“Setyembre 21–27. ‘Kahanga-hanga at Kagila-gilalas’ na mga Gawa: Isaias 13–14; 22; 24–30; 35,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Setyembre 21–27. ‘Kahanga-hanga at Kagila-gilalas’ na mga Gawa,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026
Sacred Grove [Sagradong Kakahuyan], ni Brent Borup
Setyembre 21–27: “Kahanga-hanga at Kagila-gilalas’ na mga Gawa”
Isaias 13–14; 22; 24–30; 35
Isa sa mga bagay na ipinagagawa ng Panginoon sa mga propeta ay ang magbabala tungkol sa mga bunga ng kasalanan. Para sa mga propeta sa Lumang Tipan, kadalasan ay nangangahulugan ito ng pagsasabi sa mga pinuno ng mga makapangyarihang kaharian na kailangan nilang magsisi. Mapanganib na gawain iyon, ngunit walang takot si Isaias, at ang mga babala niya sa mga kaharian ng kanyang panahon—pati na sa Israel, Juda, at karatig na mga bansa—ay ginawa niya nang buong tapang (tingnan sa Isaias 13–23).
Gayunpaman, may mensahe rin si Isaias tungkol sa pag-asa. Kahit na ang ipinropesiya na mga kapahamakan ay nangyari nga sa mga kahariang ito, nakinita ni Isaias ang isang pagkakataon para sa pagpapanumbalik at pagpapanibago. Aanyayahan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na bumalik sa Kanya. Gagawin Niyang “ang tigang na lupa ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig” (Isaias 35:7). Gagawa siya ng “kahanga-hanga at kagila-gilalas” na mga gawa (Isaias 29:14), na magpapanumbalik sa Israel ng mga pagpapalang ipinangako Niya sa kanila. Si Isaias o ang sinumang nabubuhay noong panahong iyon ay hindi nakita ang kagila-gilalas na gawaing ito. Ngunit nakikita natin ito ngayon. Sa katunayan, tayo ay bahagi nito.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Isaias 13:1–11, 19–22; 14:1–20
Ang kapalaluan at kamunduhan ay mabibigo.
Sa panahon ni Isaias, ang Babilonia ay isang malakas na kaharian na may makapangyarihang lider. Ngayon ang Babilonia ay sinaunang kasaysayan. Kaya bakit mahalaga sa atin ngayon ang mensahe ni Isaias sa Babilonia, sa Isaias 13–14? Dahil ang Babilonia ay sumisimbolo sa kapalaluan, kasakiman, at kasalanan, mga bagay na nakapalibot pa rin sa atin ngayon. Pag-isipan ang simbolismo na ito habang binabasa mo ang Isaias 13:1–11, 19–22; 14:1–20. Maaari mong pag-isipan ang mga tanong na tulad nito:
-
Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa kapalaluan ng hari ng Babilonia at sa kapalaluan ni Satanas? (tingnan sa Isaias 14:4–20; Moises 4:1–4). Anong mga babala ang nakikita mo para sa iyong sarili sa mga talatang ito?
-
Paano nagbibigay ang Tagapagligtas ng “kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan”? (Isaias 14:3).
“Lulunukin Niya ang kamatayan magpakailanman” (Isaias 25:8).
Isaias 22:22–23; 24:21–23; 25:6–8; 26:19; 28:16
Si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas.
Ang mga turo ni Isaias ay kadalasang tumutukoy sa misyon ng Tagapagligtas, kabilang na ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, Pagkabuhay na Mag-uli, at Ikalawang Pagparito. Anong mga aspeto ng Kanyang misyon ang naiisip mo habang binabasa mo ang mga talatang ito: Isaias 22:22–23; 24:21–23; 25:6–8; 26:19; 28:16? Ano pang ibang mga talata ang nakita mo na nagpapaalala sa iyo sa Tagapagligtas?
Bigyan ng mga pagkakataon ang mga mag-aaral na magpatotoo tungkol kay Jesucristo. “Ang ibig sabihin ng maging guro ng ebanghelyo ni Jesucristo ay tulungan ang iba na makaunawa at magtiwala sa Kanyang mga turo, nakatutubos na kapangyarihan, at sakdal na pag-ibig” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8). Ang isang simpleng paraan para magawa iyan tuwing magtuturo ka ay ang magtanong ng tulad ng “Ano ang nalaman mo sa mga banal na kasulatan sa linggong ito na nagturo sa iyo ng isang bagay tungkol sa Tagapagligtas?” Pagkatapos ay hayaang ibahagi ng mga mag-aaral ang kanilang mga karanasan at palakasin ang pananampalataya ng bawat isa.
Isaias 24:1–12; 28:1–8; 29:7–13; 30:8–14
Ang pagtalikod sa Panginoon ay nagdudulot ng espirituwal na panganib.
Sa Kanyang awa, isinugo ng Panginoon si Isaias upang balaan ang pinagtipanang mga tao na sila ay lumilihis mula sa Kanya. Tingnan kung mahahanap mo ang mga espirituwal na palatandaan nito sa Isaias 24:5; 29:13; 30:8–12. Bakit mapanganib sa espirituwal ang mga pag-uugali at gawaing ito?
Para magbabala tungkol sa mga bunga ng pagtalikod sa Panginoon, gumamit si Isaias ng ilang di-malilimutang paghahambing. Habang pinag-aaralan mo ang mga ito, tanungin ang iyong sarili kung paanong ang pagtalikod sa Panginoon ay tulad ng:
-
Isang malungkot, walang laman na mundo (Isaias 24:1–12).
-
Kalasingan (Isaias 28:7–8).
-
Gutom at uhaw (Isaias 29:7–10).
-
Basag na pader o sisidlan (Isaias 30:13–14).
Bakit mahalaga sa iyo na manatiling malapit sa Panginoon?
Isaias 29; 30:18–26; 35
Maaaring ipanumbalik ng Panginoon ang mga nawala o nasira.
Naranasan mo na bang mawalan ng isang bagay na akala mo ay hindi mo na muling mahahanap? O kaya’t may nabasag na isang bagay, at nag-aalala ka na hindi na ito kailanman maaayos. Kapag tumalikod tayo sa Panginoon, gusto ni Satanas na isipin natin na hindi na tayo makababalik o gagaling. Gayunman, inilarawan ni Isaias ang ilan sa mga kagila-gilalas na bagay na gagawin ng Panginoon upang tulungan tayo na makabalik sa Kanya. Ano ang natutuhan mo mula sa Isaias 29:13–24; 30:18–26; 35 tungkol sa Panginoon, sa Kanyang pagmamahal, at sa Kanyang kapangyarihan? Marahil ay may makikita kang isang parirala sa mga talatang ito na nagbibigay sa iyo ng pag-asa kapag kailangan mo ng pagpapagaling. Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Sister Amy A. Wright na “Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak” (Liahona, Mayo 2022, 81–84).
Ang isang paraan na ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan at awa ay sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Ang Isaias 29 ay naglalaman ng ilang talata na may pagkakatulad sa mga pangyayari sa Pagpapanumbalik. Halimbawa:
-
Ikumpara ang Isaias 29:11–12 sa 2 Nephi 27:6–26 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:63–65.
-
Ikumpara ang Isaias 29:13–14 sa Doktrina at mga Tipan 4 at Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19.
-
Ikumpara ang Isaias 29:18–24 sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.
Sa iyong palagay, bakit ang mga salitang “kahanga-hanga” at “kagila-gilalas” (Isaias 29:14) ay magagandang salita na naglalarawan sa pagpapanumbalik ng Panginoon ng Kanyang ebanghelyo? Paano ka makatutulong sa pagsasakatuparan ng mga propesiya tungkol sa Pagpapanumbalik? Para sa mga ideya, tingnan sa mensahe ni Elder Gerrit W. Gong na “Lahat ng Bansa, Lahi, at Wika” (Liahona, Nob. 2020, 38–41).
Tingnan din sa “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo” (Gospel Library); “Umaga Na,” Mga Himno, blg 1.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Isaias 14:3; 25:8–9; 28:16
Maililigtas ako ni Jesucristo mula sa kasalanan at kamatayan.
-
Paano mo tutulungan ang iyong mga anak na makita ang Tagapagligtas sa mga isinulat ni Isaias? Maaari mo silang tulungan na makahanap ng mga parirala na nagpapaalala sa kanila tungkol sa Kanya sa Isaias 14:3; 25:8; o 28:16. Maaari din nilang itugma ang mga talatang ito mula sa Isaias sa iba pang mga talatang nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng Mateo 11:28–30; 1 Corinto 15:53–57; Helaman 5:12. Anong mga dakilang bagay ang ginawa ng Panginoon para sa atin?
-
Matapos sabay-sabay na basahin ang Isaias 25:8–9, maaari ninyong tingnan ang mga larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani, sa krus, at pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Hayaan ang iyong mga anak na pag-usapan ang nangyayari sa mga larawan at kung bakit mahal nila si Jesus at “[naga]galak sa kanyang kaligtasan” (talata 9).
-
Maaari mong piliing sabihin sa iyong mga anak ang kalungkutang nadama mo nang pumanaw ang isang taong mahal mo. Magpatotoo tungkol sa kapanatagan na natatanggap mo dahil kay Jesucristo. Siguro maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng isang mukha na umiiyak at pagkatapos ay burahin ang mga luha habang binabasa ninyo nang sabay-sabay ang Isaias 25:8.
Thy Will Be Done [Mangyari ang Iyong Kalooban], ni Ken Spencer
Isaias 25:4–6
Si Jesus ay nagbibigay sa akin ng “silungan sa bagyo.”
-
Naranasan mo na ba at ng iyong mga anak ang pagpapala ng pagkakaroon ng ligtas na masisilungan sa panahon ng bagyo o panahon ng tag-init? O naranasan mo na bang kumain ng masarap na pagkain nang magutom ka? Pag-usapan ang mga karanasang ito habang binabasa mo ang Isaias 25:4–6. Paano natutulad si Jesus sa mga bagay na ito?
Isaias 29:11–18, 24
Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay isang “kahanga-hangang mga gawa.”
-
Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Isaias 29:14, ibahagi sa kanila ang iba pang mga salita na pareho ng ibig sabihin sa “kahanga-hanga” at kagilala-gilalas.” Hayaan silang tulungan kang makahanap ng mga bagay o larawan na kumakatawan sa ilan sa kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa mga huling araw. Maaaring kabilang dito ang kopya ng Aklat ni Mormon, larawan ng templo, o larawan ng Unang Pangitain (mayroon nito sa simula ng outline na ito). Pagkatapos ay maaaring pumili ang iyong mga anak ng isang aytem at ibahagi nila kung bakit ito kahanga-hanga sa kanila.
-
Isang awit tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ang maaaring angkop sa Isaias 29, tulad ng “Nang Minsan ay Tagsibol” (Aklat ng mga Awit Pambata, 57). At marahil makatutulong ang isang personal na karanasan para maipaunawa sa mga anak ang ibig sabihin ng pagpapanumbalik. Halimbawa, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang isang bagay na nawala mo at kung paano mo ito natagpuan. Tulungan ang iyong mga anak na ikumpara ito sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Ayon sa Isaias 29:13–15, bakit natin kailangan ang Pagpapanumbalik? Anong kahanga-hangang mga gawa ang ginagawa ng Panginoon para ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo? (tingnan ang pahina ng aktibidad sa linggong ito).
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.