“Mga Panaghoy 1; 3: ‘Ang Kanyang mga Habag ay Hindi Natatapos,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Panaghoy 1; 3: ‘Ang Kanyang mga Habag ay Hindi Natatapos,’” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Jeremias 31–33; 36–38; Mga Panaghoy 1; 3: Lesson 136
Mga Panaghoy 1; 3
“Ang Kanyang mga Habag ay Hindi Natatapos”
Dahil puspos ng kahabagan ang Tagapagligtas, handa Siyang magpagaling, magbigay ng kapanatagan, at magpatawad, kahit na nagkasala tayo sa Kanya. Matapos mawasak ang Jerusalem dahil sa kasalanan at pagsuway, hinangad ni Jeremias na tulungan ang mga Judio na maunawaan ang pagkahabag ng Tagapagligtas at magkaroon sila ng pag-asa dito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagkahabag ng Tagapagligtas para sa kanila, kahit na nagkakasala sila.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na alalahanin ang isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagpapakita ng mahabaging katangian ng Tagapagligtas. Ang mga estudyante ay magkakaroon ng pagkakataon na sumangguni sa kuwentong ito sa lesson.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagkatapos nating magkasala
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagbabahagi ng sumusunod na sitwasyon.
Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang video na “Painted into a Corner” mula sa time code na 0:00 hanggang 1:47. Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mong ipanood ang natitirang bahagi ng video kalaunan sa lesson.
Isipin na ginawa ng isang binatilyo ang kanyang makakaya upang gumawa ng mabubuting desisyon sa kanyang buhay. Isang araw habang dumadalo siya sa isang party, nagpadala siya sa pamimilit ng ibang tao at uminom siya ng alak dahil gusto niyang matanggap ng iba. Kinabukasan, nagising siya na nadaramang nag-iisa, nakokonsesiya, at nadidismaya siya. Unti-unti siyang nagsimulang gumawa ng iba pang mga maling desisyon at nagsimula siyang mawalan ng pag-asa para sa kanyang kinabukasan.
Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa mga sumusunod na tanong. Ang mga nakasulat na sagot ay gagamitin sa buong lesson.
-
Kapag nagkakasala ang mga tao, ano ang maaaring makita o maramdaman nila sa kanilang sarili?
-
Ano ang maaaring makita o madama nila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong para suriin ang sarili nilang nadarama.
-
Naisip mo na ba ang alinman sa mga pahayag sa pisara?
-
Alin sa mga pahayag na ito ang alam mong mali? Alin ang hindi mo sigurado?
Mahalagang tandaan na lahat tayo ay nagkakasala at “hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Sa pag-aaral mo ngayon ng Mga Panaghoy, maghanap ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo na makatutulong sa iyo na malaman ang nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo, kahit na nagkakamali ka.
Kalungkutan dahil sa kasalanan
Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nakikita nila sa larawang ito o kung ano ang ipinadarama nito sa kanila. Ipaliwanag na ipinapakita ng larawang ito si Jeremias at ang kanyang matinding kalungkutan. Maaaring ibahagi ng mga estudyante ang naaalala nila tungkol sa kuwento ni Jeremias at kung bakit siya malungkot. Kung kinakailangan, ibahagi ang mga detalye mula sa sumusunod na talata.
Sa loob ng mga 40 taon, sinasabi ng Panginoon kay Jeremias na magpropesiya sa sambahayan ni Israel tungkol sa pagkawasak at pagkabihag ng Jerusalem kung pipiliin nilang hindi magsisi at bumalik sa Diyos (tingnan sa Jeremias 16:1–13). Sa panahon ng paghahari ni Haring Zedekias, winasak ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem at nabihag ang maraming tao, na nagsakatuparan sa propesiya ng Panginoon (tingnan sa Jeremias 52). Ilang panahon pagkatapos ng mga pangyayaring ito, isinulat ni Jeremias ang aklat ng Mga Panaghoy.
Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng katagang panaghoy ay mga pagpapahayag ng matinding kalungkutan o pighati.
Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring makatulong sa mga estudyante na maunawaan ang pagdurusang naranasan ng mga tao ng Panginoon. Maaari mong pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante para pag-aralan ang mga scripture passage. Ipaliwanag na isinulat ni Jeremias ang karamihan sa mga talatang ito mula sa pananaw ng Jerusalem na para bang ang lungsod mismo ang nagsasalita.
Basahin ang isa o dalawa sa mga sumusunod na passage, at maghanap ng mga salita o parirala na nagpapahayag ng nadama ng mga tao pagkatapos magdusa nang dahil sa kanilang mga kasalanan.
Mga Panaghoy 1:1–4
Mga Panaghoy 1:16–18
Mga Panaghoy 1:20–22
-
Anong mga salita o parirala ang natuklasan mo?
Para matulungan ang mga estudyante na suriin ang natuklasan nila nang may walang-hanggang pananaw, maaari mong itanong ang sumusunod.
-
Dahil alam natin na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, sa palagay ninyo, bakit Nila tayo hinahayaan na makaranas ng ganitong uri ng pagdurusa kapag tayo ay nagkakasala?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagsagot sa tanong na ito, maaari mo silang anyayahan na basahin ang mga talata tulad ng 2 Corinto 7:9–10; Alma 42:18, 29; Doktrina at mga Tipan 95:1, at hanapin ang mga posibleng sagot.
Ang pagkahabag ng Tagapagligtas
Ang natitirang bahagi ng lesson ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagkahabag ng Tagapagligtas sa atin kahit tayo ay nagkakasala.
Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante para pag-aralan ang mga sumusunod na passage at sagutin ang mga tanong na kasama nito. Halimbawa, maaaring pag-aralan ng isang estudyante ang talata 22–26, at ng isa pang estudyante ang talata 31–33.
Pagnilayan ang mga pahayag sa pisara mula sa simula ng lesson. Basahin ang Mga Panaghoy 3:22–26, 31–33, at hanapin ang mga salita o parirala na maibabahagi mo sa isang tao na ganito ang nadarama.
-
Anong mga salita o parirala ang ibabahagi mo? Bakit?
-
Anong katotohanan mula sa mga talatang ito ang gugustuhin mong maunawaan niya?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Ang Panginoon ay nahahabag sa atin, kahit na nagkakasala tayo.
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-unawa sa salitang pagkahabag, maaari mong ibahagi ang sumusunod na kahulugan: “Sa mga banal na kasulatan, ang pagkahabag ay literal na nangangahulugang ‘pakikiramay.’ Nangangahulugan din ito ng pagpapakita ng pakikidalamhati, pakikipighati, at awa para sa ibang tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkahabag,” Gospel Library).
Para mas maunawaan ang pagkahabag ng Tagapagligtas, maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad. Sa halip na pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na opsiyon, maaaring mag-isip at mag-aral ang mga estudyante ng ibang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagpapakita ng pagkahabag ng Tagapagligtas.
Kumpletuhin ang isa sa mga sumusunod na opsiyon sa pag-aaral, at alamin kung ano ang makatutulong sa iyo para mas maunawaan kung paano mo mararanasan ang pagkahabag ng Tagapagligtas sa iyong buhay.
-
Pag-aralan ang isa sa mga sumusunod na kuwento na nagpapakita ng pagkahabag ng Tagapagligtas: Mateo 18:23–35; Juan 8:1–11.
-
Pag-aralan ang isa o dalawa sa mga sumusunod na scripture passage na nagtuturo tungkol sa pagkahabag ng Tagapagligtas: Mosias 15:7–9; Doktrina at mga Tipan 64:2–4; Doktrina at mga Tipan 101:9.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ituro sa isa’t isa ang natutuhan at nadama nila. Maaari mong anyayahan ang mga handang estudyante na magbahagi sa klase.
Ang sumusunod na patotoo ay maaari ding makatulong sa talakayang ito.
Pinatotohanan ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Nakapagpapatawad si Jesucristo dahil binayaran Niya ang halaga ng ating mga kasalanan.
Pinipili ng ating Manunubos na magpatawad dahil sa Kanyang hindi mapapantayang habag, awa, at pagmamahal.
Nais ng ating Tagapagligtas na magpatawad dahil ito ay isa sa Kanyang mga banal na katangian.
At, bilang Mabuting Pastol, ikinagagalak Niya kapag pinili nating magsisi.
Kahit na nakadarama tayo ng kalumbayang mula sa Diyos dahil sa ating mga nagawa, kapag pinili nating magsisi, agad nating inaanyayahan ang Tagapagligtas sa ating buhay. (“Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 123)
Pagdama sa pagkahabag ng Tagapagligtas sa akin
-
Kailan mo naranasan o ng kakilala mo ang pagkahabag ng Tagapagligtas? (Tandaan na huwag magbahagi ng mga nagawang kasalanan o anumang bagay na masyadong personal.)
Ipaalala sa mga estudyante ang binatilyo mula sa simula ng lesson.
-
Ano ang ibabahagi mo sa binatilyong ito batay sa natutuhan mo ngayon?
Maaari mong tapusin ang video na “Painted into a Corner,” mula sa time code na 1:48 hanggang 3:41. O kung hindi mo pa ipinanood ang unang kalahati ng video, maaari mong ipanood ang buong video. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng katibayan na nagpakita ng pagkahabag ang Tagapagligtas sa binatilyo. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng iyong patotoo, naiisip, o nadarama tungkol sa Tagapagligtas.