“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin 2026
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Pagbabasa ng Tula sa Lumang Tipan
Sa mga aklat ng Genesis hanggang Esther ng Lumang Tipan, karamihan sa mga kuwento na makikita natin—mga salaysay na naglalarawan sa mga makasaysayang pangyayari mula sa espirituwal na pananaw. Gumawa si Noe ng daong o arka, iniligtas ni Moises ang Israel, nanalangin si Ana na magkaroon ng anak na lalaki, at iba pa. Simula kay Job, makikita natin ang ibang istilo ng pagsulat. Sa mga aklat na ito, ang mga manunulat ng Lumang Tipan ay gumamit ng patulang pananalita upang ipahayag ang malalim na damdamin o pinakamahahalagang propesiya sa isang hindi malilimutang paraan.
May nakita na tayong ilang halimbawa ng patulang pananalita na manaka-naka sa buong mga makasaysayang aklat ng Lumang Tipan. Mula sa aklat ni Job hanggang sa matapos ang Lumang Tipan, mas marami pa tayong makikitang ganito. Ang mga aklat ni Job, Mga Awit, at Mga Kawikaan ay halos puro patula, bilang mga bahagi ng mga aklat ng mga propesiya tulad ng Isaias, Jeremias, at Amos. Dahil iba ang pagbabasa ng tula sa pagbabasa ng isang kuwento, ang pag-unawa dito kadalasan ay nangangailangan ng ibang pamamaraan. Narito ang ilang ideya na maaaring makatulong sa iyo na makahanap ng higit pang kahulugan sa tula ng Lumang Tipan.
Pagkakaroon ng Kaalaman sa Tulang Hebreo
Una, maaaring makatulong na malaman mo na ang tula ng Hebreo sa Lumang Tipan ay hindi batay sa ritmo, tulad ng iba pang uri ng tula. Bagama’t ang ritmo, wordplay, at pag-uulit ng mga tunog ay mga karaniwang katangian ng sinaunang tula ng Hebreo, ang mga bagay na ito ay karaniwang nawawala sa pagsasalin. Gayunman, ang isang katangian na mapapansin mo ay ang pag-uulit ng mga kaisipan o ideya, na kung minsan ay tinatawag na “paralelismo.” Narito ang isang simpleng halimbawa mula sa Isaias:
Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion.
Magsuot ka ng iyong magagandang damit, O Jerusalem. (Isaias 52:1)
Ang Mga Awit 29 ay may maraming paralelismo—halimbawa:
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan. (Mga Awit 29:4)
At narito ang isang pagkakataon na mas madaling maunawaan ang talata kapag alam mo na ang pangalawang linya ay parallel sa unang linya:
At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako. (Amos 4:6)
Sa mga halimbawang ito, inulit ng makata ang isang ideya na may bahagyang pagkakaiba. Ang pamamaraang ito ay maaaring magbigay-diin sa inuulit na ideya at gamitin ang mga pagkakaiba para mas lubos na mailarawan o mabuo ito.
Sa ibang pagkakataon, ang dalawang parallel na pangungusap ay gumagamit ng parehong pananalita para ipakita ang magkakaibang ideya, tulad ng sa halimbawang ito:
Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay:
ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang. (Mga Kawikaan 15:1)
Ang uring ito ng paralelismo ay hindi basta nagkataon lamang. Sadya itong ginawa ng mga manunulat. Nakatulong ito sa kanila na ipahayag ang espirituwal na damdamin o katotohanan nang may kapangyarihan at kagandahan. Kaya kapag may nakita kang paralelismo sa nakatala sa Lumang Tipan, tanungin ang iyong sarili kung paano ito tutulong sa iyo na maunawaan ang mensahe ng manunulat. Halimbawa, ano kaya ang gustong sabihin ni Isaias sa pag-uugnay ng “kalakasan” sa “magagandang damit” at ng “Zion” sa “Jerusalem”? (Isaias 52:1). Ano ang masasabi natin tungkol sa pariralang “ang sagot na malumanay” kung alam natin na ang “salitang magaspang” ay ang kabaligtaran nito? (Mga Kawikaan 15:1).
He Restoreth My Soul [Pinanunumbalik Niya ang Aking Kaluluwa], ni Walter Rane
Tulang Hebreo bilang Bagong Kaibigan
May mga taong inihahambing ang pagbabasa ng tula sa pakikipag-usap sa bagong kakilala. Kung gayon, ang pagbabasa ng tula sa Lumang Tipan ay maaaring katulad ng pakikipag-usap sa isang tao mula sa malayong bansa at ibang kultura na nagsasalita ng ibang wika sa atin—at nagkataong mahigit dalawang libong taong gulang. Ang taong ito ay malamang na magsabi ng mga bagay na hindi natin nauunawaan sa una, ngunit hindi ibig sabihin nito na wala siyang mahalagang bagay na sasabihin sa atin. Kailangan lang nating gumugol ng oras na kasama siya, na sinisikap na makita ang mga bagay-bagay mula sa kanyang pananaw. Maaari nating matuklasan sa ating puso na talagang nauunawaan natin ang isa’t isa. At kung magpapakita tayo ng pasensya at habag, ang ating bagong kakilala ay maaari nating maging matalik na kaibigan kalaunan.
Kaya kapag nagbasa ka ng isang talata mula sa Isaias, halimbawa, isipin itong unang pakikipagkita sa isang bagong kakilala. Itanong sa sarili mo, “Ano ang aking impresyon sa kabuuan?” Ano ang nadarama mo sa talatang ito—kahit hindi mo nauunawaan ang bawat salita? Pagkatapos ay basahin itong muli, nang ilang beses hangga’t maaari. Isiping basahin ito nang malakas; may mga taong nakakahanap ng dagdag na kahulugan sa ganitong paraan. Pansinin ang partikular na mga salitang pinili ni Isaias, lalo na ang mga salitang lumilikha ng larawan sa iyong isipan. Ano ang ipinadarama sa iyo ng mga larawang iyon? Ano ang ipinahihiwatig ng mga ito tungkol sa nadarama ni Isaias? Habang lalo mong pinag-aaralan ang mga salita ng mga manunulat na ito sa Lumang Tipan, mas makikita mo na sadyang pinili nila ang kanilang mga salita at pamamaraan para magpahayag ng malalim na espirituwal na mensahe.
Ang mga tula ay maaaring maging kahanga-hangang mga kaibigan dahil tinutulungan tayo nitong maunawaan ang ating damdamin at mga karanasan. Ang mga tula sa Lumang Tipan ay lalong mahalaga, dahil tinutulungan tayo nitong maunawaan ang ating pinakamahahalagang nadarama at karanasan—ang mga bagay na konektado sa relasyon natin sa Diyos.
Habang pinag-aaralan mo ang mga tula sa Lumang Tipan, alalahanin na ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay pinakamahalaga kapag inaakay tayo nito papunta kay Jesucristo. Hanapin ang mga simbolo, paglalarawan, at katotohanang nagpapatatag sa iyong pananampalataya sa Kanya. Makinig sa inspirasyong nagmumula sa Espiritu Santo habang ikaw ay nag-aaral.
Literatura ng Karunungan
Isang kategorya ng tula sa Lumang Tipan ang tinatawag ng mga scholar na “wisdom literature” o literatura ng karunungan. Ang Job, Mga Kawikaan, at Eclesiastes ay nasa ilalim ng kategoryang ito. Habang ang mga awit ay nagpapahayag ng damdamin ng papuri, pagluluksa, at pagsamba, ang literatura ng karunungan ay nakapokus sa walang-kupas na payo o malalim, pilosopikong mga katanungan. Halimbawa, ang aklat ni Job, ay inaalam ang katarungan ng Diyos at ang mga dahilan kung bakit nagdurusa ang tao. Ang Mga Kawikaan ay nagpapayo kung paano mamuhay nang maayos, pati na ang nakolektang matatalinong kasabihan at ipinasa-pasa mula sa naunang mga henerasyon. At ang Eclesiastes ay nagtatanong tungkol sa layunin ng buhay mismo—kapag ang lahat ay tila panandalian at walang katiyakan, saan ba natin makikita ang tunay na kahulugan? Maaari mong isipin ang literatura ng karunungan bilang pinag-isipang mga talakayan na may kasamang mga inspiradong tagapagturo na gustong magbahagi ng nalalaman nila tungkol sa Diyos at sa mundong Kanyang nilikha—at siguro ay tinutulungan kang maunawaan ang mga bagay na ito nang mas mabuti kaysa dati.