Seminary
Genesis 39: Pagdaig sa Tukso


“Genesis 39: Pagdaig sa Tukso,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Genesis 39: Pagdaig sa Tukso,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 37–41: Lesson 34

Genesis 39

Pagdaig sa Tukso

Joseph telling Potiphar’s wife no

Matapos maging tagapamahala si Jose sa bahay ni Potifar, tinukso siya ng asawa ni Potifar na labagin ang batas ng kalinisang-puri. Alam ni Jose na ang pagpapatangay sa tuksong iyon ay isang “kasalanan laban sa Diyos” at pinili niyang tumakas mula sa tukso (tingnan sa Genesis 39:9, 12). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maipakita ang kanilang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng paglaban sa tukso na labagin ang batas ng kalinisang-puri.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay hiniling sa kanila na pangunahan ang isang talakayan sa kanilang klase sa Sunday School tungkol sa iba’t ibang paraan na mapaglalabanan nila ang mga tukso ni Satanas. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng tatlong paraan na ibabahagi nila sa kanilang klase.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga tuksong kinakaharap natin

Maaari mong ipalista sa klase sa pisara ang mga tuksong kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Upang matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan pa ang mga tukso na personal nilang kinakaharap at kung paano sila tutugon sa mga ito, maaari mong sabihin na kumpletuhin ng bawat estudyante ang sumusunod na aktibidad sa isang papel.

Pumili ng tukso at magsulat ng maikli at makatotohanang sitwasyon kung saan maaaring kaharapin ng isang tinedyer ang tuksong iyon.

Kolektahin ang mga sitwasyon at muling ipamigay ang mga ito sa klase.

Basahin ang bago ninyong sitwasyon. Sa likod ng papel, isulat kung ano ang maaaring magpahirap para mapaglabanan ang tuksong iyon. Magsulat din ng dalawang bagay na maaari ninyong hikayatin na gawin ng isang tao para matulungan siyang mapaglabanan o madaig ang tuksong iyon.

Ipaliwanag sa mga estudyante na bagama’t maaaring hindi nila maranasan ang gayong tukso na nakalista sa sitwasyon, maaari silang gumamit ng katulad na payo sa sarili nilang mga sitwasyon. Tulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang sariling kakayahan na mapaglabanan ang tukso.

Isipin ang mga tukso na maaaring makaharap ninyo nang personal.

  • Ano ang nagawa na ninyo, o magagawa ninyo, upang magkaroon ng lakas mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang mapaglabanan ang mga tuksong iyon?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na idagdag sa isinulat nila sa sitwasyon ang sarili nilang mga karanasan. Hikayatin silang patuloy na magdagdag ng mga ideya sa kanilang sitwasyon habang pinag-aaralan nila ang Genesis 39. Ipaalam sa kanila na kapag humingi sila ng tulong mula sa Espiritu Santo, makapagbibigay Siya ng mga ideya upang mapaglabanan at madaig ang mga tuksong kinakaharap nila.

Ang karanasan ni Jose sa tukso

Kung gumamit ka ng mga larawan para ibuod ang mga pangyayari sa buhay ni Jose sa Lesson 33: “Genesis 37–41,” maaari mong ipakitang muli ang mga ito. Sabihin sa isang estudyante na ibuod ang naaalala niya tungkol sa kung paano pinagpala ng Panginoon si Jose sa bahay ni Potifar. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, sabihin sa kanila na basahin at ibuod ang Genesis 39:1–6.

Basahin ang Genesis 39:7–8, at alamin ang nangyari kay Jose pagkatapos niyang maging tagapamahala sa bahay ni Potifar.

  • Anong tukso ang nakaharap ni Jose?

Ipaliwanag na naharap si Jose sa tukso na labagin ang batas ng kalinisang-puri. Tulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang nauunawaan nila tungkol sa batas ng kalinisang-puri sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na gawin ang mga sumusunod.

Sa inyong study journal, isulat kung paano ninyo ilalarawan ang batas ng kalinisang-puri at kung bakit ito mahalaga.

Kapag tapos nang magsulat ang mga estudyante, maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag. Sabihin sa mga estudyante na basahin ito nang mag-isa at hanapin ang mga kabatiran na maaari nilang idagdag sa isinulat nila sa kanilang study journal.

Inihahayag sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili ang mga sumusunod tungkol sa batas ng kalinisang-puri:

Nakasaad sa batas ng kalinisang-puri na sinasang-ayunan ng Diyos ang seksuwal na aktibidad sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal. …

Sa labas ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, mali ang hipuin ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng ibang tao kahit nakadamit. Sa iyong mga pagpili kung ano ang gagawin, titingnan, babasahin, iisipin, ipo-post, o ite-text, iwasan ang anumang bagay na sadyang pumupukaw ng pagnanasa sa iba o sa iyong sarili. Kabilang dito ang anumang anyo ng pornograpiya. (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili, 23, 25)

  • Sa inyong palagay, bakit tayo binigyan ng Ama sa Langit ng batas ng kalinisang-puri?

  • Sa anong mga paraan sinusubukang tuksuhin ni Satanas ang mga kabataan na labagin ang batas ng kalinisang-puri?

Maaaring kabilang sa mga posibleng isagot ng mga estudyante ang pagkuha o pagpapadala ng mga hindi angkop na larawan, panonood o pakikinig sa media na may seksuwal na pahiwatig o kahalayan, hindi pagpapanatiling sagrado ng pakikipagtalik o seksuwal na damdamin. Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa pagkaakit sa kapwa babae o kapwa lalaki, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang “pagkaakit sa kapwa babae o kapwa lalaki ay hindi kasalanan. Kung ganito ang nadarama [ng isang tao] at hindi [siya] naghahangad o kumikilos ayon sa mga ito, ipinamumuhay [niya] ang sagradong batas ng kalinisang-puri ng Ama sa Langit” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili, 27).

Basahin ang Genesis 39:9–12, at alamin kung paano napaglabanan ni Jose ang tukso na labagin ang batas ng kalinisang-puri.

icon ng doctrinal mastery Ang Genesis 39:9 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na markahan ang mga doctrinal mastery passage sa natatanging paraan upang madali nilang mahanap ang mga ito.

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ni Jose?

    Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng: Ang ating katapatan sa Diyos ay makapagbibigay sa atin ng lakas na mapaglabanan ang tukso na labagin ang batas ng kalinisang-puri (talata 9).

    Maaaring markahan ng mga estudyante sa kanilang mga banal na kasulatan kung ano ang nagawa ni Jose dahil sa kanyang katapatan sa Diyos, halimbawa, sa talata 8 (“siya’y tumanggi”), talata 10 (“hindi siya pumayag”), at talata 12 (“siya’y tumakas”).

    Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang sumusunod na tanong, maaari mo silang bigyan ng sitwasyon na magagamit nila upang ibahagi kung paano magagawa ng isang tao ang tatlong bagay na ginawa ni Jose. Isang posibleng sitwasyon ang pag-iimbita na manood ng isang pelikula, palabas, o konsiyerto na gumagamit ng mga imoral na larawan at salita. Maaaring kabilang sa isa pang posibleng sitwasyon ang pamimilit na magpadala sa mga kaibigan ng mga hindi angkop na text o larawan.

  • Sa paanong mga paraan natin matutularan ang halimbawa ni Jose kapag nahaharap tayo sa tukso?

Pagpapalakas ng ating kakayahang sundin ang batas ng kalinisang-puri

icon ng seminaryUpang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa katotohanang ito, ipamahagi ang kalakip na handout sa mga estudyante. Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at atasan ang bawat kapartner na magtuon sa isa sa mga tanong sa handout.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang kapartner.

Matutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang tukso

Maaaring may mga estudyante ka na nahihirapang sundin ang batas ng kalinisang-puri at kailangan nilang makadama ng pag-asa sa pagsisisi at pagdaig sa adiksiyon. Patotohanan ang mapagmahal, matiyaga, at mapagpatawad na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Maaari mong ipanood ang video na “Temptation Fades as We Seek Christ in Every Thought” (2:57), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano tayo mabibigyan ng pag-asa ng Tagapagligtas.

2:58

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makapagbibigay ng pag-asa ang Tagapagligtas sa mga taong nahihirapang sundin ang mga kautusan ng Diyos.

Elder Dale G. Renlund takes an official portrait in 2021.

Gaano man katagal na wala tayo sa landas ng tipan o gaano man tayo nalihis, sa sandaling magpasiya tayong magbago, tutulungan tayo ng Diyos na makabalik. Sa pananaw ng Diyos, sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagpapatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, kapag nakabalik tayo sa landas, ito ay magiging tila hindi tayo umalis rito. Ang Tagapagligtas ay nagbabayad para sa ating mga kasalanan at pinalalaya tayo sa napipintong paglalaho ng kaligayahan at mga pagpapala. (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 106)

  • Ano ang gusto ninyong maunawaan ng isang tao na nawalan na ng pag-asa dahil sa mga nakaraan niyang desisyon mula sa pahayag ni Elder Renlund?

  • Ano ang nakatulong sa inyo para mapaglabanan ang tukso na maaari ninyong imungkahi sa ibang tao?

Paggawa ng plano na sundin ang batas ng kalinisang-puri

Upang matulungan ang mga estudyante na gumawa ng plano na kumilos ayon sa itinuro sa kanila ng Espiritu tungkol sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, bigyan sila ng ilang minuto upang sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo na sundin ang batas ng kalinisang-puri o mapaglabanan ang iba pang tukso?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagiging tapat sa Diyos?

  • Paano mo sisimulang ipamuhay ang natutuhan at nadama mo ngayon?

Hikayatin ang mga estudyante na isali ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kanilang mga pagsisikap na labanan ang tukso. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayo na mapaglabanan ang tukso at ang Kanyang mapagmahal na awa sa pagtulong sa atin na magsisi.

Isaulo

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na isaulo ang doctrinal mastery reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa lesson na ito at balikan ang mga ito sa mga lesson sa hinaharap. Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan ay “Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?” Ang mga ideya para sa mga aktibidad sa pagsasaulo ay nasa mga materyal sa appendix sa ilalim ng “Mga Aktibidad sa Pagrerebyu ng Doctrinal Mastery.”