“Jeremias 31: Isusulat Niya ang Kanyang Batas sa Ating Puso,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Jeremias 31: Isusulat Niya ang Kanyang Batas sa Ating Puso,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Jeremias 31–33; 36–38; Mga Panaghoy 1; 3: Lesson 134
Jeremias 31
Isusulat Niya ang Kanyang Batas sa Ating Puso
Paano maaaring kumilos ang isang tao kung alam niya sa kanyang isipan ang ebanghelyo ni Jesucristo ngunit hindi niya ito nadarama sa kanyang puso? Posible bang kikilos sila nang hindi nadarama ang kapangyarihan ng pagmamahal ng Tagapagligtas? Paano nagbabago ang ating mga kilos kapag nadarama natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa ating mga puso? Ipinangako sa atin ng Jeremias 31 na kapag bumaling tayo sa Panginoon, isusulat Niya ang Kanyang batas sa ating puso (tingnan sa Jeremias 31:18, 33). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng isulat ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa kanilang puso.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa mga kapamilya at kaibigan ang tanong na ito: “Ano ang pagkakaiba ng pag-alam sa katotohanan ng ebanghelyo sa iyong isipan at ng pagdama nito sa iyong puso?” Maaari silang maghanda na ibahagi ang tinalakay nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pag-alam sa isang bagay sa ating isipan at pagdama nito sa ating puso
Para simulan ang kalse, anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang sumusunod na tanong.
-
Ano ang ilang sitwasyon kung saan maaaring alam natin na dapat nating gawin ang isang bagay ngunit nahihirapan tayong gawin ito?
Maaaring magbahagi ang mga estudyante ng mga halimbawa tulad ng pagtulog sa tamang oras, pagpili ng masustansyang pagkain, o pagkumpleto ng takdang-aralin bago ang takdang petsa. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na normal na mahirapang iayon ang ating mga kilos sa kung ano ang alam nating tama. Maaaring totoo rin ito pagdating sa pag-alam at pagkatapos ay pagkilos ayon sa nalalaman natin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Posibleng alam natin kung ano ang hinihingi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, ngunit hindi natin ito palaging ipinamumuhay. Gayunpaman, maaari tayong magsikap na maimpluwensyahan ng Tagapagligtas at ng Kanyang ebanghelyo ang lahat ng ating ginagawa.
Ang nalalaman natin tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas ay hindi palaging makikita sa ating mga kilos. Nagtanong si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang bagay na maaaring mayroon tayo kung minsan sa mga sitwasyong ito:
Paano magiging impluwensya ang ebanghelyo ni Jesucristo hindi lang sa buhay ninyo kundi impluwensyang kokontrol at magiging pinakamahalagang bahagi ng pagkatao ninyo? (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Liahona, Mayo 2004, 11)
Sa pag-aaral ninyo ng Jeremias 31, anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kang maghanap ng mga paraan para maging “pinakamahalagang bahagi ng pagkatao ninyo” ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Ipinropesiya ni Jeremias ang mga pagpapala ng Tagapagligtas sa Israel
Para sa aktibidad sa pag-aaral na ito, maaari mong hatiin ang klase sa grupo na may tigtatatlong estudyante. Anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na basahin ang isa sa mga sumusunod na passage at ibahagi sa ibang miyembro ng grupo ang kanilang mga sagot sa mga tanong.
Matapos magbabala tungkol sa mga kahihinatnan na magdurusa ang masasama sa mga huling araw (tingnan sa Jeremias 30:23–24), ipinropesiya ni Jeremias na muling titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao sa Kanya.
Basahin ang mga sumusunod na passage, at alamin kung ano ang gagawin ng Panginoon para sa Kanyang mga tao:
Jeremias 31:1–3
Jeremias 31:6–10
Jeremias 31:17–20
-
Ano ang ilan sa mga pangako ang nalaman ninyo?
-
Ano ang itinuturo ng mga paanyayang ito tungkol sa Panginoon?
Basahin ang Jeremias 31:31–33, at alamin kung paano ipapakita ng Panginoon ang Kanyang mapagkandiling pagmamahal sa Kanyang mga pinagtipanang tao.
-
Paano ninyo ibubuod ang turong ito bilang pahayag ng katotohanan?
Tulungan ang mga estudyante na matukoy na nangangako ang Panginoon na titipunin Niya tayo sa Kanya bilang Kanyang mga pinagtipanang tao at isusulat Niya ang Kanyang batas sa ating puso.
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nakasulat ang batas ng Panginoon sa ating puso?
Maaaring magbahagi ng iba’t iba ideya ang mga estudyante. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pariralang nakasulat sa ating puso (tingnan sa talata 33) ay maaaring tumutukoy sa pagbabalik-loob, pagkakaroon ng pagbabago, at paghahangad na maisakatuparan ang kalooban ng Ama sa Langit at ni Jesucristo nang buong puso nila. Maaari mong ipaliwanag na gumamit ng katulad na metapora si Pablo noong inilarawan niya ang Mga Banal sa Corinto bilang “sulat ni Cristo na … isinulat hindi ng tinta … hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao” (2 Corinto 3:3).
Nakasulat ba ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa puso ninyo?
Ipakita ang sumusunod na dalawang tanong. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa na sa palagay nila ay magdaragdag sa kanilang pag-unawa sa ibig sabihin ng isusulat ng Panginoon ang Kanyang batas sa kanilang puso.
-
Paano ko malalaman na nakasulat sa aking puso ang batas ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa ko para anyayahan ang Tagapagligtas na isulat ang Kanyang batas sa aking puso?
Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo kasama ang ibang estudyante na pumili ng parehong tanong. Sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na mayroon silang kaibigan na itinanong ang bagay na pinili nila. Sabihin sa mga estudyante na maghanda ng sagot na maibabahagi nila sa kaibigang ito.
Para matulungan ang mga estudyante na maghanda ng sagot, maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Isusulat ng Tagapagligtas ang Kanyang Batas sa Iyong Puso.”
Ipakita ang pag-unawa
Maaari mong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magsanay na sagutin ang tanong na pinili nila. Maaari mong isama ang mga estudyante sa mga nag-aral ng ibang tanong.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano makatutulong ang natutuhan nila sa isang tao na mas patuloy na gawin ang alam nilang tama. Upang matulungan ang mga estudyante na maipakita ang natutuhan at nadama nila, maaari mong ipakita ang mga sumusunod ng tagubilin.
Sa iyong study journal, sagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang hahanapin mong katibayan na isinusulat ng Panginoon ang Kanyang batas sa iyong puso?
-
Ano ang isang bagay na nadarama mong dapat mong gawin para maanyayahan ang Tagapagligtas na isulat ang Kanyang ebanghelyo sa iyong puso?
Maaari mo ring hilingin sa mga handang estudyante na magbahagi ng mga naging karanasan nila nang nalaman nila na isinulat ng Tagapagligtas ang Kanyang batas sa kanilang mga puso. Maaari mong ibahagi kung paano mo nakitang isinulat ng Panginoon ang Kanyang batas sa iyong puso. Hikayatin ang mga estudyante na humingi ng tulong sa Panginoon at kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila.