Seminary
Pagsasalin ni Joseph Smith Genesis 50: “Isang Tagakita ang Ibabangon ng Panginoon Kong Diyos”


“Pagsasalin ni Joseph Smith Genesis 50: ‘Isang Tagakita ang Ibabangon ng Panginoon Kong Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Pagsasalin ni Joseph Smith Genesis 50: ‘Isang Tagakita ang Ibabangon ng Panginoon Kong Diyos,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 42–50: Lesson 36

Pagsasalin ni Joseph Smith Genesis 50

“Isang Tagakita ang Ibabangon ng Panginoon Kong Diyos”

Joseph of Egypt having a vision of Joseph Smith receiving the gold plates from the Angel Moroni.

Bago siya namatay, ipinropesiya ni Jose ng Ehipto na sa mga huling araw, ibabangon ng Panginoon si Joseph Smith upang gawin ang Kanyang gawain. Maaari nating matanggap ang sarili nating patotoo na si Joseph Smith ang tagapaglingkod ng Panginoon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo na tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging propeta.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na isulat kung ano ang ginawa ni Propetang Joseph Smith na nakatulong sa kanila na mas mapalapit kay Jesucristo. Maaari din nilang hilingin sa isang kapamilya o kaibigan na ibahagi ang kanilang mga saloobin at maging ang mga damdamin.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagliligtas sa mga tao ng Panginoon

Maaari mong ipakita ang mga larawan ni Jose sa Ehipto at ni Moises. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung paano ginamit ng Panginoon ang bawat isa sa mga indibiduwal na ito bilang tagasagip (isang taong nagliligtas sa iba). Pagkatapos, ipakita ang larawan ni Joseph Smith at itanong sa mga estudyante kung paano siya ginamit ng Panginoon bilang tagasagip. Panghuli, magpakita ng larawan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas, at talakayin ang mga paraan kung paano tayo inililigtas ni Jesucristo.

Illustration depicting Joseph of Egypt making himself known to his brothers.
The Old Testament prophet Moses standing with his arm extended toward the Red Sea. Moses is commanding the Red Sea to part to allow the Israelites to escape the Pharoah of Egypt.
Portrait of Joseph Smith Jr. standing and holding a copy of the Book of Mormon.
A fine art painting of Jesus Christ

Kapag nakapagbahagi na ang mga estudyante ng kanilang mga saloobin, gamitin ang mga larawan at ang talata sa ibaba upang ibuod ang mga kaganapan at propesiya sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Genesis 50.

Sa pagtatapos ng kanyang buhay, ipinropesiya ni Jose ng Ehipto na magbabangon ang Panginoon ng dalawang propeta, na mga inapo ni Jacob, upang tumulong na palayain ang Kanyang mga tao mula sa pagkaalipin. Si Moises ay darating upang palayain ang mga Israelita mula sa pisikal na pagkaalipin sa Ehipto (tingnan sa PJS Genesis 50:24, 29). Pagkatapos, sa mga huling araw, ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga tao mula sa espirituwal na kadiliman sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Upang matulungan ang mga estudyante na masuri ang nalalaman at pinaniniwalaan nila tungkol kay Joseph Smith, maaari mong sabihin sa kanila na sagutin ang mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang mga naiisip o nararamdaman mo kapag iniisip mo ang tungkol kay Propetang Joseph Smith?

  • Paano mo mailalarawan ang kasalukuyang kalagayan ng iyong patotoo na tinawag siya ng Diyos na maging propeta?

Habang nag-aaral kayo ngayon, pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu na nagpapatibay na tinawag ng Panginoon si Joseph Smith bilang propeta. Maaaring magpadala ang Ama sa Langit ng mga ideya sa inyong isipan o damdamin sa inyong puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nagsasabi sa inyo na totoo ang pinag-aaralan ninyo.

Nagpropesiya si Jose ng Ehipto tungkol kay Joseph Smith

Sabihin sa mga estudyante na gumawa ng blangkong chart na katulad ng nasa ibaba sa kanilang study journal. Maaaring gumawa nang may kapartner o sa maliliit na grupo ang mga estudyante upang kumpletuhin ang chart. Maaari mong gamitin ang impormasyong ibinigay sa chart upang ipakita kung paano ito magagawa at matulungan ang mga estudyante na matuklasan ang mga sagot kung kinakailangan.

Maaari mong tulungan ang mga estudyante na mahanap ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa kanilang mga banal na kasulatan o sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library.

Maaari mo ring ipaalala sa mga estudyante na ang tagakita ay isang tagapaghayag at propeta na nakaaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap (tingnan sa Mosias 8:17), ang “bunga ng iyong balakang” (PJS Genesis 50:27) ay tumutukoy sa mga inapo ni Jose ng Ehipto, ang mga isinulat ng binhi ni Jose ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, at ang mga isinulat ng binhi ni Juda ay tumutukoy sa Biblia (tingnan sa PJS Genesis 50:31).

Basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith Genesis 50:26–33 upang makumpleto ang sumusunod na chart.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

“Siya ay bibigyan ng malaking pagpapahalaga” (talata 27)

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Itinuturing si Joseph Smith ng milyun-milyong mananampalataya bilang Propeta ng Pagpapanumbalik.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

“Kanya silang dadalhin sa kaalaman ng mga tipang aking ginawa sa iyong mga ama” (talata 28)

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Sa pamamagitan ng ipinanumbalik na priesthood, maaari tayong makipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng binyag at iba pang ordenansa.

Isa sa mga layunin ng Aklat ni Mormon ay ang dalhin ang Sambahayan ni Israel sa kaalaman ng mga tipan ng Panginoon.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

“Sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang dalhin ang aking salita” (talata 30)

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Inihayag ng Panginoon ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Pagsasalin ni Joseph Smith, at ang iba pang inspiradong kasulatan sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

“Mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas” (talata 32)

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Mula sa mapagpakumbabang simula at kaunting pormal na edukasyon ay naging makapangyarihang propeta si Joseph Smith.

Propesiya tungkol kay Joseph Smith (kabilang ang talata):

“Sila na maghahangad na pinsalain siya ay malilito” (talata 33)

Mga posibleng paraan na natupad ang propesiyang ito:

Hindi magtatagumpay ang mga naghahangad na siraan si Joseph Smith at ang kanyang gawain.

Bilang bahagi ng talakayan ninyo, maaari mong banggitin na ginamit ang salitang “ibabangon” nang pitong beses sa mga talatang ito. Ang ilang posibleng kahulugan ng pariralang ito ay tinawag, pinili, o handang gawin ang isang gawain na magdadala sa mga tao ng Panginoon sa kaligtasan (talata 33). Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isa pang huwaran sa pamamagitan ng pagmamarka sa bawat pagkakataon na ang Panginoon ang gumagawa ng pagkilos, tulad ng “ibabangon ko” (talata 27) o “ipagkakaloob ko ang kapangyarihan” (talata 30).

  • Anong mga propesiya ang namukod-tangi sa inyo sa mga talatang ito? Bakit?

    Kabilang sa mga posibleng katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante, ipaliwanag ang sumusunod: Pinili at inihanda ng Panginoon si Joseph Smith na ilabas ang Aklat ni Mormon. Sabihin sa mga estudyante na maaari nilang isulat ang katotohanang ito sa tabi ng talata 30–33.

  • Anong mga katotohanan ang matutukoy ninyo tungkol sa Panginoon mula sa napag-aralan ninyo tungkol kay Joseph Smith?

  • Sa inyong palagay, paano inihahatid ng Aklat ni Mormon ang mga tao ng Panginoon patungo sa kaligtasan?

  • Paano napagpala ng Aklat ni Mormon ang buhay ninyo?

Pagkakaroon ng espirituwal na patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Former Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.   Replaced September 2019.

Bawat naniniwala ay kailangan ng espirituwal na pagpapatibay ukol sa banal na misyon at pagkatao ni Propetang Joseph Smith. Totoo ito sa bawat henerasyon. (“Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 29–30)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga para sa bawat isa sa atin na tumanggap ng espirituwal na pagpapatibay mula sa Ama sa Langit, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tungkol sa banal na misyon ni Joseph Smith?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Andersen o ipanood ang video na “Joseph Smith” sa ChurchofJesusChrist.org mula sa time code na 11:44 hanggang 12:48.

14:49

Nagbahagi si Elder Andersen ng dalawang paraan na matatamo o mapalalakas natin ang ating patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith.

Former Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.   Replaced September 2019.

Sa mga kabataang nakikinig ngayon o nagbabasa ng mga salitang ito, may hamon ako sa inyo: Magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. Hayaan ang inyong tinig na makatulong sa katuparan ng propesiya ni Moroni na magsalita ng kabutihan tungkol sa Propeta. Narito ang dalawang ideya: Una, maghanap ng mga talata sa Aklat ni Mormon na nadarama at alam ninyong talagang totoo. At ibahagi ang mga ito sa pamilya at mga kaibigan sa family home evening, seminary, at sa inyong mga klase sa Young Men at Young Women, na kinikilala na si Joseph ay kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Susunod, basahin ang patotoo ni Propetang Joseph Smith sa Mahalagang Perlas. … Ito ang sariling patotoo ni Joseph tungkol sa tunay na nangyari. Basahin ito nang madalas. (“Joseph Smith,” Liahona, Nob. 2014, 30)

Matapos ibahagi ang pahayag na ito, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga mungkahi ni Elder Andersen upang mapalakas ang kanilang personal na patotoo na tinawag ng Panginoon si Joseph Smith bilang propeta.

Opsiyon 1: Maghanap ng isa o mahigit pang mga banal na kasulatan sa Aklat ni Mormon na personal na makabuluhan sa iyo. Magdrowing ng isang larawan o magsulat ng isang talata na nagtatampok sa iyong pinili. Isama ang iyong mga naiisip at nadarama sa kung paano ka natutulungan ng Aklat ni Mormon na matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas at mahalin Siya. Isama rin kung paano ito nakatutulong na pagtibayin na si Joseph ay kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.

Opsiyon 2: Basahin ang patotoo ni Joseph Smith na nakatala sa Kasaysayan ni Joseph Smith 1:15–20 at ang patotoo ni Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 135:3. Magdrowing ng isang larawan o magsulat ng isang talata tungkol sa natutuhan at nadama mo sa kung paano pinili at inihanda ng Tagapagligtas si Joseph Smith na maging propeta ng Pagpapanumbalik.

Magpatotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith

Kapag natapos na ng mga estudyante ang aktibidad, anyayahan silang ibahagi sa kaklase ang idinrowing nila.

Pagkatapos, maaari mong anyayahan ang ilang handang estudyante na magpatotoo sa kung paano tinawag ni Jesucristo si Joseph Smith na maging propeta. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong.

  • Ano ang natutuhan o nadama ninyo ngayon na nagpalakas sa inyong patotoo tungkol kay Joseph Smith?

  • Paano napalakas ng pagkakaroon ng patotoo tungkol kay Joseph Smith ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo?

Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng iyong patotoo tungkol sa gawaing nagawa ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith. Sabihin sa mga estudyante na patuloy na pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu upang malaman sa kanilang sarili na tinawag ni Jesucristo si Joseph Smith na maging propeta.