Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 24–30. “Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”: Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86


“Agosto 24–30. ‘Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa’: Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Agosto 24–30. ‘Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

Si Jesus na may hawak na lampara sa gabi

Saving That Which Was Lost [Pagliligtas sa Nawawala], ni Michael Malm

Agosto 24–30: “Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”

Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86

Ang mga manunulat ng Mga Awit ay nagbahagi ng malalim na personal na damdamin sa kanilang tula. Sumulat sila tungkol sa nadaramang panghihina ng loob, takot, at pagsisisi. May mga pagkakataon na tila nadama nila na pinabayaan sila ng Diyos, at ang ilang mga awit ay may pahiwatig ng kaunting kabiguan o kawalang-pag-asa. Kung nadama mo na ang ganito, ang pagbabasa ng Mga Awit ay makatutulong sa iyo na malaman na hindi ka nag-iisa. Pero makakakita ka rin ng mga awit na makahihikayat sa iyo kapag ganito ang iyong nadarama, dahil pinuri rin ng mga mang-aawit ang Panginoon sa Kanyang kabutihan, namangha sa Kanyang kapangyarihan, at nagsaya sa Kanyang awa. Alam nila na tayo ay nabibigatan sa kasamaan at kasalanan ngunit ang Panginoon ay “mabuti, at mapagpatawad” (Mga Awit 86:5). Naunawaan nila na ang pagsampalataya sa Panginoon ay hindi nangangahulugang hindi ka kailanman daranas ng pagkabalisa, kasalanan, o takot. Ibig sabihin nito ay alam mo kung sino ang lalapitan mo kapag kailangan mong gawin ito.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Mga Awit 49; 62:5–12

Ang pagkatubos ay dumarating sa pamamagitan lamang ni Jesucristo.

Ang Mga Awit 49 ay may mensahe para sa “mababa at mataas, mayaman at dukha” (talata 2). Ano kayang mensahe ito? Ano sa palagay mo ang idinagdag ng Mga Awit 62:5–12 sa mensaheng iyan?

Ang pagbabasa ng mga awit na ito ay maaaring maghikayat sa iyo na pagnilayan ang mga paraan na natutukso tayo na magtiwala sa isang bagay maliban sa Diyos para magtubos (tingnan sa Mga Awit 49:6–7). Paano naiimpluwensyahan ang buhay mo ng iyong patotoo na “tutubusin ng Diyos ang [iyong] kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol”? (Mga Awit 49:15).

Mga Awit 51; 85–86

icon ng seminary
Dahil sa awa ng Tagapagligtas, maaari akong mapatawad.

Isinulat ni Haring David ang Awit 51 matapos niyang maunawaan ang kanyang matinding pangangailangan para sa kapatawaran—isang bagay na kailangan nating lahat. Aling mga talata ang naglalarawan ng nadarama mo? Ano ang nalaman mo sa awit na ito na nagbibigay sa iyo ng pag-asa na mapatawad?

Maaari ka ring maghanap ng mga clue sa Awit 51 tungkol sa ibig sabihin ng magsisi. Ilista ang iyong mga nahanap. Tingnan kung may maidaragdag ka sa iyong listahan sa pamamagitan ng paghahanap sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging mas Mahusay” (Liahona, Mayo 2019, 67–69).

Paano mo ilalarawan ang pakiramdam na mapatawad sa pamamagitan ni Cristo? Kung kailangan mo ng tulong sa paglalarawan ng iyong damdamin, maaari kang tumingin sa Mga Awit 51:1–2, 7–12; 85:2–9. May mga taong mahilig magdrowing o maghanap ng mga larawan para ipahayag ang kanilang nadarama; maaari mong subukan iyan. Maaari ka ring kumanta o makinig ng isang himno tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115).

Sa pagsisisi, kailangan nating manampalataya na hindi lamang tayo malilinis ni Jesucristo kundi talagang lilinisin Niya tayo. Ano ang nahanap mo sa Awit 86:5, 13, 15 na tumutulong sa iyo na malaman na ang Tagapagligtas ay makapagpapatawad at handang magpatawad?

Tingnan din sa Alma 36; Peter F. Meurs, “Mapapagaling Niya Ako!,” Liahona, Mayo 2023, 39–41.

Mga Awit 51:13–15; 66:5–20; 71:15–24

Ang patotoo ko kay Jesucristo ay makatutulong sa iba na lumapit sa Kanya.

Pagnilayan kung paano mo natamo ang iyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan. Pagkatapos, habang pinag-aaralan mo ang Mga Awit 51:13–15; 66:5–20; 71:15–24, isipin kung paano mo maaanyayahan ang iba na “[lumapit] at tingnan ang ginawa ng Diyos” (Mga Awit 66:5). Kung “i[pa]pahayag [mo] kung ano ang ginawa [ng Panginoon] para sa [iyong] kaluluwa” (Mga Awit 66:16), ano ang ipapahayag mo?

Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “magsasalita ng [Kanyang] katuwiran sa buong maghapon”? (Mga Awit 71:24).

Tingnan din sa Alma 26.

isang binatilyo na nagbabahagi ng mga banal na kasulatan sa iba

“Kayo’y magsiparito at inyong dinggin, … at ipahahayag ko kung ano ang ginawa [ng Diyos] para sa aking kaluluwa” (Mga Awit 66:16).

Mga Awit 63; 69; 77–78

Tutulungan ako ng Panginoon sa oras ng pangangailangan.

Inilalarawan ng ilang awit ang pakiramdam na malayo sa Diyos at lubos na kailangan ang Kanyang tulong (tingnan sa Mga Awit 63:1, 8; 69:1–8, 18–21; 77:1–9). Sa Mga Awit 6369; 77–78, ano ang nahanap mo na nagbigay ng katiyakan sa mga mang-aawit na ito?

Kapag ikaw ay naliligalig, paano nakatutulong sa iyo na “[gunitain] ang mga gawa ng Panginoon” at ang Kanyang “mga kahanga-hangang gawa noong unang panahon”? (Mga Awit 77:11). Ang ilan sa mga kahanga-hangang gawang iyon ay inilarawan sa Mga Awit 78. Habang binabasa mo ang tungkol sa mga ito, pagnilayan kung ano ang tumutulong sa iyo na “ilagak ang [iyong] pag-asa sa Diyos” (talata 7).

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendise B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”

Mga Awit 51; 86:5, 13, 15

Kapag nakagagawa ako ng maling pagpili, matutulungan ako ni Jesucristo na magbago.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na matuklasan ang mga katotohanan tungkol sa pagsisisi sa Awit 51, maaari kang magdrowing ng isang malaking puso. Pagkatapos ay maaari mong tulungan ang iyong mga anak na isulat sa loob ng puso ang masasamang bagay na inuudyok ni Satanas na gawin natin. Paano natin maaalis ang mga bagay na ito sa ating puso? Ipahanap sa iyong mga anak ang salitang “puso” sa Mga Awit 51:10, 17. Pag-usapan ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagsisisi. Hayaan mong burahin ng iyong mga anak ang mga salita sa loob ng puso at sumulat ng mga bagong salita na naglalarawan ng mga paraan na mababago tayo ni Jesus kapag nagsisi tayo.

  • Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na malaman ang ibig sabihin ng magkaroon ng “isang bagbag at nagsisising puso” (Mga Awit 51:17). Maaari silang maghalinhinan sa pagbasag para mabuksan ang isang bagay na may matigas na balat, tulad ng itlog o mani. Matutulungan mo silang ihambing ang matigas na balat sa mga bagay na pumipigil sa atin na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Paano natin mabubuksan ang ating puso sa Kanya?

  • Maaari din ninyong magkasamang tingnan ang isang larawan ng Tagapagligtas at tanungin ang iyong mga anak kung anong mga salita ang gagamitin nila para ilarawan Siya. Ipahanap sa kanila ang mga salitang naglalarawan sa Kanya sa Mga Awit 86:5, 13, 15. Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanya?

Mga Awit 61:2–3

Si Jesucristo ay aking bato.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagdrowing ng mga simbolo sa Awit 61:2–3. Paano naging katulad ni Jesucristo ang isang mataas na “bato” (talata 2), “kanlungan,” at “isang matibay na muog”? (talata 3).

isang tore ng bantay na yari sa bato

“Ikaw ay aking kanlungan, isang matibay na muog” (Mga Awit 61:3).

Mga Awit 66:16; 77:11; 78:6–7

“Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon.”

  • Sabihin sa iyong mga anak na ibahagi ang ilan sa kanilang mga paboritong kuwento sa banal na kasulatan (maaaring makatulong ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Ano ang itinuturo sa atin ng mga kuwentong ito tungkol sa Panginoon? Maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang Mga Awit 66:16 at magsalitan sa pagsagot sa tanong na “Ano ang ginawa ng Panginoon para sa aking kaluluwa”?

  • Habang magkasama ninyong binabasa ang Mga Awit 77:11; 78:6–7, maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo sinisikap na “[gunitain] ang mga gawa ng Panginoon” (Mga Awit 77:11), pati na ang Kanyang mga ginawa sa inyong buhay. Paano tayo tinutulungan ng sakramento na “lagi[ng] [makaalala]? (Moroni 4:3; 5:2).

Mga Awit 71:8

Masasabi ko sa iba ang tungkol kay Jesucristo.

  • Matapos basahin ang Awit 71:8 kasama ang iyong mga anak, sabihin sa kanila na magdrowing ng isang malaking bibig. Hilingin sa kanila na tulungan kang “punuin” ang bibig ng mga larawan o salita na kumakatawan sa mga bagay na masasabi natin sa iba tungkol kay Jesucristo.

  • Maaari mong ipapasa-pasa ang isang larawan ni Jesucristo. Ang taong may hawak ng larawan ay maaaring magsabi ng isang bagay na alam niya tungkol sa Kanya. Paano natin matutulungan ang ibang tao na malaman ang mga bagay na ito?

Maraming maibabahagi ang mga bata. “Kapag may natutuhang bago ang mga bata, gusto talaga nilang ibahagi ito sa iba. Hikayatin ang hangaring ito sa pagbibigay sa mga bata ng mga pagkakataong magturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa isa’t isa, sa kanilang mga kapamilya, at mga kaibigan. Sabihin din sa kanila na ibahagi sa iyo ang kanilang mga iniisip, nadarama, at karanasan na nauugnay sa mga alituntuning itinuturo mo. Malalaman mo na ang mga ideya nila ay simple, dalisay, at nakaaantig” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas32).

Mga Awit 86:7

Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin ko.

  • Marami sa mga awit ay parang mga panalangin sa Diyos. Habang binabasa mo ang Mga Awit sa iyong mga anak, maaari mong ipakita sa kanila ang mga bagay na magagamit natin sa pakikipag-usap sa mga taong malayo, tulad ng telepono o sulat. Pagkatapos ay basahin ang Awit 86:7. Paano tayo “tumatawag” sa Ama sa Langit? Paano Niya tayo sinasagot?

  • Maaari ninyong magkakasamang kantahin ang isang awit tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7; tingnan din sa Susan H. Porter, “Manalangin, Nariyan Siya,” Liahona, Mayo 2024, 77–79). Ikuwento sa isa’t isa ang tungkol sa mga pagkakataon na sinagot ng Diyos ang inyong mga panalangin.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

larawan ni Jesucristo

Come unto Christ [Lumapit kay Cristo], ni Casey Childs

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Kapag gumagawa ako ng maling pagpili, matutulungan ako ni Jesus na magbago