“Genesis 37–41: ‘Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Genesis 37–41: ‘Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Genesis 37–41: Lesson 33
Genesis 37–41
“Ang Panginoon ay Naging Kasama ni Jose”
Kahit na ipinagbili bilang alipin, pinaratangan nang mali, at ibinilanggo, si Jose ay namuhay nang matwid at nanampalataya sa Diyos. Dahil dito, pinagpala at tinulungan siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga pagsubok. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na makadama ng pag-asa na magagamit ng Diyos ang kanilang mga pagsubok upang pagpalain ang kanilang buhay.
Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagsubok o hamon na naranasan o maaari nilang kaharapin. Anyayahan silang pumasok sa klase na handang ibahagi kung paano magagamit o ginamit ng Panginoon ang mga hamon upang pagpalain ang kanilang buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Isang pabula tungkol sa asno
Maaari kang magpakita ng larawan ng isang asno habang binabasa ng isang estudyante ang sumusunod na talata.
Ang pabula ay tungkol sa isang asno na nahulog sa hukay. Dahil sa takot at kawalan ng mapupuntahan, umungol at umatungal ang asno. Matapos maghanap ang may-ari ng paraan upang masagip ang asno, nagsimula siyang magpala ng lupa sa hukay. Ang bawat pala na puno ng lupa ay napupunta sa likod ng asno, kaya lalo itong umuungol.
Bago ipagpatuloy ang kuwento, maaaring makatulong sa mga estudyante na huminto sandali at pag-isipan ang pabula sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na gaya ng mga sumusunod:
-
Ituturing ba ninyong mabuti o masamang bagay ang mga palang puno ng lupa? Bakit?
-
Ano ang maaaring katawanin ng mga palang puno ng lupa sa ating buhay?
Ipabasa sa isang estudyante ang wakas ng pabula sa sumusunod na talata.
Pinapagpag ng asno ang lupa sa likod nito, kaya ang lupa ay nabunton sa ilalim nito. Paulit-ulit na nagpapagpag ng lupa ang asno at tumutungtong ito sa tumataas na bunton ng lupa, hanggang sa kalaunan ay nakaangat na ang asno at nakatakas sa hukay.
-
Paano maiuugnay ang pabulang ito sa mga pagsubok at hamon na itinutulot ng Ama sa Langit na maranasan natin?
Maaari mong ipakita ang sumusunod at anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ito nang mag-isa.
Isipin ang mga pagkakataon sa inyong buhay na nakaranas kayo ng mga pagsubok o mga pagkakataong pinanghinaan kayo ng loob. Isulat sa inyong study journal ang mga sagot ninyo sa ilan sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano ka tumugon sa mga karanasang iyon?
-
Bakit maaaring maging mahirap na alalahanin ang Panginoon kapag nakakaranas ka ng mga pagsubok?
-
Mula sa walang-hanggang pananaw, paano nagiging posible para sa Ama sa Langit na gamitin ang iyong mga hamon o pagsubok upang pagpalain ang buhay mo?
Sa pag-aaral ninyo ng buhay ni Jose ngayon, maghangad ng paghahayag mula sa Espiritu Santo upang mabigyan kayo ng pag-asa na magagawang pagpapala ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kahit ang mahihirap na pagsubok sa inyong buhay.
Buod ng Genesis 37–41
Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kuwento ng Genesis 37–41, maaari mong ipakita ang limang larawan na kasama sa ibaba nang hindi ayon sa pagkakasunud-sunod. Maaaring magtulungan ang mga estudyante bilang klase o sa maliliit na grupo upang maiayos ang mga ito sa tamang pagkakasunud-sunod. Pagkatapos ay maaari mong ipagamit sa ilang estudyante ang mga larawan upang maibuod nang maikli ang kuwento sa Genesis 37–41.
Maaaring gamitin ng mga estudyante ang mga buod sa ibaba ng bawat larawan o mga heading ng kabanata upang matulungan silang ibuod o malaman kung tama ang pagkakasunud-sunod ng mga larawan.
Noong 17 taong gulang si Jose, kinaiinggitan siya ng kanyang mga nakatatandang kapatid dahil paborito siya ng kanilang ama na si Jacob. Kinamuhian nila si Jose dahil sa pagkukuwento niya ng kanyang mga panaginip na yumukod sila sa kanya sa hinaharap. Kalaunan, ipinagbili nila si Jose bilang alipin (tingnan sa Genesis 37).
Si Jose ay ipinagbili kay Potifar, na isang opisyal ng Faraon ng Ehipto. Kalaunan ay naging tagapamahala ng bahay ni Potifar si Jose (tingnan sa Genesis 39:1–4).
Pinagnasaan ng asawa ni Potifar si Jose, ngunit tumanggi si Jose na labagin ang batas ng kalinisang-puri at tumakas mula sa kanya. Pinaratangan ng asawa ni Potifar si Jose ng pangungutya sa kanya, at siya ay ibinilanggo (tingnan sa Genesis 39:7–20).
Habang nasa bilangguan, binigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip ng mga tagapagsilbi ng Faraon (tingnan sa Genesis 40).
Makalipas ang dalawang taon, nagkaroon ng mga panaginip ang Faraon na hindi niya maunawaan. Sinabi ng isa sa mga tagapagsilbi ng Faraon, na pinalaya mula sa bilangguan, na kayang bigyang-kahulugan ni Jose ang mga panaginip. Itinuro ni Jose sa Faraon na ang kanyang mga panaginip ay kumakatawan sa pitong taon ng masaganang ani at pitong taon ng taggutom na malapit nang dumating sa Ehipto (tingnan sa Genesis 41).
Mga pagpapala mula sa ating mga pagsubok
Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga aral na matututuhan natin mula sa karanasan ni Jose, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at ibigay o ipakita ang mga sumusunod na tagubilin at tanong.
Paalala: Ang Lesson 34, “Genesis 39,” ay magtutuon sa batas ng kalinisang-puri.
-
Basahin ang mga sumusunod na talata at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon si Jose sa kanyang mga pagsubok.
-
Genesis 39:1–6 (Matapos ipagbili si Jose bilang alipin ng kanyang mga kapatid)
-
Genesis 39:20–23 (Matapos ipatapon ni Potifar si Jose sa bilangguan)
-
Genesis 41:14–16, 25–32 (Matapos mapalaya sa wakas sa bilangguan si Jose)
-
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa pagtugon ni Jose sa kanyang mga hamon?
-
Sa iyong palagay, bakit kinailangang maghintay ni Jose nang napakaraming taon upang matanggap ang mga pagpapalang hinahangad niya?
-
Anong katibayan ang nakikita mo tungkol sa pagtulong ng Diyos kay Jose sa kanyang mga pagsubok?
-
Paano tayo matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa gayon ding mga paraan kapag dumaranas tayo ng mahihirap na panahon?
-
Maglakad-lakad at makinig habang tinatalakay ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga grupo nila. Pasalamatan sila sa pagbabahagi ng nalaman nila. Ipaalala sa mga estudyante na maituturo ng Espiritu Santo sa mga tao ang iba’t ibang katotohanan mula sa iisang scripture passage. Ang natitirang bahagi ng lesson na ito ay magtutuon sa katotohanan na kung tayo ay tapat, magagamit ng Diyos ang ating mga pagsubok upang pagpalain ang buhay natin at ng iba.
Basahin ang Genesis 41:37–45, at maghanap ng katibayan kung paano ginamit ng Diyos ang mga pagsubok ni Jose upang pagpalain siya at ang iba.
-
Paano pinagpala ng Panginoon si Jose at ang iba sa pamamagitan ng kanyang mga pagsubok?
Magtanong ng mga bagay na makatutulong sa mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa kapangyarihan at awa ng Diyos mula sa mga katotohanang itinuturo. Ang mga sumusunod na tanong ay mga halimbawa na maaari mong gamitin. (Para sa karagdagang training sa pagtulong sa mga estudyante na matutuhan ang tungkol sa pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon, tingnan ang “Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.
-
Ano sa palagay ninyo ang nais ni Jose na malaman ninyo tungkol sa Panginoon matapos ang mga karanasang pinagdaanan niya?
-
Paano makatutulong ang mga pagsubok para mapatibay natin ang ating ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 90:24 at ang sumusunod na pahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. Alamin kung paano naaangkop ang mga ito kay Jose at sa lahat ng dumaranas ng mga pagsubok at hamon.
Pinatototohanan ko na bagama’t may mga panahong nababaon na tayo ng mga pagsubok sa buhay o napapalibutan ng dalamhati, ang pag-ibig ng Diyos at ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magdudulot ng isang bagay na hindi mailalarawan sa isip. (“Ang Diyos ay Gagawa ng Isang Bagay na Hindi Mailalarawan sa Isip,” Liahona, Nob. 2020, 52)
-
Paano naaangkop ang Doktrina at mga Tipan 90:24 at ang pahayag ni Elder Uchtdorf kay Jose? Sa inyo?
Mga makabagong halimbawa
Upang maihanda ang mga estudyante na pagnilayan kung paano tayo mapagpapala ng Ama sa Langit sa ating mga pagsubok, maaari mong ipanood ang “Faith Murray’s Story: Overcoming Adversity through Service” (4:52), na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano ginamit ng Panginoon ang mga hamon ni Faith upang pagpalain siya at ang iba.
Isipin ang mga karanasan ninyo, o ng iba, nang makita ninyong ginagamit ng Ama sa Langit ang inyong mga pagsubok upang pagpalain ang inyong buhay. Sagutin ang kahit dalawa lang sa mga sumusunod na tanong sa inyong study journal:
-
Sa paanong paraan mo nasaksihang ginamit ng Ama sa Langit ang mga pagsubok upang pagpalain ang buhay ng mga taong kilala mo? Ano ang natutuhan mo sa mga taong iyon?
-
Kung may isang taong dumaranas ng mahirap na pagsubok ngayon, ano ang gusto mong malaman niya tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang nakatulong sa iyo na manatiling tapat sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok na naranasan mo sa iyong buhay?
Maaaring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan pati na ang kanilang damdamin para sa Tagapagligtas.