“Genesis 42–45: ‘Ako’y si Jose na Inyong Kapatid,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 42–45: ‘Ako’y si Jose na Inyong Kapatid,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 42–45: Lesson 35
Genesis 42–45
“Ako’y si Jose na Inyong Kapatid”
Pagkalipas ng maraming taon mula nang ipagbili si Jose bilang alipin sa Ehipto, nakasama niyang muli ang kanyang mga kapatid. Maaari sana siyang magalit at maghinanakit dahil sa lahat ng pagdurusang naranasan niya. Gayunman, tulad ng Tagapagligtas, pinili ni Jose na kaawaan at patawarin ang kanyang mga kapatid na nagmalupit sa kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagiging mas mapagpatawad.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan ang kautusan ng Tagapagligtas na “magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:10). Hilingin sa kanila na ilista ang ilan sa mga pagpapalang naranasan nila o ng iba sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isang tao.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Si Jose ng Ehipto
Upang masimulan ang klase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin sandali ang salaysay tungkol kay Jose ng Ehipto sa Genesis 37–41. Maaari mong hilingin sa kanila na ibuod ang hindi magagandang ginawa ng mga kapatid ni Jose at ang mga pangyayaring humantong sa katayuan ni Jose bilang pangalawa sa namumuno sa buong Ehipto.
Maaaring gamitin ang mga digital na larawan na matatagpuan sa Lesson 33: Genesis 37–41 upang matulungan ang mga estudyante sa pagbubuod ng kuwento.
-
Ano ang ilan sa mga paraan kung paano nagdusa si Jose dahil sa ginawa ng kanyang mga kapatid?
-
Ano ang madarama ninyo sa taong gagawa sa inyo nito?
-
Bakit maaaring mahirap magpatawad ng isang tao?
Isipin kung paano kayo karaniwang tumutugon kapag may ginagawa o sinasabi ang isang tao na masakit sa inyo. Sa inyong pag-aaral ngayon, pagtuunan ng pansin ang anumang impresyong posibleng matanggap ninyo mula sa Espiritu Santo upang matulungan kayong malaman kung paano ninyo matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas na magpatawad.
Nakasamang muli ni Jose ang kanyang mga kapatid
Upang mapag-aralan ang kuwento ng muling pagsasama ni Jose at ng kanyang mga kapatid, maaari mong isaayos ang mga estudyante sa mga grupo na may tigtatatlong miyembro. Maaaring pag-aralan ng bawat estudyante sa grupo ang isa sa tatlong buod at scripture passage. Pagkatapos ay maaaring ituro ng mga estudyante sa ibang mga miyembro ng grupo ang kanilang bahagi ng kuwento.
Bilang alternatibo, maaari mong ipanood ang animated video na “Joseph and the Famine” (2:26) mula sa time code na 00:00 hanggang 01:41 sa ChurchofJesusChrist.org.
Rebyuhin ang mga sumusunod na buod at pag-aralan ang kasamang mga scripture verse.
Buod 1: Maraming taon matapos nilang ipagbili si Jose bilang isang alipin, naglakbay ang kanyang mga kapatid patungong Ehipto upang maghanap ng makakain para sa taggutom. Nang ipakilala nila ang kanilang mga sarili kay Jose, na ngayon ay pangalawa na sa namumuno sa buong Ehipto, hindi siya nakilala ng magkakapatid. Dahil hindi nila nalalaman na nakikilala at nauunawaan sila ni Jose, ipinabatid ng magkakapatid ang kanilang pighati at pagsisisi sa mga ginawa nila sa kanya maraming taon na ang lumipas.
Basahin ang Genesis 42:21–24, at alamin kung ano ang ginawa ni Jose nang mapakinggan niya ang kanyang mga kapatid na nagsalita tungkol sa pagtrato nila sa kanya.
Buod 2: Binigyan ni Jose ng pagkain ang pamilya ngunit ipinabilanggo si Simeon at sinabihan ang iba pang mga kapatid na huwag bumalik sa Ehipto maliban kung isasama nila ang kanilang bunsong kapatid na si Benjamin. Umuwi ang magkakapatid, ngunit nang muling maubusan ng pagkain ang pamilya, bumalik sila sa Ehipto kasama si Benjamin.
Basahin ang Genesis 43:30, at alamin kung ano ang reaksyon ni Jose nang makita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin.
Buod 3: Sinubukan ni Jose ang pagmamahal ng kanyang mga kapatid kay Benjamin sa pamamagitan ng pag-akusa kay Benjamin ng pagnanakaw at pagbabantang ipabibilanggo niya ito. Inialay ni Juda ang kanyang buhay bilang kapalit ng kay Benjamin.
Basahin ang Genesis 45:1–2, at alamin ang reaksyon ni Jose matapos magkusa si Juda na ibigay ang kanyang buhay para protektahan si Benjamin.
Kapag nabigyan na ng pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan ang mga buod, maaari mo silang anyayahan na talakayin ang sumusunod na tanong.
-
Ano kaya ang nakatulong para maalala ni Jose ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang nakikipag-usap siya sa kanyang mga kapatid?
Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpapatawad
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan ay naglalarawan sa mapagpatawad na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaari mong ipakita ang mga scripture verse na ito upang mapag-aralan ng mga estudyante o ipahanap sa kanila ang sarili nilang mga scripture passage tungkol sa mapagpatawad na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at alamin kung ano ang makatutulong na malaman tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ng isang taong pinagmalupitan.
Lucas 6:36
Efeso 4:31–32
Colosas 3:13
-
Ano ang maibabahagi ninyo mula sa mga talatang ito?
Basahin ang Genesis 45:3–8 at 9–15, at alamin kung paano tumugon si Jose sa kanyang mga kapatid.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo mula sa halimbawa ni Jose?
Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba’t ibang katotohanan. Pasalamatan sila sa ibinahagi nila at tanungin sila kung bakit sa palagay nila ay isa itong mahalagang doktrina o alituntunin na dapat nating malaman. Kung hindi ito mababanggit ng mga estudyante, ibahagi ang sumusunod na katotohanan at isulat ito sa pisara: Tayo ay nagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag pinapatawad natin ang iba.
Sa pag-asa sa Tagapagligtas, mapapatawad natin ang iba
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong ipanood ang video na “Pagpapatawad sa Kapwa: Isang Mensahe para sa Pasko ng Pagkabuhay mula kay Pangulong Russell M. Nelson” (5:01) mula sa ChurchofJesusChrist.org.
Ang isa pang opsiyon ay pag-aralan ang sumusunod na pahayag.
Tinulungan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na maunawaan kung paano tayo aasa sa kapangyarihan ng Tagapagligtas kapag pinapatawad natin ang iba.
Kung sa ngayon ay parang imposible ang pagpapatawad, humingi ng kapangyarihan na tulungan kayo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, nangangako ako ng personal na kapayapaan at ng biglang paglakas ng espirituwal na momentum.
Noong nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan, binuksan Niya ang daan upang ang Kanyang mga tagasunod ay magkatanggap ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at mapantubos na kapangyarihan. Ang mga espirituwal na pribilehiyong ito ay makakamit ng lahat ng nagnanais na pakinggan Siya at sundin Siya. (“Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 100)
-
Paano makatutulong sa atin ang mga turo ni Pangulong Nelson na patawarin ang iba?
-
Ano ang ipapayo ninyong gawin ng isang tao kung nahihirapan siyang magpatawad? Ano ang irerekomenda ninyong gawin niya upang makaasa sa Tagapagligtas?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa huling tanong, maaari mong imungkahi na tingnan nila ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 64:9–11, lalo na sa talata 11.
Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng isang karanasan kung saan sila o ang isang taong kilala nila ay nakapagpatawad. Maaaring makatulong na ipaalala sa mga estudyante na huwag magbahagi ng mga detalye na maaaring masyadong personal sa kanila o sa isang taong kilala nila. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.
Tulungan kaming magpatawad nang lubusan
Upang matulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila tungkol sa pagiging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, maaari mong ipakita ang ilan sa mga sumusunod na aktibidad na kukumpletuhin ng mga estudyante sa kanilang study journal.
Mapanalanging pagnilayan ang anumang impresyong natanggap ninyo sa pag-aaral ninyo ngayon. Anyayahan ang Espiritu Santo na tulungan kayong matukoy ang anumang pagbabago na kailangan ninyong gawin. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kayong dagdagan ang inyong kakayahang magpatawad sa iba.
Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad na gagawin sa inyong study journal.
-
Magsulat ng maikling talata na nagbubuod sa kung paano ka napagpala ng iyong mga pagsisikap na patawarin ang iba. Ilista ang ginawa mo upang maisama ang Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap. Ano sa palagay mo ang mahalagang tandaan sa susunod na kailanganin mong patawarin ang isang tao?
-
Mapanalanging isipin kung may isang tao sa buhay mo na kailangan mong patawarin. Magsulat ng maikling talata na nagpapakita ng nadarama mo tungkol sa pagpapatawad sa taong iyon. Ano sa tingin mo ang humahadlang sa iyong kakayahang magpatawad? Maglista ng ilang paraan kung paano mo maaaring hangarin ang tulong ng Tagapagligtas sa iyong mga pagsisikap.
-
Magsulat ng maikling liham na makatutulong sa isang kaibigan na nahihirapang magpatawad sa isang tao. Maikling ipaliwanag kung paano naging katulad ng Tagapagligtas ang pagpili ni Jose na patawarin ang kanyang mga kapatid. Magsama ng isang scripture passage na naging makabuluhan sa iyo sa iyong mga pagsisikap na patawarin ang iba.
Maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na kumilos ayon sa anumang espirituwal na impresyon na maaaring natanggap nila. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang matatamo kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas na patawarin ang iba.