“Isaias 61: Ang Misyon ni Jesus, ang Mesiyas,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Isaias 61: Ang Misyon ni Jesus, ang Mesiyas,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Isaias 58–66: Lesson 128
Isaias 61
Ang Misyon ni Jesus, ang Mesiyas
Sa Isaias 61, itinuro ni Isaias ang misyon ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit na pagalingin, palayain, panatagin, at iligtas tayo. Maaaring kung minsan ay hindi sigurado ang ilang tao kung ibinibigay ni Jesucristo ang tulong at kapanatagan na iyon sa ating buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang kumpiyansa sa kakayahan ng Tagapagligtas na pagalingin, palayain, at panatagin tayo.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang mga katibayan na nakita nila sa kanilang buhay o sa buhay ng iba na pinagagaling, pinapanatag, at pinasisigla ni Jesucristo ang mga tao ngayon. Hilingin sa kanila na dumating sa klase na handang ibahagi ang kanilang mga naisip.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang pangangailangan natin sa Mesiyas
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ating pangangailangan kay Jesucristo, maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ng babaeng dinudugo mula sa Bagong Tipan (tingnan sa Marcos 5:24–34).
Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanyang sitwasyon. Kung kinakailangan, ipaliwanag na may problema siya sa kalusugan, at siya ay “labindalawang taon nang dinudugo“ (Marcos 5:25). “Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya” sa paghahanap ng lunas mula sa mga manggagamot, pero lumubha lang ang kanyang sakit (Marcos 5:26). Sa ilalim ng batas ni Moises, ang isang taong dinudugo ay itinuturing na marumi (tingnan sa Levitico 15:19–33), kaya malamang na hindi ibinilang sa lipunan ang babaeng ito sa loob ng 12 taon na iyon.
Itanong ang mga sumusunod habang ipinapakita ang larawan.
-
Sa palagay ninyo, ano ang maaaring naisip o nadama niya?
-
Paano maaaring gayon din ang maisip o madama ng isang tinedyer sa panahon ngayon?
Maaaring anyayahan ng mga estudyante ang personal na paghahayag sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa kanilang buhay at mga kalagayan. Ang isang paraan kung paano sila matutulungan na gawin ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tagubilin tulad ng sumusunod:
Isipin ang mga hamon na kinakaharap mo o ng isang taong kilala mo ngayon at paano ninyo kakailanganin ang tulong ng Tagapagligtas. Ipinropesiya ni Isaias kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas at ang babaeng ito. Habang pinag-aaralan mo ang Isaias 61 ngayon, humingi ng patnubay sa Espiritu upang matulungan kang makita kung paano kumikilos ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa iyong buhay.
Ang misyon ng Mesiyas
Upang maihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang Isaias 61, isulat sa itaas ng pisara ang sumusunod na parirala: Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang …
Sa Isaias 61, ipinropesiya ni Isaias ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Sa mga talatang ito, si Isaias ay nangusap nang mala-mesiyas o na tila ang Tagapagligtas ang bumibigkas sa mga salita.
Basahin ang Isaias 61:1–3, at tapusin ang pahayag sa pisara: Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang …
Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng hinirang sa talata 1 ay si Jesucristo ay itinalaga o isinugo na may partikular na layunin. “Cristo (isang salitang Griyego) at Mesiyas (isang salitang Hebreo) ay nangangahulugang ‘ang pinahiran‘” (“Jesucristo,” Gabay sa mga Banal na Kasulatan).
Maaari mo ring ipaliwanag na ang inaapi sa konteksto ng talata 1 ay maaaring mangahulugang dukha, naghihirap, o mapagpakumbaba.
-
Ano ang nalaman ninyo na nakatutulong sa inyo na maunawaan kung paano matutulungan ng Tagapagligtas ang isang tao ngayon?
Maaari mong isulat sa pisara ang ibabahagi ng mga estudyante o anyayahan silang gawin ito. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari nilang tapusin ang sumusunod na pahayag: Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang …
-
Ipangaral ang ebanghelyo sa mga dukha, naghihirap, at mapagpakumbaba (tingnan sa talata 1).
-
Pagalingin ang mga bagbag na puso (tingnan sa talata 1).
-
Palayain ang bihag (tingnan sa talata 1).
-
Aliwin ang lahat ng tumatangis (tingnan sa talata 2).
-
Bigyan ng kagandahan at kagalakan ang mga lupaypay ang diwa (tingnan sa talata 3).
Ang pagtatanong ng mga follow-up na tanong ay isang mabisang kasanayan para matulungan ang mga estudyante na suriin ang napag-aralan nila sa mga banal na kasulatan o ang narinig nilang ibinahagi ng isang tao. Maaari mong pag-isipang magbigay ng mga follow-up na tanong tulad ng mga sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na isipin ang kahulugan ng tekstong: “Sa anong mga paraan maaaring mabihag ang isang tao?“ o “Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng bibigyan niya tayo ng ’putong na bulaklak sa halip na mga abo’?“
Pag-alam kung paano isinasakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang misyon
Maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang sumusunod na buod ng Lucas 4:16–21.
Sa Kanyang buhay sa lupa, binasa ni Jesucristo ang Isaias 61 sa sinagoga sa Kanyang bayan ng Nazaret. Sa pamamagitan ng mga salita ni Isaias, nagpatotoo si Jesucristo na Siya ang ipinangakong Mesiyas na isinugo ng Ama sa Langit na may misyon na magpagaling, magpalaya, magpanatag, at magligtas (tingnan sa Lucas 4:16–21).
Upang matulungan ang mga estudyante na makita kung paano maisasakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang misyon sa kanilang buhay, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan sa mga grupo ang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan.
Pumili ng isa sa mga pahayag sa pisara. Pag-aralan ang isang halimbawa sa mga banal na kasulatan kung saan isinasakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang misyon sa pamamagitan ng pagtulong sa isang tao sa kanyang naiibang hamon. Maaari mong gamitin ang ibinigay na halimbawa sa banal na kasulatan o maghanap ng sarili mo. Maaari ka ring mag-isip ng isang makabagong halimbawa.
-
Naghihirap: Lalaking lumpo (Marcos 2:1–12)
-
Bagbag na puso o namimighati: Ang babaeng dinudugo (Marcos 5:24–34)
-
Bihag: Ang Nakababatang Alma (Alma 36:16–21)
-
Tumatangis: Sina Maria at Marta (Juan 11:20–36)
-
Lupaypay na diwa: Si Alma at ang kanyang mga tao (Mosias 24:8–21)
Habang pinag-aaralan mo ito, maghanap ng mga sagot para sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa kung paano maisasakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang misyon para sa iyo sa buhay mo?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa kung paano mo maaanyayahan ang Kanyang kapangyarihan sa buhay mo?
Habang nag-aaral ang mga estudyante, maging handang tumulong sa pagsagot sa anumang tanong na maaaring mayroon sila.
Pagkatapos nilang mag-aral, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila na maaaring makatulong sa isang tao na nahaharap sa isang mahirap na hamon.
Ang pagtatanong na nag-aanyaya sa mga estudyante na pagnilayan ang mga personal na karanasan, tulad ng sumusunod, ay makatutulong sa kanila na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ni Jesucristo sa kanilang buhay. (Para sa karagdagang training sa pagbibigay ng mga paanyaya na makatutulong sa mga estudyante na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon, tingnan ang “Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)
Kung makikinabang ang mga estudyante na makakita ng isang makabagong halimbawa bago ibahagi ang kanilang mga karanasan, maaari mong ipanood ang karanasan ni Darlyn sa “Feeling the Lord’s Love and Goodness in Trials“ (4:18).
4:17 -
Sa anong mga paraan mo nakita na isinasakatuparan ni Jesucristo ang Kanyang misyon sa buhay mo o sa buhay ng isang taong kilala mo?
Pagbabahagi ng pinaniniwalaan mo tungkol sa Kanya
Bigyan ng oras ang mga estudyante na iproseso kung paano makakaapekto ang mga bagay na kanilang natutuhan sa kanilang buhay sa labas ng klase. Ang sumusunod na aktibidad ay nauugnay sa hamon na naisip nila sa unang bahagi ng klase.
Sumulat ng mensahe sa taong iniisip mo ngayon na kasalukuyang nakakaranas ng paghihirap sa kanilang buhay (maaaring ang taong ito ay ikaw mismo). Hingin ang tulong ng Espiritu na gabayan ka habang nagsusulat ka. Sa liham, magbahagi ng mga katotohanan o karanasan na narinig at natutuhan mo ngayon tungkol sa Tagapagligtas na sa palagay mo ay makapaghihikayat o makapagbibigay ng pag-asa sa tao na ito.
Maaari mo itong tapusin sa pagpapatotoo mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan.