Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Oktubre 12–18. “Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”: Isaias 58–66


“Oktubre 12–18. ‘Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion’: Isaias 58–66,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Oktubre 12–18. ‘Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Binabasa ni Jesus ang isang scroll sa mga tao sa isang sinagoga

Jesus in the Synagogue at Nazareth [Si Jesus sa Sinagoga sa Nazaret], ni Greg Olsen

Oktubre 12–18: “Ang Isang Manunubos ay Darating sa Zion”

Isaias 58–66

Sa simula ng Kanyang ministeryo, binisita ni Jesucristo ang isang sinagoga sa Nazaret, kung saan Siya lumaki. Tumayo Siya roon para magbasa mula sa mga banal na kasulatan, binuklat ang aklat ni Isaias, at binasa ang alam na natin ngayon bilang Isaias 61:1–2. Pagkatapos ay sinabi niya, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig.” Isa ito sa mga pinakatuwirang pahayag ng Tagapagligtas na Siya ang Hinirang, upang “[pagalingin ang mga namimighati]” at “ipahayag ang paglaya sa mga bihag” (tingnan sa Lucas 4:16–21). Ang banal na kasulatang ito ay totoong natupad sa araw na iyon. At, tulad ng maraming iba pang propesiya ni Isaias, ito ay natutupad rin sa ating panahon. Patuloy na pinagagaling ng Tagapagligtas ang mga namimighati na lumalapit sa Kanya. Marami pa ring bihag na nangangailangan ng pagpapalaya. At may maluwalhating hinaharap na paghahandaan—ang panahon kung kailan ang Panginoon ay “[lilikha] ng mga bagong langit at bagong lupa” (Isaias 65:17) at “pasisibulin … ang katuwiran at kapurihan sa harapan ng lahat ng bansa” (Isaias 61:11). Ang pagbabasa ng Isaias ay nagbubukas sa ating mga mata sa nagawa na ng Panginoon, sa ginagawa Niya, at sa gagawin pa Niya para sa Kanyang mga tao.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Isaias 58:3–12

icon ng seminary
Ang pag-aayuno ay nagpapalakas ng espirituwal na kapangyarihan at nagpapala sa mga taong nangangailangan.

Bakit may mga taong kusang hahayo nang walang pagkain kung may pagkain naman? Sa pag-aaral mo ng Isaias 58:3–12, maaari mong isipin ang iyong mga dahilan sa pag-aayuno—pati na rin ang mga dahilan ng Panginoon sa pagbibigay ng batas na ito. Narito ang iba pang tanong na pag-iisipan:

  • Bakit itinuturing kung minsan ang pag-aayuno na isang pasanin sa halip na pagpapala? (tingnan sa Isaias 58:3–5). Paano binabago ng mga turo ng Panginoon sa kabanatang ito ang palagay na iyon para sa iyo?

  • Ano kaya ang ibig sabihin ng “kalagin ang mga tali ng kasamaan” at “baliin ang bawat pamatok”? (Isaias 58:6). Paano mapagpapala ng pag-aayuno ang iba? (tingnan sa talata 7).

  • Paano naihatid sa iyo ng pag-aayuno ang mga pagpapalang inilarawan sa Isaias 58:8–12?

Sa kanyang mensahe na, “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?” (Liahona, Mayo 2015, 22–25), ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang ilang halimbawa kung paano napagpala ang mga tao sa pamamagitan ng pag-aayuno at mga handog-ayuno. Paano mo nakita ang mga pagpapala ring ito sa iyong buhay?

Tingnan din sa “Bless Our Fast, We Pray,” Mga Himno,, blg. 138; Mga Paksa at Mga Tanong, “Pag-aayuno at mga Handog-ayuno,” Gospel Library.

Kilalanin ang mga taong tinuturuan mo. “Kabilang sa pagiging guro na may katangian ni Cristo ay ang pagkilala sa mga taong tinuturuan mo at pagsisikap na maunawaan kung ano ang nasa puso nila. … Maaari mong alamin kung paano sila lubos na matututo. Maaari kang magtanong, makinig nang mabuti, at magmasid. Higit sa lahat, maaari kang manalangin para makaunawa na ang Espiritu lamang ang makapagbibigay. Kapag mas kilala mo ang isang tao, mas matutulungan mo siyang makahanap ng kahulugan at lakas sa ebanghelyo ni Jesucristo para sa kanyang sarili. Kapag naunawaan mo ang pagkauhaw ng isang tao, matuturuan ka ng Espiritu kung paano ito maiibsan ng tubig na buhay ng Tagapagligtas” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas13).

Isaias 58:13–14

Ang paggalang sa Panginoon sa araw ng Sabbath ay nagdadala ng kagalakan.

Ang araw ba ng Sabbath ay “kasiyahan” para sa iyo? Sa pag-aaral mo ng Isaias 58:13–14, isipin kung paano ka mas masisiyahan sa araw ng Panginoon. Halimbawa, ano ang maaaring ibig sabihin ng tumalikod sa “paggawa ng iyong kalayawan sa [Kanyang] banal na araw”? Ano ang pagkakaiba ng “malulugod ka sa Panginoon” at “lalakad sa iyong mga sariling lakad”?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Liahona, Mayo 2015, 129–32.

Isaias 59:9–21; 61:1–3; 63:7–9

Si Jesucristo ay aking Tagapagligtas at Manunubos.

Ang Isaias 58–66 ay maraming reperensya sa misyon ng pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hanapin ang mga ito habang nag-aaral ka. Pansinin lalo na ang mga titulo at salitang ginamit upang ilarawan ang Tagapagligtas. Halimbawa:

  • Ano ang kahanga-hanga sa iyo tungkol sa paglalarawan sa “mamamagitan [tagapamagitan]” sa Isaias 59:16–21? Paano nadaig ng Tagapagligtas ang mga kalagayang inilarawan sa talata 9–15?

  • Nang ipahayag ni Jesucristo sa mga tao ng Nazaret na Siya ang Mesiyas, nagbanggit Siya mula sa Isaias 61:1–3 (tingnan sa Lucas 4:16–21; tingnan din ang video na “Jesus Declares He Is the Messiah,” Gospel Library). Paano ka at ang iba pinagpala ni Jesucristo sa mga paraang inilarawan sa mga talatang ito? Paano Niya ibinigay ang putong na bulaklak sa halip na mga abo?

    3:24

    Jesus Declares He Is the Messiah

  • Anong “kagandahang-loob ng Panginoon” ang “aalalahanin” mo? (tingnan sa Isaiah 63:7–9).

  • Anong iba pa tungkol sa Tagapagligtas ang makikita mo sa Isaias 58–66?

Tingnan din sa Mosias 3:7; Doktrina at mga Tipan 133:46–53.

mga kamay ng isang lalaki na may hawak na ilawan ang nakaunat para sindihan ang ilawan ng isang babae

A Gift of Light [Isang Kaloob na Liwanag], ni Eva Timothy

Isaias 60; 62

“Ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag.”

Ang Isaias 60 at 62 ay nagbabanggit tungkol sa liwanag at kadiliman, mga mata at paningin, upang ituro kung paano pagpapalain ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mundo sa mga huling araw. Hanapin ang mga konseptong ito sa Isaias 60:1–5, 19–20; 62:1–2. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung paano tinitipon ng Diyos ang kanyang mga anak mula sa kadiliman tungo sa Kanyang liwanag. Ano ang papel na ginagampanan mo sa gawaing ito?

Tingnan din sa 1 Nephi 22:3–12; 3 Nephi 18:24; Doktrina at mga Tipan 14:9; Bonnie H. Cordon, “Upang Makita Nila,” Liahona, Mayo 2020, 78–80.

Isaias 64:1–5; 65:17–2566

Maghahari si Jesucristo sa daigdig sa panahon ng Milenyo.

Binanggit ni Isaias ang araw na “ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na” (Isaias 65:16). Bagama’t ang propesiyang ito ay may ilang katuparan, sa buong kahulugan nito, ang araw na iyon ay darating pa—kung kailan babalik si Jesucristo. Inilarawan ni Isaias ang darating na araw na ito sa Isaias 64:1–5; 65:17–2566. Pansinin kung gaano kadalas niya ginamit ang mga salitang tulad ng “magalak” at “kasiyahan.” Paano magiging araw ng kagalakan para sa iyo ang pagbabalik ng Tagapagligtas? Ano ang magagawa mo upang makapaghanda para sa Kanyang pagdating?

Tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10; Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 13–17.

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Isaias 58:6–11

Ang pag-aayuno ay nagpapala sa akin at sa ibang nangangailangan.

  • Marahil ang pinakamainam na paraan para hikayatin ang iyong mga anak na mag-ayuno—kapag handa na sila—ay tulungan silang maunawaan ang mga layunin ng Panginoon para sa batas na ito. Isiping basahin nang sabay-sabay ang Isaias 58:6–11 para malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito: Bakit tayo nag-aayuno? Paano tayo nag-aayuno? Maaari mo ring tingnan ang “Ayuno, Pag-aayuno” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

  • Kung nagkaroon ka ng makabuluhang karanasan sa pag-aayuno, ibahagi ito sa iyong mga anak. Maaari mo ring itanong sa kanila kung paano nila ipapaliwanag sa isang kaibigan kung bakit ibinigay sa atin ng Panginoon ang batas na ito.

Isaias 58:13–14

Ang Sabbath ay maaaring maging kasiyahan sa akin.

  • Matapos basahin ang Isaias 58:13–14, maaari mong ituro ang mga araw ng linggo sa isang kalendaryo at anyayahan ang iyong mga anak na sabihin ang mga araw na kasabay mo. Pagdating mo sa Sabbath, hilingin sa kanila na tawagin ang araw na iyon na “isang kasiyahan.” Sabihin sa kanila kung bakit kasiyahan sa iyo ang Sabbath.

  • Ibahagi sa isa’t isa ang mga paraan na “malulugod ka sa Panginoon” sa araw ng Sabbath. Siguro maaaring idrowing ng iyong mga anak ang kanilang mga ideya at ilagay ang mga ito sa isang “kahon ng mga kasiyahan sa Sabbath.” Pagkatapos, kapag kailangan nila ng mga ideya tungkol sa mga bagay na gagawin sa araw ng Sabbath, maaari silang kumuha ng ideya mula sa kahon.

isang larawan ni Jesus

Our Light [Ating Liwanag], ni Dan Wilson

Isaias 60:1–3

Ang Tagapagligtas ay parang liwanag para sa akin.

  • Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na pumikit habang binabasa mo ang Isaias 60:1–3. Hilingin sa kanila na dumilat kapag narinig nila ang salitang “liwanag” at pumikit muli kapag narinig nila ang salitang “kadiliman.” Ipaliwanag na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ay parang liwanag na tumutulong sa atin na makita ang daan pabalik sa Ama sa Langit.

Isaias 65:17–25

Sa muling pagparito ni Jesus, magdadala Siya ng kapayapaan at kagalakan.

  • Inilalarawan sa Isaias 65:17–25 kung ano ang magiging hitsura ng daigdig kapag muling pumarito ang Tagapagligtas. Habang binabasa mo ang mga talatang ito kasama ang iyong mga anak, tulungan silang malaman kung paano mag-iiba ang buhay sa “bagong lupa” na inilarawan ni Isaias. Bakit ito magiging panahon para “matuwa at magalak magpakailanman”? (talata 18).

  • Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awit tungkol sa Ikalawang Pagparito, tulad ng “Sa Kanyang Pagbabalik” (Gospel Library). Ibahagi sa isa’t isa ang inaasam ninyo tungkol sa pagbabalik ng Tagapagligtas. Ano ang magagawa natin para makapaghanda para sa araw na iyon?

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

Si Jesucristo sa kalangitan, nagliliwanag

“Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo” (Isaias 60:1). Light and Life [Liwanag at Buhay], ni Mark Mabry

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Ang Sabbath ay maaaring maging kasiyahan sa akin