Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 31–Setyembre 6. “Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon”: Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150


“Agosto 31–Setyembre 6. ‘Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon’”: Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Agosto 31–Setyembre 6. ‘Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

si Jesus na inaabot ang kamay ng isang babae para tulungan

Reverential Return [Maluwalhating Pagbabalik], nina Kelsy at Jesse Lightweave

Agosto 31–Setyembre 6: “Lahat ng Bagay na May Hininga ay Magpuri sa Panginoon”

Mga Awit 102–103; 110; 116–119; 127–128; 135–139; 146–150

Ang tradisyonal na pangalan ng mga Judio para sa aklat ng Mga Awit ay Tehillim, isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “mga papuri.” Ito ay may kaugnayan sa sigaw na aleluya (ibig sabihin ay “purihin si Jehova” o “purihin ang Panginoon”). Kung kailangan mong pumili ng isang salita para ibuod ang pangunahing mensahe ng Mga Awit, ang papuri ay magandang piliin. Ang ilan sa mga awit ay naglalaman ng tuwirang paanyaya na “purihin ang Panginoon” (tingnan lalo na ang Mga Awit 146–50), at lahat ng ito ay makahihikayat ng pagsamba at papuri. Inaanyayahan tayo ng Mga Awit na kilalanin ang kapangyarihan ng Panginoon, ang Kanyang awa, at mga dakilang bagay na ginawa Niya. Hindi natin Siya mababayaran kailanman para sa alinman sa mga ito, ngunit maaari tayong magpuri sa Kanya. Ang papuring iyan ay maaaring sa iba-ibang anyo para sa iba’t ibang tao—maaaring may kasama itong pagkanta, pagdarasal, o pagpapatotoo. Madalas itong humahantong sa mas malalim na katapatan sa Panginoon at pagsunod sa Kanyang mga turo. Anuman ang ibig sabihin sa iyong buhay ng “purihin ang Panginoon,” magkakaroon ka ng inspirasyon na gawin ito habang binabasa at pinagninilayan mo ang Mga Awit.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Mga Awit 102–3116

Mapapanatag ako ng Panginoon sa aking pagdurusa.

Pansinin kung paano inilalarawan ng Mga Awit 102:1–11 ang pagkabalisa at pag-iisa na kadalasang nadarama sa panahon ng mga pagsubok. Siguro ay naranasan mo na o ng iba pang mga kakilala mo ang mga damdaming iyon. Habang binabasa mo ang Mga Awit 102:12–28; 103116, maghanap ng mga pariralang nagbibigay sa iyo ng kumpiyansa na maaari kang “[tumawag] sa pangalan ng Panginoon” sa iyong mga pagsubok (Awit 116:13). Maaari mong markahan, isaulo, o ibahagi sa iba ang mga pariralang nagbibigay sa iyo ng pag-asa sa Kanya.

Tingnan din sa Isaias 25:8; Mga Hebreo 2:17–18; Alma 7:11–13; Camille N. Johnson, “Si Jesucristo ay Kaginhawahan,” Liahona, Mayo 2023, 81–83; “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” (Mga Himno, blg. 74).

Tinutulungan ni Jesus ang isang lalaking maysakit

Carl Heinrich Bloch (1834-1890), Christ Healing the Sick at Bethesda [Pinagagaling ni Cristo ang Maysakit sa Bet-zatha], 1883, oil on canvas, 100 3/4 × 125 1/2 pulgada. Brigham Young University Museum of Art, binili mula sa pondong bigay nina Jack R. at Mary Lois Wheatley, 2001.

Mga Awit 110; 118

Tinupad ni Jesucristo ang mga propesiya mula sa Mga Awit.

Ang Mga Awit ay naglalaman ng mga talatang tumutukoy sa buhay at ministeryo ni Jesucristo. Narito ang ilang halimbawa:

  • Mga Awit 110:1–4 (tingnan sa Mateo 22:41–45; Mga Hebreo 5:4–10; 6:20)

  • Mga Awit 118:22 (tingnan sa Mateo 21:42; Mga Gawa 4:10–11; 1 Pedro 2:7)

  • Awit 118:25–26 (tingnan sa Mateo 21:9)

Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo? Bakit mahalagang malaman ito tungkol sa Kanya?

Awit 119

icon ng seminary
Ang salita ng Diyos ay magpapanatili sa akin sa Kanyang landas.

Ang Mga Awit 119 ay naglalaman ng maraming parirala na ikinukumpara ang ating buhay sa paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit. Habang nagbabasa ka, hanapin ang mga salitang tulad ng “lumalakad,” “landas,” “daan,” “mga paa”, at “maligaw.” Pagnilayan ang iyong paglalakbay sa buhay—saan ka nanggaling, nasaan ka na ngayon, at saan ka papunta. Ano ang natutuhan mo mula sa awit na ito tungkol sa iyong paglalakbay pauwi? Ano ang natutuhan mo sa pagmamasid sa landas ng iba? Ayon sa awit na ito, ano ang inilaan ng Diyos upang tulungan kang manatili sa Kanyang landas?

Isipin ang isang pagkakataon kung saan nakatulong sa iyo ang pagtahak sa isang landas o pagsunod sa mapa na makarating sa iyong patutunguhan. Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasang iyan tungkol sa pagtahak sa landas ng Diyos?

Sa maraming iba pang mga banal na kasulatan, binanggit ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta ang isang landas. Nasa ibaba ang ilang halimbawa. Isiping saliksikin ang mga talatang ito at isulat o ibahagi sa iba ang natutuhan mo.

Banal na Kasulatan

Ano ang natututuhan ko tungkol sa landas patungo sa Diyos

Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 4:11–19

Banal na Kasulatan

Mateo 7:13–14

Banal na Kasulatan

1 Nephi 8:20–28

Banal na Kasulatan

2 Nephi 31:17–21

Banal na Kasulatan

Alma 7:9, 19–20

Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 25:2

Paano makatutulong ang mga katotohanang ito sa iyo na manatili sa landas ng Diyos?

Anong karagdagang mga kaalaman ang matututuhan mo mula sa sumusunod na payo ni Pangulong Russell M. Nelson?

“Kung nais nating maging matagumpay ang paglalakbay natin sa buhay, kailangang sumunod tayo sa banal na gabay. Sinabi ng Panginoon, ‘Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot’ [Doktrina at mga Tipan 6:36]. At isinulat ng Mang-aawit, ‘Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko’ [Awit 119:105]. …

“Sa paglalakbay ninyo sa buhay, nakakaharap ninyo ang maraming hadlang at nakakagawa kayo ng ilang pagkakamali. Tinutulungan kayo ng mga banal na kasulatan na makilala ang inyong mga pagkakamali at gumawa ng nararapat na pagwawasto. Humihinto kayo sa pagpunta sa maling direksyon. Pinag-aaralan ninyong mabuti ang mga banal na kasulatan na gagabay sa inyo. Pagkatapos ay nagsisisi at nagsasauli kayo ng mga bagay na kinuha ninyo o itutuwid ang maling nagawa ninyo upang makarating sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:18]” (“Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 17).

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Ang Alibugha at ang Daan Pauwi,” Liahona, Nob. 2023, 86–88.

Mga Awit 134–36

Ang Panginoon ay mas makapangyarihan kaysa anumang diyus-diyusan.

Pansinin, ayon sa Mga Awit 135:15–18, kung bakit kamangmangan ang magtiwala sa mga huwad na diyos. Ano ang maaaring matukso kang pagkatiwalaan mo na katulad ng isang diyus-diyusan? Maaari mong ilista ang mga bagay na magagawa ng Panginoon, tulad ng ginawa ng mga mang-aawit sa Mga Awit 134–36. Anong makapangyarihang mga bagay ang ginawa Niya para sa iyo?

Mga Awit 139

Nalalaman ng Panginoon ang aking puso.

Ano ang mahahanap mo sa Awit 139 na tumutulong sa iyo na maunawaan na kilala ka ng Panginoon—ang iyong mga iniisip at ginagawa, kalakasan at kahinaan? Paano naiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang iyong buhay at mga pagpili?

Mga Awit 146–50

“Purihin ang Panginoon.”

Habang binabasa mo ang huling mga awit na ito ng papuri, pag-isipan ang mga dahilan kung bakit dapat mong purihin ang Panginoon. Bakit mahalagang purihin Siya? Ano ang ilang paraan na maaari mong purihin Siya?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mga Awit 102:1–2

Pinapanatag ako ng Panginoon at binibigyan ako ng pag-asa.

  • Maaari mong basahin o ng isa sa iyong mga anak ang Mga Awit 102:1–2, na inaalam kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon sa panahon ng ating mga paghihirap. Paano natin mahahanap ang Kanyang tulong? Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga pagkakataong kailangan ninyo ng tulong at nadama ninyo na dininig ng Diyos ang inyong mga panalangin.

Mga Awit 119:105

Ang salita ng Diyos ay parang liwanag.

  • Maaaring ikatuwa ng mga anak mo na pag-usapan kung ano ang pakiramdam ng nasa madilim na lugar. O kaya’y talakayin nila ang mga bagay na mahirap gawin sa dilim. Maaari mo silang anyayahan na gumawa ng isang bagay nang nakapikit, tulad ng pagdrowing ng isang larawan. Ano ang natutuhan natin sa Mga Awit 119:105 tungkol sa liwanag at sa salita ng Diyos?

  • Hanapin ang isang bagay na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit para tulungan tayong manatili sa Kanyang landas sa mga sumusunod na talata: Mga Awit 119:47–48; 119:105; 1 Nephi 11:25; 2 Nephi 31:20. Ano ang kailangan nating gawin upang manatili sa landas ng Diyos?

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagtingin sa mga larawan ng mga bagay na binanggit sa Awit 119:105. Maaari nilang ayusin ang mga larawan ayon sa pagkakasunud-sunod habang binabasa nila ang talata. Maaari din kayong kumanta ng isang kaugnay na awit nang magkasama, tulad ng “Turuang Lumakad sa Liwanag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 70) o “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (Gospel Library).

ama na binabasahan ang anak

Mga Awit 139:1–3, 23–24

Kilala at mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Isiping gumawa ng maikling listahan ng mga bagay na alam mo tungkol sa bawat isa sa iyong mga anak. Habang isa-isa mong binabasa ang mga nakalista, pahulaan sa mga anak kung sino ang inilalarawan mo. Pagkatapos basahin nang magkakasama ang Mga Awit 139:1–3, maaari ninyong ilista ang mga bagay na alam ng Ama sa Langit at ni Jesus tungkol sa atin.

  • Isulat ang mga salita sa Awit 139:23–24 sa isang papel o sa pisara. Sabihin sa iyong mga anak na salungguhitan ang mga salitang naglalarawan ng mga bagay na magagawa ng Diyos para sa atin. Bakit natin gugustuhing gawin ng Diyos ang mga bagay na ito?

Mga Awit 146:1, 5–9.

Maaari kong purihin ang Panginoon.

  • Marahil ay maaaring magbahagi ang iyong mga anak ng mga karanasan nila nang pinuri sila ng isang tao o sinabihan sila na maganda ang ginawa nila. Ibahagi ang ilan sa mabubuting bagay mula sa Mga Awit 146:6–9 na ginawa ng Panginoon (tulungan ang iyong mga anak na maunawaan ang mga salitang hindi pamilyar). Anyayahan ang iyong mga anak na magsabi ng iba pang mga bagay na ginagawa Niya para sa atin. Paano natin Siya pupurihin sa mga bagay na iyon?

Matuto sa tahana; ibahagi sa iba. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang tahanan ang dapat maging “sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 13). Ano ang magagawa mo sa linggong ito para mapalalim ang iyong personal o kasama ang pamilya na pag-aaral ng Mga Awit? Pagkatapos ng iyong pag-aaral, isiping ibahagi sa iba ang natutuhan at nadama mo. Maaari mong gawin ito sa pag-uusap, sa pamamagitan ng text o social media, o sa simbahan.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.