“1 Samuel 25: Tinutulungan Tayo ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“1 Samuel 25: Tinutulungan Tayo ng Tagapagligtas na Magpatawad,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
1 Samuel 17–18; 24–26; 2 Samuel 5–7: Lesson 75
1 Samuel 25
Tinutulungan Tayo ng Tagapagligtas na Magpatawad
Sa buong buhay natin, malamang na mararanasan natin ang masaktan o mainsulto ng ibang tao. Nainsulto si David ng isang lalaking nagngangalang Nabal. Bilang isang halimbawa ni Jesucristo, ang asawa ni Nabal na si Abigail ay namagitan at tinulungan si David na magpatawad. Marami pa tayong matututuhan tungkol kay Jesucristo at sa tulong na ibinibigay Niya sa atin sa pamamagitan ng paghahambing kay Abigail sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano sila matutulungan ni Jesucristo na patawarin ang iba.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na basahin, panoorin, o pakinggan ang “Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad” ni Sister Kristin M. Yee (Liahona, Nob. 2022, 36–38). Maaari nilang pag-aralan ang buong mensahe o mga bahaging pinili mo. Anyayahan ang mga estudyante na dumating sa klase na handang magbahagi ng mga natutuhan nila tungkol sa pagtanggap ng tulong ng Tagapagligtas na patawarin ang iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Maaaring magdispley ng larawan ni Jesucristo, tulad ng nasa simula ng lesson na ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag. Anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang kanilang study journal para ilista ang ilang paraan kung paano nila ito kukumpletuhin. Maaari kang magpatugtog ng mapitagang musika habang nag-iisip at nagsusulat ang mga estudyante.
Dahil kay Jesucristo, magagawa kong …
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi kung paano nila kinumpleto ang pahayag. Maaari din nilang ipahayag ang kanilang nadarama o mga paniniwala tungkol sa kanilang ibinabahagi. Ipakita ang sumusunod na pahayag para suportahan o dagdagan ang mga listahang ginawa ng mga estudyante.
Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang bagay na magagawa nating lahat dahil kay Jesucristo:
Sa pamamagitan ng walang-hanggang Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas], makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo.
Madalas ay madaling magpatawad sa isang tao na taos-puso at mapagpakumbabang humihingi ng inyong kapatawaran. Subalit ipagkakaloob sa inyo ng Tagapagligtas ang kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo nang masama sa anumang paraan. Pagkatapos noon, ang mga nakasasakit na ginawa nila ay hindi na babagabag sa inyong kaluluwa. (“Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” [Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 2, 2018], Gospel Library)
-
Ano ang ginagawang posible ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala?
Kumpletuhin ang pahayag sa pisara gamit ang sumusunod na katotohanan: Dahil kay Jesucristo, mapapatawad ko ang mga taong nakasakit sa akin. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na idagdag ang katotohanang ito sa kanilang journal kung hindi ito bahagi ng kanilang unang listahan.
David at Nabal
Ang 1 Samuel 25 ay naglalaman ng isang salaysay kung saan ang mga ginawa ng asawa ni Nabal na si Abigail ay maihahalintulad sa ginawa ni Jesucristo. Ang paghahambing na ito ay tumutulong sa atin na matuto pa ng tungkol sa Kanya. Ang mga ganitong uri ng paghahambing ay tinatawag kung minsan na mga halimbawa ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan sila na maunawaan ang halimbawa ni Cristo sa kabanatang ito. Maaaring maging kapaki-pakinabang kung ibubuod ang buong salaysay bago magsimulang mag-aral ang mga estudyante para mas mapagtuunan nila ang pag-alam sa kung ano ang itinuturo ng salaysay na ito tungkol kay Cristo.
Habang naglalakbay si David at ang kanyang mga tauhan sa ilang, nakilala nila ang mga tagapaglingkod ng isang lalaking nagngangalang Nabal. Sa panahon ng digmaan, madalas na lumalabag sa batas ang mga pagod na sundalo upang makuha ang kailangan nila. Kinailangan ni David at ng kanyang mga tauhan ng tulong at suporta. Mayaman at maraming kawan at bakahan si Nabal. Sa halip na pagmalupitan ang mga tagapaglingkod ni Nabal at kunin ang kailangan nila, naging mabait si David at ang kanyang mga kawal sa mga tagapaglingkod na ito at hindi kumuha ng anumang bagay sa kanila (tingnan sa 1 Samuel 25:7, 15–16). Isinugo ni David ang 10 sa kanyang mga tauhan upang mapayapang humingi kay Nabal ng lubos na kinakailangang pagkain at mga suplay (tingnan sa 1 Samuel 25:5–9). Ininsulto ni Nabal si David at tumangging tulungan siya at ang kanyang hukbo (tingnan sa 1 Samuel 25:10–11).
Sa ilalim ng nakumpletong pahayag sa pisara, maaari kang magdrowing ng dalawang mukha. Lagyan ng label na David ang isa at ang isa ay Nabal. Mag-iwan ng espasyo na kalaunan ay pagdodrowingan ng pangatlong mukha sa pagitan ng dalawang mukha sa lesson. Sa ilalim ng mukha na kumakatawan kay David, maaari mong isulat ang: Mabait sa mga tagapaglingkod ni Nabal; Humingi ng tulong kay Nabal. Sa ilalim ng mukha na kumakatawan kay Nabal, maaari mong isulat ang: Ininsulto si David; Tumangging tumulong. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na baguhin ang mga emosyon ng mga mukha habang binabasa nila ang mga talata sa ibaba.
Anyayahan ang kalahati ng klase na magbasa tungkol kay Nabal at ang kalahati naman ay magbasa tungkol kay David. Kung kinakailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga footnote para mas makaunawa pa.
-
Basahin ang 1 Samuel 25:3, 14, 17, 25, at alamin ang mga katangian ni Nabal.
-
Basahin ang 1 Samuel 25:13, 21–22, at alamin ang naging reaksyon ni David sa mga pang-iinsulto at pagtangging tumulong ni Nabal.
Hilingin sa isang boluntaryo mula sa bawat grupo na isulat sa pisara ang natutuhan nila tungkol sa taong nakatalaga sa kanila. Halimbawa, sa ilalim ni Nabal ay maaari nilang isulat ang Walang Galang; Masama; Manhid. Sa ilalim ni David ay maaari nilang isulat ang Galit; Nadama na pinagmalupitan; Naghangad ng paghihiganti. Maaaring baguhin ng mga estudyante ang emosyon sa bawat mukha para maipakita ang natutuhan nila.
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang sariling kalagayan. Ipaliwanag sa kanila na hindi nila ibabahagi ang kanilang mga sagot sa self-assessment na ito.
Pag-isipan ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Kailan ka pinagmalupitan ng ibang tao?
-
Anong mga pagsisikap, tagumpay, o paghihirap ang ginawa o naranasan mo sa pagpapatawad sa pagmamalupit ng taong ito?
Si Abigail bilang halimbawa ni Cristo
Ihanda ang mga estudyante na pag-aralan ang tungkol kay Abigail sa pamamagitan ng pagtuturo ng kasanayan na paghahanap ng mga halimbawa ni Cristo. Ipaliwanag na maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga bagay na sinabi o ginawa ni Abigail na nagpapaalala sa kanila tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang mga tungkulin, at sa Kanyang misyon sa plano ng Ama sa Langit.
Nasaksihan ng isang tagapaglingkod ni Nabal ang alitan ng kanyang panginoon at ni David. Ipinaalam ito ng tagapaglingkod kay Abigail, ang asawa ni Nabal (tingnan sa 1 Samuel 25:14–17). Nang malaman ni Abigail ang tungkol sa alitang ito, namagitan siya para kay Nabal at hiniling kay David na patawarin ito (tingnan sa 1 Samuel 25:18–20, 23–28). Maituturing si Abigail bilang halimbawa ni Cristo. Makakakita tayo ng mga halimbawa ni Cristo habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan at inaalam natin kung paano tayo tinutulungan ng mga tao, bagay, o maging ng mga pangyayari na isipin si Cristo.
Sa pisara, magdrowing ng mukha sa pagitan nina David at Nabal. Lagyan ng label na Abigail ang mukhang ito. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante upang pag-aralan ang sumusunod nang mag-isa o sa maliliit na grupo.
Basahin ang 1 Samuel 25:18–19, 23–28, 31, at hanapin ang anumang sinabi o ginawa ni Abigail na tulad ng sinabi o ginawa ni Jesucristo. Maaari ninyong markahan ang mahahanap ninyo.
Sa ilalim ng mukha na kumakatawan kay Abigail, gumawa ng listahan ng mga bagay na nalaman ng mga estudyante. Ang mga posibleng sagot ay maaaring: Nagbigay ng maraming suporta (talata 18); Inako ang mga pagkakamali ni Nabal (talata 24); Hiniling kay David na patawarin siya para sa mga pagkakamali ni Nabal (talata 28); Nagsikap na alisin ang pighati at sama ng loob sa puso ni David (talata 31).
-
Paano naging halimbawa ni Jesucristo si Abigail?
Nagbahagi si Sister Kristin M. Yee ng Relief Society General Presidency ng mga ideya tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayong magpatawad.
Sa kuwentong ito, maihahalintulad si Abigail bilang makapangyarihang simbolo ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, mapapalaya Niya tayo mula sa kasalanan at pagkapoot at bibigyan tayo ng mga pangangailangan natin.
Tulad ni Abigail na handang akuin ang kasalanan ni Nabal, gayon din ang Tagapagligtas—sa paraang hindi kayang maunawaan—inako Niya ang ating mga kasalanan at ang mga kasalanan ng mga taong nakasakit sa atin. …
Ang pagdadala ni Abigail ng maraming pagkain at suplay ay makapagtuturo sa atin na ang Tagapagligtas ay nagbibigay sa mga taong nasaktan at napinsala ng mga pangangailangan at ng tulong na kailangan natin upang mapagaling. …
Tulad ni Abigail na tinulungan si David na hindi magkaroon ng “pag-uusig ng budhi” [1 Samuel 25:31] at tumanggap ng tulong na kailangan niya, tutulungan din kayo ng Tagapagligtas. (“Putong na Bulaklak sa Halip na mga Abo: Ang Nagpapagaling na Landas ng Pagpapatawad,” Liahona, Nob. 2022, 36–37)
Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang makabuluhan sa kanila mula sa pahayag ni Sister Yee. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong palitan ang mukha na kumakatawan kay Abigail ng larawan ni Jesucristo na ipinakita mo sa unang bahagi ng lesson, at ilagay ang larawan ng Tagapagligtas sa pagitan ng mukha nina Nabal at David.
-
Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na patawarin ang iba?
Basahin ang 1 Samuel 25:32–35, at alamin kung paano nakaapekto kay David ang mga ginawa ni Abigail.
-
Paano natin madarama ang ganoong pakiramdam kapag tinanggap natin ang tulong ng Tagapagligtas na patawarin ang iba?
Ipakita ang naunawaan
Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na ipahayag ang nauunawaan nila tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan sila na patawarin ang iba. Ang sumusunod ay isang paraan kung paano mo ito magagawa.
Kumpletuhin ang sumusunod sa inyong study journal:
-
Magdrowing ng mukha na kumakatawan sa inyong damdamin kapag may nanakit o nang-insulto sa inyo.
-
Sa tabi ng larawang iyon, magdrowing ng isang mukha na kumakatawan sa isang tao na maaaring nanakit sa inyo.
-
Sa pagitan ng dalawang drowing, gumawa ng listahan ng kung ano ang nauunawaan ninyo tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa inyo na patawarin ang iba.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang isinulat nila tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mo rin silang hikayatin na ibahagi sa iba sa labas ng klase ang natutuhan nila. Idagdag ang iyong patotoo tungkol sa tulong na ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas habang sinisikap nating patawarin ang iba.