Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 5–11. “Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”: (Isaias 50–57)


“Oktubre 5–11. ‘Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan’: Isaias 50–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Oktubre 5–11. ‘Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin 2026

si Jesucristo na napuputungan ng koronang tinik

The Mocking of Christ [Ang Pagkutya kay Cristo], ni Carl Heinrich Bloch

Oktubre 5–11: “Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”

Isaias 50–57

Sa buong ministeryo ni Isaias, binanggit niya ang tungkol sa isang makapangyarihang tagapagligtas. Ang mga propesiyang ito ay lalong dapat naging mahalaga sa mga Israelita nang nabihag sila sa Babilonia makalipas ang ilang siglo. Ang isang taong makagigiba sa mga pader ng Babilonia ay tunay na magiging makapangyarihang mananakop. Ngunit hindi iyan ang uri ng Mesiyas na inilarawan ni Isaias sa kabanata 52–53: “Siya’y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong nagdurusa at sanay sa kalungkutan; at gaya ng isa na pinagkublihan ng mukha ng mga tao. … Ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan” (Isaias 53:3–4).

Sa pagpapadala ng gayong di-inaasahang tagapagligtas, itinuro sa atin ng Diyos ang tunay na pagliligtas. Upang iligtas tayo mula sa pang-aapi at paghihirap, nagpadala ang Diyos ng Isa na mismong “hinamak, at … pinahirapan.” Kung saan inasahan ng ilan na leon ang ipadadala, nagpadala Siya ng isang tupa (tingnan sa Isaias 53:7). Tunay na ang mga pamamaraan ng Diyos ay hindi natin pamamaraan (tingnan sa Isaias 55:8–9). Pinalaya tayo ni Jesucristo hindi lamang sa pamamagitan ng pagbubukas ng bilangguan kundi nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan. Inalis Niya tayo mula sa ating mga tanikala ng karamdaman at kalungkutan sa pag-ako Niya ng mga ito (tingnan sa Isaias 53:4–5, 12). Hindi Niya tayo inililigtas mula sa malayo. Siya ay kasama nating nagdurusa, sa pagpapakita ng “walang hanggang kagandahang-loob” na “hindi hihiwalay sa iyo” (Isaias 54:8, 10).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Isaias 50–52

Ang hinaharap ay maliwanag para sa mga tao ng Panginoon.

Kahit maraming taon sa pagkabihag ang mga Israelita—at kahit ang pagkabihag na iyon ay bunga ng kanilang mga maling pagpili—nais ng Panginoon na tingnan nila ang hinaharap nang may pag-asa. Ano ang nalaman mo sa mensahe ni Isaias na nagbigay sa iyo ng pag-asa? Ang tsart na tulad nito ay maaaring makatulong sa iyo na pag-aralan:

Ang natututuhan ko tungkol sa Diyos (tingnan, halimbawa, sa Isaias 50:2, 5–9; 51:3–8, 15–16; 52:3, 9–10)

Mga mensahe ng pag-asa (tingnan, halimbawa, sa, Isaias 50:9; 51:3–5, 11–12, 22–23; 52:9–10)

Ano ang magagawa ko para maging realidad ang pag-asa (tingnan, halimbawa, sa Isaias 50:10; 51:1–2, 6–9; 52:1–3, 9–11)

Tingnan din sa Mosias 12:20–24; 15:13–18; 3 Nephi 20:29–46; Doktrina at mga Tipan 113:7–10; Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 73–76.

Si Jesus na pasan ang krus

Because of Love [Dahil sa Pagmamahal], ni Angela Johnson

Tulungan ang mga mag-aaral na lumapit kay Jesucristo. “Ang higit na magagawa mo bilang guro upang mapagpala ang mga mag-aaral ay ang tulungan sila na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at madama ang Kanilang pagmamahal” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas8). Habang naghahanda kang ituro sa iba ang Isaias 50–57 , isipin kung paano mo sila matutulungang makita ang kaugnayan ng mga hamon ng Israel, ng mga propesiya ni Isaias tungkol kay Cristo, at pagtanggap ng tulong mula sa Diyos sa kanilang sariling mga paghihirap.

Isaias 53

icon ng seminary
Inako ni Jesucristo ang aking mga kasalanan at kalungkutan.

Iilan lamang ang mga kabanata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa mapagtubos na misyon ni Jesucristo nang mas maganda kaysa sa Isaias 53. Isipin ang mga aktibidad na tulad nito upang mas maunawaan at maipamuhay ang mga makapangyarihang turong ito:

  • Pagnilayan o talakayin kung paano madalas ilarawan ng mga kuwento at pelikula ang mga bayaning nagsagip ng mga tao. Ihambing ang mga paglalarawang iyon sa mga paglalarawan sa Tagapagligtas sa Isaias 53.

  • Pagkatapos basahin ang bawat talata, tumigil sandali para pag-isipan ang pinagdusahan ng Tagapagligtas—ang “mga karamdaman,” “mga kalungkutan,” at “mga kasalanang” pinasan Niya—para sa lahat ng tao at lalo na sa iyo. Maaari mong palitan ang mga salitang tulad ng “tayo” at “atin” at gawing “ako” at “akin” habang ikaw ay nagbabasa. Ano ang nadarama o naiisip mo sa mga talatang ito?

  • Isiping panoorin ang video na “My Kingdom Is Not of This World” (Gospel Library), at pag-isipan kung paano natupad ang mga propesiya sa Isaias 53. Ano ang ilan sa mga karamdaman at kalungkutan na pinapasan ng Tagapagligtas para sa iyo?

    5:28

    Ang Kaharian Ko ay Hindi Mula sa Sanlibutang Ito

  • Maghanap ng mga larawan ng mga pangyayari sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–60). Pagkatapos ay makikita mo ang mga parirala sa Isaias 53 na naglalarawan ng mga pangyayari sa mga larawan. Ano ang hinihikayat ng mga turong ito na gawin mo?

Tingnan din ang “Masdan N’yo ang Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 113.

Isaias 54; 57:15–19

Nais ni Jesucristo na bumalik ako sa Kanya.

Lahat tayo ay may mga panahon na dama nating malayo tayo sa Panginoon dahil sa ating mga kasalanan o kahinaan. Ang ilan ay maaaring nawalan na ng pag-asa na patatawarin Niya sila. Magandang basahin ang mga kabanata Isaias 54 at 57 para muling makatiyak at mahikayat sa gayong mga panahon. Lalo na sa Isaias 54:4–10; 57:15–19, anong mga salita ang nagtuturo sa iyo kung ano ang nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa iyo? Anong kaibhan ang nagagawa sa iyong buhay ng kaalaman ukol sa mga bagay na ito tungkol sa Kanya?

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:

“Hindi mahalaga kung tila sirang-sira na ang buhay natin. Hindi mahalaga kung gaano man kabigat ang ating mga kasalanan, gaano kapait ang ating nadarama, gaano tayo kalungkot, o gaano kasawi ang ating puso. Maging yaong mga nawalan ng pag-asa, malungkot ang buhay, nagtaksil, isinuko ang kanilang integridad, o tumalikod sa Diyos ay muling mabubuo. …

“Ang masayang balita ng ebanghelyo ay ito: dahil sa walang-hanggang plano ng kaligayahang laan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa pamamagitan ng sukdulang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, hindi lamang tayo maliligtas mula sa ating nahulog na kalagayan at ipanunumbalik sa kadalisayan, kundi uunlad din tayo nang higit pa sa kayang wariin ng tao at magiging mga tagapagmana ng buhay na walang-hanggan at tatanggap ng di-mailarawang kaluwalhatian ng Diyos” (“Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi,” Liahona, Mayo 2016, 102).

Tingnan din sa Patrick Kearon, “Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona, Mayo 2024, 87–89.

Isaias 55–56

Inaanyayahan ng Panginoon ang lahat na “[ingatan ang] aking tipan.”

Sa loob ng maraming henerasyon, tinukoy ang Israel bilang pinagtipanang mga tao ng Diyos. Gayunman, hindi isang bansa lamang ang kasama sa plano ng Diyos, dahil “lahat ng nauuhaw” ay inaanyayahan na “pumarito … sa tubig” (Isaias 55:1). Isaisip ito habang binabasa mo ang Isaias 55 at 56, at pagnilayan ang ibig sabihin ng maging mga tao ng Diyos. Ano ang mensahe ng Diyos sa mga taong nakadarama na sila ay “tiyak na ihihiwalay” sa Kanya? (Isaias 56:3). Maaari mong markahan ang mga talatang naglalarawan sa ugali at kilos ng mga taong “nag-iingat ng aking tipan” (tingnan sa Isaias 56:4–7).

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Isaias 51–52

Inaanyayahan ako ng Panginoon na “magsuot ka ng [aking] kalakasan.”

  • Maaaring maging masaya para sa iyong mga anak na matuklasan ang mga pariralang tulad ng “gumising,” “tumayo,” at “magsuot ka ng iyong kalakasan” sa Isaias 51:9, 17; 52:1–2, 9 at pagkatapos ay iaksiyon ang mga pariralang iyon. Matapos gawin ito, maaari ninyong pag-usapan ang ibig sabihin ng espirituwal na gumising, tumayo, at magsuot ng kalakasan. Ano ang ipinagagawa sa atin ng Ama sa Langit sa mga talatang ito?

  • Maaari ding basahin ng iyong mga anak ang Isaias 51:1, 4, 7 at tukuyin kung sino ang kausap ng Panginoon at kung ano ang nais Niyang gawin nila. Ano ang ibig sabihin ng “makinig sa” Panginoon? Paano natin maipapakita sa Panginoon na tayo ay “[nakikinig] sa” Kanya?

Isaias 53:3–9

Inako ni Jesucristo sa Kanyang Sarili ang aking mga kasalanan at kalungkutan.

  • Maaaring maghanap kayo ng iyong mga anak ng ilang larawan na nagpapakita ng pagdurusa at kamatayan ni Jesucristo (tingnan, halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 5758). Pagkatapos ay maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang Isaias 53:3–6, 9 at hanapin ang mga salitang naglalarawan sa pangyayari sa mga larawan. Tulungan ang iyong mga anak na maunawaan na ibinahagi ni Isaias ang mga katotohanang ito daan-daang taon bago nangyari ang mga ito. Bakit mahalagang malaman ng mga tao ang mga bagay na ito nang maraming taon bago pa ito mangyari? (tingnan sa Alma 39:15–19).

  • Matapos magbasa mula sa Isaias 53:4, “Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan,” susubukan ng mga anak mo na magbuhat ng isang mabigat na bagay (o magkunwaring nagbubuhat ng mabigat na bagay). Pag-usapan kung paanong ang “karamdaman” at “kalungkutan” ay maaaring mabigat at mahirap dalhin. Bakit pinasan ni Jesus ang ating “mga karamdaman,” “mga kalungkutan,” at “mga kasamaan” o mga kasalanan? (tingnan din sa Alma 7:11–12).

si Jesucristo na may kasamang mga bata

Isaias 55:6

Maaari kong hanapin ang Panginoon at maaari akong manawagan sa Kanya.

  • Para maituro sa iyong mga anak ang tungkol sa Isaias 55:6, maaari kang magtago ng isang larawan ni Jesus sa kahit saan sa silid. Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na hanapin ang larawan at magbanggit ng isang paraan na maaari nilang “hanapin ang Panginoon habang siya’y matatagpuan.” Maaaring makapagbigay sa kanila ng mga ideya ang awit na tulad ng “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 67). Pagkatapos ay maaari mong hayaan ang isa sa mga bata na itago ang larawan at ulitin ang aktibidad.

Isaias 55:8–9

Ang mga pamamaraan ng Panginoon ay higit na mataas kaysa akin.

  • Matapos basahin ang Isaias 55:9, maaaring maging masaya para sa iyong mga anak na tumayo sa isang upuan at sabihin kung paano naiiba ang tingin sa mga bagay-bagay kapag ikaw ay “higit na mataas.” O maaari nilang idrowing ang ibig sabihin ng Isaias 55:9 para sa kanila. Pagkatapos ay maaari mong talakayin ang ilan sa mga pamamaraan ng Panginoon na higit na mataas kaysa ating mga pamamaraan. Halimbawa, ano ang Kanyang pamamaraan sa pagtrato sa mga makasalanan? (tingnan sa Marcos 2:15–17). Ano ang Kanyang pamamaraan sa pamumuno sa iba? (tingnan sa Mateo 20:25–28). Ibahagi sa iyong mga anak kung paano mo natutuhang magtiwala sa higit na mataas na mga pamamaraan at pag-iisip ng Panginoon.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

larawan ni Jesus

His Light [Ang Kanyang Liwanag], ni Michael Malm

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Maaari kong hanapin ang Panginoon at manawagan sa Kanya