“Agosto 10–16. ‘Ako’y Aasa Pa Rin sa Kanya’: Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Agosto 10–16. ‘Ako’y Aasa Pa Rin sa Kanya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
The Judgments of Job [Ang mga Paghatol kay Job], ni Joseph Brickey
Agosto 10–16: “Ako’y Aasa Pa Rin sa Kanya”
Job 1–3; 12–14; 19; 21–24; 38–40; 42
Natural lang na isipin kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao—o, isipin din kung bakit nangyayari ang mabubuting bagay sa masasamang tao. Bakit pinapayagan ng Diyos, na makatarungan, na mangyari iyan? Ang aklat ni Job ay nagsusuri ng mga tanong na tulad nito. Si Job ay isa sa mabubuting tao na maraming masasamang bagay ang nangyari sa buhay. Dahil sa mga pagsubok ni Job, inisip ng kanyang mga kaibigan kung talaga bang mabuting tao siya. Ipinahayag ni Job ang kanyang sariling kabutihan at inisip niya kung talaga bang makatwiran ang Diyos. Ngunit sa kabila ng kanyang pagdurusa at pag-iisip, pinanatili ni Job ang kanyang integridad at pananampalataya kay Jesucristo. Sa aklat ni Job, ang pananampalataya ay sinuri at sinubukan ngunit hindi kailanman lubusang tinalikuran. Hindi ibig sabihin niyan na lahat ng tanong ay nasasagot. Ngunit itinuturo ng aklat ni Job na hangga’t hindi nasasagot ang mga ito, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng mga tanong habang nananampalataya. At anuman ang mangyari sa ngayon, masasabi natin tungkol sa ating Panginoon, “Ako’y aasa pa rin sa Kanya” (Job 13:15).
Para sa buod ng aklat ni Job, tingnan sa “Job” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Job 1–3; 12–13
Magtitiwala ako sa Diyos sa lahat ng kalagayan.
Ang mga pambungad na kabanata ng Job ay nagbibigay-diin, sa matalinghagang paraan, sa papel ni Satanas bilang ating kaaway o tagapagparatang; ang mga ito ay hindi naglalarawan ng aktuwal na pag-uusap ng Diyos at ni Satanas. Habang binabasa mo ang sinabi ni Satanas tungkol kay Job (tingnan sa Job 1:9–11; 2:4–5), maaari mong itanong sa iyong sarili, “Bakit ako nananatiling tapat sa Diyos?” Bakit magiging mapanganib na sundin ang Panginoon ayon lang sa dahilang iminungkahi ni Satanas?
Ano ang nagpahanga sa iyo tungkol sa mga tugon ni Job sa kanyang mga pagsubok? (tingnan sa Job 1:20–22; 2:9–10).
Sinabi ng mga kaibigan ni Job na pinarurusahan siya ng Diyos (tingnan sa Job 4–5; 8; 11). Anong mga problema ang nakikita mo sa ideyang ito? Basahin ang sagot ni Job sa kabanata 12–13. Ano ang alam ni Job tungkol sa Diyos na nakatulong sa kanya na patuloy na magtiwala? Ano ang alam mo tungkol sa Diyos na tumutulong sa iyo sa pagharap sa mga hamon?
Job 19
Si Jesucristo ang aking Manunubos.
Kung minsan natututuhan natin ang pinakamahahalagang katotohanan sa pinakamahirap na sandali ng ating buhay. Pag-isipan ang mga pagsubok ni Job na inilarawan sa Job 19:1–22 at ang mga katotohanang ipinahayag niya sa talata 23–27. Paano mo nalaman na buhay ang iyong Manunubos? Ano ang kaibhang magagawa ng kaalamang ito sa buhay mo?
Sama-samang awitin o pakinggan ang isang himno tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Anong mga salita mula sa himnong ito ang nagpapahayag ng iyong nadarama tungkol sa Kanya?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:1–12; 122.
Job 21–24
“Kapag ako’y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.”
Sa Job 21–24, mababasa mo ang pag-uusap ni Job at ng kanyang mga kaibigan. Ang sentro ng pag-uusap na ito ay ang tanong ng maraming tao: Bakit ang mabubuting tao ay nagdurusa kung minsan?
Bagama’t hindi natin alam ang lahat ng sagot, sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, mayroon tayong ilang katotohanan na makatutulong sa atin na maunawaan ang paghihirap at pagdurusa. Nasa ibaba ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw na naglalaman ng ilan sa mga katotohanang ito. Ano ang itinuturo sa iyo ng mga banal na kasulatang ito tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano?
Maaari mo ring basahin ang mga turo ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa paghihirap sa “Trahedya o Tadhana?” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2011], 13–25).
Batay sa napag-aralan mo, paano mo masasagot ang tanong na tulad ng “Bakit tinutulutan ng Diyos na magdusa ang mabubuting tao?”
Calm and Stars [Payapa at mga Bituin], ni Yongsung Kim. Larawan sa kagandahang-loob ng havenlight.com
Job 38–40; 42
Ang pananaw ng Diyos ay mas mataas kaysa sa aking pananaw.
Nalungkot sa mga paratang ng kanyang mga kaibigan (tingnan sa Job 16:1–5; 19:1–3), paulit-ulit na tinanong ni Job ang Diyos kung bakit kailangan niyang magdusa nang husto (tingnan sa Job 19:6–7; 23:1–9; 31). Hindi nagbigay ng malinaw na dahilan ang Panginoon sa aklat ni Job. Ngunit itinuro Niya ang isang mahalagang mensahe sa kabanata 38–40. Paano mo ibubuod ang mensaheng iyon? Halimbawa, ano ang natutuhan mo mula sa mga tanong ng Panginoon sa Job 38:1–7, 18–24?
Mapapansin mo na kinausap ng Panginoon si Job tungkol sa ilan sa Kanyang mga nilikha at iba pang makapangyarihang mga gawa (tingnan sa Job 38–39). Maaari mong tingnan ang ilan sa mga nilikha na iyon (o ang mga larawan ng mga ito). Paano nakatulong ang mga bagay na ito sa iyo na mag-isip nang iba tungkol sa Diyos? tungkol sa mga pagsubok mo? Paano binago ng mga ito ang pananaw ni Job? (tingnan sa Job 42:1–6; tingnan din sa Moises 1:8–10).
Narito ang dalawang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na makatutulong sa pagbabago ng ating pananaw: Tamara W. Runia, “Pagtingin sa Pamilya ng Diyos Ayon sa Kanyang Pananaw” (Liahona, Nob. 2023, 62–69); Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!” (Liahona, Nob. 2023, 117–20). Sa alinman sa mensahe, maghanap ng isang bagay na gusto mong maalala kapag nagkaroon ka sa susunod ng mga pagsubok na tila napakahirap. Paano mo ipapaalala sa iyong sarili ang natutuhan mo?
Maging malikhain. Ang pag-aaral ay hindi lamang binubuo ng pagbabasa, pag-iisip, at pagsasalita. Kung minsan, ang pinaka-hindi malilimutang pagkatuto ay dumarating sa mga pisikal na aktibong paraan. Halimbawa, kapag nabasa mo kung paano binago ng Panginoon ang pananaw ni Job sa Job 38–40, maaari kang maglakad-lakad at tingnan ang ilan sa mga nilikha ng Panginoon, malaki man o maliit. O maaari mong tingnan ang isang bagay mula sa ibang pananaw—mula sa itaas, sa ibaba, sa malapitan, sa malayo, at iba pa.
Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Job 1–2; 12; 19
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay tutulong sa akin sa mahihirap na panahon.
-
Hikayatin ang iyong mga anak na sabihin sa iyo kung ano ang nalalaman nila tungkol kay Job. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mo silang ituro sa Job 1:1, 13–22; 2:7–10 o sa “Si Job” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan, 145–47). Paano tumugon si Job sa mga hamon? (tingnan sa Job 1:21; 2:10).
1:55Job
-
Naging tapat si Job sa kabila ng mga pagsubok dahil sa alam niya tungkol sa Panginoon. Siguro ay maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang mga larawan ni Jesucristo na nakikipag-usap sa iba (tulad ng nasa ibaba o mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo). Pag-usapan ang nalalaman mo tungkol sa Kanya at kung ano ang katangian Niya. Narito ang ilang talata na nagpapakita ng alam ni Job tungkol sa Panginoon: Job 12:10, 13, 16; 19:25–27. Bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Kanya?
He Healed Them All [Pinagaling Niya Silang Lahat], ni Michael Malm
Job 14:14
Dahil kay Jesucristo, muli akong mabubuhay pagkatapos akong mamatay.
-
Nagtanong si Job ng isang mahalagang tanong sa Job 14:14. Siguro ay maaari kayong magsalitan ng inyong mga anak sa pagbabahagi kung paano ninyo sasagutin si Job. Maaari kang maghanap ng mga ideya sa Alma 11:42–44, sa video na “In a Coming Day” (Gospel Library), o sa isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45).
#BECAUSEofHIM: An Easter Message of Hope and Triumph
Job 16:1–5; 22:5
Pinasisigla at hinihikayat ng mabubuting kaibigan ang isa’t isa.
-
Nang malungkot si Job, sinabi ng mga kaibigan niya na pinarurusahan siya ng Diyos dahil nagkasala siya (tingnan sa Job 22:5). Kung tayo ang mga kaibigan ni Job, paano natin siya sisikaping tulungan? Paano matutulungan ng mga salita natin ang iba kapag sila ay nalulungkot? (tingnan sa Job 16:5). Isiping ipakita ang isa o mahigit pang mga larawan sa outline na ito habang tinatalakay mo ang mga tanong na ito.
-
Isiping sabihin sa iyong mga anak na maglista ng ilang katangian ng isang mabuting kaibigan at magbanggit ng pangalan ng isang kaibigan na may ganitong mga katangian. Pagkatapos ay maaari mong tingnan ang isang larawan ni Jesucristo. Sa anong mga paraan isang mabuting kaibigan si Jesus sa bawat isa sa atin? Maaari mong isipin ang isang taong dumaranas ng hirap. Planuhin kung paano ka magiging kaibigan na katulad ni Cristo sa kanila.
Job 19:23–27
Si Jesucristo ang aking Manunubos.
-
Matapos basahin ang Job 19:23–27, maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung paano ninyo nalaman na buhay ang ating Manunubos. Maaari kayong magtulungan na ilagay ang inyong patotoo (o mga drowing tungkol sa Tagapagligtas) sa isang aklat (tingnan sa talata 23).
-
Maaari din kayong kumanta ng isang awitin na nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Magbahagi ng mga parirala mula sa himno na nagpalakas sa iyong pananampalataya sa Kanya. Bakit mahalagang malaman na buhay si Jesucristo?
Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.