na ang ilang tao na nagbabayad ng ikapu ay maaaring hindi makatanggap ng mga pagpapalang inaasahan nila at maaari pa rin silang magkaproblema sa pananalapi. Maaaring mapaisip sila kung bakit dapat nilang ipagpatuloy ang pagbabayad ng kanilang ikapu. Maaari ninyong basahin ang Malakias 3:14, 16–17, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga taong patuloy na nagiging tapat sa pagsunod sa Kanya.
Pagsunod sa batas ng ikapu ng Panginoon
Sa tabi ng “Aking Damdamin” sa iyong graphic, magsulat tungkol sa:
-
Nadarama mo tungkol sa pagsunod sa batas ng ikapu ng Panginoon.
-
Anumang bagay na pinag-aralan o naramdaman mo ngayon na nagpapaigting ng iyong hangaring magbayad ng ikapu. Maaaring kabilang dito ang mga ipinangakong pagpapala mula sa Panginoon na gusto mong matanggap.
Anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa Panginoon at sa Kanyang batas ng ikapu. Maaari mo ring ibahagi ang mga pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng pagsunod sa batas na ito.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Malakias 3:8–10 ay “Ang mga pagpapala ng pagbabayad ng ikapu.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”