Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 7–13. “Itutuwid Niya ang Iyong mga Landasin”: Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12


“Setyembre 7–13. ‘Itutuwid Niya ang Iyong mga Landasin’: Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Setyembre 7–13. ‘Itutuwid Niya ang Iyong mga Landasin’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

si Jesus kasama ang mga bata

Jesus with Children [Si Jesus Kasama ang mga Bata], ni Dilleen Marsh

Setyembre 7–13: “Itutuwid Niya ang Iyong mga Landasin”

Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12

Maaari mong isipin na ang aklat ng Mga Kawikaan ay isang koleksyon ng matalinong payo mula sa mapagmahal na mga magulang (tingnan sa Mga Kawikaan 1:8). Ang pangunahing mensahe nito ay kung hahanapin mo ang karunungan—lalo na ang karunungan ng Diyos—ang buhay ay magiging maayos. Ngunit ang Mga Kawikaan ay sinusundan ng aklat ng Eclesiastes, na tila nagsasabing, “Hindi iyan ganoon kasimple.” Ang Mangangaral na binanggit sa Eclesiastes ay nagsabing “ginamit [niya ang kanyang isipan] upang alamin ang karunungan” ngunit natagpuan pa rin ay “pakikipaghabulan sa hangin” at “maraming kalungkutan” (Eclesiastes 1:17–18). Sa iba’t ibang paraan, itinatanong ng aklat, “Magkakaroon ba ng tunay na kahulugan sa isang mundo kung saan ang lahat ay tila walang kabuluhan, pansamantala, at walang katiyakan?”

Subalit, kahit na ang dalawang aklat ay tumitingin sa buhay mula sa magkaibang pananaw, parehong katotohanan ang itinuturo ng mga ito. Sabi sa Eclesiastes: “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig. Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao” (Eclesiastes 12:13). Ito rin ang alituntuning matatagpuan sa buong aklat ng Mga Kawikaan: “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala” (Mga Kawikaan 3:5; tingnan din sa talata 7). Ang buhay ay laging mas maganda—kung hindi man laging perpekto—kapag nagtitiwala at sumusunod tayo sa Panginoong Jesucristo.

Para sa buod ng mga aklat na ito, tingnan sa “Kawikaan” at “Eclesiastes” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Mga Kawikaan 1–4; 15–16; Eclesiastes 1–3; 11–12

“Ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig.”

Ang aklat ng Mga Kawikaan at Eclesiastes ay puno ng mga ideya tungkol sa karunungan. Isiping markahan ang salitang “karunungan” at ang kaugnay na mga salita, gaya ng “kaalaman” at “unawa, kaunawaan, pang-unawa,” kapag nakita mo ang mga ito sa Mga Kawikaan 1–4; 15–16; Eclesiastes 1–3; 11–12. Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pag-iisip mo tungkol sa karunungan? Batay sa napag-alaman mo, paano mo ilalarawan ang karunungang “[ibinibigay ng] Panginoon”? (Mga Kawikaan 2:6). Ano ang mga pagpapalang nagmumula sa karunungan ng Diyos?

Tingnan din sa Mateo 7:24–27; 25:1–13.

Tulungan ang mag-aaral na ibahagi ang natutuhan nila. “Bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na maipamuhay ang mga katotohanang itinuro sa kanila at maipahayag ang mga ito. Tutulungan din sila nitong magkaroon ng tiwala sa kanilang kakayahang ibahagi ang mga katotohanan sa iba pang sitwasyon” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas26). Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga mag-aaral na isulat ang ilang reperensya mula sa Mga Kawikaan o Eclesiastes kung saan nakakita sila ng mga kaalaman tungkol sa karunungan ng Diyos. Pagkatapos ay anyayahan ang mga mag-aaral na talakayin ang nalaman nila.

Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 3:7; 15:33; 16:6; 31:30; Eclesiastes 12:13

“Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon.”

Ang isa pang tema na matatagpuan sa Mga Kawikaan at Eclesiastes ay ang “[takot] sa Panginoon.” Pansinin ang pariralang ito habang nagbabasa ka. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng matakot sa Panginoon? Maghanap ng mga ideya sa mensahe ni Elder David A. Bednar na ““Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot” (Liahona, May 2015, 46–49). Paano naiiba ang takot sa Panginoon sa iba pang uri ng takot?

Tingnan din sa Mga Kawikaan 8:13.

Mga Kawikaan 3:5–74

icon ng seminary
“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala.”

Paano mo susubukang hikayatin ang isang tao na mas mabuting “sa Panginoon magtiwala” kaysa “manalig sa [ating] sarili[ng] pang-unawa”? (Mga Kawikaan 3:5). Anong mga paghahambing o object lesson ang gagamitin mo? Habang pinagninilayan mo ang Mga Kawikaan 3:5–7, mag-isip ng mga paraan na makukumpleto mo ang mga pangungusap na tulad nito: Ang pagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng … Ang pananalig sa ating sariling pang-unawa ay tulad ng …

Bakit hindi karunungan na manalig sa sarili nating pang-unawa? Paano mo natuklasan na mapagkakatiwalaan ang Panginoon?

Gayunpaman, maaaring mahirapan tayong magtiwala sa Panginoon kung minsan. Bakit kaya? Nagmungkahi si Elder Gerrit W. Gong ng ilang dahilan, pati ng makatutulong na payo, sa “Muling Magtiwala” (Liahona, Nob. 2021, 97–99). Anong mga kuwento o turo ang makikita mo sa mensaheng ito na maaaring makatulong sa isang tao na muling magtiwala sa Panginoon?

Kapwa inihahambing ng Mga Kawikaan 3:6 at Mga Kawikaan 4 ang buhay sa isang “landasin” o “daan.” Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng hayaan ang Panginoon na “[ituwid] ang iyong mga landasin”? (Mga Kawikaan 3:6). Ano ang mahahanap mo sa kabanata 4 na tumutulong sa iyo na “landas ng iyong mga paa ay iyong tuwirin”? (talata 26). Halimbawa, ano ang itinuturo ng talata 11–12 at 18–19 tungkol sa mga pagpapala ng pagtahak sa tamang landasin? Ano ang kahulugan sa iyo ng talata 26–27?

Tingnan din sa 2 Nephi 31:18–21; “Panginoon, Kayo’y Laging Susundin,” Mga Himno, blg. 164.

Mga Kawikaan 15; 16:24–32

“Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay.”

Ang ilan sa mga ideya sa Mga Kawikaan 15–16 ay maaaring magbigay sa iyo ng inspirasyon na pagbutihin pa ang pakikipag-ugnayan mo sa iba, lalo na sa mga mahal sa buhay. Halimbawa, isipin ang mga partikular na pagkakataon na ang “malumanay na sagot” ay nakatulong upang “[mapawi ang] poot” (Mga Kawikaan 15:1).

Maaari mo ring isipin ang mga pagkakataon na ipinakita ng Tagapagligtas ang mga turo sa Mga Kawikaan 15:1–4, 18 (tingnan sa Marcos 12:13–17; Juan 8:1–11). Paano mo matutularan ang Kanyang halimbawa kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba?

Paano maaaring maiangkop ang payo sa Mga Kawikaan 15; 16:24–32 sa digital na pakikipag-usap sa panahon ngayon? Tingnan kung may makikita kang talata sa mga kabanatang ito na maaari mong gawing payo tungkol sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng social media o pagte-text.

Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Pagsunod kay Jesus: Pagiging Isang Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2022, 17–20; Ronald A. Rasband, “Mahalaga ang mga Salita,” Liahona, Mayo 2024, 70–77; Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022), 11–12.

isang babae at mga seagull

Who Can Find a Virtuous Woman? [Sinong Makatatagpo ng Isang Butihing Babae?] II, ni Louise Parker

Mga Kawikaan 31:10–31

“Ang babaing natatakot sa Panginoon ay papupurihan.”

Inilalarawan ng Mga Kawikaan 31:10–31 ang “isang butihing babae,” o isang babae na may espirituwal na lakas, kakayahan, at impluwensya. Maaari mong subukang ibuod sa sarili mong mga salita ang sinasabi ng bawat isa sa mga talatang ito tungkol sa butihing mga babae. Alin sa mga katangiang ito ang maaari mong tularan?

Eclesiastes 1–312

Ang mortal na buhay ay pansamantala lamang.

Bakit mahalagang tandaan mo na marami sa mundong ito, ayon sa Eclesiastes 1–2, ay “walang kabuluhan” (o pansamantala lamang at madalas na hindi mahalaga)? Ano ang nakita mo sa Eclesiastes 12 na nagbibigay ng walang-hanggang kahalagahan sa buhay?

Para sa iba pa, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

icon ng bahagi para sa mga bata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 15:33; 16:6; Eclesiastes 12:13

Ang ibig sabihin ng “matakot ka sa Diyos” ay mahalin at sundin Siya.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na maunawaan ang mga talata tungkol sa takot sa Diyos, maaari mong palitan ang salitang “matakot” ng mga salitang tulad ng pagpipitagan, pagmamahal, o pagsunod (tingnan din sa Mga Hebreo 12:28). Paano nito naaapektuhan ang paraan ng ating pag-iisip tungkol sa mga talatang ito? Paano natin maipakikita na may takot tayo sa Panginoon?

Mga Kawikaan 3:5–7

Maaari akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso.

  • Maaari kayong mag-imbento ng iyong mga anak ng mga aksiyon na naaayon sa Mga Kawikaan 3:5–7, tulad ng paggawa ng puso gamit ang inyong mga kamay, pagsandig sa isang gilid, paglalakad sa lugar, at pagtuturo sa inyong mga mata. Paano natin maipakikita na nagtitiwala tayo kay Jesucristo nang ating buong puso?

  • Para ipakita ang ibig sabihin ng “huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa” (Mga Kawikaan 3:5), isiping anyayahan ang iyong mga anak na sumandal sa isang bagay na matibay at matatag, tulad ng isang pader. Pagkatapos ay maaari nilang subukang sumandal sa isang bagay na hindi matibay, tulad ng walis. O maaari nilang subukang isandal ang patpat o lapis sa mga bagay na iba-iba ang tibay, tulad ng aklat o papel. Bakit mahalagang “sa Panginoon ay … magtiwala” (talata 5) at hindi sa ating “sarili[ng] pang-unawa”?

isang babaeng malungkot na may bulaklak

Pagkatutong Magtiwala sa Panginoon, ni Kathleen Peterson

Mga Kawikaan 15:1, 18

Kaya kong gumamit ng mabubuting salita.

  • Marahil ay makakaisip kayo ng mga anak mo ng mga sitwasyon kung kailan maaari kayong makaramdam ng galit. Basahin nang sabay-sabay ang Mga Kawikaan 15:1, at tulungan ang iyong mga anak na gamitin ang talatang ito sa mga sitwasyong naisip nila. Siguro ay maaari nilang sanayin ang ilang “sagot na malumanay.” Isang awit tungkol sa kabaitan, tulad ng “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102–03), ay makapagpapatibay sa alituntuning ito.

  • Para matutuhan kung ano ang ibig sabihin ng “makupad sa galit” (Mga Kawikaan 15:18), maaari kayong magbahagi sa isa’t isa ng isang pagkakataon kung saan kayo (o ang isang kilala ninyo) ay nagalit pero pinili ninyong maging mabait. Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na maaaring mabilis na magawa natin kung tayo ay “makupad sa galit.” Halimbawa, maaari tayong mabilis na mag-isip tungkol kay Jesus, humingi ng tulong sa Ama sa Langit, mag-isip ng awit sa Primary, o, kung posible, lumayo.

Para sa iba pa, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jesus na inaakay ang dalawang tupa

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin” (Mga Kawikaan 3:6). He Leadeth Me [Inaakay Niya Ako], ni Yongsung Kim. Larawan sa kagandahang-loob ng havenlight.com

Pahina ng aktibidad para sa Primary: Kaya kong gumamit ng mabubuting salita