“Oktubre 19–25. ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita’: Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Oktubre 19–25. ‘Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Jeremias, ni Walter Rane
Oktubre 19–25: “Bago Kita Inanyuan sa Sinapupunan ay Kilala na Kita”
Jeremias 1–3; 7; 16–18; 20
Noong una, hindi inisip ni Jeremias na magiging mabuting propeta siya. “Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita,” katwiran niya (Jeremias 1:6). Ngunit tiniyak sa kanya ng Panginoon, “Inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig” (talata 9). Nadama ni Jeremias na siya ay hindi marunong na “kabataan” (talata 6), ngunit ipinaliwanag ng Panginoon na mas handa siya kaysa inaakala niya—inorden siya sa tungkuling ito bago pa man siya isinilang (tingnan sa talata 5). Kaya isinantabi ni Jeremias ang kanyang takot at tinanggap ang tawag. Binalaan niya ang mga hari at mga saserdote sa Jerusalem na hindi sila maililigtas ng kanilang pakunwaring kabanalan. Ang “kabataan” na nag-akalang hindi niya kayang magsalita ay nadama ang salita ng Diyos “sa [kanyang] puso [gaya ng] nag-aalab na apoy” at hindi kayang pigilan (Jeremias 20:9).
Ang kuwento ni Jeremias ay kuwento mo rin. Kilala ka rin ng Diyos, bago ka ipinanganak at inihanda ka para sa iyong misyon sa buhay. Bukod sa iba pang mga bagay, ang misyong iyan ay kinapapalooban ng isang bagay na nakinita ni Jeremias: ang pagtitipon sa mga tao ng Diyos, nang isa-isa, upang “[dalhin sila] sa Zion” (Jeremias 3:14). At kahit hindi mo alam kung ano ang eksaktong gagawin o sasabihin, dapat kang “huwag matakot … ; sapagkat ako’y kasama mo … sabi ng Panginoon” (Jeremias 1:8, 19).
Para sa buod ng aklat ng Jeremias, tingnan sa “Jeremias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Jeremias 1:4–19; 7:1–7; 20:8–9
Ang mga propeta ay tinawag para sabihin ang salita ng Diyos.
Kunwari ay kausap mo ang isang kaibigan na hindi pa naririnig ang tungkol sa mga propeta, at nagpasiya kang ipaliwanag ang konsepto gamit ang pagtawag kay Jeremias na maging propeta sa Jeremias 1:4–19. Ano ang makikita mo sa mga talatang ito na nagtuturo ng isang bagay tungkol sa mga propeta ng Diyos? Maaari mo ring tingnan ang Jeremias 7:1–7; 20:8–9 at ang isang himnong tulad ng “Tinig ng Propeta” (Mga Himno, blg. 16).
Maaari mo ring ituro sa iyong kaibigan ang tungkol sa buhay na propeta ngayon. May anumang bagay ba sa mga talatang ito na maaaring makatulong? Halimbawa, ano ang “[binubunot]” o “[pinaba]bagsak” ng mga propeta sa ating panahon? Ano ang kanilang “[itina]tayo” at “[itina]tanim”? (Jeremias 1:10). Paano mo nalaman na ang ating buhay na propeta ay tinawag ng Diyos?
Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6, 9; “Why Do We Have Prophets?” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Why Do We Have Prophets?
Jeremias 1:5
Kilala na ako ng Diyos bago ako isinilang.
Ano ang natutuhan ni Jeremias tungkol sa kanyang sarili sa Jeremias 1:5? Bilang bagong tawag na propeta, bakit mahalagang malaman niya ang impormasyong iyon?
Marami sa natutuhan ni Jeremias tungkol sa kanyang sarili sa Jeremias 1:5 ay totoo rin tungkol sa iyo. Kilala ka rin ng Diyos bago ka isinilang at inihanda ka para sa mga partikular na responsibilidad. Para malaman pa ang tungkol sa buhay mo bago ka isinilang, basahin ang Alma 13:1–4; Doktrina at mga Tipan 138:53–56; at Abraham 3:22–23. Maaari kang gumawa ng listahan ng mga katotohanang natuklasan mo. Bakit mahalaga na malaman mo ang impormasyong ito?
Para malaman kung paano nakaapekto ang mga katotohanang ito sa buhay ni Elder Ahmad S. Corbitt, pag-aralan ang kanyang mensaheng “Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!” (Liahona, Mayo 2021, 63–63). Paano makakaapekto sa paraan ng pamumuhay mo sa mundo ang kaalaman tungkol sa iyong buhay bago ka isinilang?
Narito ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa iyong buhay bago ka isinilang:
“Matagal na kayong kilala ng inyong Ama sa Langit. Kayo, bilang Kanyang anak na lalaki o anak na babae, ay pinili Niyang isilang sa mundo sa panahong ito mismo, upang maging mga pinuno sa Kanyang dakilang gawain sa mundo. Pinili kayo hindi dahil sa mga katangian ng inyong katawan kundi dahil sa inyong espirituwal na mga katangian, tulad ng katapangan, kagitingan, integridad, pagnanais sa katotohanan, pagnanais ng karunungan, at hangaring maglingkod sa kapwa.
“Tinaglay ninyo ang ilan sa mga katangiang ito bago pa kayo isilang. Ang iba ay maaari ninyong taglayin dito sa mundo habang masigasig ninyong hinahangad ito” (“Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 107).
Isipin ang ilang sitwasyong maaaring harapin mo kung saan mahalagang tandaan ang mga katotohanang ito tungkol sa iyong buhay bago ka isinilang. Ano ang magagawa mo para ipaalala sa iyong sarili ang mga katotohanang ito?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Mga Pagpapasiya para sa Kawalang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2013, 106–9; Mga Paksa at Mga Tanong, “Pag-oorden Noon Pa Man,” “Buhay Bago Isilang sa Mundo,” Gospel Library.
Sa Jeremias 2:13, inihambing ng Panginoon ang espirituwal na kalagayan ng mga tao sa “mga sirang tipunan [ng tubig]” at inihambing ang Kanyang sarili sa “bukal ng mga tubig na buhay.”
Jeremias 2; 7
“Tinalikuran nila ako, ang bukal ng mga tubig na buhay.”
Sa tigang na rehiyon kung saan nakatira noon ang mga Israelita, ang mga tao ay nag-iimbak ng napakahalagang tubig sa mga imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa na tinatawag na mga tipunan ng tubig. Ano sa palagay mo ang isinisimbolo ng “mga sirang tipunan [ng tubig]” na binanggit sa Jeremias 2:13? Bakit mas mainam na makatanggap ng tubig mula sa bukal kaysa sa isang tipunan ng tubig? Ano ang ibig sabihin ng tinalikuran “ang bukal ng mga tubig na buhay”? Habang binabasa mo ang Jeremias 2 at 7, pansinin kung paano tinalikuran ng mga tao ang mga tubig na buhay ng Panginoon (tingnan, halimbawa, sa Jeremias 2:26–28; 7:2–11). Bakit magandang simbolo ang “tubig na buhay” para sa ibinibigay sa iyo ng Tagapagligtas? Isipin kung paano ka nakatatanggap ng tubig na buhay.
Ang Jeremias 7 ay para sa mga taong pumapasok sa “bahay ng Panginoon … upang magsisamba sa Panginoon,” ngunit ang kanilang mga kilos ay hindi tumutugma sa kanilang panlabas na katapatan (tingnan sa talata 2–11). Ano sa palagay mo ang mga mensahe ng Panginoon para sa iyo sa talata 21–23?
Gumamit ng mga object lesson. Ang mga propeta ng Panginoon ay madalas na inihahambing ang mga espirituwal na katotohanan sa mga pamilyar na bagay. Isiping gawin din ito habang natututo at nagtuturo ka ng ebanghelyo. Halimbawa, upang mailarawan sa isipan ang Jeremias 2:13, maaari kang maglagay ng tubig sa isang basag o sirang lalagyan o uminom mula sa isang drinking fountain. Paano naging katulad ni Jesus ang “bukal ng mga tubig na buhay”? (Jeremias 2:13). Paano tayo umiinom mula sa Kanyang tubig na buhay?
Jeremias 3:14–18; 16:14–21
Titipunin ng Panginoon ang Kanyang mga tao.
Sa Jeremias 16:14–15, inihambing ni Jeremias ang pagtitipon ng Israel sa mga huling araw sa Exodo ng Israel mula sa Egipto. Sa palagay mo, bakit ang pagtitipon ay mas mahalaga sa mga tao ng Diyos kaysa sa Exodo?
Ano ang sinasabi sa Jeremias 3:14–18; 16:14–21 tungkol sa kung paano nangyayari ang pagtitipon?
Sa kanyang mensaheng “Pag-asa ng Israel,” itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, tulad ni Jeremias, na ang pagtitipon ng Israel “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon” (pandaigdigang debosyonal ng mga kabataan, Hunyo 3, 2018, Gospel Library). Basahin o pakinggan ang kanyang mensahe, at tingnan kung matutuklasan mo (a) kung paano ipinaliwanag ni Pangulong Nelson ang pagtitipon ng Israel, (b) kung paano niya inilarawan ang kahalagahan nito, at (c) kung paano ka magiging bahagi ng pagtitipon.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Jeremias 1:5
Kilala na ako ng Ama sa Langit bago pa ako isinilang.
-
Para ipabatid ang mahalagang katotohanang itinuro sa Jeremias 1:5, maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang larawan ng sanggol (o, kung maaari, tingnan mo ang mga larawan ng iyong mga anak noong sanggol pa sila). Tanungin ang iyong mga anak kung alam nila kung saan sila nanirahan bago sila isinilang. Maaari din ninyong magkakasamang kantahin ang isang awitin na nagtuturo tungkol sa ating buhay bago tayo isinilang, tulad ng “I Lived in Heaven” (Children’s Songbook, 4).
-
Kung gusto pa ng iyong mga anak na maraming matutuhan, matutulungan mo silang mahanap ang “Buhay Bago pa ang Buhay na Ito” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Maaari silang maghanap ng mga sagot sa “sino,” “kailan,” at “ano” na mga tanong tungkol sa buhay bago ang buhay sa mundo.
Jeremias 1:4–19
Ang mga propeta ay tinawag upang ipahayag ang mga salita ng Panginoon.
-
Isiping ipakita ang mga larawan ng buhay na propeta o mga propeta mula sa mga banal na kasulatan (makikita mo ang ilan sa mga magasin ng Simbahan, Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin). Itanong sa iyong mga anak kung ano ang mga nalalaman nila tungkol sa mga propetang ito.
-
Para maituro ang ginagawa ng mga propeta, maaari kang pumili ng ilang makatutulong na talata mula sa Jeremias 1, tulad ng mga talata 5, 7, 10, at 19. Bawat isa sa iyong mga anak ay maaaring pumili ng isa sa mga talata, basahin ito, at ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa mga propeta.
Jeremias 16:14–16
Maaari kong tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na bumalik sa Kanya.
-
Habang binabasa mo ang Jeremias 16:16, maaaring magkunwari ang iyong mga anak na “nangingisda” o “nangangaso” ng mga bagay sa paligid ng silid. Inihambing ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga mangingisda at mangangaso sa talatang ito sa mga missionary (tingnan sa “Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Liahona, Nob. 2006, 81). Ano ang ginagawa ng mga missionary? Paano tayo makatutulong sa “pangingisda” at “pangangaso” para sa ikinalat na Israel (tingnan sa “A Message for Children from President Russell M. Nelson” [video], ChurchofJesusChrist.org).
3:30Video: A Message for Children from President Russell M. Nelson
Jeremias 18:1–6
Maaari kong hayaan ang Panginoon na gabayan ang aking buhay, tulad ng paghubog ng isang magpapalayok sa isang luwad.
-
Para pag-aralan ang mga talatang ito, maaari mong talakayin o ipakita kung paano ginagawa ang mga palayok (tingnan ang larawan sa dulo ng outline na ito). Ano ang mensahe ng Panginoon para sa atin Jeremias 18:1–6? Ano ang ibig sabihin ng luwad sa mga kamay ng Panginoon? (tingnan din sa Isaias 64:8). Para sa isa pang kuwento na inihahambing tayo sa luwad ng magpapalayok, tingnan ang mensahe ni Elder Richard J. Maynes na “Ang Kagalakan sa Pamumuhay na Nakasentro kay Cristo” (Liahona, Nob. 2015, 27–30).
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.