“Setyembre 28–Oktubre 4. ‘Inyong Aliwin ang Aking Bayan’: Isaias 40–49,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Setyembre 28–Oktubre 4. ‘Inyong Aliwin ang Aking Bayan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Healing the Blind Man [Pagpapagaling sa Bulag], ni Carl Heinrich Bloch, sa Frederiksborg Museum of National History
Setyembre 28–Oktubre 4: “Inyong Aliwin ang Aking Bayan”
Isaias 40–49
“Aliwin” ang unang salita ng kabanata 40 ng Isaias. Ito ay tanda ng pagsisimula ng ibang punto, ng ibang pagbibigay-diin sa mensahe ng propeta. Ang mga naunang isinulat ni Isaias ay nagbabala sa Israel at Juda tungkol sa mangyayaring pagkawasak at pagkabihag dahil sa kanilang mga kasalanan. Ngunit ang mga huling propesiyang ito ay nilayong umaliw o pumatag sa mga Judio 150 taon sa hinaharap—matapos wasakin ang Jerusalem at ang templo at dinalang bihag ang mga tao ng Babilonia. Gayunpaman, ang mga propesiyang ito ay tungkol sa hinaharap at hindi sa pagkatalo, at hinagpis ng mga Israelita. Nangungusap ang mga ito sa atin, na kung minsan ay nakararamdam din ng pagkatalo, lungkot, at kawalan.
Ang mensahe ni Isaias sa kanyang mga tao at sa atin ay simple: “Huwag kang matakot” (Isaias 43:1). Hindi nawala ang lahat. Hindi ka nalilimutan ng Panginoon, at may kapangyarihan Siya sa mga sitwasyon na tila hindi mo kontrolado. Hindi ba’t ang Panginoon, na “lumikha ng langit” (Isaias 42:5), ay mas makapangyarihan kaysa Babilonia, kaysa sa kasalanan, kaysa sa anumang bumibihag sa iyo? “Manumbalik ka sa akin,” pakiusap Niya, “sapagkat ikaw ay tinubos ko” (Isaias 44:22). Kaya ka Niyang pagalingin, ibalik sa dati, palakasin, patawarin, at aliwin—anuman ang kailangan mo, sa iyong sitwasyon, para matubos.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Isaias 40–49
Bibigyan ako ng kapanatagan at pag-asa ni Jesucristo.
Nang dinalang bihag ang mga Israelita sa Babilonia, maaaring inisip ng marami kung habampanahon nang nawala sa kanila ang kanilang katayuan bilang hinirang at mga pinagtipanang tao ng Diyos. Habang binabasa mo ang Isaias 40–49, hanapin ang mga talatang maaaring magbigay ng kapanatagan at pag-asa. Sa bawat talatang makikita mo, isipin at isulat kung ano ang maaaring sinasabi sa iyo ng Panginoon sa mga talatang ito. Narito ang ilan na maaari mong simulan:
-
40:11, 29–31:
-
41:10–13, 17–18:
-
42:6–7:
-
43:1–7, 25:
-
44:1–4, 21–24:
-
46:3–4:
-
49:7–16:
Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na malaman mo tungkol sa Kanya?
Maaaring mapansin mo na ang himnong “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47) ay gumamit ng mga salita ni Isaias sa Isaias 41:10; 43:2–5; 46:4. Isiping kantahin o pakinggan ang himnong ito, na inaalam ang pagkakatulad ng mga titik at ng mga talatang ito mula sa Isaias. Paano natupad ng Tagapagligtas ang mga pangako sa mga talatang ito sa buhay mo?
Tingnan din sa Patrick Kearon, “Siya’y Sisikat na May Pagpapagaling sa Kanyang mga Pakpak: Maaari Tayong Maging Higit pa sa mga Nagtatagumpay,” Liahona, Mayo 2022, 37–40.
Gumamit ng karagdagang banal na kasulatan. Kung minsan ay mas mauunawaan natin ang Lumang Tipan kung dadagdagan natin ang ating pag-aaral ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, ang mga propeta sa Aklat ni Mormon na sina Nephi at Jacob ay may access sa mga isinulat ni Isaias sa mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 19:22–23), at ginamit nila ang mga propesiyang ito upang ituro ang tungkol sa Tagapagligtas. Upang malaman kung paano inihalintulad nina Nephi at Jacob ang Isaias 48–49 sa kanilang mga tao, tingnan sa 1 Nephi 22. Maaaring makatulong iyan sa iyo na maihalintulad ang mga kabanatang ito sa iyong sariling buhay.
Sa pagsunod sa Panginoon, maaari tayong magkaroon ng “kapayapaan … [na] parang isang ilog” (Isaias 48:18).
Isaias 40–49
“Ikaw ay aking lingkod.”
Sa buong Isaias 40–49 nangusap ang Panginoon tungkol sa Kanyang “lingkod” at Kanyang “mga saksi.” Ang mga salitang ito ay maaaring tumutukoy kay Jesucristo (tingnan sa Isaias 42:1–7), sa sambahayan ni Israel (tingnan sa Isaias 45:4), at kay Haring Ciro, na nagpahintulot sa mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo (tingnan sa Isaias 44:26–28; 45:1–4). Maaari mo ring isipin kung paano naaangkop sa iyo ang mga talata bilang lingkod at saksi ng Panginoon. Halimbawa, pag-isipan ang mga tanong na tulad nito:
Isaias 40:1–3, 9–11; 43:9–12. Sa anong paraan ka sumasaksi kay Jesucristo? Anong “mabubuting balita” ang maibabahagi mo bilang Kanyang saksi? Maaari mong isipin kunwari na ikaw ay tinawag sa witness stand sa isang paglilitis sa korte. Sa paglilitis na ito, inakusahan si Jesucristo na ipinahayag Niya ang nakatala sa Isaias 43:11. Anong patotoo ang maibibigay mo bilang suporta sa pahayag ni Jesus? Ano ang maipapakita mong katibayan mula sa iyong buhay?
Isaias 41:8–13; 42:6; 44:21. Ano ang ipinagagawa sa iyo ng Panginoon? Isipin ang mga calling sa Simbahan gayundin ang iba pang mga pagkakataon na maglingkod sa Kanya. Paano ka Niya “inanyuan” o inihanda upang maging Kanyang lingkod? Paano ka Niya sinusuportahan sa iyong paglilingkod?
Isaias 49:1–9. Anong mga mensahe ang nakikita mo sa mga talatang ito na maaaring makatulong kapag ang iyong mga pagsisikap at paglilingkod ay tila “sa wala, at sa walang kabuluhan”? (talata 4).
Isaias 40:3–8, 15–23; 42:15–16; 47:7–11
Ang kapangyarihan ng Diyos ay mas malakas kaysa makalupang kapangyarihan.
Paulit-ulit na ipinaalala ni Isaias sa kanyang mga tao ang walang kapantay na kapangyarihan ng Diyos, kumpara sa mapanupil na makalupang kapangyarihang nakapaligid sa kanila. Hanapin ang mensaheng ito habang binabasa mo ang Isaias 40:3–8, 15–23; 42:15–16; at 47:7–11 (tandaan na ang kabanata 47 ay patungkol sa bumihag sa Israel, ang Babilonia). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga makamundong bagay? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga ito tungkol sa Diyos? Pag-isipan kung bakit maaaring mahalaga ang mensaheng ito sa mga Judio na nasa pagkabihag. Bakit ito mahalaga sa iyo?
Isaias 48:10; 49:13–16
Maaari akong dalisayin ng Panginoon sa pamamagitan ng mga kapighatian na nararanasan ko.
Habang binabasa mo ang Isaias 48:10, isipin ang iyong sariling “hurno ng kapighatian.” Paano ka “dina[da]lisay” ng Panginoon? Paano ka tinutulungan ng Isaias 49:13–16 kapag dumaranas ka ng kapighatian?
Tingnan din ang “The Refiner’s Fire” (video), Gospel Library.
The Refiner's Fire
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Isaias 40:3–5
Maaari akong tumulong na ihanda ang “daan ng Panginoon.”
-
Mag-isip ng ilang mga paraan upang mailarawan kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “ihanda … ang daan ng Panginoon,” tulad ng inilarawan sa Isaias 40:3–5. Halimbawa, maaari ninyong ituwid ng iyong mga anak ang isang bagay na baluktot, linisin ang kalat na sahig, o gumawa ng malinaw na dadaanan sa mabatong lupa. Maaari ka ring magpakita ng mga larawan nina Juan Bautista at Joseph Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35, 87). Paano nila inihanda ang daan para sa pagdating ng Panginoon? (tingnan sa Lucas 3:2–18; Doktrina at mga Tipan 135:3). Paano tayo makatutulong? Maaaring pagkakataon ito para pag-usapan kung paano tumutulong ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa paghahanda ng daan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:26–28).
Isaias 43:10
Maaari akong maging saksi ng Panginoon.
-
Matapos sabay-sabay na basahin ang Isaias 43:10, maaari ninyong pag-usapan ang ibig sabihin ng maging saksi. Ibahagi sa isa’t isa ang mga bagay na naranasan ninyo na maaari kayong maging “saksi”—halimbawa, isang pagkain na natikman ninyo, isang lugar na napuntahan ninyo, o isang taong kilala ninyo. Ano ang ibig sabihin ng maging saksi ng Panginoon? Ano ang maaari nating sabihin sa ibang tao tungkol sa Kanya?
Isaias 44:3–4; 45:8
“Ibubuhos” ng Panginoon ang Kanyang mga pagpapala sa akin.
-
Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring diligan ng iyong mga anak ang isang halaman at pag-usapan ninyo ang tungkol sa mga pagpapalang ibinuhos ng Panginoon sa kanila. Ano ang nangyayari sa halaman kapag dinidiligan natin ito? Paano tayo tinutulungan ng mga pagpapala ng Panginoon na umunlad?
Ang ating “katuwiran ay [maaaring maging] mga alon sa dagat” (Isaias 48:18).
Isaias 48:17–18
Ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay naghahatid ng kapayapaan.
-
Ang mga larawan o video ng mga ilog at alon ng karagatan ay makatutulong sa iyong mga anak na mailarawan sa isipan ang Isaias 48:18 (tulad ng mga larawan sa outline na ito). Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na iindayog ang kanilang mga kamay at bisig na parang ilog at alon ng dagat. Paano natutulad ang kapayapaan sa isang ilog? Paano magiging tulad ng mga alon ang kabutihan? Pag-usapan kung paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos para mapayapa ka na parang ilog o lumakas na parang alon.
-
Sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 68–69). Ano ang itinuturo ng awit na ito kung bakit dapat nating sundin ang mga kautusan ng Diyos?
Isaias 49:14–16
Hindi ako kalilimutan ng Panginoon kailanman.
-
Ang Isaias 49:14–16 ay maaaring maging malaking kapanatagan sa iyong mga anak sa mga darating na taon. Habang binabasa mo ang talata 14, maaari mong talakayin kung ano ang maaaring magpadama sa mga tao na nakalimutan o pinabayaan sila. Paano natin malalaman na hindi tayo nalilimutan ng Panginoon?
-
Para maituro ang talata 15–16, maaari mong tanungin ang iyong mga anak tungkol sa isang taong hindi nila malilimutan kailanman, tulad ng isang kapamilya o kaibigan. Ayon sa Isaias 49:15–16, bakit hindi tayo kalilimutan ng Panginoon kailanman? Pagkatapos ay maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang inyong nadarama tungkol kay Jesucristo.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.