Seminary
Jeremias 36: Ang Salita ng Diyos


“Jeremias 36: Ang Salita ng Diyos,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Jeremias 36: Ang Salita ng Diyos,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Jeremias 31–33; 36–38; Mga Panaghoy 1; 3: Lesson 135

Jeremias 36

Ang Salita ng Diyos

Old Testament Prophet writing on a scroll

Ang mga banal na kasulatan ay mahalagang bahagi ng ating kaugnayan kay Jesucristo. Itinutuon ng pagkatuto mula sa mga banal na kasulatan ang ating isipan at puso sa Kanya, na nag-aanyaya sa Kanyang kapangyarihan sa ating buhay. Sa panahon ng apostasiya, iniutos ng Panginoon sa propetang si Jeremias na isulat at ipadala ang mga salita ng Panginoon sa mga tao ng Juda upang sila ay bumaling sa Kanya at mapatawad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano sila ibinabaling kay Jesucristo ng mga banal na kasulatan para mapatawad sa kasalanan.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga personal na mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at sumulong sa kinakailangang babasahin para sa taon. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano sila natutulungan ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan na bumaling sa Panginoon.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsasalita nang tuwiran

Mag-isip ng paraan upang matulungan ang mga estudyante na maghandang matutuhan kung paano ginagamit ng Panginoon ang mga banal na kasulatan para mapagmahal na itama tayo at dalhin tayo sa Kanya. Ang isang paraan upang magawa ito ay magpaisip sa mga estudyante ng mga sitwasyon kung saan maaaring hindi sila komportableng magsalita nang tuwiran. Kung kinakailangan, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na sitwasyon.

  • Paano maaaring tumugon ang isang taong nagmamalasakit sa iyo sa mga sumusunod na sitwasyon?

    • Pagkatapos kumain ng tanghalian, napansin ng kaibigan mo na mayroon kang tinga sa iyong mga ngipin.

    • Inaanyayahan ka sa isang party na magkakaroon ng mga hindi naaangkop na aktibidad. Alam ng iyong kaibigan ang mga aktibidad na ito ngunit alam niya na gustung-gusto mong dumalo.

  • Ano ang maaaring makahikayat sa isang tao na magsalita nang tuwiran sa mga ganitong sitwasyon?

  • Ano ang maaaring maging resulta ng pagsasalita o pananatiling tahimik?

Nalalaman at nakikita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga bagay na hindi natin nakikita. Hinahangad Nila ang pinakamakabubuti para sa atin, at kinakausap Nila tayo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 32:3; Doktrina at mga Tipan 1:37–38). Habang natututo ka ngayon, pagnilayan ang mga paraan kung paano mapagpapala ng mga banal na kasulatan ang iyong buhay. Pag-isipan kung paano makakaimpluwensya ang mga ideyang ito sa iyong personal na pag-aaral.

Isang layunin ng banal na kasulatan

Basahin ang Jeremias 36:1–3, at alamin kung bakit iniutos ng Panginoon kay Jeremias na isulat ang Kanyang mga salita para sa mga tao ng Juda.

  • Ano ang ninanais ng Panginoon para sa mga tao ng Juda?

  • Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa ilang layunin ng banal na kasulatan?

    Maaaring matukoy ng mga estudyante ang isang katotohanang tulad ng ang mga banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na bumaling sa Panginoon at matanggap ang Kanyang kapatawaran.

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga pariralang “humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad” at “upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan” (talata 3). Maaari nilang isulat ang katotohanang natuklasan nila malapit sa mga pariralang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

  • Paano tayo tinutulungan ng mga banal na kasulatan na bumaling sa Panginoon at tumanggap ng Kanyang kapatawaran?

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng estudyante. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari silang sumangguni sa mga ideyang matatagpuan sa mga sumusunod na banal na kasulatan. Maging pamilyar sa mga banal na kasulatang ito para mapuntahan mo ang mga ito habang nagbabahagi ang mga estudyante. Bilang alternatibo, pagkatapos magbahagi ang mga estudyante ng ilang sagot sa nakaraang tanong, maaari mong ibigay ang mga sumusunod na tagubilin at magpadagdag sa kanila ng mga ideya sa pisara.

Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang mga karagdagang paraan kung paano tayo tinutulungan ng mga banal na kasulatan na bumaling sa Panginoon at mapatawad sa ating mga kasalanan.

2 Timoteo 3:16

Alma 37:8

Helaman 15:7

icon ng seminary Ang mga tanong na tumutulong sa mga estudyante na ma-assess ang natututuhan nila ay makatutulong sa iyo na matukoy kung handa na silang magpatuloy sa susunod na bahagi ng lesson. Halimbawa, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang natututuhan ninyo?

  • Ano ang mga tanong ninyo tungkol sa inyong binasa?

Ang mga sagot ng estudyante ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na tulungan kang malaman kung paano tumugon sa kanilang mga pangangailangan.

Para sa karagdagang pagsasanay sa pagtatanong para sa pag-assess sa pagkatuto, tingnan ang “Laging maging handang tumugon sa mga espirituwal na pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mag-aaral” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.

Ang hari at ang balumbon

Maaari mo ring ibuod o basahin ang sumusunod na talata.

Ginawa ni Jeremias ang iniutos ng Panginoon at hiniling niya sa isang lalaking nagngangalang Baruc na isulat ang mga salita ng Panginoon sa isang balumbon [scroll]. Dahil nakakulong si Jeremias, hiniling niya kay Baruc na basahin ang mga salita ng Panginoon sa mga tao ng Juda, kabilang ang ilang pinuno. Matapos gawin ito, ibinigay ni Baruc ang balumbon sa mga pinuno upang basahin kay Jehoiakim, ang hari ng Juda (tingnan sa Jeremias 36:4–10, 14–15, 20–21).

Basahin ang Jeremias 36:20–24, at alamin ang naging reaksyon ni Haring Jehoiakim nang marinig niya ang mga salita sa balumbon.

  • Sa iyong palagay, bakit ganito ang naging reaksyon ng hari?

Basahin ang Jeremias 36:25, at alamin kung paano sinubukan ng ilang pinuno na impluwensyahan ang hari.

Sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na sila ang mga pinuno sa talata 25. Gamit ang natutuhan nila sa klase ngayon, sabihin sa mga estudyante na maghanda ng sagot sa hari na makatutulong sa kanya na maunawaan kung paano mapagpapala ng mga banal na kasulatan ang kanyang buhay.

Ang isang paraan para magawa ang aktibidad na ito ay hatiin ang klase sa grupong may tigtatatlong miyembro. Ang bawat estudyante ay maaaring kumatawan sa isa sa mga pinuno, kung saan magkakasamang maghahanda ng kanilang sagot ang mga grupo. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang isang grupo na pumunta sa harapan ng klase at isadula ang pakikipag-usap nila sa hari. Maaari mong anyayahan ang ibang estudyante na gumanap bilang hari o ikaw bilang titser ang maaaring gumanap sa papel na iyon. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na magsadula ng alternatibong wakas sa kuwento kung saan nahikayat ang hari na hindi sunugin ang balumbon.

  • Ano ang isang makabagong sitwasyon kung saan ang mga turo mula sa iyong sagot ay maaaring makatulong sa isang kabataan?

Pagnilayan ang natutuhan mo

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Jeremias 36.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Portrait of Elder D. Todd Christofferson.  Photographed in March 2020.

Sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, tunay na “ipinapakita [ng Diyos] ang kanyang kapangyarihan” [tingnan sa Alma 37:14] na iligtas at dakilain ang Kanyang mga anak. Sa Kanyang salita … pinalalawak Niya ang ating kaalaman, binibigyang-liwanag ang kamalian, at inaakay tayo sa pagsisisi at kagalakan kay Jesucristo na ating Manunubos. (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 33)

Maaaring makatulong na bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan o isulat ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong bago sila magbahagi sa klase.

  • Paano maaaring makaapekto sa iyong personal na pag-aaral na malaman na ang mga banal na kasulatan ay makatutulong sa iyo na bumaling sa Panginoon at matanggap ang Kanyang kapatawaran at patnubay?

Ito ay maaaring magandang pagkakataon para sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga mithiin sa personal na pag-aaral at ang kinakailangang babasahin para sa seminary credit. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang mga mithiin at pag-isipan kung paano sila mas makatutuon sa pagbaling kay Jesucristo bilang bahagi ng kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.