“Nobyembre 23–29. ‘Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Nobyembre 23–29. ‘Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Jonah on the Beach at Nineveh [Si Jonas sa Dalampasigan ng Ninive], ni Daniel Lewis
Nobyembre 23– 29: “Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay”
Amos; Obadias; Jonas
Si Jonas ay sakay ng isang barko papuntang Tarsis. Walang masama sa paglalayag papuntang Tarsis, maliban sa ito ay malayo sa Ninive, kung saan dapat magpunta si Jonas para ihatid ang mensahe ng Diyos. Nang may makasagupang malakas na bagyo ang barko, alam ni Jonas na iyon ay dahil sa kanyang pagsuway. Sa paggigiit ni Jonas, inihagis siya ng mga kasama niyang nakasakay sa barko sa kailaliman ng dagat para patigilin ang bagyo. Tila ito na ang wakas ni Jonas at ng kanyang ministeryo. Ngunit hindi sinukuan ng Panginoon si Jonas—tulad ng hindi Niya sinukuan ang mga mamamayan ng Ninive, ang sambahayan ni Israel, o ang sinuman sa atin.
Kaya patuloy Siyang nagpapadala ng mga propeta—tulad nina Jonas, Amos, Obadias, at ng ating mga propeta ngayon—na may mensaheng kung tayo ay magsisisi, hindi tayo itatakwil magpakailanman. Sa lahat ng “lihim” na inihahayag ng Diyos (tingnan sa Amos 3:7), ang isang ito ay kabilang sa pinakamahalaga: na dahil kay Jesucristo, hindi pa huli ang lahat para magbago. Gusto pa rin Niyang tulungan tayong matupad ang mga tipang ginawa natin sa Kanya, at handa Siyang bigyan tayo ng isa pang pagkakataon.
Para sa iba pa tungkol sa mga aklat na ito, tingnan sa “Amos,” “Obadias,” at “Jonas” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Amos 3:1–8; 7:10–15
Inihahayag ng Panginoon ang mga katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Sa Amos 3:3–6, ipinakita ng propetang si Amos ang mga halimbawa ng konklusyon na makukuha natin mula sa mga palatandaang naririnig o nakikita natin: kapag umuungol ang isang leon, tiyak na nakahuli ito ng makakain; kung ang isang ibon ay nabitag sa patibong, tiyak na may pain doon. Sa talata 7–8, ginamit ni Amos ang lohikang ito sa mga propeta. Anong konklusyon ang maiisip natin kapag nagpropesiya ang isang propeta? Ano pa ang nalaman mo tungkol sa mga propeta mula sa Amos 7:10–15?
Ano ang inihayag ng Panginoon sa iyo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta?
Sinabi ni Elder Ulisses Soares na “Ang pagkakaroon ng mga propeta ay [tanda] ng pagmamahal ng Diyos” (“Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2018, 99). Isipin kung paano mo kukumpletuhin ang pangungusap na ito: “Alam kong mahal ako ng Diyos, dahil nagpapadala Siya ng mga propeta na …” Narito ang ilang talata sa banal na kasulatan na makatutulong: Deuteronomio 18:18; Ezekiel 3:16–17; Efeso 4:11–14; 1 Nephi 22:2; Doktrina at mga Tipan 21:4–6; 84:36–38; 107:91–92.
Ano ang sasabihin mo sa isang taong nag-aakala na hindi kailangan ang mga propeta ngayon?
Tingnan din sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library.
Amos 4–5
“Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo’y mabubuhay.”
Ayon sa Amos 4:6–13, ano ang inaasahan ng Panginoon na mangyayari matapos dumanas ng mga pagsubok ang mga Israelita? (tingnan din sa Helaman 12:3). Bagama’t maaaring hindi ang Diyos ang nagpadala sa iyo ng pagsubok, paano ka binibigyan ng mga ito ng mga pagkakataon na bumaling sa Kanya?
Habang binabasa mo ang Amos 5:4, 14–15, pag-isipan kung paano naging maawain ang Panginoon sa iyo. Paanong ang paghahanap sa Kanya ay nagdala ng buhay sa iyo?
Amos 8:11–12
Ang salita ng Panginoon ay makatutugon sa espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw.
Habang binabasa mo ang Amos 8:11–12, isipin kung bakit magandang ihambing ang taggutom sa pamumuhay nang walang salita ng Diyos (tingnan din sa Juan 6:26–35; 2 Nephi 9:50–51; 32:3; Enos 1:4–8). Paano mo nalalaman na gutom ka sa espirituwal?
Ang mga talatang ito ay maaari ding iangkop sa Malawakang Apostasiya (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Apostasiya,” Gospel Library). Paano nakakaapekto ang espirituwal na “taggutom” na iyon sa mga anak ng Diyos? Paano nakatugon ang Pagpapanumbalik sa iyong espirituwal na pagkagutom?
Tingnan din sa “The Great Apostasy” (video), Gospel Library.
Ang Malawakang Apostasiya
Obadias 1:21
Sino ang “mga tagapagligtas … sa bundok ng Zion”?
Sa pagtukoy sa Obadias 1:21, ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na tayo ay nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Zion kapag tumatanggap tayo ng mga ordenansa sa templo para sa mga patay (tingnan sa “Pangwakas na Mensahe,” Liahona, Nob. 2004, 105). Paano kahalintulad ang paggawa ng gawaing iyan—kung sa maliit na paraan lamang—sa ginawa ng Tagapagligtas para sa atin? Paano nakatulong sa iyo ang paggawa ng gawaing ito na mas mapalapit sa Tagapagligtas?
Tingnan din sa “Holy Temples on Mount Zion,” Hymns, blg. 289.
Jonas 1–4
Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng bumabaling sa Kanya.
Ang Ninive ay kaaway ng Israel na kilala dahil sa karahasan at kalupitan nito. Para kay Jonas, tila hindi makatotohanan na handa silang magsisi. Maaaring makatulong na ikumpara ang saloobin ni Jonas (tingnan sa Jonas 1; 3–4) sa damdamin ni Alma at ng mga anak ni Mosias (tingnan sa Mosias 28:1–5; Alma 17:23–25). Ano ang natutuhan mo mula sa Jonas 3 na nakaganyak sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo kahit sa mga taong tila hindi handang magbago?
Habang binabasa mo ang Jonas, hanapin ang mga halimbawa ng awa ng Panginoon. Sa iyong palagay, bakit “ipinagdamdam nang labis” at “nagalit” (Jonas 4:1) si Jonas nang maawa ang Panginoon sa mga tao ng Ninive? Ano sa palagay mo ang sinisikap ng Panginoon na ituro kay Jonas sa kabanata 4? Pag-isipan kung paano mo naranasan ang Kanyang awa sa iyong buhay. Ano ang natutuhan mo kay Jonas na makatutulong sa iyo na maging mas maawain?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendise B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Amos 3:7
Ang mga propeta ay mga sugo ni Jesucristo.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na maunawaan ang Amos 3:7, maaari mong ibulong ang isang simpleng mensahe sa isa sa kanila at hilingin sa kanila na ibahagi ang mensahe sa iba pang mga bata. Paano naging katulad ng propeta ang sugo sa aktibidad na ito? Bakit tayo binibigyan ng Panginoon ng mga propeta?
-
Para malaman pa ang ginagawa ng mga propeta, maaari ninyong rebyuhin ng iyong mga anak ang mga huling mensahe mula sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Maaari din kayong kumanta ng isang awit tulad ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59). Ibahagi sa isa’t isa kung bakit pinili ninyong sundin ang propeta ng Diyos.
Tulungan ang mga bata na isaulo ang mga banal na kasulatan. Ibinahagi ni Elder Richard G. Scott: “Ang pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan ay pagbubuo ng bagong pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2011, 6). Para matulungan ang iyong mga anak na isaulo ang lahat o bahagi ng Amos 3:7, maaari mo itong isulat at sabay-sabay ninyong bigkasin. Pagkatapos ay maaari mong burahin o takpan ang ilang salita nang paisa-isa hanggang sa maulit ng iyong mga anak ang naisaulong buong talata.
Amos 8:11–12
Winakasan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ang taggutom na apostasiya.
-
Sabihin sa iyong mga anak na magkunwaring nagugutom habang binabasa mo ang Amos 8:11–12. Ano ang pakiramdam kapag gutom tayo sa salita ng Diyos? Siguro ay maaaring magkunwari ang iyong mga anak na kumakain habang ibinabahagi ninyo sa isa’t isa ang ilan sa inyong mga paboritong banal na kasulatan.
-
Maaari mong gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan” (Gospel Library), o “Pagkaraan ng Bagong Tipan” (sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 167–70) para matulungan ang iyong mga anak na maunawaan ang “taggutom” na nagmula sa Malawakang Apostasiya at kung paano ito winakasan ng Pagpapanumbalik. Ibahagi sa isa’t isa ang mga dahilan kung bakit nagpapasalamat kayo na ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo sa ating panahon.
2:52After the New Testament
Jonas 1–3
Tutulungan ako ng Panginoon na sundin Siya, kahit mahirap ito.
-
Para matulungan ang iyong mga anak na matutuhan ang kuwento tungkol kay Jonas, maaari mong rebyuhin ang “Ang Propetang si Jonas” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan; tingnan din sa pahina ng aktibidad sa linggong ito). Pagkatapos ay maaari mong itanong:
-
Ano ang nangyari nang hindi sumunod si Jonas sa Panginoon? (tingnan sa Jonas 1:4–17).
-
Ano ang ginawa ni Jonas para magsisi? (tingnan sa Jonas 1:10–12; 2:1–4, 9; 3:1–4).
-
Ano ang nangyari nang sumunod si Jonas? (tingnan sa Jonas 3:5).
2:30Jonah the Prophet
-
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa muling pagkukuwento tungkol kay Jonas o pagsasadula nito. Ibahagi sa isa’t isa ang ilang karanasan nang gusto ng Panginoon na gawin ninyo ang isang bagay na mahirap para sa inyo. Paano ka Niya tinulungan para masunod mo Siya?
Jonas 1–4
Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng bumabaling sa Kanya.
-
Siguro ay maaaring magkunwari ang iyong mga anak na iniinterbyu nila si Jonas tungkol sa karanasan nito. Ano kaya ang mga itatanong nila sa kanya? Hikayatin silang magtanong para malaman ang natutuhan ni Jonas tungkol sa Panginoon. Ano ang masasabi ni Jonas, halimbawa, tungkol sa awa ng Panginoon? (tingnan, halimbawa, sa Jonas 2:7–10; 3:10; 4:2).
Christ and the Palsied Man [Si Cristo at ang Lalaking Lumpo], ni J. Kirk Richards
-
Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga halimbawa na nagpakita ng awa ang Tagapagligtas sa iba, tulad ng Marcos 2:3–12; Lucas 23:33–34; at Juan 8:1–11. Maaari kayong maghanap ng mga anak mo ng mga larawan ng mga halimbawang ito. Ano ang mga oportunidad na mayroon tayo para maging maawain sa iba?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.