“Malakias 4: Kapangyarihang Magbuklod,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Malakias 4: Kapangyarihang Magbuklod,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Malakias: Lesson 159
Malakias 4
Kapangyarihang Magbuklod
Sa mga sagradong templo, ibinibigkis ng Tagapagligtas ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng mga susi ng pagbubuklod. Ipinropesiya ni Malakias na ipapanumbalik ng Tagapagligtas ang mga susing ito upang “[ibaling] ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na ibaling ang kanilang puso sa kanilang mga magulang, ninuno, at mga inapo sa hinaharap.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na maglaan ng ilang minuto sa pagtuklas sa FamilySearch.org o sa FamilySearch Tree app. Halimbawa, maaari silang mag-click sa mga kamag-anak sa kanilang family tree para matuto pa tungkol sa kanila. O maaari nilang kumpletuhin ang ilan sa mga aktibidad sa family history na makikita sa website o sa menu na “More” sa app. Kung walang access ang mga estudyante sa resources na ito, maaari silang makipag-usap sa isang magulang o kapamilya upang matuto ng bagong impormasyon tungkol sa isang ninuno.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga ugat at mga sanga
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magdrowing ng puno na may mga ugat at mga sanga sa kanilang study journal. Maaari ka ring magdrowing nito sa pisara.
-
Bakit kapwa mahalaga ang mga ugat at mga sanga para sa kalusugan ng isang puno?
Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang pangalan sa katawan ng punong dinrowing nila.
-
Kung kayo ang kinakatawan ng katawan ng puno, sino ang kinakatawan ng mga ugat at mga sanga?
Kung kinakailangan, ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, madalas gumamit ang Panginoon ng metapora ng isang punong may mga ugat at mga sanga para magturo tungkol sa pamilya. Maaari mo ring ipanood ang “Sa pamamagitan ng Kamay ni Elijah, ang Propeta” (3:32) mula sa time code na 0:00 hanggang 0:35, na makukuha sa ChurchofJesusChrist.org.
3:44Sabihin sa mga estudyante na lagyan ng label na mga ninuno ang mga ugat at ng mga inapo ang mga sanga. Ibigay ang mga sumusunod na tagubilin:
-
Sa tabi ng mga ugat sa iyong drowing, magsulat ng maikling paglalarawan kung ano ang nadarama mo tungkol sa iyong mga ninuno (mga magulang, lolo at lola, at iba pa).
-
Sa tabi ng mga sanga sa iyong drowing, isulat kung ano ang inaasahan mo para sa iyong magiging mga inapo sa hinaharap o kung ano ang nakikinita mo habang iniisip mo sila (mga anak, apo, at iba pa).
Habang pinag-aaralan mo ang Malakias 4, isipin ang ginawa ng Tagapagligtas para palakasin at pangalagaan ang mga ugat at mga sanga ng iyong family tree. Maaari kang manalangin nang tahimik, at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang maunawaan kung ano ang magagawa mo para patatagin ang iyong walang-hanggang pamilya.
Dahil magkakaiba ang sitwasyon sa tahanan ng mga estudyante, mahalagang pag-usapan ang doktrina ng mga walang-hanggang pamilya nang may pag-iingat at pag-unawa. Ipaalala sa mga estudyante na lubos na nalalaman ng Tagapagligtas ang kanilang mga kalagayan at makapagbibigay Siya ng kinakailangang pag-asa at pagpapagaling para sa kanilang mga pamilya sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Mga propesiya ni Malakias
Basahin ang Malakias 4:1, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga ugat at mga sanga sa propesiyang ito ng Kanyang Ikalawang Pagparito.
-
Batay sa natutuhan ninyo tungkol sa mga ugat at mga sanga, ano sa palagay ninyo ang itinuturo ng Tagapagligtas?
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod:
Kung wala ang mga pagbubuklod na lumilikha ng mga walang-hanggang pamilya at nag-uugnay sa mga henerasyon dito at sa kabilang buhay, maiiwan tayo sa kawalang-hanggan na walang mga ugat ni mga sanga—ibig sabihin, walang mga ninuno ni inapo. (“Ang Kapangyarihang Magbuklod,” Liahona, Nob. 2023, 21)
Pagnilayan kung ano ang madarama ninyo kung hindi kayo mabubuklod, o mabibigkis magpakailanman, sa isang pamilyang mahal ninyo.
Ang Malakias 4:5–6 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Basahin ang Malakias 4:5–6, at alamin ang ipinangako ng Tagapagligtas na gagawin Niya upang sama-samang mabuklod ang mga pamilya. Maaaring makatulong ang mga footnote habang nagbabasa kayo.
-
Ano ang nauunawaan ninyo tungkol sa propesiyang ito? Ano ang mga tanong ninyo?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan ang propesiyang ito, maaari mo silang anyayahan na i-link o i-cross reference ang Malakias 4:5–6 sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16; 138:47–48. Maaaring basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, at maghanap ng mga karagdagang kabatiran tungkol sa propesiya ni Malakias.
Tulungan ang mga estudyante na matukoy na isinugo ng Tagapagligtas si Elijah para ipanumbalik ang mga susi ng pagbubuklod at ibaling ang puso ng mga pamilya sa isa’t isa. Natupad ang pangakong ito noong Abril 3, 1836, nang nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple. Ang mga susi ng pagbubuklod na ipinanumbalik niya ay ginagawang may bisa ang mga sagradong ordenansa sa lupa at sa langit. Kabilang dito ang mga ordenansang isinasagawa sa mga banal na templo.
Maaari kang magpakita ng larawan ng isang templo at ng sumusunod na pahayag.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Christofferson, at alamin kung paano tayo pinagpapala ng Tagapagligtas ng Kanyang kapangyarihang magbuklod sa mga banal na templo:
[Sa templo ng Panginoon] natin nakikita ang karingalan at kasagraduhan ng kapangyarihang magbuklod—na nagbibigay sa lahat ng anak ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang indibiduwal na kaligtasan at kadakilaan ng pamilya saanman at kailanman sila nabuhay sa mundo. Walang iba pang teolohiya o pilosopiya o awtoridad ang makapapantay sa gayong oportunidad na laan sa lahat. Ang kapangyarihang magbuklod ay perpektong pagpapakita ng katarungan, awa, at pagmamahal ng Diyos. …
Ang pinakamataas at pinakabanal na pagpapahayag ng kapangyarihang magbuklod ay nasa walang hanggang pagbibigkis ng isang lalaki at isang babae sa kasal at sa pag-uugnay ng sangkatauhan sa lahat ng kanilang henerasyon. (“Ang Kapangyarihang Magbuklod,” Liahona, Nob. 2023, 20, 21)
-
Ano ang tumimo sa inyo mula sa pahayag na ito?
-
Paano nakatulong sa inyo ang gawain sa templo na madama ang koneksyon o maibaling ang inyong puso sa inyong kapamilya sa nakaraan, kasalukuyan, o hinaharap?
Pagbaling ng ating puso
Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na patatagin ang kanilang ugnayan sa kanilang mga ninuno at gumawa ng mga desisyon na mapagpapala ang kanilang mga inapo. Depende sa oras na mayroon, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang isa o dalawa sa mga aktibidad na ito. Maaari mong baguhin ang mga tagubilin upang matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Halimbawa, maaari mong alisin o baguhin ang mga tagubilin na nangangailangan ng paggamit ng teknolohiya kung hindi ito magagamit ng iyong mga estudyante.
Aktibidad A: Ibaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno.
Gawin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na gawain. Habang nag-aaral ka, pagnilayan kung paano pinapatatag ng Tagapagligtas at ng Kanyang kapangyarihang magbuklod ang iyong mga ninuno at ang ugnayan mo sa kanila. Itala ang natutuhan mo sa tabi ng “mga ugat” ng drowing sa iyong study journal.
-
Magsulat ng positibong alaala mo tungkol sa isang magulang o lolo o lola o magbasa tungkol sa isang ninuno sa bahaging “Memories” sa FamilySearch.org o sa FamilySearch Tree app. Isipin kung bakit maaaring ninanais ng Tagapagligtas na makipag-ugnayan ka sa ninunong ito.
-
Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 128:16–18, at alamin kung bakit mahalagang bahagi ng plano ng Diyos ang pagbibinyag para sa mga patay at ang iba pang gawain sa templo para sa iyong mga ninuno.
-
Hanapin ang “family history” sa ilalim ng Mga Paksa sa bahaging Pangkalahatang Kumperensya ng Gospel Library. Pumili ng isa sa mga mensahe, at pag-aralan ang ilan o ang lahat nito.
-
Hanapin sa iyong family tree ang mga ninuno na nangangailangan ng ordenansa ng binyag. Kung maaari, pumunta sa temples.ChurchofJesusChrist.org at magpa-appointment para makumpleto ang mga pagbibinyag.
Aktibidad B: Ibaling ang iyong puso sa iyong mga inapo.
Gawin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na gawain. Habang nag-aaral ka, pag-isipan kung paano ka tinutulungan ng Tagapagligtas at ng Kanyang kapangyarihang magbuklod na patatagin ang iyong mga inapo. Itala ang natutuhan mo sa tabi ng “mga sanga” ng drowing sa iyong study journal.
-
Rebyuhin ang mga tanong sa interbyu para sa temple recommend at pag-isipan kung paano mapagpapala ng iyong mga sagot ang iyong pamilya ngayon at magiging pamilya sa hinaharap. Ang mga tanong na ito ay makikita sa appendix ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili.
-
Saliksikin ang Tema ng Young Women o Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood, at maghanap ng mga pariralang makapaghahanda sa iyo na mapagpala ang iyong magiging asawa at mga anak.
-
Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17; 68:25–28, at alamin ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa kasal at pagpapalaki ng mga anak. Isipin kung paano makakaimpluwensya ang mga pagpili na gagawin mo ngayon sa iyong kasal sa hinaharap at kung paano mo palalakihin ang iyong mga anak.
-
Magsulat ng liham sa iyong magiging asawa o mga anak na nagpapaliwanag kung ano ang ginagawa mo ngayon para maging karapat-dapat sa templo at maghanda para sa isang walang-hanggang pamilya.
Kapag natapos na sila, maaari mong anyayahan ang mga estudyanteng handang magbahagi ng kanilang natutuhan o nadama mula sa aktibidad na ito. Maaaring kabilang dito ang mga bagay na isinulat nila sa tabi ng mga ugat o mga sanga sa kanilang study journal. Maaari ding ibahagi ng mga estudyante ang kanilang nadarama tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang tungkulin sa pagtulong sa atin na matanggap ang mga pagpapala ng isang walang-hanggang pamilya.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Malakias 4:5–6 ay “ibabaling [ni Elijah]… ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”