“Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 5: Pagsasaulo ng mga Passage at Pagsasabuhay ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 5: Pagsasaulo ng mga Passage at Pagsasabuhay ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7: Lesson 76
Pagsasanay sa Doctrinal Mastery 5
Pagsasaulo ng mga Passage at Pagsasabuhay ng mga Alituntunin ng Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman
Ang doctrinal mastery ay tumutulong sa mga estudyante na itayo ang kanilang pundasyon kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maisaulo ang mahahalagang parirala ng banal na kasulatan sa mga doctrinal mastery passage at maipamuhay ang mga banal na alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Paghahanda ng estudyante: Maaaring anyayahan ang mga estudyante na pumili at simulan ang pagsasaulo ng isang doctrinal mastery scripture passage. Ang Doctrinal Mastery app ay maaaring makatulong na resource. Matatagpuan ang isang listahan ng mga passage sa Doctrinal Mastery Core Document (2023).
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagrerebyu ng doctrinal mastery: Isaulo
Maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagsasaulo ng mga doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan. Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod.
-
Ano ang unang bagay na naaalala ninyo na isinaulo ninyo? Natatandaan pa ba ninyo ito?
-
May isinaulo na ba kayong banal na kasulatan? Ano ang naging pakinabang ng pagsasaulo nito?
-
May naiisip ba kayong mga pagkakataon kung saan binanggit ng Tagapagligtas ang mga banal na kasulatan nang walang kopya?
Kung kinakailangan, ipaalala sa mga estudyante na nagbanggit si Jesucristo ng mga banal na kasulatan sa ilang sitwasyon, tulad noong tuksuhin Siya ni Satanas (tingnan sa Mateo 4:4, 7, 12), tanungin Siya ng mahihirap na tanong (tingnan sa Mateo 9:13; 15:4, 7–9; Marcos 10:7–8), at nang turuan Niya ang mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 22; 24–25).
Upang matulungan ang mga estudyante na magsaulo ng mga doctrinal mastery reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan, maaaring gawin ang sumusunod. O pumili ng isa pang aktibidad sa pagsasaulo mula sa “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery” sa appendix.
Magpakita ng listahan ng mga doctrinal mastery passage na napag-aralan na ng mga estudyante sa ngayon. Anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isang passage na gusto nilang isaulo. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na gawin ang sumusunod.
Isulat ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala sa iyong journal (mas mainam kung lapis ang gagamitin). Pagkatapos ay basahin nang malakas ang mga ito sa iyong sarili. Pagkatapos basahin, burahin o i-cross out ang isa o dalawang salita o numero. Basahin mo ulit ito nang malakas. Ulitin ang prosesong ito hanggang sa mabura mo ang lahat ng salita at numero. Pagkatapos ay tingnan kung maisusulat mo ang reference at mahalagang parirala nang walang kopya.
Kung may sapat na oras, maaaring ulitin ng mga estudyante ang proseso sa ibang passage.
Alamin at ipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman
Maaaring maging kapaki-pakinabang para sa mga estudyante na magkaroon ng maraming pagkakataon na rebyuhin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang pagrerebyu ay tutulong sa mga estudyante na maisapuso ang mga alituntunin upang magamit nila ang mga ito sa mga oras ng pangangailangan. Isiping rebyuhin ang mga alituntunin sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa mga iminumungkahing aktibidad sa pagrerebyu sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery” sa appendix. Ang mga paglalarawan sa mga alituntunin ay matatagpuan sa talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2023).
Bigyan ang mga estudyante ng isang sitwasyon na tumutulong sa kanila na talakayin ang mga tanong tungkol sa kahalagahan ng bawat tao bilang anak ng Diyos at ang kahalagahan ng pagtingin at pakikitungo sa iba tulad ng pagtingin at pakikitungo sa iba ng Tagapagligtas. Kamakailan ay natutuhan ng mga estudyante ang mga katotohanan tungkol sa ating banal na identidad (tingnan sa Genesis 1:26–27), kung paano tayo tinitingnan ng Panginoon (tingnan sa 1 Samuel 16:7), at kung paano dapat magkaisa ang mga tao ng Panginoon (tingnan sa Moises 7:18).
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon, o maaari mo itong iakma para mas matugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante. Ang isa pang opsiyon ay gamitin ang video na “Bullying—Stop It (10:22),” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Ipanood ang video mula sa time code na 0:00 hanggang 6:50. Pagkatapos ay i-pause ang video at ipagpatuloy ang mga aktibidad sa lesson.
Pag-isipan ang sumusunod na sitwasyon:
Si Joe ay kabilang sa isang grupo ng mga magkakaibigan na madalas ay hindi mabait sa iba sa paaralan at sa social media. Akala nila ay nakakatawa at nakakaaliw lang ang ginagawa nila. Isang araw, nagkataon na nakita ni Joe na pinagtutulungan ang kanyang kapatid na babae. Nakita niya kung gaano nasasaktan ang kanyang kapatid. Nag-alala siya kung ano ang maaaring epekto ng pambu-bully sa kanya. Dahil nakita niya na binu-bully ang kanyang kapatid, naisip ni Joe ang isang bagay na hindi niya nakita noon. Natanto niya kung ano ang nararamdaman ng iba dahil sa kanya at sa kanyang mga kaibigan. Siya ay nanlumo at nag-iisip kung ano ang dapat niyang gawin ngayon.
-
Anong mahihirap na desisyon tungkol sa kung paano niya dapat tratuhin ang iba ang maaaring gawin ni Joe? Bakit maaaring maging mahirap na gawin ang mga pagbabagong ito?
Upang matulungan ang mga estudyante na magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa sitwasyon, maaari mo silang anyayahang gawin ang sumusunod.
Pumili ng isa sa tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na sa palagay ninyo ay maaaring maging kapaki-pakinabang kay Joe. Kumpletuhin ang aktibidad sa ibaba na tumutugma sa alituntuning pinili ninyo.
Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw
Gumawa ng listahan ng lahat ng bagay na sa palagay ninyo ay gusto ng Ama sa Langit na malaman ni Joe. Isipin ang mga turo ng mga banal na kasulatan tulad ng Genesis 1:26–27 at 1 Samuel 16:7 na makatutulong sa kanya na tingnan ang kanyang sarili at ang iba nang mas angkop.
Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos
Gumawa ng listahan ng mga banal na kasulatan o mensahe sa pangkalahatang kumperensya na maaaring pag-aralan ni Joe upang matulungan siya na piliin ang magsisi at magbago.
Maaari kayong pumunta sa tab na Pangkalahatang Kumperensya sa Gospel Library. Pumunta sa “Mga Paksa,” at pumili ng paksa na may kaugnayan sa sitwasyon ni Joe, tulad ng pag-ibig sa kapwa-tao, awa, halimbawa, o pagsisisi. Basahin ang isang mensahe at maghanap ng isang pahayag na maaaring magpalakas o magturo kay Joe.
Kung kailangan ninyo ng tulong sa paghahanap ng banal na kasulatan, maaari ninyong rebyuhin ang mga doctrinal mastery scripture passage.
Kumilos nang may pananampalataya
Para maipakita ang maaaring gawin ni Joe, gumawa ng comic strip na may tatlo hanggang anim na larawan na naglalarawan kung paano siya maaaring kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo. Bilang bahagi ng inyong comic strip, maaaring ilagay kung paano magagamit ni Joe ang kanyang kaalaman tungkol kay Jesucristo.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang napag-aralan nila. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga ideya nila habang nakikinig sila sa kanilang mga kaklase.
Kung ipinanood mo ang video, maaari mong ipanood ang natitirang bahagi ng video mula sa time code na 6:51 hanggang 10:23. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano nakinabang o naipamuhay ng binatilyo ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.
Kung ginamit mo ang sitwasyon, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na dugtungan ng pangyayari ang natitirang bahagi ng kuwento sa maliliit na grupo. Anyayahan ang mga grupo na dugtungan ang sumusunod na dalawang bahagi ng kuwento:
-
Ang sasabihin ni Joe sa mga taong ginawan niya nang hindi maganda
-
Ang sasabihin ni Joe sa kanyang mga kaibigan
Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras upang kumpletuhin ang sitwasyon. Pagkatapos ay maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gumawa ng isang bagay sa araw na ito para magamit ang isa o mahigit pang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa isang sitwasyon na kinakaharap o kahaharapin nila.
Tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong patotoo kung paano tutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga estudyante sa mga personal na hamon habang umaasa sila sa Kanila para mapatnubayan.