“Isaiah 58:1–12: Ang Kapangyarihan ng Pag-aayuno at Panalangin,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Isaiah 58:1–12: Ang Kapangyarihan ng Pag-aayuno at Panalangin,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 58–66: Lesson 126
Isaias 58:1–12
Ang Kapangyarihan ng Pag-aayuno at Panalangin
Iniutos ng Panginoon na mag-ayuno tayo. Ano ang nadarama mo tungkol sa utos na ito? Nadama ng mga Judio na hindi kinilala ng Panginoon ang kanilang pag-aayuno. Sa pamamagitan ni Isaias, itinuro ng Panginoon sa mga tao ang tungkol sa wastong pag-aayuno. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng hangaring mag-ayuno sa paraan ng Panginoon.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung ano ang nadarama nila tungkol sa pag-aayuno at bakit. Maaari din nilang hilingin sa isang magulang o pinagkakatiwalaang kaibigan na ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pag-aayuno
Upang matulungan ang mga estudyante na matuto tungkol sa pag-aayuno, maaari mong gawin ang sumusunod. Habang tinatalakay mo ang paksang ito, subukang gumawa ng isang kapaligiran kung saan malayang makakapagbahagi ang mga estudyante nang walang pamimilit o panghuhusga.
Kunwari, isang Linggo ng umaga, handa ka nang kumain ng almusal nang maalala mo na Linggo ng pag-aayuno ngayon.
-
Ano ang mga unang ideya na naisip mo?
Kung kinakailangan, ibahagi ang sumusunod na paliwanag tungkol sa pag-aayuno mula sa Pangkalahatang Hanbuk:
Itinatag ng Panginoon ang batas ng ayuno at mga handog-ayuno upang pagpalain ang Kanyang mga tao at maglaan ng paraan para mapaglingkuran nila ang mga nangangailangan. …
Ang pag-aayuno ay maaaring gawin anumang oras. Gayunman, karaniwang itinatalaga ng mga miyembro bilang araw ng pag-aayuno ang unang Sabbath ng bawat buwan. Ang araw ng pag-aayuno ay karaniwang kinabibilangan ng sumusunod:
Pagdarasal
Ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras (kung kaya ng katawan)
Pagbibigay ng bukas-palad na handog-ayuno
Ang handog-ayuno ay isang donasyon para matulungan ang mga nangangailangan. Kapag nag-aayuno ang mga miyembro, inaanyayahan silang magbigay ng handog na kahit na katumbas ng halaga ng pagkaing hindi kinain. Hinihikayat ang mga miyembro na maging bukas-palad at magbigay nang higit pa sa halaga ng pagkaing hindi nila kinain kung kaya nila. (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 22.2.2., Gospel Library)
Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang nadarama ninyo tungkol sa pag-aayuno habang pinag-iisipan ninyo ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa pag-aayuno? Bakit?
-
Kung nag-ayuno ka na noon, ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon at pag-aayuno mula sa iyong karanasan?
-
Anong mga alalahanin o tanong ang mayroon ka tungkol sa pag-aayuno?
Habang nag-aaral ka ngayon, hingin ang patnubay ng Panginoon upang makatulong sa anumang alalahanin mo at upang makadama ng hangaring mag-ayuno.
Ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pag-aayuno
Iniutos ng Panginoon kay Isaias na buong tapang na ipahayag ang mga kasalanan ng sambahayan ni Israel. Halimbawa, hayagan silang nagsagawa ng mga kaugaliang panrelihiyon, kabilang ang pag-aayuno, na may maling layunin.
Maaari mong ipaliwanag o ipakita ang alinman sa sumusunod na impormasyon na maaaring makatulong sa mga estudyante habang binabasa nila ang mga talata sa ibaba:
-
Ang “yantok“ (talata 5) ay isang mataas at manipis na damo na yumuyuko.
-
Ang “damit-sako” (talata 5) ay magaspang na tela na isinusuot ng mga tao noong unang panahon upang maging simbolo ng kanilang kababaang-loob o kalungkutan. Nagwiwisik din sila ng mga abo sa kanilang sarili para sa parehong dahilan.
Basahin ang Isaias 58:3–5, at alamin ang mga sagot sa dalawang tanong na ito:
-
Ano ang itinanong ng mga tao sa Panginoon tungkol sa kanilang pag-aayuno?
-
Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga tao tungkol sa nagawa nilang mali sa kanilang pag-aayuno?
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot at kung ano ang mahalaga para sa kanila. Kung kinakailangan, ituro na habang nag-aayuno ang Israel, hinanap nila ang kanilang sariling kalayawan (talata 3), itinuring nilang paghihirap ang pag-aayuno (talata 3, 5), at hindi naging maganda ang pakikitungo nila sa iba (talata 3–4).
-
Paano tayo maaaring makagawa ng mga katulad na pagkakamali habang nag-aayuno tayo?
Ipaliwanag na gusto ng Panginoon na mag-ayuno tayo sa paraang naiiba sa mga taong ito. Gusto Niyang mag-ayuno tayo nang may pagpapakumbaba, layunin, at tunay na hangarin (tingnan sa Awit 35:13; Joel 2:12; Jonas 3:4–10; Mateo 6:16–18; Alma 5:46; 6:6;17:3, 9).
-
Sa inyong palagay, bakit gusto ng Panginoon na mag-ayuno tayo nang may pagpapakumbaba, na may mga tiyak na matwid na layunin, at tunay na hangarin?
Mga Pangako ng Panginoon
Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod: Kung mag-aayuno tayo ayon sa paraang gusto ng Panginoon,…
Basahin ang Isaias 58:6–12, at alamin ang mga layunin at pagpapalang ipinapangako ng Panginoon sa mga nag-aayuno ayon sa paraan ng Panginoon. Maaari ninyong markahan ang mga ito.
Ang Isaias 58:6–7 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.
Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pangungusap batay sa kanilang natutuhan. Maaari nilang isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Ang sumusunod ay ilang halimbawa:
-
Kakalagin Niya ang mga tali ng kasamaan o kasalanan sa atin (tingnan sa Isaias 58:6).
-
Kakalasin niya ang mga panali ng pamatok o aalisin Niya ang mabibigat na pasanin (tingnan sa Isaias 58:6).
-
Pangangalagaan natin ang mga dukha at nangangailangan (tingnan sa Isaias 58:7).
-
Pagpapalain Niya tayo ng liwanag at kalusugan (tingnan sa Isaias 58:8).
-
Diringgin Niya ang ating mga panalangin (tingnan sa Isaias 58:9).
Ang mga pagpapala ng pag-aayuno
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga pagpapalang natukoy nila, anyayahan silang pumili ng isa o dalawa sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Isang binatilyo ang nababalisa sa kanyang mga gawain sa paaralan at sa kanyang kinabukasan.
-
Pakiramdam ng isang dalagita ay hindi na siya muling magiging malinis kailanman dahil sa kanyang mga kasalanan.
-
Isang binatilyo ang nananalangin upang malaman kung totoo ang Simbahan ngunit nahihirapan siyang makatanggap ng sagot.
-
Isang dalagita ang gustong tumulong sa mga dukha.
-
Isang binatilyo ang nahaharap sa isang hamon na hindi niya alam kung malalampasan niya.
Maghanap ng isang parirala mula sa Isaias 58:6–12 na maaaring maghikayat sa taong nasa sitwasyon na mag-ayuno at manalangin para sa tulong ng Diyos. (Sa ilang sitwasyon, maaaring higit sa isang parirala ang naaangkop.)
Sa maliliit na grupo o bilang isang klase, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga sitwasyong pinili nila at ang mga pariralang maaaring makatulong at kung bakit.
Maaari mo rin silang anyayahan na magbahagi ng iba pang sitwasyon kung saan ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga talatang ito ay maaaring kapaki-pakinabang o itanong kung may alinman sa mga pagpapalang ito na partikular na makabuluhan sa kanila at bakit.
-
Paano kayo maaaring mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa pag-aayuno at pagtanggap ng mga pagpapalang ito?
Mga halimbawa ng pag-aayuno at pagbabayad ng mga handog-ayuno
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang halimbawa ng Tagapagligtas, ipaliwanag na Siya ay nag-ayuno at nagturo tungkol sa pag-aayuno habang ipinamumuhay din ang alituntunin. Nag-ayuno Siya bago ang Kanyang ministeryo sa lupa (tingnan sa Mateo 4:1–2 at tandaang pinalitan ng Pagsasalin ni Joseph Smith para sa Mateo 4:1 ang pariralang “upang tuksuhin ng diyablo“ at ginawang “upang makasama ang Diyos“). Itinuro din Niya na ang ilang masamang impluwensya ay umaalis lamang “sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno“ (Mat. 17:19, 21).
Maaari mong ipakita ang sumusunod na makabagong halimbawa ng pag-aayuno at itanong sa mga estudyante ang nagustuhan o natutuhan nila rito:
-
“Fast Offerings: A Simple Commandment with a Marvelous Promise“ (3:01): Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring ang karanasan ng isang babae sa mga handog-ayuno sa Sierra Leone noong panahon ng digmaan.
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang sarili nilang mga karanasan sa pag-aayuno, gayundin ang mga sumusunod na tanong, sa loob ng ilang sandali:
-
Anong mga pagpapala ang ibinigay sa iyo ng Panginoon o sa mga kakilala mo dahil sa pag-aayuno?
-
Paano mo gagawin o magagawang mas makabuluhan ang iyong pag-aayuno?
Maaari mo ring ibahagi ang iyong sariling mga karanasan.
Ang iyong nadarama tungkol sa pag-aayuno
Isipin ang anumang impresyong natanggap mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa lesson na ito habang isinusulat mo sa iyong study journal ang nadarama mo tungkol sa pag-aayuno. Maaari mong piliing isama ang mga pagpapala mula sa Panginoon na gusto mo sa iyong buhay at kung bakit.
Isaulo
Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at rebyuhin ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa “Isaias 58:6–7“ ay “mga pagpapala ng wastong pag-aayuno.“ Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”