Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 14–20. “Ang Diyos ay Aking Kaligtasan”: Isaias 1–12


“Setyembre 14–20. ‘Ang Diyos ay Aking Kaligtasan’: Isaias 1–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Setyembre 14–20. ‘Ang Diyos ay Aking kaligtasan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

si Isaias na nagsusulat sa isang balumbon ng papel

The Prophet Isaiah Foretells Christ’s Birth [Ipinropesiya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo], ni Harry Anderson

Isaias 14–20: “Ang Diyos ay Aking Kaligtasan”

Isaias 1–12

Kahit ito ang unang pagkakataon mong basahin ang aklat ni Isaias, maaari kang makakita ng mga talatang pamilyar sa iyo. Iyan ay dahil, sa lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan, si Isaias ang pinakamadalas banggitin sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan, pati na ng Tagapagligtas mismo. Ang mga salita ni Isaias ay madalas na makikita rin sa mga himno at iba pang sagradong musika.

Bakit madalas banggitin si Isaias? Tiyak na ang isang dahilan ay na si Isaias ay may kaloob na ipahayag ang salita ng Diyos sa malinaw at di-malilimutang pananalita. Ngunit higit pa ito rito. Si Isaias ay nagbigay-inspirasyon sa mga propeta sa maraming henerasyon dahil ang mga katotohanang itinuro niya ay hindi lamang para sa kanyang sariling henerasyon (sa pagitan ng 740 at 701 BC). Isinulat niya ang tungkol sa dakilang gawain ng pagtubos ng Diyos, na mas malaki kaysa sa isang bansa o isang panahon. Mula kay Isaias, nalaman ni Nephi na siya at ang kanyang mga tao, bagama’t nahiwalay sa iba pang lipi ng Israel, ay bahagi pa rin ng pinagtipanang mga tao ng Diyos. Sa Isaias, nakita ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas na natupad mismo sa harapan nila. At sa Isaias, si Joseph Smith ay nakahanap ng inspirasyon para sa gawain ng pagtitipon ng Israel at sa pagtatatag ng Sion sa mga huling araw. Kapag binabasa mo ang Isaias, ano ang makikita mo?

Para sa iba pa tungkol kay Isaias at sa kanyang mga isinulat, tingnan sa “Isaias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Para sa impormasyon tungkol sa panahon na nabuhay si Isaias, tingnan ang 2 Mga Hari 15–20 at 2 Mga Cronica 26–32.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Isaias 1–12

Lahat ng salita ni Isaias ay matutupad.

Itinuro ng Tagapagligtas na “lahat ng bagay na sinabi [ni Isaias] ay nangyari na at mangyayari, maging alinsunod sa mga salitang kanyang winika” (3 Nephi 23:3). Habang pinag-aaralan mo ang aklat ni Isaias, isiping gumawa ng chart ng mga propesiya na may mga heading na tulad nito: Panahon ni Isaias, Ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, at Ang mga huling araw. Pansinin na marami sa mga propesiya ni Isaias ang natutupad sa mahigit sa isang paraan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isaias”).

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang aklat ni Isaias ay naglalaman ng maraming propesiya na tila maraming katuparan. Ang isa ay tila kinabibilangan ng mga tao noong panahon ni Isaias o ng kalagayan ng susunod na henerasyon. Ang isa pang kahulugan, na kadalasan ay simboliko, ay tila tumutukoy sa mga pangyayari sa kalagitnaan ng panahon, nang wasakin ang Jerusalem at ikalat ang kanyang mga tao matapos ipako sa krus ang Anak ng Diyos. Ang isa pang kahulugan o katuparan ng propesiya ring iyon ay tila nauugnay sa mga kaganapang mangyayari sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ang katotohanan na magkakaroon ng maraming kahulugan ang marami sa mga propesiyang ito ay malinaw na nagsasaad na mahalagang hingin natin ang paghahayag mula sa Espiritu Santo upang tulungan tayong maipaliwanag ang mga ito” (“Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).

Pag-unawa sa Aklat ni Isaias. Sinabi ng Tagapagligtas, “Masigasig ninyong saliksikin ang mga bagay na ito; sapagkat dakila ang mga salita ni Isaias” (3 Nephi 23:1; tingnan din sa talata 2–3). Gayunman para sa marami, maaaring mahirap unawain ang Isaias. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na ideya:

  • Pag-isipan ang mga simbolo at metapora na ginamit ni Isaias.

  • Tanungin ang sarili, “Ano ang natututuhan ko tungkol kay Jesucristo?” (tingnan sa 1 Nephi 19:23).

  • Maghanap ng mga paksang may kaugnayan sa ating panahon.

  • Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral, tulad ng diksyunaryo, mga footnote, mga chapter heading, at ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Isaias 1; 3–5

icon ng seminary
Ang mga propeta ay nagbababala tungkol sa kasalanan at nangangako ng pag-asa sa pamamagitan ng pagsisisi.

Tulad ng mga propeta sa lahat ng panahon, patuloy na binalaan ni Isaias ang mga tao tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan. Habang binabasa mo ang Isaias 1; 35, maghanap ng mga parirala na naglalarawan ng espirituwal na kalagayan ng mga tao (tingnan, halimbawa, sa Isaias 1:2–4, 21–23; 3:9, 16–17; 5:11–12, 20–23). Anong mga problema na katulad nito ang nakikita mo sa ating panahon? Maaari ka ring maghanap ng mga talatang nagbababala tungkol sa mga bunga ng espirituwal na kalagayan ng mga Israelita (tulad ng Isaias 1:7; 3:17–26; 5:5–7, 13–15).

Bukod pa sa mga babala, nagbigay si Isaias ng mga mensahe ng pag-asa para sa pagtubos sa pamamagitan ng Tagapagligtas (tingnan, halimbawa, sa Isaias 1:16–19, 25–27; 3:104). Ano ang natututuhan mo sa mga mensaheng ito tungkol sa Panginoon? Paano naiiba ang mensahe ng Panginoon sa mga talatang ito sa nais ni Satanas na paniwalaan natin?

Tulad ni Isaias, binabalaan tayo ng mga propeta sa kasalukuyang panahon tungkol sa kasalanan at sa mga bunga nito, at nagbibigay sila ng mga mensahe ng pag-asa sa pamamagitan ni Jesucristo. Anong mga halimbawa ang naiisip mo? Maaari mong pag-aralang muli ang isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya noon, na hinahanap ang gayong mga babala at pangako.

Isaias 2; 4; 11–12

Gagawa ang Diyos ng isang dakilang gawain sa mga huling araw.

Marami sa mga ipinropesiya ni Isaias ay may partikular na kahulugan para sa ating panahon. Para mahanap ang mga ito, maghanap ng mga pandiwa na panghinaharap (tulad ng “magiging” o “pupunta”). Halimbawa, hanapin ang mga pandiwang ito habang binabasa mo ang Isaias 2; 4; 11–12. Maaari mong subukang palitan ang mga ito ng mga pandiwa na pangkasalukuyan (tulad naging o pumupunta). Aling mga propesiya ang lalong kapana-panabik sa iyo? Ano ang natutuhan mo mula sa mga propesiyang ito tungkol sa Sion, pagtatayo ng mga templo, at pagtitipon ng Israel?

Ang Isaias 2:2–3 ay nauugnay lalo na sa mga Banal sa mga Huling Araw. Paano natutupad ang mga propesiyang ito? Ano ang natutuhan mo tungkol sa “mga daan” at “mga landas” ng Panginoon sa Kanyang bahay? (talata 3).

Tingnan din sa Isaias 5:26; “Sa Tuktok ng Bundok,” Mga Himno, blg. 4.

Isaias 6

Ang mga propeta ay tinawag ng Diyos.

Sa Isaias 6, ikinuwento ni Isaias ang pagtawag sa kanya na maging propeta. Habang binabasa mo ang kabanatang ito, ano ang hinangaan mo tungkol sa karanasan ni Isaias? Paano naiimpluwensyahan ng kabanatang ito ang pag-iisip mo tungkol sa Panginoon, sa Kanyang mga propeta, at sa gawain na ipinagagawa sa kanila?

Si Maria na karga ang sanggol na si Jesus

“Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki” (Isaias 9:6).

Isaias 7–9

Nangako ang Diyos na isusugo si Jesucristo upang maging aking Tagapagligtas.

Sa panahon ng ministeryo ni Isaias, ang Israel ay nakipag-alyansa sa Siria upang ipagtanggol ang sarili nito laban sa Asiria. Gusto ng Israel at Siria na pilitin si Ahaz, ang hari ng Juda, na sumama sa kanila. Ngunit nagpropesiya si Isaias na mabibigo ang alyansa at pinayuhan si Ahaz na magtiwala sa Panginoon (Isaias 7:7–9; 8:12–13).

Nang payuhan ni Isaias si Ahaz, nagsabi siya ng ilang kilalang propesiya, tulad ng matatagpuan sa Isaias 7:14; 8:13–14; 9:2, 6–7. Anuman ang kahulugan ng mga propesiyang ito kay Ahaz, malinaw na patungkol ang mga ito kay Jesucristo (tingnan din sa Mateo 1:21–23; 4:16; 21:44; Lucas 1:31–33). Bakit magandang titulo ang “Emmanuel” para sa Tagapagligtas? (tingnan sa Mateo 1:23). Paano Siya naging isang “Tagapayo” o “Prinsipe ng Kapayapaan” sa iyo? (Isaias 9:7). Ano pa ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Isaias 1:2–4, 16–19

Dahil kay Jesucristo, maaari akong magsisi at maging malinis.

  • Sa Isaias 1:2–4, ikaw at ang iyong mga anak ay makakahanap ng mga dahilan kung bakit hindi masaya ang Panginoon sa mga tao. Pansinin ang paghahambing sa mga hayop sa talata 3—sino ang ating “panginoon”? Paano natin ipinapakita sa Diyos na kilala natin Siya?

  • Para mailarawan sa isipan ang Isaias 1:16–18, maaari kayong maghanap ng mga anak mo ng isang bagay na matingkad na pula at isang bagay na puting-puti. O siguro ay pwede kayong magtulungan sa paglalaba o paghuhugas ng isang bagay. Paano tayo nagiging malinis sa espirituwal? Paano tayo tinutulungan ni Jesus na maging malinis? Ano ang matututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Ibahagi sa iyong mga anak ang nadarama mo tungkol sa Kanya at ang ginawa Niya para sa iyo.

Isaias 2:2–4

Sa templo, natututo ako tungkol kay Jesucristo.

  • Nakinita ni Isaias ang panahon na ang templo, “ang bundok ng bahay ng Panginoon,” ay aakit sa mga tao mula sa “lahat ng bansa” (Isaias 2:2). Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na maging sabik na pumunta sa bahay ng Panginoon? Maaari mo silang anyayahan na magdrowing ng larawan ng kanilang tahanan. Pagkatapos ay sama-samang basahin ang Isaias 2:2, at anyayahan silang idrowing ang larawan ng “bahay ng Panginoon,” na isang templo. Basahin ang Isaias 2:3 nang sabay-sabay. Sabihin sa kanila na idagdag sa kanilang larawan ang maraming taong nagpupunta sa templo, pati na ang kanilang pamilya.

  • Maaari din ninyong sabay-sabay na basahin ang Isaias 2:2–3 at tukuyin ang isang bagay na nagbibigay-inspirasyon sa iyo at sa iyong mga anak na magpunta sa templo. Matapos sabay-sabay na basahin ang Isaias 2:4, maaari ninyong talakayin kung paano nagdadala sa kanila ng kapayapaan ang templo. Isiping kumanta ng isang awit tungkol sa templo, tulad ng “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Tulungan ang iyong mga anak na maghanap ng mga salita sa awit na nagtuturo kung ano ang templo at ano ang ginagawa natin doon.

Salt Lake Temple pagsapit ng takipsilim

Salt Lake Temple

Isaias 7:14; 9:6–7

Naparito si Jesucristo sa lupa upang maging aking Tagapagligtas.

  • Para ipakilala ang mga propesiya ni Isaias tungkol kay Cristo, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga titulo ng mga tao, tulad ng pangulo, bishop, o guro. Ano ang sinasabi sa atin ng mga titulong ito tungkol sa mga taong ito? Tulungan ang iyong mga anak na mahanap ang mga titulo ni Jesucristo sa Isaias 7:14 at 9:6–7 (tingnan din sa pahina ng aktibidad sa linggong ito). Ano ang itinuturo ng bawat isa sa mga titulong ito tungkol sa Kanya? Ano pa ang natututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa mga talatang ito?

  • Maaari mo ring ibahagi sa iyong mga anak ang “Ang Propetang si Isaias” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 150–51). Huminto paminsan-minsan para magtanong kung ano ang alam ni Isaias tungkol kay Jesucristo maraming taon na ang nakalipas bago Siya isinilang. Magagamit mo ang Mateo 1:21–23; Lucas 1:31–33 para pag-usapan kung paano natupad ang mga propesiya ni Isaias Isaias 7:14; 9:6–7.

    1:18

    Isaiah the Prophet

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

isang kidlat sa kalangitan sa itaas ng isang templo

Itinuro ni Isaias na ang templo ay magiging “kanlungan” at “kublihan mula sa bagyo at ulan” (Isaias 4:6). Idaho Falls Idaho Temple

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Nagpropesiya si Isaias tungkol kay Jesucristo