“Agosto 17–23. ‘Ang Panginoon ay Aking Pastol”: Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Agosto 17–23. ‘Ang Panginoon ay Aking Pastol,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
The Lord Is My Shepherd [Ang Panginoon ay Aking Pastol], ni Yongsung Kim. Larawan sa kagandahang-loob ng havenlight.com
Agosto 17–23: “Ang Panginoon ay Aking Pastol”
Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46
Hindi natin alam kung sino ang sumulat ng Mga Awit. Ang ilan ay sinasabing kay Haring David, ngunit para sa karamihan, hindi pa rin alam kung sino ang mga sumulat. Gayunpaman matapos basahin ang Mga Awit, madarama natin na para bang alam natin ang nasa puso ng mga mang-aawit, kahit hindi natin alam ang kanilang mga pangalan. Alam natin na ang Mga Awit ay mahalagang bahagi ng pagsamba noon ng mga Israelita, at alam natin na madalas itong banggitin noon ng Tagapagligtas. Sa Mga Awit, mas nakikilala natin ang mga sinaunang tao ng Diyos. Nakikita natin ang nadarama nila tungkol sa Diyos, ang mga alalahanin nila, at kung paano sila nakahanap ng kapayapaan. Bilang mga nananalig ngayon, sa buong mundo, ginagamit pa rin natin ang mga salitang ito sa ating pagsamba sa Diyos. Halos parang ang mga sumulat ng Mga Awit ay may bintana sa ating kaluluwa, dahil ipinahahayag nila kung ano ang nadarama natin tungkol sa Diyos, kung ano ang inaalala natin, at kung paano tayo nakahahanap ng kapayapaan.
Para sa buod ng aklat ng Mga Awit, tingnan sa “Awit” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Mga Awit 1; 23; 26–28; 46
“Ako’y nagtiwala sa Panginoon.”
Habang binabasa mo ang Mga Awit, maaari mong mapansin kung gaano kadalas ipahayag ng mga manunulat ang takot, kalungkutan, o pagkabalisa. Ang gayong damdamin ay normal, kahit sa mga taong may pananampalataya. Kaya nakapagbibigay-inspirasyon ang Mga Awit ay dahil nagbibigay rin ang mga ito ng inspiradong solusyon, kabilang ang lubos na pagtitiwala sa Panginoon. Habang binabasa mo ang Mga Awit 1; 23; 26–28; 46, isulat ang:
-
Mga paanyayang magtiwala sa Panginoon.
-
Mga salitang naglalarawan sa Kanya.
-
Mga salitang naglalarawan sa kapayapaan, lakas, at iba pang mga pagpapalang Kanyang ibinibigay.
-
Mga salitang naglalarawan sa mga taong nagtitiwala sa Kanya.
Tingnan din ang malinaw na paglalarawan at mga simbolo na ginamit ng Mga Awit sa pagtuturo tungkol sa Tagapagligtas. Halimbawa, sa Mga Awit 23, ano ang ipinapaalala ng mga pariralang tulad ng “pinahihiga niya ako sa luntiang pastulan” o “mga tubig na pahingahan” (talata 2)? Ano kaya ang isinisimbolo ng nakapapanatag na “pamalo” at “tungkod” (talata 4)? Ano kaya ang ibig sabihin ng pag-apaw ng ating “saro” (talata 5)?
Mga Awit 2; 22
Si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas.
Ilan sa mga awit ay nakatuon sa mortal na buhay ni Jesucristo. Nakita rin ng mga Kristiyano sa panahon ng Bagong Tipan ang mga koneksyong ito. Isiping ipabasa ang mga sumusunod na scripture reference. Hanapin ang mga koneksyon ng mga salita sa mga awit na ito at sa buhay ng Tagapagligtas:
-
Mga Awit 2:1–3 at Mga Awit 4:24–28
-
Mga Awit 2:7 at Mga Gawa 13:30–33
-
Mga Awit 22:1 at Mateo 27:45–46
-
Mga Awit 22:7–8 at Mateo 27:39–43
-
Mga Awit 22:16 at Lucas 23:32–33
-
Mga Awit 22:18 at Mateo 27:35
-
Mga Awit 31:5 at Lucas 23:46
Ano ang natutuhan mo mula sa pag-aaral ng mga koneksyong ito? Anong mga propesiya at pangako sa banal na kasulatan ang hindi pa natutupad? Ano ang nakikita mo sa mga pangakong ito na nagbibigay sa iyo ng pag-asa para sa hinaharap?
Mga Awit 8; 19; 33
“Punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.”
Ang pagbabasa ng Mga Awit 8; 19; at 33 ay maaaring makahikayat sa iyo na isaalang-alang ang maraming kahanga-hangang nilikha ng Panginoon. Pag-ukulan ng pansin ang mga nadarama mo habang ginagawa mo ito. Maaari mo ring kantahin o pagnilayan ang mga titik ng isang awitin na may kaugnayan sa mga awit na ito, tulad ng “Dakilang Diyos” (Mga Himno, 48). Paano “nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos” sa iyo ang mga nilikha ng Panginoon? (Mga Awit 19:1).
Narito ang ilan pang mga himno na binigyang-inspirasyon ng Mga Awit:
-
Mga Awit 23: “Ang Panginoon Ay Pastol Kong Tunay” (Mga Himno, blg. 62)
-
Mga Awit 23:6; 150: “Praise to the Lord, the Almighty” (Hymns, blg. 72)
-
Mga Awit 26:8: “We Love Thy House, O God” (Hymns, blg. 247)
-
Mga Awit 27:1: “Tanglaw Ko ang Diyos” (Mga Himno, blg. 49)
-
Mga Awit 33:1–6; 95:1–6: “Para sa Angking Kariktan ng Mundo” (Mga Himno, blg. 35)
-
Mga Awit 37:3–9: “Pumayapa, Aking Kaluluwa” (Mga Himno, blg. 71)
-
Mga Awit 148: “O Bawat Nilalang ng Diyos” (Mga Himno, blg. 34)
Gumamit ng musika. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagkanta ng mga himno ay isa sa mga pinakamaiinam na paraan para makaayon tayo sa Espiritu ng Panginoon. … Ang sagradong musika ay may kakaibang kakayahang maiparating ang ating pagmamahal para sa Panginoon. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malaking tulong sa ating pagsamba. … Ang ating mga himno ay naglalaman ng hindi mapapantayang mga mensahe ng doktrina, na nahihigitan lamang ng mga banal na kasulatan sa katotohanan at matulaing epekto ng mga ito” (“Worship through Music,” Ensign, Nob. 1994, 10, 11). Anong mga himno na may kaugnayan sa Mga Awit ang maaari mong pakinggan o kantahin para mas mapalalim ang iyong pagsamba sa linggong ito?
Mga Awit 19:7–11; 29
Ang salita ng Panginoon ay makapangyarihan, “nagpapagalak sa puso.”
Sa Mga Awit, ang mga salitang tulad ng patotoo, mga batas, kautusan, at mga paghatol ay maaaring tumukoy sa salita ng Panginoon. Isaisip iyan habang binabasa mo ang Mga Awit 19:7–11. Ano ang sinasabi sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa salita ng Panginoon? Ano ang itinuturo sa iyo ng Mga Awit 29 tungkol sa Kanyang tinig? Sa iyong karanasan, paano tumugma ang salita o tinig ng Panginoon sa mga paglalarawang ito?
Mga Awit 24; 26–27
Matutulungan ako ng Tagapagligtas na maging dalisay para makapasok ako sa kinaroroonan ng Diyos.
Dahil itinayo ang templo sa Jerusalem sa isang bundok, ang pariralang “bundok ng Panginoon” (Mga Awit 24:3) ay maaaring tumukoy sa templo o sa presensya ng Diyos. Ano ang idinaragdag nito sa iyong nauunawaan sa Mga Awit 24? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng may “malilinis na kamay at may pusong dalisay”? (talata 4). Habang binabasa mo ang Mga Awit 26–27, ano pa ang natutuhan mo tungkol sa bahay ng Panginoon?
Kung minsan, maaaring panghinaan tayo ng loob na marinig na kailangan nating maging dalisay para makapasok sa kinaroroonan ng Diyos. Lahat naman tayo ay nahihirapan, at wala sa atin ang perpekto. Anong pag-asa ang matatagpuan mo sa mensahe ni Elder David A. Bednar na “Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso”? (Liahona, Nob. 2007, 80–83). Paano mo magagamit ang kanyang mensahe para tulungan ang isang taong nakadarama ng panghihina sa kagustuhang maging perpekto? Isipin kung paano mo matatanggap ang tulong ng Tagapagligtas sa iyong pagsisikap na magkaroon ng “malilinis na kamay at may pusong dalisay.”
Tingnan din sa Bradley R. Wilcox, “Ang Pagiging Karapat-dapat ay Hindi Pagiging Walang Kamalian,” Liahona, Nob. 2021, 61–67.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Mga Awit 23; 27–28; 32; 46
Binibigyan ako ng Panginoon ng kapayapaan, lakas, at patnubay.
-
Isiping isulat ang Ang Panginoon ay … Sabihin sa inyong mga anak na maghanap ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap na iyon gamit ang mga banal na kasulatan na tulad nito: Mga Awit 23:1; 27:1; 28:1; 28:7; 32:7; 46:1. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo tinutulungan ng Panginoon?
-
Maaari mong talakayin sa iyong mga anak kung ano ang kailangan ng isang batang tupa para maging ligtas at malusog. Pagkatapos, habang binabasa ninyo nang sabay-sabay ang Mga Awit 23, tulungan ang iyong mga anak na ihambing ang ginagawa ng pastol para sa isang batang tupa sa ginagawa ni Jesus para sa atin. Ano ang kailangan natin para maging espirituwal na ligtas at malusog? Sama-samang kantahin ang isang awitin na makapagbibigay sa kanila ng mga ideya, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43).
Concepción Chile Temple
Mga Awit 24:3–4
Para makapasok sa templo, kailangan natin ng “malilinis na kamay at may dalisay na puso.”
-
Habang sama-sama ninyong binabasa ang Mga Awit 24:3 , maaaring maghanap ang iyong mga anak ng mga salitang nagpapaalala sa kanila ng templo. Maaari din nilang tingnan ang isang larawan ng templo. Pagkatapos ay maaari ninyong sabay-sabay na basahin ang talata 4 para malaman kung sino ang maaaring pumasok sa templo. Maaari mong talakayin kung paano nagiging marumi ang mga kamay at kung paano natin ito nililinis. Paano tayo nagiging espirituwal na marumi? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na malinis sa espirituwal?
Mga Awit 30:5
Maaaring gawin ni Jesucristo na kagalakan ang kalungkutan.
-
Kung may maliliit kang anak, maaari mo silang anyayahan na magkunwaring umiiyak habang binabasa mo ang Mga Awit 30:5, “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak.” Pagkatapos ay hilingin sa kanila na magalak habang binabasa mo ang, “Ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.” Ulitin ang pariralang ito nang ilang beses.
-
Magpakita ng larawan ng Tagapagligtas, at sabihin sa iyong mga anak ang tungkol sa mga bagay na ginawa Niya para sa iyo na nagdulot sa iyo ng kagalakan. Maaari mo ring bigyan ng pagkakataon ang bawat anak na hawakan ang larawan at ibahagi ang ginawa ni Jesus na nagdulot sa kanya ng kagalakan.
Mga Awit 46:10
“Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.”
-
Tulungan ang iyong mga anak na isaulo ang unang linya mula sa Mga Awit 46:10: “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.” Ano ang ibig sabihin ng “magsitigil“? Siguro maaari kang mag-ukol ng ilang sandali para praktisin ang pagtigil o pagtahimik. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa ang mga karanasan kung saan ang “pagtigil o pagtahimik” ay nagpalakas sa inyong relasyon sa Diyos. Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga pagkakataon sa maghapon na maaari silang “maging tahimik” para madama na malapit sila sa Ama sa Langit.
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.