Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 26–Nobyembre 1. “Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”: Jeremias 31–33; 36–39; Mga Panaghoy 1; 3


“Oktubre 26–Nobyembre 1. ‘Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa’: Jeremias 31–33; 36–39; Mga Panaghoy 1; 3” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Oktubre 26–Nobyembre 1. ‘Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

si Jeremias na nakahilig ang ulo sa kamay

Jeremiah Lamenting the Destruction of Jerusalem [Nananaghoy si Jeremias sa Pagkawasak ng Jerusalem], ni Rembrandt Van Rijn

Oktubre 26–Nobyembre 1: “Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”

Jeremias 31–33; 36–39; Mga Panaghoy 13

Nang unang tawagin ng Panginoon si Jeremias na maging propeta, sinabi Niya na ang kanyang misyon ay “bumunot, at magpabagsak” (Jeremias 1:10)—at sa Jerusalem, maraming kasamaan ang kailangang bunutin at pabagsakin. Ngunit bahagi lamang ito ng misyon ni Jeremias—tinawag din siyang “magtayo at magtanim” (Jeremias 1:10). Ano ang maaaring maitayo o maitanim sa mapanglaw na mga guho na naiwan matapos ang paghihimagsik ng mga pinagtipanang tao? Magtanong sa ibang paraan, kapag iniwang sira ng kasalanan o paghihirap ang ating buhay, paano tayo muling magtatayo at muling magtatanim? Ang sagot ay nasa “matuwid na Sanga” (Jeremias 33:15), ang ipinangakong Mesiyas. Siya ay naghahatid ng “panibagong tipan” (Jeremias 31:31)—na humihingi ng higit pa sa panlabas na pagpapakita ng katapatan. Ang Kanyang batas ay dapat na nasa “[ating] kalooban,” nakasulat “sa [ating] mga puso.” Iyan ang tunay na kahulugan ng “magiging [ating] Diyos” ang Panginoon at “magiging [Kanyang] bayan” tayo (Jeremias 31:33). Ito ay habambuhay na proseso, at magkakamali pa rin tayo at may dahilan para paulit-ulit tayong magdalamhati. Ngunit kapag ginagawa natin ito, ipinapangako ng Panginoon, “Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa” (Jeremias 31:13).

Para sa buod ng Mga Panaghoy, tingnan sa “Panaghoy, Aklat ng mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Jeremias 3133

Ilalabas ng Panginoon ang Kanyang mga pinagtipanang tao mula sa pagkabihag.

Sa Jeremias 3133 kinilala ng Panginoon ang “panaghoy at mapait na pag-iyak” (Jeremias 31:15) na mararanasan ng mga Israelita sa kanilang pagkabihag. Gayunman, nagbigay din Siya ng mga salita ng kapanatagan at pag-asa. Hanapin ang mga ito habang binabasa mo ang mga kabanatang ito. Anong mga pangako ang nahanap mo na angkop sa iyo?

Jeremias 31:31–34; 32:37–42

icon ng seminary
“Ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.”

Bagama’t nilabag ng mga Israelita ang kanilang mga tipan, nagpropesiya si Jeremias na muling itatatag ng Panginoon ang isang “panibago” at “walang hanggang tipan” sa kanila (Jeremias 31:31; 32:40). Ano ang tipan? Isiping maghanap ng mga ideya sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bago at Walang Hanggang Tipan,” Gospel Library.

Habang binabasa mo ang Jeremias 31:31–34; 32:37–42, pag-isipan:

  • Ang ibig sabihin sa iyo ng maging bahagi ng mga pinagtipanang tao ng Diyos.

  • Ang ibig sabihin ng isulat ang Kanyang batas sa iyong puso.

  • Ang ipinangako ng Panginoon kapag nakipagtipan ka sa Kanya.

  • Paano ka binabago ng iyong pakikipagtipan sa Panginoon.

Anong mga pangako ang ginawa mo sa Diyos nang matanggap mo ang mga sagradong ordenansa? Paano Niya tinutupad ang Kanyang mga pangako sa iyo?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Manahan sa Akin, at Ako sa Iyo; Kaya Nga, Lumakad Kang Kasama Ko,” Liahona, Mayo 2023, 123–26.

Jeremias 36

May kapangyarihan ang mga banal na kasulatan na ilayo ako sa kasamaan.

Ayon sa Jeremias 36:2–3, bakit iniutos ng Panginoon kay Jeremias na isulat ang kanyang mga propesiya? Habang binabasa mo ang Jeremias 36, pansinin kung ano ang nadama ng mga taong ito tungkol sa mga propesiyang ito:

  • Ang Panginoon (tingnan sa mga talata 1–3, 27–31)

  • Jeremias (tingnan sa mga talata 4–7, 32)

  • Baruc (tingnan sa mga talata 4, 8–10, 14–18)

  • Jehudi at Haring Jehoiakim (tingnan sa talata 20–26)

  • Elnatan, Delaias, at Gemarias (tingnan sa talata 25)

Isipin kung ano ang nadarama mo tungkol sa mga banal na kasulatan. Paano ka natulungan ng mga ito na talikuran ang kasamaan?

Jeremias 37–39

Maging matatag sa pagsunod sa mga propeta ng Diyos.

Sa Jeremias 37:1–3, 15–21; 38:1–6, 14–28, anong katibayan ang nakita mo na naniwala si Haring Zedekias na si Jeremias ay totoong propeta ng Panginoon? Anong katibayan ang nakita mo na hindi naniwala si Zedekias? Ano ang natutuhan mo mula sa paghahambing na ito? Habang binabasa mo ang Jeremias 39, pag-isipan ang magagawang kaibhan kung sinunod ni Zedekias at ng kanyang mga tao ang propeta at ang mga kautusan ng Panginoon. (Ihambing ang nangyari kay Zedekias sa nangyari sa pamilya ni Lehi sa 1 Nephi 1–2.)

Jeremias 38:6–13; 39:15–18

Maaari akong maging matapang sa paninindigan para sa tama.

Nadama ng mga opisyal ng hari na dahil sa mga propesiya ni Jeremias hindi na gaanong handang lumaban ang kanilang mga kawal, kaya inihulog nila si Jeremias sa maruming balon (tingnan sa Jeremias 38:1–4). Sa Jeremias 38:6–13, ano ang hinangaan mo sa sagot ni Ebed-melec na taga-Etiopia? Pansinin din ang pagpapalang ibinigay ng Panginoon kay Ebed-melec sa Jeremias 39:15–18.

Paano mo matutularan ang halimbawa ni Ebed-melec?

Jeremias sa Jerusalem, nakaunat ang isang braso at sapo ng isa pang kamay ang kanyang ulo

Ang Pagtangis ni Jeremias

Mga Panaghoy 1; 3

Maaaring alisin ng Panginoon ang kalungkutang nararanasan ko dahil sa kasalanan.

Ang aklat ng Mga Panaghoy ay koleksyon ng mga tula na isinulat matapos mawasak ang Jerusalem at ang templo nito. Sa palagay mo, bakit mahalaga na maingatan ang mga ito? Isipin kung anong mga metapora sa Mga Panaghoy 1 at 3 ang tumutulong sa iyo na maunawaan ang matinding kalungkutang nadama ng Israel. Anong mga mensahe ng pag-asa kay Cristo ang nakikita mo? (tingnan lalo na sa Mga Panaghoy 3:20–33; tingnan din sa Mateo 5:4; Santiago 4:8–10; Alma 36:17–20).

Binanggit ni Pangulong M. Russell Ballard ang ilang sitwasyon na maaaring maging dahilan para mawalan ng pag-asa ang ilan, at nagbigay siya ng payo kung saan makasusumpong ng pag-asa:

“Maaaring masumpungan ng ilan sa atin na puno ng galit, kabiguan, at kalungkutan ang ating buhay. Pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang harapin ang kaguluhang tila nananaig sa mundo. Ang iba ay nagdadalamhati sa mga kapamilyang gumagawa ng mga bagay na labag sa mga pamantayan ng moralidad dahil tanggap at pinupuri ito ng mundo. … Marami pa nga na tinanggap na lang sa kanilang sarili na ang kasamaan at kalupitan ng mundo ay hindi na malulunasan. Nawalan na sila ng pag-asa. …

“… Sa ilan sa atin ay maaaring naglaho na ang lahat ng pag-asa dahil sa kasalanan at paglabag. Ang isang tao ay maaaring maging lubhang nakalubog sa mga gawi ng mundo kaya hindi siya makalaya at naglalaho ang lahat ng pag-asa. Ang samo ko sa lahat ng bumagsak na sa patibong na ito ng kaaway ay huwag sumuko kailanman! Gaano man mukhang desperado ang mga bagay-bagay o gaano man sila maging desperado, maniwala sana kayo sa akin, maaari kayong magkaroon palagi ng pag-asa. Sa tuwina” (“The Joy of Hope Fulfilled,” Ensign, Nob. 1992, 31–32).

Tingnan din sa “Halina, mga Nalulumbay,” Mga Himno, blg. 70.

Tulungan ang iba na maging responsable sa sarili nilang pag-aaral. Minsan parang ang pinakamadaling paraan ng pagtuturo ay sabihin na lang sa mga mag-aaral ang sa tingin natin ay dapat nilang malaman. Gayunpaman, ang pinakamadaling paraan ay hindi palaging ang pinakamahusay na paraan. Ipinayo ni Elder David A. Bednar: “Ang ating hangarin ay hindi dapat ‘Ano ang sasabihin ko sa kanila?’ Sa halip, ang dapat nating itanong sa ating sarili ay ‘Ano ang paanyayang maibibigay ko sa kanila? Anong mga inspiradong tanong ang maibibigay ko na, kung handa silang tumugon, magsisimulang mag-anyaya sa Espiritu Santo sa kanilang mga buhay?’” (gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 7, 2020, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas25). Maraming paraan para matulungan ang mga mag-aaral na maging responsable sa kanilang pagkatuto. Halimbawa, sa outline na ito ang mga mag-aaral ay inaanyayahan na maghanap, magnilay, gumawa ng listahan, tumingin sa mga larawan, makilahok sa mga object lesson, magdrowing, at magbahagi at ipamuhay ang kanilang natututuhan.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Jeremias 31:3

Iniibig ako ng Ama sa Langit at ni Jesus “ng isang walang hanggang pag-ibig.”

  • Habang binabasa mo ang Jeremias 31:3 kasama ang iyong mga anak, matutulungan ka nila na makahanap ng mga bagay (o mga larawan ng mga bagay) na tumatagal ng mahabang panahon, tulad ng isang baryang metal, at ng ilan na hindi tumatagal, tulad ng isang piraso ng prutas. Maaari ninyong pag-usapan ang ibig sabihin ng “walang hanggan” at ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo nadama ang “walang hanggang pag-ibig” ng Ama sa Langit. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, 49).

Jeremias 31:31–34; 32:38–41

Tutulungan ako ng Diyos na tuparin ang aking mga tipan.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagdrowing ng isang puso sa papel at pagkatapos ay pagsulat sa puso ng mga bagay na natutuhan nila mula sa Jeremias 31:31–34 tungkol sa pakikipagtipan sa Diyos. Maaari mong rebyuhin ang tipang ginawa nila sa binyag (tingnan sa Mosias 18:10, 13) at talakayin ang ibig sabihin ng maisulat ang mga pangakong ito sa kanilang puso.

batang babae na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Jeremias 36:1–4

Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos.

  • Ang pahina ng aktibidad sa linggong ito ay makatutulong sa iyong mga anak na malaman ang tungkol kina Jeremias, Baruc, at sa hari (tingnan sa Jeremias 36). Maaari din silang gumawa ng mga aksiyon na naaayon sa mga salita sa Jeremias 36:4–10, tulad ng pagsulat sa isang aklat (tingnan sa talata 4) at pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa mga tao (tingnan sa mga talata 8, 10).

  • Maaari ninyong tingnan ng mga anak mo ang isang aklat na pambata at kopya ng mga banal na kasulatan at pag-usapan kung paano naiiba ang mga aklat na ito. Paano naging espesyal ang mga banal na kasulatan? Maaaring maging inspirasyon na ibahagi sa isa’t isa ang ilang talata sa banal na kasulatan na espesyal sa inyo.

Jeremias 38:6–13

Kaya kong panindigan ang tama.

  • Maaari mong gamitin ang larawan sa dulo ng outline para matulungan ang iyong mga anak na mailarawan sa isipan ang kuwento tungkol kay Ebed-melec sa Jeremias 38:6–13. Siguro ay matutulungan mo silang makahanap ng isang talata kung saan gumawa si Ebed-melec ng isang bagay nang buong tapang para tulungan ang propeta ng Panginoon. Ano ang magagawa natin para maipakita natin na alam natin na tinawag ng Diyos ang ating propeta sa kasalukuyang panahong ito?

Mga Panaghoy 1:1–2, 16; 3:22–26

Ginawang posible ng Tagapagligtas na mapatawad ako sa aking mga kasalanan.

  • Upang ipakilala ang aklat ng Mga Panaghoy, maaari mong ipaliwanag sa iyong mga anak na dahil hindi nagsisi ang mga Israelita, nawasak ang Jerusalem at ang templo. Maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang maaaring nadama ninyo kung nakatira kayo roon sa panahong iyon (tingnan sa Mga Panaghoy 1:1–2, 16). Paano kaya nakapagbibigay sa iyo ng pag-asa ang mensahe sa Mga Panaghoy 3:22–26?

  • Maaari din ninyong sabihin sa isa’t isa ang mga pagkakataon na nalungkot kayo dahil masama ang pinili ninyo. Ano ang mahahanap natin sa Mga Panaghoy 3:22–26 na tumutulong sa atin na maunawaan ang kapatawaran na ibinibigay ni Jesucristo?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Si Jeremias na itinataas mula sa isang balon sa pamamagitan ng lubid

I Will Surely Deliver Thee (Jeremiah 39:18) [Tiyak na Ililigtas Kita (Jeremias 39:18)], ni Eva Timothy

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos